Professional Documents
Culture Documents
Satirika Sa Social Media Draft 2
Satirika Sa Social Media Draft 2
Satirika Sa Social Media Draft 2
Ayon kay Huntington (2017), ang media at pulitika ay dalawang entidad na magkaugnay
na kumikilos at nag-iimpluwensiyahan. Ang sistema ng pagpapahayag ng midya ay nalilimitahan
ng mga pulitikal na aktibidad sa gobyerno tulad ng pagtatakda ng mga batas at patakarang
kailangang sundin ng mga mamamahayag at iba pang media networks. Sa kabilang banda, ang
media naman ay naka-aapekto sa sistema ng pamumulitika sapagkat nakaaapekto ang nilalaman
ng mga bagay na kanilang ibinabahagi sa persepsyon at kognisyon ng mga tao.
Isang katangi-tanging halimbawa nito ay ang pag-aaral ni Bartels (1993) tungkol sa mga
epekto ng panonood ng mga balita at iba pang anyo ng pagkakahantad sa broadcast media sa
panahon ng pampanguluhang halalan ng 1980 sa Amerika sa persepsyon at opinyon ng mga tao
tungkol sa kaugalian, istansya’t paniniwala, at kakayahan ng mga kandidato. Sa pag-aaral na ito
napag-alaman na walang konsiderableng pagbabago sa opinyon ng mga mamamayan pagdating sa
mga kandidato sa panahon ng pangangampanya at halalan sapagkat mayroon na silang matayog
na opinyong nabuo sa durasyon ng termino ng nakaraang administrasyon dahil na rin sa mga media
coverages na ipinalabas sa panahong ito.
Sinasabi naman ni Pertierra (2012) sa kanyang aklat na ang dalawang People Power
Revolutions – ang EDSA I noong 1986 ay nakabatay sa sentralidad ng midya. Sa konteksto ng
EDSA I, ang malalimang pagtutuon ng atensiyon ng parehong lokal at internasyonal na press dito
ang siyang naging dahilan kung bakit ito kinonsiderang isang malawakang media event, kahit na
hindi pa umuusbong sa kapanahunang ito ang mga panibagong anyo ng midya. Maski na ang mga
pangyayaring nagbigay-daan sa kahahantungan nito ay nakaugat din sa midya – tulad ng
panghihikayat ni Cardinal Sin sa mga mamamayan sa pamamagitan ng pagpapanawagan sa Radio
Veritas, live broadcast tungkol sa paglalabanan ng mga pwersang makakaliwa at pwersa ng
gobyerno na nag-aagawan sa pagkontrol sa isang istasyon ng telebisyon (Channel 4), pagkakaroon
ng biglaang pagkaputol sa talumpati ni dating Pangulong Marcos kung saan sinasabi niyang hindi
sya bababa sa posisyon.
Kabilang sa mga elementong napalalaganap sa social media sites ay ang mga artikulong
naglalaman ng impormasyong bumabagtas sa iba’t ibang napapanahong paksa, mga posts na
naglalaman ng mga kakaiba o kakatwang bagay-bagay, mga larawang nagbibigay-ideya sa mga
tao tungkol sa mga pangyayaring nagaganap sa lahat ng dako ng mundo, mga litrato o bidyo na
naghahatid ng kaalaman o impormasyon ukol sa iba’t ibang paksa, at iba pa. Ayon kay Lerona
(2016), Ang mga ito ay nakapagbibigay-daan sa mas mayabong na interaksyon sapagkat ang
aksyon na isinasagawa ng mga lumilikha ng mga nasabing elemento ay natatapatan ng reaksyon
mula sa mga nakakikita nito
Bukod pa rito, ang kalikasan ng internet bilang isang daluyan ng palitan ng kuru-kuro at
isang malaking ispero ng impluwensya ay nagbibigay-daan sa pagbabago ng mga nilalaman ng
midya o pityur na naibabahagi sa social media (Bennett et al., 2012), at nangangahulugan na nag-
iiwan ng mga panibagong implikasyon sa pulitikal na ispero (Rainie et al., 2012).
Dahil dito, mahihinuha rin na ang mga user-generated content sa social media ay kabilang
sa mga salik na ito. Isa sa mga anyo ng user-generated content na ito ay ang internet memes na
siya namang tatalakayin sa mga susunod na subseksiyon.
Ang salitang meme ay halaw sa salitang Griyegong ‘mimema’ na ang ibig sabihin ay
imitasyon o panggagaya. Ito ay binibigyang kahulugan bilang isang elemento ng kultura sa anyo
ng ideya, kaugalian, o kaisipang naipapasa ng isang indibidwal sa iba pa sa pamamagitan ng
imitasyon o panggagaya. Ito ay isang terminolohiyang unang ginamit ni Richard Dawkins sa
kanyang aklat na “The Selfish Gene” noong 1976 bilang isang yunit ng kultura na naibabahagi sa
ibang tao. Ang konseptong ito ay naihahalintulad sa konsepto ng mga heneng nasa selula na
naipapasa o namamana ng nasa susunod na henealohikal na desensya at naimpluwensyahan ng
dulog-Darwinian (Chick, 1999).
Higit pa rito, ang meme para kay Dawkins ay nakasandig sa nosyon ng isang replicator-
isang molekulang nagsisilbing isang hulwaran o template na may kakayahang gumawa ng kopya
ng kanyang sarili. Sa papel-pananaliksik ni Diaz (2013), sinasabi na ang pagtagal ng mga
Ayon pa kay Blackmore (1999), sinasabi ni Dawkins na halos lahat na may aspetong
kultural na naipapasa at nananatili hanggang ngayon tulad ng mga awitin at musika, istilo sa
pananamit, pagkilos, at pagsasalita, mga arkitektural na istilo’t disenyo, at mga konsepto’t kaisipan
ay maituturing na mga memes. Bukod pa rito, sinabi rin niya na ang mga tao ay nagsisilbing mga
bukas na lagusan at besikulo ng kultura kung saan yumayabong at dumadaan ang mga memes na
ito tungo sa iba pang mga indibidwal.
Subalit, sa paglaon ng panahon, ang terminolohiyang ito ay nagbago rin sa ilalim ng iba’t
ibang mga manunulat at teorista. Ang mga nagsanga-sangang konsepto ay lumayo mula sa pinaka-
unang depinisyon ng memes na nakabatay mula sa perspektibang Darwinian.
Isa ring interpolasyong naiaangkla rito ay ang pagpasok ng konsepto ng bias sa konteksto
ng pagtanggap at pagkakapasa-pasa ng mga memes sa iba’t ibang mga tao. Maaaring tanggapin
lamang at ipasa ng indibidwal ang yunit ng kultura na kanyang nagustuhan, at maaari rin niyang
iwaksi, kontrahin, at sirain ang meme na hindi niya natitipuhan.
Ang huli ay ang interpretasyon-dulog ni Sperber (1996) sa memes, kung saan sinasabi niya
na ang salitang ito ay kasingkahulugan lamang ng mga tagapagpa-replika ng kultura na may
kaugnayan sa ‘representasyon’. Ang ‘representasyong’ kanyang tinutukoy ay maaaring
nakapasailalim sa klasipikasyong mental- o ang mga bagay na internalisado sa isang indibidwal
tulad ng kanyang mga manerismo at paniniwala- o di naman kaya’y sa klasipikasyong publiko –
ang mga bagay na hindi likas at nasa eksternal ng indibidwal tulad ng mga iskulptura, mga larawan,
at iba pa. Ang ikatlong uri ng ‘representasyon’ ay ang pinagtambal na kahulugan ng mga naunang
klasipikasyon, na tinatawag na ‘representasyong kultural’.
Ginawa ring ispesipiko ni Sperber ang mga paraan ng pagpapasa-pasa nito mula sa
pamamaraang ‘imitasyon’ na orihinal na itinakda ni Dawkins. Ayon sa kanya, maaaring maipasa
ang mga ‘representasyong’ ito sa paraang vertical kung saan ang kultura ay naipapasa mula sa
isang henerasyon tungo sa susunod - katulad ng pagkakapasa ng mga hene mula sa magulang tungo
sa mga anak – at sa paraang horizontal kung saan ang kultura ay lumalawig sa loob ng iisang
populasyon (o henerasyon) – tulad na lamang ng pagkalat ng mga virus sa isang lipunan.
Ang partisipasyong ito ng mga mamamayan sa mga bagong anyo ng midya ay nagbunga
sa pagdami ng user-generated content na makikita sa internet. Ayon kay Shifman (2014), ang
internet memes ay isang anyo ng ng user-generated content na madalas na naglalaman ng mga
nakatutuwang elemento na sinamahan ng nakatatawang kapsyon, at ang kakatwa nitong kalikasan
ang siyang dahilan kung bakit patuloy na tinatangkilik ng mga gumagamit ng social media sites
ang mga ito.
Ayon naman kay Shifman (2014), ang kakatwa, kakaiba, at nakakatuwang kalikasan na
taglay nito, pati na rin ang mga reperensya sa pop culture at nauugnayan o relatable na nilalaman
nito ang nagiging dahilan kung bakit laganap ang pagtangkilik dito ng kabataan na nagbubunga ng
pagiging viral o kalat nito sa social media sites.
Ang internet memes ay hindi makatatayo sa mga sarili nitong mga paa – nangangahulugan
na ito ay hinango mula sa (at may mga ipinahihiwatig sa) mga napag-ugnay-ugnay na interes,
karanasan, kagawian, at kapalagayan na naisasakonteksto sa mga teksto, pangyayari’t phenomena,
artipakto, at iba pa (Davidson, 2012).
Ayon kay Milner (2012), ang internet memes ay ginagamit ng mga tao upang
makapagpahayag ng kanilang damdamin o di naman kaya’y humanap ng ibang mga taong
nakararanas ng kaparehong interpersonal o intapersonal na sitwasyon sa kanilang mga buhay. Ang
implikasyong ito ay mas pinagtibay ng pag-aaral nina Guadagno, Rempala, Murphy, at Okdie
(2013), kung saan sinasabi na ang emosyonal na aspeto ng isang indibidwal ay nagsisilbing isang
mahalagang salik na nakaaapekto sa paggawa, pagla-like o pagse-share ng mga memes na ito.
Sinasabi naman sa pag-aaral ni Knobel at Lankshear (2007) na ang internet memes ay may
kakayahang magbigay-daan sa paglulunsad ng mga pampublikong diskurso at komentaryo dahil
sa retorikal na implikasyon nito, habang ang interpolasyon namang nakuha ni Huntington (2017)
mula sa kanyang pag-aaral ay nagsisilbi rin ang internet memes bilang isang panibagong anyo ng
impormatibong pityur na nakokonsumo ng mga gumagamit ng social media.
Dahil naman sa anonimidad na hatid ng ilang mga pityur sa internet kung kaya’t nagiging
malaya ang mga tao na makapagbahagi ng mga materyal na may nilalamang opensiba o
nakakasakit ng damdamin ng ibang tao (Davidson, 2012). Iniimplika lamang ng kaisipang ito na
ang pagbabahagi ng mga materyal na may mga elemento ng diskriminasyon, seksismo, rasismo,
at iba pang negatibong aplikasyon nito ay hindi naparurusahan
Ayon naman kay Kolawole (2015), malimit ding nagkakaroon ng esensiya ng panlalait ang
ilang mga internet memes kung saan may panunuksong nakabatay sa nilalaman mismo ng meme,
o di naman kaya’y sa litratong pinaglapatan ng meme – na siyang maiuugnay sa anonimidad na
dala ng partisipasyon sa social media (Davidson, 2012). Halimbawa na lamang ng mga memes na
ito sa Pilipinas ay ang pagkukumpara ng crinkles sa mga taong may kayumangging kompleksiyon
na nagpupulbos nang labis [tingnan ang Apendiks A-3], at pagtaguri sa ilang may kalakihan ang
tiyan bilang mga buntis [tingnan ang Apendiks A-4].
May mga pagkakataon din naman kung saan ang mga internet memes ay naglalaman ng
mga elemento ng wordplay o paglalaro at pagpapalit ng mga bahagi ng salita o pangngalan upang
makabuo ng mga nakakatawa ngunit may katuwirang anyo ng salita (Kolawole, 2015). Halimbawa
na lamang nito ay ang pagpapalit ng salitang long mula sa “tipaklong” na ginawang short, na
nagbunga ng salitang “tipakshort”. Ang internet meme na ito ay nilakipan ng larawan ng isang
normal na tipaklong at isang tipaklong na pinaiksi, na siyang mas nakapagbibigay ng ideya sa
likuran ng pagpapakahulugan dito [tingnan ang Apendiks A-5].
Madalas ding umilog ang mga internet memes sa mga paksang may kinalaman sa personal
na buhay ng mga Pilipino, partikular na sa pag-ibig, pag-aaral, at pagtatrabaho. Nasasalamin
naman sa ibang internet memes ang kalikasan ng mga Pilipino – mapasa-kaugalian man, kagawian,
tradisyon, o kakayanan (Calimbo, 2016). Halimbawa na lamang nito ay ang mga internet memes
na nagpapakita ng mga karanasan tulad ng pagbagsak sa isang pagsusulit sa paaralan [tingnan ang
Apendiks A-6], o di naman kaya ay ang paglaganap ng ‘Jose Mari Chan’ memes sa pagpasok ng
10 | S a t i r i k a s a S o c i a l M e d i a
–ber months sa Pilipinas [tingnan ang Apendiks A-7] na sumasalamin sa maaagang paghahanda
ng mga Pilipino para sa kapaskuhan.
Kadalasan ding nauungkat ng mga internet memes ang sosyolohikal na kaligiran ng mga
lumilikha nito. Samakatuwid, maaari ring masalamin ng mga memes na ito ang pulitikal na salik
na kaugnay ng mga nasabing elemento nito. Sa susunod na subseksiyon tatalakayin ang kaligiran
ng political internet memes at mga salik kung bakit nabubuo at napalalaganap ang mga ito,
partikular na sa konteksto ng Pilipinas.
Ayon kay Bauckhage (2011), ang political memes ay mga internet memes na may esensiya
ng aktibismo na naglalayong maghatag ng mga kaisipan o ideolohiyang may pulitikal na
kaugnayan, o di naman kaya’y manira ng reputasyon ng kalaban sa gobyerno.
Sa kabilang banda, sinasabi ni Chandler (2013) na maaaring gamitin ang internet memes
upang tuligsain ang mga naitatag nang “power relations” upang magkaroon ng mas mabuting
representasyon ang mga disenprangkisado, marginalisado, at naaapakang pangkat ng mamamayan.
Sa parehong kaisipan, idinidiin ni Varona (n.d.) na nagagamit ng mga gumagamit ng social media
(mapa-manlilikha, likes, forwarders, o commenters man) ang internet memes upang malayang
mapuna ang mga makakapangyarihan sa gobyerno, at nagsisilbi itong daluyan ng mga hinaing,
reaksyon, at kritisismo ng masang ‘walang boses’ at nagbibigay-daan sa kanilang pakikilahok sa
pampublikong pulitikal na diskurso.
Inilahad naman ni Pertierra (2012) sa kanyang aklat ang tunay na kasalukuyang kalagayan
ng pulitika sa Pilipinas kung saan sinasabi niya na ang rason kung bakit hindi kayang makuha ng
mga pulitiko sa Pilipinas ang respeto’t pagtitiwala mula sa mga mamamayan ay dahil sa pagtingin
ng mga ito sa pulitika bilang instrumento ng pagyaman at pag-angkin ng kapangyarihan. Idiniin
din niya na ang mga netizens ay umaasa sa humor na hatid ng mga political internet memes upang
maibaling na lamang dito ang kanilang pagka-dismaya sa hipokrasya’t kasinungalingan ng mga
nahalal na opisyales sa pamahalaan.
11 | S a t i r i k a s a S o c i a l M e d i a