Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 7

Republic of the Philippines

BICOL UNIVERSITY TABACO CAMPUS


Department of Nursing/ Education/ Social Work
Tabaco City

MODYUL 6
SOSYEDAD AT LITERATURA/ PANITIKANG PANLIPUNAN

Natapos mo nang pag-aralan ang ukol sa


panitikan hinggil sa karapatang pantao. Ngayon
naman, pag-usapan natin ang ukol sa panitikan
hinggil sa mga isyung pangmaggagawa at
pangmagsasaka. Handa ka na ba?

LAYUNIN:

Sa modyul na ito, inaasahang ikaw ay:

 Maipaliliwanag ang mga sanhi at bunga ng mga suliraning panlipunan sa


pamamagitan ng makabuluhang akdang pampanitikan tuon sa mga isyung
pangmanggagawa at pangmagsasaka;
 Maibubuod ang mahahalagang pangyayari at/o kaisipan sa akdang binasa;
 Mapahahalagahan ang dinamikong ugnayan ng panlipunan, realidad at
panitikan.

INTRODUKSYON

Ang mga isyung pangmanggagawa at pangmagsasaka ay dapat na ituring na mga isyung


Pambansa. Nakasalalay sa mga manggagawa ang pambansang ekonomiya. Nakasalalay naman sa mga
magsasaka ang pambansang agrikultura. Kapwa may ambag ang dalawang sector sa araw- araw na
buhay ng bawat Pilipino. Kung kaya ang ano mang isyung kinakaharap ng bawat isa ay nararapat lang na
maikintal sa kamalayan ng bawat Pilipino.

Sosyedad at Literatura/ Panitikang Panlipunan


Sa isinagawang Labor Force Survey sa Philippine Statistics Authority noong 2018, may 43. 2
milyong katao mula sa 71.0 milyong kabuuang populasyon ng lakas-paggawa ang aktibong nasa estado
ng paggawa. Ang labor force o lakas-paggawang ito ay kumakatawan sa bahagi ng populasyon na may
edad labinlima(15) hanggang limampu’t apat (54)( The World Bank, 2018). Mula 2007 hanggang 2016,
mayroong taunang pagtaas na 2.3% sa bilang ng may trabaho; bumaba ito ng 1.6% noong 2017. Gayon
pa man, noong 2018 nasa 94.6% ang employment rate ng bansa. Sa kabuuang bilang na ito, makikita sa
talahanayan ang distribusyon ng paggawa base sa iba’t ibang sector.

Taon Agrikultura Industriya Serbisyo


2018 25.0 18.9 56.1
2017 25.4 18.3 56.3
2007 35.1 15.3 49.6
1997 40.8 16.7 42.5
Mula sa Labor Force Survey Data, PSA

Sa datos na ito, makikita ang patuloy na pagbaba ng paggawa sa sektor ng agrikultura at ang
pagtaas naman sa sektor ng serbisyo. Sa pagtataya, nasa lima (5) sa bawat sampung (10) Pilipino ang
nagtatrabaho sa sector ng serbisyo. Ang sector na ito rin ang may pinakamalaking ambag sa
domestikong ekonomiya ng bansa. Ang pagbagsak ng bilang ng lakas paggawa sa agrikultura ay
nagpababa din sa ambag ng sektor na ito sa ekonomiya. Sa katunayan , noong 2015, nasa 9.5% ang
ambag nito sa ekonomiya ng bansa, ngunit bumaba ito sa 8.4% noong 2016. Gayon din ang kaso sa
manupaktura na halos walang paggalaw sa kontribusyon na 23.2 % noong 2015 at 22.8% noong 2016
(dela cruz, 2018). Kung gayon, nakatuon ang paglago sa sector ng serbisyo. Tila ito ang patuloy na
direksyon ng bansa at napapawalang-halaga ang mga sector na inaasahang maghahatid ng tunay na
kaunlaran sa bayan- ang sector ng agrikultura at industriya. Lalo pang aasahan ito sa implementasyon ng
K-12 na edukasyon na tinatayang mas mabilisang makapagprodyus ng murang lakas-paggawa upang
isuplay hindi lamang sa local na pangangailangan kung hindi para sa pangangailangan ng malalaking
bansa tulad ng Estados Unidos, Canada, mga bansa sa Gitnang Silangan at maging sa Kalakhang Asya.

Sa masusing pag-aaral ng World Bank at ng Australian AID, tinalakay ni Rutkowski (2015) sa


kanyang Employment and Poverty in the Philippines ang kalagayan ng paggawa ng bansa at ang relasyon
nito sa kahirapan. Sa ulat na ito, nabanggit ang dalawang namamayaning kategorya ng trabaho sa
Pilipinas - ang bad jobs at good jobs. Ang bad jobs ay tumutukoy sa mga impormal at may mababang
pasahod na trabaho. Mababa ang pasahod sa kasong mas mababa sa 2/3 ng karaniwang pasahod at
napakababa naman kung ito ay nasa 50% ng karaniwang sahod o median wage. Ang mga ito rin ay di
sakop ng labor regulations. Kabilang sa mga ito ang mga trabahong kaswal, pakyawan at mga
involuntary part-time. Samantala, ang good jobs naman ay mga trabahong pormal at may magandang
pasahod. Masasabing pormal ang isang trabaho kung natutugunan nito ang dalawa sa tatlong
pamantayan: (1) may nakasulat na kontrata ng empleyo, (2) may sigurong-panlipunan o social insurance
mula sa employer at (3) may proteksyon sa arbitraryong pagkatanggal sa trabaho.Di tulad ng mga bad
jobs na may mataas na risk ng kahirapan, mababa ang panganib ng kahirapan sa mga trabahong nasa
kategoryang ito.

Isa pa sa nakababahalang datos sa ulat ang natuklasang mataas na porsyento ng kabataang


Filipino ay NEET o Not in Education, Employment and Training.

Sosyedad at Literatura/ Panitikang Panlipunan


Sa may edad na labinlima (15) hanggang dalawampu’t apat (24), 14% lamang sa NEET ang aktibong
naghahanap ng trabaho. Marahil bunsod ito ng kawalan ng oportunidad lalo na at marami sa mga
kabataan ay kulang din sa edukasyon at kakayahang teknikal. Maliban pa rito, natuklasan din ang mga
sumusunod:

1. Mataas ang inekwalidad o di pagkakapantay ng kita sa Pilipinas kumpara sa


internasyonal na istandard;
2. Mahirap ang mga tao sa Pilipinas hindi dahil hindi sila nagtatrabaho kung hindi dahil
maliit ang kanilang kinikita;
3. Karamihan sa mga mahihirap na manggagawa ay mga sahurang (non-wage)
mangagagawa;
4. Mas mababa ang panganib na maghirap ang mga manggagawang may mataas na pinag-
aralan;
5. Mas mababa ang poverty incidence sa mga babaeng mangagagawa kumpara sa mga
kalalakihan;
6. Mas maiksi ang oras ng trabaho ng mga mahihirap dahil sa kawalan ng oportunidad na
magkaroon ng mga regular na trabaho; at
7. Minorya lamang sa mga mahihirap na manggagawa ang tumatanggap ng minimum na
sahod.

Ipinakikita ng kalagayang ito ng mga manggagawa sa Pilipinas, lalo na ng mga mahihirap na


manggagawa, na ang problematiko ang kasalukuyang paggawa sa Pilipinas. Marami namang
mga batas ang nagbabalatkayong pumoprotekta sa kapakanan ng mga manggagawa, ngunit sa
katotohanan ay nagiging instrumento pa ang mga ito sa lalong pang-aabuso sa mga
manggagawa. Halimbawa, ang pagsasabatas sa RA No. 6727 o Wage Rationalization Act noong
1989 sa panahon ni Corazon Aquino ay nagbigay daan upang mabuo ang RTWPs o Regional
Tripartite Wages and Productivity Boards sa mga rehiyon. Ito rin ang nagbigay daan sa mga
mekanismong kontra-manggagawa. Dahil hindi rin nakaangkla sa isang national wage standard
ang minimum wage ng mga rehiyon kung hindi sa kondisyong ekonomiko sa mga rehiyong ito,
napapako sa napakababang minimum ang sahod ng mga manggagawa sa mga rehiyon. Bunsod
ito ng pagiging market-biased ng mga institusyon na siyang lalong nagpapalala sa kalagayan ng
mga manggagawa (Naguit, 2017). Nasa ibaba na talahanayan ang inilabas ng National Wages
and Productivity Commission na Current Real Minimum Wage batay sa September 2019
Consumer Price Index.

Agriculture
Region Non- Agriculture Plantation Non- Plantation
NCR 455.O8 423.73 423.73
CAR 268.01 268.01 268.01
I 284.52 246.86 235.98
II 295.81 279.38 279.38
III 334.73 309.62 296.23
IV-A 337.27 311.97 300.17
IV-B 259.74 259.74 259.74
V 255.35 255.35 255.35

Sosyedad at Literatura/ Panitikang Panlipunan


VI 297.47 240.42 240.42
VII 311.29 296.77 296.77
VIII 252.40 228.37 228.37
IX 255.66 245.15 245.15
X 291.30 281.72 281.72
XI 325.66 321.55 321.55
XII 250.00 233.12 233.12
CARAGA 268.01 268.01 268.01
ARMM 219.44 211.60 211.60
Mula sa NWPC/RTWPBs at PSA- Consumer Price Index (CPI)

Patuloy naman ang pakikibaka ng mga labor union o mga grupong pangmanggagawa
para igiit ang higit na makatarungang pasahod sa mga manggagawa. Kasama rin sa mga
hangaring ito na mapabuti ang iba pang aspekto ng paggawa tulad na lamang ng pagpapataas sa
bilang ng may trabaho. Bagaman tumaas ang posyento ng may trabaho, naitala naman ang
mataas na porsyento ng underemployment. Noong 2017, nasa 16.2% ito at lumubo pa ito sa
17.5% noong 2018 (LFS, 2018). Nangangahulugan lamang na ang mataas na porsyento ng may
trabaho ay hindi nangangahulugang isang magandang kalagayan sapagkat may mga kondisyon
pang dapat maisaalang-alang.

Hindi rin nalalayo sa karanasan ng mga manggagawa ang karanasan ng mga magsasaka
at manggagawang bukid sa mga kanayunan. Bukod sa atrasadong sistema ng pagsasaka sa
bansa, pangunahin pa ring suliranin ng mga magsasaka ang kawalan ng sariling lupang sinasaka
at ang hindi pagkontrol sa importasyon ng mga produktong agricultural na kumukompetensya sa
mga local na produkto at nagiging sanhi ng pagkalugi ng mga magsasaka.

Lumalala ang kahirapan sa bansa at kalakhan sa pinakamahirap na bahagi ng populasyon


sa Pilipinas ay matatagpuan sa mga kanayunan. Sa pag-aaral na isinagawa ng Asian
Development Bank (ADB) noong 2014, natuklasang tumaas nang apat na milyon ang bilang ng
naghihirap sa huling sampung taon at kalakhan ng mga pamilyang ito ay nasa bahaging rural.

Sa kabuoan, mahirap at pinagsasamantalahan pa rin ang kalagayan ng mga manggagawa


at magsasaka sa bansa. Pangunahing biktima sila ng kahirapan dahil sa kawalan ng lupa,
kontraktwalisasyon at mababang pasahod.

Buhay na testimonya sa malungkot na


realidad ng lipunang Pilipino ang
susunod na akdang pampanitikan na
iyong mababasa sa susunod na pahina.

Sosyedad at Literatura/ Panitikang Panlipunan


BASAHIN MO…

Ang Magsasaka: Salamin ng Kasipagan at ng Kahirapan


ni Mark Christopher Viuda

“Kung tatamad-tamad ka raw ay baka mahuli at maghirap ka. Paano naman ang ating mga
magsasaka?”

Hindi tamad ang Papa ko. Marami lang masisipag na demonyo at sa sakahan naghahasik ng
lagim.
Sa isang papaunlad pa lamang na bansa tulad ng Pilipinas, kung tatamad-tamad ka raw ay baka
mahuli at maghirap ka.
Sagana sa yaman ang lupa ng Pilipinas. Ang sector ng pagsasaka, pati na ang pamamalakaya, ang
sumusustena sa pagkain ng malaking populasyon ng bansa. Mabubungkal ang katotohanang kung sino
pa ang nagtatanim ng ating makakain ay sila pa ang kadalasang nakabaon sa kahirapan. Gayon pa man,
hindi ako naniniwalang tamad ang mga taong ito kaya sila mahirap. Sabihin nang mahirap lang kami,
ngunit hindi tamad ang Papa ko.
Sa aming munting hapag sa probinsiya, lagi’t laging sumasagi sa aking isipan ang mga salita ni
Papa: Huwag magtitira ng kanin sa plato, sapagkat mahirap magsaka. Kung kaya’t sa bawat pagsubo,
ninanamnam ko ang bawat butyl, dahil hindi lang ito butil na galing sa uhay, handog ito ng marangal na
kamay. Ito ay buhay.
Bilang isang kabataang anak ng magsasaka, namulat ako sa kalagayan nila. Bagaman parehong
nakalubog ang ating mga paa sa marahas na lipunan, sadyang mas maputik ang kanilang nilulubugan,
nilalakaran. Putik na natutubigan ng pawis, ng luha, ng dugo.
Masasabi kong hindi biro ang magsaka- ang yumuko maghapon, ang magbanat ng buto, ang
umasa sa ulan habang natutuyot ang bulsa sa kakapatubig ( mahal na krudo ), habang wala namang
masalok na salapi dahil naipambayad na ang kita sa mga utang, sa ospital noong nagkasakit ang isang
kapamilya at sa paaralan; ang maging tagatanim ng mga kapitalista; ang kinakaya-kayanan lang ng mga
nasa tuktok dahil sa kakayahan nilang kontrolin ang presyo ng mga produktong agrikultural; ang maging
salamin pa rin ng kahirapan.
Kung masaklap na balewalain sila, ano pa kaya ang paslangin sila? Sa Negros Oriental, naglabas
ng magkakahiwalay na search warrant ang mga kinauukulan upang samsamin ang mga illegal umanong
armas sa panig ng mga sinasabing kumunista noon. Magsasaka ang mga sinasabing kumunista.
Pinagbabaril ang 14 na magsasaka kaya sila umani ng bala, hindi ng bigas. Alalahanin din ang mga
karumaldumal na pagpatay sa mga magbubukid dahil sa walang katapusang away sa lupa. Ang marahas
na girian sa Hacienda Luisita.
Minsan, buhay ang kapalit ng pagbubungkal ng lupa. O kung minsan, kultura. Upang makatakas
sa pag-a-ala-kugon ng Maynila, napagpasiyahan kong bumiyahe nang maaga pauwi sa probinsiya noong
Huwebes Santo. Ngunit naabutan pa rin ako ng pagputok ng umaga bago nakasakay, dahil sa ragasa ng
mga pasahero sa Cubao na biyaheng Lingayen at Dagupan. Ang mga nabanggit ay ilan sa mga ruta na
bumabagtas sa aming bayan sa Tarlac, ang probinsiya kung saan itinatayo ang New Clark City, ang
sinasabing magiging bagong sentro ng kalakaran sa labas ng Maynila at pagdadausan ng Southeast Asian
Games ngayong 2019. “Back-up City” kung ito’y tawagin. Dahil sa mga konstruksiyon, sinasabing

Sosyedad at Literatura/ Panitikang Panlipunan


nanganganib mabura ang mga sakahan at lupain (ancestral lands)- sa kabuoan, kultura at tirahan- ng
mga katutubong Aeta sa mapa ng Capas.
Hindi naman maitatanggi ang mga panganib na dala ng mga land developer sa kabuhayan ng
mga magsasaka, Dahil sa pagconvert nila sa mga lupang sakahan bilang mga komersyal na espasyo at
subdibisyon, nawawalan ng masaganang lupang mapagtatamnan. Saan na lang pupulutin ang mga
obrero o manggagawa sa bukid na umaasa lang sa pakikisaka?
Ngunit hindi pa riyan natatapos ang kalbaryo ng iba pang mga magsasaka.
Sa social media kamakailan, nalitratuhang ipinamumudbod ang mga sobra-sobrang mangga sa
isang bayan sa Ilocos Sur. Kaysa mabulok at patusin pa ng mga kapitalista, minabuting ipamigay na lang
daw ang mga ito. “Mabuti naman”, ang sabi ng ilan sa comment section. Tagtuyot ang sinasabing
dahilan ng pagdami ng suplay ng mangga sa merkado.
Naibalita rin ang pagkalugi ng mga manggugulay sa mga bulubunduking sakahan sa Benguet,
dahil sa oversupply. Naibalita rin ang pagkalugi ng maraming magsisibuyas sa mga sibuyasan sa Nueva
Ecija. Napilitan ang mga magsisibuyas na magbagsak-presyo dahil sa sapilitang pagsasara ng mga
sinasabing cold storage facility doon. Sinasabing lumuluha na raw ang mga magsisibuyas dahil literal na
raw na nakakaiyak ang sibuyas sa Pilipinas- hindi na kailangang gayatin pa para may tumangis. Hindi rin
nalalayo ang naging hinaing ng isang netizen sa social media matapos itong magpost ng larawan ng
sandamakmak na kalabasa na inilako niya sa pinakamurang halaga: 6 pesos per kilo.
Pagdating naman sa pagpapalay, dismayadong-dismayado ang mga maliliit na magsasaka o may-
ari ng mga maliliit na lupang sakahan sa murang presyo ng palay. Sa Nueva Ecija, ang Palabigasan ng
Pilipinas, bumagsak na sa 7 pesos per kilo ang farmgate price (ang presyo ng produkto na direktang
nabibili mula sa producer) ng palay.
Sa nilagdaang Rice Tarification Law, tinatanggal ng batas ang restriksiyon sa importasyon ng
bigas, na inaasahang magpapataas sa suplay ng bigas at magpapababa naman sa presyo nito. Sa batas,
papatawan ng tariff o buwis para sa mga import ang mga angkat na bigas. Ang malilikom na buwis ay
sinasabing para sa kapakanan din ng mga magsasaka.
Ngayong liberalisado na ang local na merkado ng bigas, aarangkada ang pagpasok ng mga
angkat na bigas kung kaya’t sinasabing magkakaroon ng masidhing kompetisyon. Paano na lang ang lokal
na industriya ng bigas? Ang mga local na magsasaka ng bigas? Maaaring malugi ang maliliit na
magsasaka o may -ari ng mga maliliit na lupang sakahan sapagkat mapipilitan silang ipagbili ang kanilang
mga ani nang mas mura. Nangangamba rin ang ilan na baka makapasok sa bansa ang mga bigas na may
mababang kalidad. Kung iisiping maigi, mayaman ang lupa ng Pilipinas, ngunit bakit umaangkat pa rin
tayo ng bigas?
Kahit ngayong madali nang gawin ang mga bagay-bagay, mayroon pa ring paghihirap at pahirap
sa mga magsasaka.

GABAY SA PAGSUSURI

1. Ano- ano ang mga suliranin ng mga magsasakang binanggit sa sanaysay?


2. Makatutulong kaya ang Rice Tarification Law sa mga magsasaka? Bakit?
3. Bakit kaya nasabi ng may-akda na minsan ay buhay o kultura ang kapalit ng pagsasaka?
Patunayan.
4. Naniniwala ka bang tamad ang mga magsasaka kaya sila mahirap? Patunayan.

Sosyedad at Literatura/ Panitikang Panlipunan


5. Anong mensahe ang hatid ng sanaysay na ito?

GAWAIN:

 Batay sa akdang binasa, sumulat ng isang


repleksyong-papel ukol sa pag-aangkat ng
Pilipinas ng mga agrikultural na produkto.

 Bilang consumer, sang-ayon ka ban a dapat


umangkat ang ating bansa ng mga
produktong agrikultural?

 Isulat ang iyong sariling pananaw kaugnay


nito.

Inihanda ni:

LINDA C. BRUTO,M.A.Ed.
Master Teacher I/ Instruktor

Sosyedad at Literatura/ Panitikang Panlipunan

You might also like