Kasaysayan ng Sanaysay Mula pa noong panahong sinauna, ang unang lumabas at
siyang pinag-ugatan ng sanaysay ay ang ETHICS na isinulat ni Aristotle at CHARACTERS ni Theoprastus. Ang mga ito ay nagsilbing inspirasyon sa mga sumunod na mananaysay. Ang dalawang materyal na ito ay naglalarawan ng iba’t-ibang katangian ng tao: mabait, mapanlinlang, galante, madaldal, mareklamo, at iba pa. Subalit ang kinilalang unang naglabas ng pormal na sanaysay ay si Michel Eyquem de Montaigne (1533-1593). Siya ang nagpakilala ng salitang ESSAY bilang isang anyong pampanitikan nang pinamagatan niyang ESSAIS ang kalipunan ng mga kaisipan, opinyon, pananaw at damdamin na kanyang isinulat. Lumitaw ito noong 1580 at nagsilbing panimula sa pagpapaunlad ng sanaysay. Bagamat kung ating pagbabatayan ang Banal na Aklat o Bibliya kung saan binubuo ng mga tula at awit, at mga prosa na nasa hugis pasalaysay at sanaysay, masasabing kasintanda na rin ng sanaysay ang panahon kung gayon. Mapapansin din na ang tema ng bibliya ay nasa tonong seryoso o may pagkadidaktiko kung ihahambing sa mga gawa ni Montaigne na magaan lamang. Marami pa ang mga sumunod na mananaysay katulad nila William Hazlitt, Ralph Waldo Emerson, at Bacon. Ang tatlong ito ang siyang huling naimpluwensiyahan ng malaki ni Montaigne ang nagpanumbalik ng pagkaseryoso, didaktiko at pagkamabigat ng sanaysay. Subalit sa mga nagdaang siglo, matapos lumabas ang iba’t-ibang mananaysay, lalo na bago sumapit ang ika-19 siglo, masasabing may apat na naging kapuna-punang katangian ang sanaysay. Ito ay ang: kumbersasyunal, himig-nakikipag-usap, personal, masaya at masiste. Hindi nalalayo sa mga unang isinulat ni Montaigne. Sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas, nagsikap ang mga mananakop, sa tulong ng mga pari na magsulat ng mga sanaysay ukol sa relihiyon at wika na maaring ituro sa mga katutubo. Ilan sa mga ito ay ang Declaracion de losmandamientos de la ley de dios, isang paliwanag ukol sa Sampung Utos at ang Arte y reglas de las lengua tagala na nagsaad ng mga batas sa pagsulat at pagsasalita ng wikang Tagalog. Si Padre Modesto de Castro rin ay nagsulat ng “Colleccion de Semones en Tagalo”, ito ay ay pagsusulatan ng dalawang binibini na sina Urbana at Feliza at ang “Platicas”. Maituturing na unang sanaysay na sinulat ng isang Pilipino ay ang Librong “PagAaralan nang manga Tagalog nang Uicang Castila” ni Tomas Pinpin. Dito ay sunod-sunod nang natuto ang mga tao ng mga prosa, tulad ng apuntes (memoirs) at informes (accounts). Kahit na pangpersonal lang ang mga ito kadalasan, mababasa din dito ang ilang mga isyu sa pulitika, relihiyon at ekonomiya. Sa panahon ng propaganda, dito nangibabaw ang mga naisulat na sanaysay kasabay ang paggamit ng panudyo at parodi. Sa pagsisimula ng Samahang Repormista, nagsimula ang mga manunulat na magsulat ng mga sanaysay na naglalabas ng mga pang-aabuso ng mga mananakop. Ilan sa mga nakilalang manunulat noon ay si Fr. Jose Burgos, Pedro Paterno at Marcelo H. del Pilar. Naging popular na bayaning repormista si Marcelo H. del Pilar dahil sa kanyang akdang sanaysay na “Caiigat Cayo” at “Dasalan at Tocsohan”. Si Jose Rizal ay nagsulat din ng mga sanaysay na naging batayan sa kanyang mga pampubikong pananalita. Sa panahon ding ito lumabas ang La Solidaridad na naglilimbag ng mga sanaysay at artikulo ng mga repormista. Nang nagsimula ang rebolusyon, naiba ang hangarin ng mga manunulat patungo sa pagkakaisa ng mga Pilipino sa paglaban sa mga Kastila. Nagsimulang isulat ang mga salaysay gamit ang mga katutubong wika. Una sa mga ito si Andres Bonifacio, ang lider ng Katipunan, sa kanyang maalab na mga akdang “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog”, “Sa Aking mga Kababayan” at “Katungkulang Gagawin ng mga Anak ng Bayan”. Si Emilio Jacinto ay may sariling koleksyon ng mga sanaysay na pinamagatan niyang “Liwanag at Dilim” at “Kartilya ng Katipunan”. Sa pagdating ng mga Amerikano, nauso ang paggamit ng wikang Ingles bilang wika sa pagsusulat ng mga sanaysay. Madalas itong impormal at sentimental, ngunit ang iba'y nanatili sa pagsusulat tungkol sa kalayaan ng bansa. Nakilala sina Carlos Romulo, Fernando Marang, Maria Paz Mendoza Guanzon at Vicente Hilario. Pagkatapos ng digmaan ng Amerikano laban sa Hapon, marami sa mga naisulat na sanaysay ay ginagamit sa pagsulat ng balita o artikulo sa dyaryo. Nakilala noong panahon na ito sila Nick Joaquin, Kerima Polotan, Gilda Fernando at Renato Constantino. Ang mga sanaysay noon ay mailalarawan sa kanilang kritisismo sa Amerika at ang nasyonalismo na laganap bago ang pagdating ng Martial Law. Sa panahon ng Pangulong Marcos, nasikil ang mga sanaysay na ito at nauso ang mga satirikong pagsusulat o mga sanaysay na personal ang tema. Sa modernong panahon, naging iba-iba na ang tema ng mga sanaysay na lumabas. May mga nakilala sa mga sanaysay na pambalitaan, tulad ng kay Barbara Gonzalez, Ceres Doyo at Jo-Ann Maglipon. Si Cristina Pantoja-Hidalgo naman ay nakilala sa mga sanaysay ukol sa kanyang mga paglalakbay, at sina Doreen Fernandez at Edilberto Alegre ay nagsulat tungkol sa pagkain. Sina Paz Latorena, N.V.M Gonzalez at Ildefonso Santos ay lumipat sa pagsulat sa wikang Filipino. Nauso din ang mga akdang pang-talambuhay at mga sanaysay ukol sa mga kontemporaryong isyu, tulad ng HIV-AIDS. Dahil nagbabagong panahon, umunlad ang pagsulat ng sanaysay bunga na rin ng pagdami ng pwedeng maging paksain. Hindi mananatiling ganoon na lamang kalimitado ang pagsusulat at sulating sanaysay katulad ng sa panahon nila Montaigne, Emerson, Hazlitt, at Bacon. O kaya’y sa pamamaraan nila Padre de Castro, del Pilar, Bonifacio, Rizal, atbp. Susulpot ang maraming anyo ng pagpapahayag tulad ng liham, lathalain sa peryodiko (editoryal), komposisyon sa klase, panunudyo, pananaliksik, pamumuna, at pagpupuri. Sa mga nakaraang dekada, nagging magandang pagkakataon sa mga makabagong mananaysay ang pagkakatatag ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Marami na ang naparangalang mga akda at mananaysay sa bawat taong nagdaan sa kategoryang Filipino-Sanaysay.