Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 5

LYCEUM NORTHWESTER UNIVERSITY

Tapuac District, Dagupan City


INSTITUTE OF GRADUATE AND PROFESSIONAL STUDIES

Name: JOHN MICHAEL S. SALAZAR


Subject: PAMUMUNANG PAMPANITIKAN
Professor: DR. GLORIA PARAGAS
Course: MEd Filipino
______________________________________________________________________

SEMI-FAYNAL NA PAGSUSULIT
Pagsusuri ng Akdang pampanitikan
PANUTO: Pumili ng isang akdang pampanitikan at suriin ito ayon sa nakasaad na
balangkas. Ipasa ang inyong sagot sa aking gmail account.
gloriaparagas12@gmail.com

PAMAGAT: Makapaghihintay ang Amerika (isang DULA)


AWTOR: Dionisio Salazar

I. Ipaliwanag ang pamagat sa isang talata lamang.


Ang dulang Makapaghihintay ang Amerika ni Dionisio Salazar ay dulang
patungkol sa isang amang naghahangad na mangibang bansa upang mabigyan ng
magandang kinabukasan ang kanyang pamilya. Naniniwala kasi ang ama sa nasabing
dula na mas maraming opurtunidad sa ibayong dagat kaysa sa bansang Pilipinas dahil
mas nangingibabaw sa ating bansa ang pamomolitika at korapsyon. Makapaghihintay
ang Amerika ang pamagat ng nasabing dula dahil mapapansing sa dulo ng dula, pinili
ng ama na manatili na lamang sa Pilipinas sapagkat bilang isang doktor, naniniwala
siyang mas kailangan ng kanyang bansa ang kanyang serbisyo.
II. Teoryang Pampanitikan
a. Teoryang Romantisismo
Ang layunin ng teoryang ito ay ipamalas ang iba’t ibang paraan ng tao o
sumasagisag sa tao sa pag-aalay ng kanyang pag-ibig sa kapwa, bansa at mundong
kinalakhan. Ipinakita sa dula ang labis na pag-ibig ni Fidel sa kanyang pamilya dahil
kaya niyang ipagpaliban muna ang pangarap mangibang bansa dahil alam niyang mas
kailangan siya ng kanyang pamilya.
b. Teoryang Realismo
Naniniwala ang teoryang ito na “Higit na mahalaga ang katotohanan kaysa
kagandahan”. Mapapansin naman sa dula na pawang totoong nangyayari sa ating
bansa ang natalakay. Isa na rito ang posisyong inaplayan ni Fidel sa gobyerno na
nabahiran na ng pamomolitika kaya hindi siya ang nakuha. Isa pa ay ang pangingibang
bansa na ang akala ng karamihan ay solusyon ito sa kahirapan.
c. Teoryang Eksistensyalismo
Layunin ng teoryang ito na ipakita na may kalayaan ang tao na pumili o
magdesisyon para sa kanyang sarili. Makikita sa dula ang ginawang desisyon ni Fidel
na hindi na muna tumuloy sa ibang bansa dahil inisip muna ang kapakanan ng kanyang
pamilya at ng bansang kanyang sinilangan.
d. Teoryang Feminismo
Ang layunin naman ng teoryang ito ay ang iangat ang pagtingin ng lipunan sa mga
kababaihan. Mapapansin sa dula na kahit may trabaho na si Fidel ay patuloy pa rin
naghahanap buhay si Ligaya bilang isang dalubguro sa isang unibersidad dahil
naniniwala siya na ang mga kababaihan ay hindi na lamang “pambahay”.
III. Tagpuan/Mga Tagpuan
a. Pook
Ang tagpuan ng nasabing dula ay sa tahanan lamang ng pamilya Cortez sa Maynila.
b. Panahon
Ang panahon ng nasabing dula ay nasa ’80 hanggang ’90 dahil sa mga panahong
ito nauso ang pamomolitika at pagkakaroon ng padrino o backer para makapasok sa
trabaho. Sa mga panahon ding ito nauso ang pangingibang bansa sa pag-aakalang
mas maraming opurtunidad doon.
IV. Mga Tauhan
 Ligaya Abad Cortez – siya ay isang dalubguro sa isang pamantasan. Siya ang
butihing asawa ni Dr. Fidel Cortez at mapagmahal na ina nina Rosa at Boy.
 Dr. Fidel Cortez – siya ay isang doctor sa isang ospital sa Maynila. Siya rin ang
haligi ng tahanan ng pamilya Cortez. Isang amang mapagmahal at gagawin ang
lahat para sa ikagaganda ng buhay ng kanyang pamilya.
 Nora Martha – siya ang ina ni Fidel na minsang naging patnugot ng isang
kawanihan at kasalukuyang pensiyonado na. Isang mapag-arugang lola nina
Rosa at Boy at isang mabuting ina sa mag-asawang Fidel at Ligaya.
 Rosa at Boy – sila ang mga anak nina Fidel at Ligaya. Sa murang edad,
makikita na ang kanilang mga gusto paglaki.

V. Simula
Mayroong dalawang tagpo ang dula na parehong naganap lamang sa loob ng
tirahan ng mga Cortez sa Maynila. Hinihintay ni Ligaya ang kanyang dalawang anak na
sina Rosa at Boy na galing mall upang manood ng sine at ang kanyang bana na si Fidel
na pauwi na galling trabaho. Makalipas ang ilang minutong paghihintay, dumating si
Nora Martha kasama ang dalawang apo. Pinagbihis agad ni Ligaya ang dalawang anak
at nagkwentuhan sila ng kaniyang biyenan. Napag-usapan nila ang iba’t ibang isyu sa
politika gaya ng aklat na The Invisible Government o patungkol sa “pamahalaang hindi
nakikita”.
VI. Saglit na Kasiglahan
Nabanggit din ni Ligaya ang kanyang agam-agam sa plano ni Fidel na
mangibang bansa. Aniya, natatakot daw siyang malayo kay Fidel dahil hindi niya ito
matiis na hindi makita at makapiling sa loob ng tatlong taon o higit pa. Dagdag pa
niya, baka raw si Fidel ay matukso at makalimot gaya na lang ng kanyang kaibigang
si Nenette na ngayon ay nagdadalamhati dahil iniwan ng kanyang asawa. Isa pang
kinatatakot ni Ligaya ay ang lugar na pupuntahan ni Fidel- ang Amerika kung saan
gaya rin daw sa Pilipinas ay mapagkunwari, magulo, walang pagkakaisa, hangal, at
mga uhaw sa kamunduhan. Ngunit pinaalalahanan siya ni Nora Martha na bawat
bansa ay sadyang may kapintasan. Napunta ang usapan nila sa posisyon sa
goberyong inaplayan ni Fidel. Nabanggit ni Ligaya na baka hindi si Fidel ang
makakuha ng posisyon sapagkat bukod sa mabibigat ang kanyang mga kalaban ay
may halo na itong pamomolitika.
VII. Suliranin
Maya’t maya pa ay dumating na rin ang kanilang hinihintay na si Fidel. Agad na
nagmano ang dalawang bata at nagpunta ang mag-asawa sa kanilang salas. Sinabi ni
Fidel na mayroon ng nakuha sa posisyong kaniyang inaplayan at hindi siya iyon. Labis
na nalungkot ang kanyang asawa. Dagdag pa ni Fidel, hindi raw siya masisisi kung
naisin niya talagang umalis ng Pilipinas para mangibang bansa dahil kahit saan ka raw
lumingon ay makikita mo ang karungisan ng politika sa Pilipinas. Isa pang rason ni Fidel
sa kagustuhang magtrabaho na lamang sa Amerika ay nais niyang magkaroon na sila
ng sariling bahay. Dagdag pa niya, ang kikitain niya sa Amerika ng isang taon ay sapat
na upang makapagpatayo sila ng isang bungalow.
VIII. Tunggalian
Ngunit ayaw pa ring pumayag ni Ligaya dahil aniya, ang salapi at bahay ay hindi
siyang lahat sa buhay ng tao. Sabi pa ni Ligaya na kailangan niya si Fidel lalo na at
lumalaki na ang kanilang mga anak na sina Rosa at Boy. Dagdag pa niya, natatakot
daw siya na baka magaya si Fidel sa ibang OFW na nakahahanap ng iba sa ibayong
dagat.
IX. Kapana-panabik na Pangyayari
Kaya inutusan muna ni Fidel ang kanilang boy na pag-igiban siya ng tubig sa poso.
Habang hinihintay ang kanyang panligo, nakipagbonding muna siya sa kaniyang
dalawang anak. Nabanggit ni Boy na gusto niya ring magaya ang kanyang mga ibang
kaklase na hatid sundo ng kanilang ama. Dagdag naman ni Rosa, parang mas mahal
ata ng kanilang ama ang kaniyang trabaho kaysa sa kanila. Bigla nilang napag-usapan
ang pangarap ng kanyang mga anak paglaki. Gusto raw ni Boy na maging isang mayor
para tulungan ang mga nangangailangan. Nais naman ni Rosa na maging guro pares
ng kanyang ina subalit ayaw niya sa skul ng mga lalaki dahil nakatatakot daw ang
kanilang itsura.
X. Kalutasan ng Pangyayari
Kinabukasan, magbubukas ang tabing na nakaupo si Fidel sa kanilang salas
habang nagbabasa ng diyaryo. Labis siyang nabahala sa mga balita ngunit aniya, hindi
muna niya dapat isipin ang mga bagay na iyon ngayong araw. Siya namang pagpasok
nina Ligaya, Nora Martha, Boy at Rosa na may dala dalang cake at kumakanta ng
MALIGAYANG BATI. Kaarawan kasi ng padre de pamilyang si Fidel. Pagkatapos
umawit, isa isa silang nag-abot ng regalo. Sabi ni Fidel ay pagkatapos nilang magsimba
ay manonoop sila ng sine at magsuswiming.
XI. Wakas
Dagdag pa ni Fidel, magdamag daw siyang ginambala at hindi pinatulog ng
sarisaring alalahanin at pangitain. Aniya, nais pa raw niyang pagsilbihan pa ang
kaniyang bansa kaya nakapagdesisyon na siya. Ipagpapaliban niya muna ang
pangingibang bansa na siya namang ikinatuwa ng mag-anak. Hanggang sa nagkaroon
ng mahalagang anunsiyo si Ligaya. Iyon pala ay nagdadalang tao ulit ito sa ikatlo nilang
anak. Isa ito sa pinakamagandang regaling natanggap ni Fidel sa araw na kanyang
kaarawan. “Makapaghihintay ang Amerika”, ang nausal na lamang ng mag-asawa
habang magkayakap.
XII. Mga Bisa
a. Bisang Pandamdamin
Lubhang nakakaantig ng damdamin sapagkat makikita ang labis na pagmamahal ng
isang ama sa kanyang pamilya na umabot sa puntong nagdesisyon si Fidel na
mangibang bansa na lamang upang doon maghanap buhay. Makikita rin sa dula na
komunikasyon ang ginamit ng pamilya Cortez upang masolusyunan ang dumaang
problema.
b. Bisang Pangkaisipan
Sa dulang ito, mapapaisip ka talaga. Na kaya siguro hindi umuunlad ang ating
bansa ay dahil sa nababahiran na ng politika ang lahat ng bagay. Na kaya siguro
maraming nangingibang bansa ay dahil sa mahirap makahanap ng hanapbuhay sa
Pilipinas lalo na kung wala kang padrino o backer.
c. Bisang Pangkaasalan
“Bayan muna bago ang sarili”, isa ang katagang ito sa ipinakita ni Fidel sa nasabing
dula. Sa kabila kasi ng kagustuhan na mabigyan ng magandang buhay ang kanyang
pamilya, mas pinili niya pa ring manatili rito sa Pilipinas kaysa mangibang bansa dahil
naniniwala siya na mas kailangan ng bansa ang kanyang serbisyo.
XIII. Buod
Ang dulang “Makapaghihintay ang Amerika” ay patungkol sa isang mapagmahal na
ama na nagnanais mangibang bansa upang mabigyan ng magandang buhay ang
kanyang pamilya. Patungkol din ang dulang ito sa isang pamilya na anumang pagsubok
ang kanilang kaharapin ay patuloy nila itong sosolusyunan basta may komunikasyong
at pagmamahal na magbubuklod sa kanila.
XIV. Aral
Isa sa mahalagang aral na napulot ko sa dula ay ang pagmamahal. Pagmamahal sa
bayan, sa lipunan, at higit sa lahat ay ang pagmamahal sa pamilya. Hindi naman
masamang mangibang bansa pero dapat ay mas una nating pagsilbihan ang ating
sariling bayan. Sabi nga “Magpansinan muna tayo bago tayo magpapansin sa iba”. Ibig
sabihin, pansinin mo muna ang bansang sinilangan mo bago ang ibang bansa.
XV. Talambuhay ng Awtor/May-akda
Si Dionisio Salazar ay isang kilalang manunulat ng dula at nobela. Siya ay tubong
Nueva Ecija at ipinanganak noong Pebrero 8,1919. Nagtapos siya ng kolehiyo sa
Unibersidad ng Pilipinas at graduate school naman sa Unibersidad ng Santo Tomas.
Nagtamo na rin siya ng iba’t ibang parangal na nagpapatunay ng kanyang kagalingan
sa pagsulat. Ilan sa kanyang kilalang akda ay ang Sinag ng Karimlan, Makapaghihintay
ang Amerika, at iba pa.

You might also like