Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 9

ARALIN 3

KOMPREHENSYON SA PAGBASA
ANG KOMPREHENSYON SA PAGBASA

INAASAHANG BUNGA NG PAGKATUTO:

❖ Naipapamalas ang ganap na pagkaunawa sa konsepto at proseso ng


komprehensyon o pag-unawa sa binasa, alinsabay sa mga salik at
ugnayang antas ng pag-iisip sa mga nakasaad na pahayag hinggil dito.
❖ Natataya ang sariling kasanayan sa pag-unawa sa binasang teksto gamit
ang iskalang panukatan sa pagsagot ng kaugnay na mga tanong hinggil
dito.
❖ Napahahalagahan ang konseptong natutuhan hinggil sa proseso ng pag-
unawa sa binasa, antas, salik, pag-unlad at teorya.
❖ Nagagamit ang natutuhang kasanayan sa pag-unawa sa binasa sa pang-
araw-araw na buhay, sa pakikipagsapalaran at paghahanda para sa
kinabukasan.

KAHULUGAN NG KOMPREHENSYON

Ang komprehensyon ay pagbuo ng kahulugan habang nagaganap ang


interaksyon sa teksto. Ito ay itinuturing na isang masalimuot na prosesong
pangkaisipan. Kapag tayo ay nagbabasa, ang mga estratehiya natin sa pag-
unawa ang dagliang nagbubunsod sa atin upang maiugnay ang ating kaalaman at
mga karanasan sa mga impormasyon sa teksto upang makabuo tayo ng isang
pagpapakahulugan.

APAT NA ANTAS NG PAG-UNAWA

Inilahad ni Smith (1969) ang apat na antas ng pag-unawa:

1. Pag-unawang Literal
Ito ay nakapokus sa mga ideya at impormasyong tuwirang
nakalahad sa teksto. Ito rin ay sumasagot sa mga katanungang literal na
kung saan ang mga sagot ay tuwirang matatagpuan sa mga pahina. Ito
ay simpleng pag-alala sa mga impormasyon at detalyeng nakapaloob sa
babasahin, Bagaman nangangailangan ito ng mababang antas ng pag-
iisip, mahalaga ito sa pagpapatibay ng isang muog sa panimulang
pagbasa at pag-unawa tungo sa mataas na antas ng pag-iisip.

2. Interpretasyon
Ito ay nangangailangan ng mas mataas na antas ng pag-iisip.
Ang mga sagot sa mga tanong sa kategoryang ito ay hindi tuwirang
nakalahad sa teksto ngunit nagpapahiwatig lamang. Upang masagot
ang mga tanong sa antas ng interpretasyon, kailangang taglay ng
tagabasa ang kakayahan sa paglutas ng mga suliranin at marunong
siya sa paghalaw ng mga kaisipan.
Ito ay kinapapalooban ng mga sumusunod na kasanayan:
a. Pagbibigay kahulugan sa tulong ng pahiwatig
b. Pagkuha ng pangunahing ideya
c. Paghihinuha
d. Pagbibigay ng konklusyon
e. Pagbibigay ng paglalahat
f. Pakilala sa sanhi at bunga
g. Pagkilala sa pagkakatulad at pagkakaiba

3. Mapanuring Pagbasa
Dito ay napapahalagahan ang kaangkupan, katiyakan at
pagkamakatotohanan ng impormasyong nakalahad sa teksto. Ito ay
mas mataas ang antas kaysa sa dalawang naunang kategorya.
Nabibilang sa antas na ito ang mga sumusunod na kasanayan:
a. Naibabahagi ang sariling paninindigan
b. Naihahambing ang kaisipang ipinahahayag sa teksto

4. Malikhaing Pagbasa

Sinisikap ng tagabasa na makabuo ng pamalit na solusyon sa


imahin ng awtor. Sa antas na ito, gumagamit ang tagabasa ng
kakaibang kasanayan sa pag-iisip na lagpas sa antas ng pag-
unawang literal, interpretasyon at mapanuring pagbasa.

APAT NA ANTAS NG PAG-IISIP SA PAGBASA

1. Antas Paktwal
Ito ay may kinalaman sa memori o simpleng paggunita ng mga
impormasyong tuwirang inilalahad sa teksto.

2. Antas Interpretatib o pagpapakahulugan


Kailangan ang kasanayan sa paghihinuha at ang pag-uugnay ng mga
impormasyon sa teksto sa pagsagot ng ganitong tanong. Ang mga
impormasyon ay di-tuwirang nakalahad sa teksto. (Reading between the
lines) (sanhi at bunga)

3. Antas Aplikatib o paglalapat


Kailangan ang pag-uugnay ng mga impormasyong galing sa teksto at
mga personal na iskema ng bumabasa. (Reading beyond the lines)
(Pagkuha ng maaaring maganap)

4. Antas transaktib
Kailangan ang kaalaman na hango sa teksto at sariling
pagpapahalaga. ipinalalagay ang tagabasa na isa sa mga tauhan at
hinahayaang makapasok sa kwento.

MGA PROSESONG KAUGNAY SA PAG-UNAWA

Ang pagbasa ay itinuturing na isang aktibong proseso sa pagbuo ng


kahulugan (Anderson at Pearson, 1984; Spiro, 1980; Badayos, 1999). Sa
pagbuo ng kahulugan, naiuugnay ng tagabasa ang bagong impormasyong
hango sa teksto sa kanyang dating kaalaman na tinatawag na iskemata - mga
teorya o sariling pananaw sa mga pangyayari, bagay, at mga sitwasyon na
nakalagak sa isipan at maayos na nakasalansan ayon sa kategorya.
Ayon kay Rumelhart (1980); binanggit ni Badayos (1999), ang bawat
iskima ay naghahawan ng landas patungo sa pag-unawa ng bagong
impormasyon. Ito ay tumitiyak kung paano ipapakahulugan ang bagong
impormasyon. Kaya ang mambabasa, bago pa niya matapos basahin ang
isang teksto, ay may ideya o hinuha na siya sa nilalaman nito batay sa
kanyang iskima. Binabasa niya ang kabuuan ng teksto upang mapatunayan
kung ang kanyang hinuha ay wasto o may pagkukulang pa o kaya'y dapat
baguhin o idagdag.

SALIK SA PAG-UNAWA

Maliban sa mga nabanggit na kahalagahan ng dating kaalaman sa pag-


unawa sa binasa, may mga itinuturing pa ring salik sa pagpapaunlad ng
komprehensyon tulad ng:

1. Kaalaman sa paksa (topic knowledge)

Ito ay mga impormasyong dati nang alam hinggil sa tiyak na


paksa.

2. Kaalaman sa interaksyong sosyal (social interaction knowledge)

Makatutulong ang kaalamang ito sa pag-unawa ng mga


tauhan at kung paano sila kumikilos at nagsasalita.

3. Kaalaman sa kayarian ng teksto (text structure)

Ito ay kaalaman tungkol sa iba't ibang kayariang balangkas o


pagkakabuo ng teksto, gaya ng tekstong pasalaysay at
tekstong ekspositori. Makatutulong ang kaalaman sa kayarian
ng teksto sa pagbibigay ng hinuha o prediksyon sa susunod na
pangyayari at upang mapatunayan ang pang-unawa.

4. Kaugnayang metakognitib sa pagmomonitor ng komprehensyon


Ang kasanayang ito ay tumutukoy sa kahalagahan sa paggamit
ng dating kaalaman. Ang metakognisyon ay kakayahang
magpasya kung ano, paano at kailan gagamitin ang kaalaman
upang makatulong sa pag-unawa.

TAMPOK NA KATANGIAN NG KOMPREHENSYON (Badayos,1999)

1. Makabuluhang pagbasa na ginabayan ng mga layuning malinaw na


inilahad.
2. Paggising ng mga dating kaalaman na may kaugnayan sa nilalaman o
paksa ng kwento.
3. Pagpapasigla ng mga estratehiya sa pagpoproseso ng mga dating
kaalamang angkop sa layuning itinakda sa pagbasa.
4. Pagpapakilos o pag-antig ng mga saloobin at mga pagpapahalaga na
may kaugnayan sa nilalaman ng teksto.
5. Paggising ng estratehiya sa pagmomonitor na siyang magkokontrol sa
pagbuo ng pagpapakahulugan.
6. Interaktibong paggamit ng mga prosesong binabanggit upang makamit
ang layuning inilahad sa paksa.

PAGPAPAUNLAD NG KOMPREHENSYON SA PAGBASA

Ang komprehensyon sa pagbasa ay nangangailangan ng pagganyak,


lunsarang pangkaisipan sa pagtatamo ng ideya, konsentrasyon at mabisang
istilo sa pag-aaral. Narito ang ilang mungkahing pagpapaunlad ng
komprehensyon sa pagbasa ayon kay Martin (1992); binanggit ni Bernardo
(2009) salin ni De Leon (2016).

1. Palawakin ang karanasan o kaalaman sa mga impormasyong


binabasa.
Makabubuti at makatutulong nang malaki sa isang tao ang malawak
na karanasan sa pagbabasa ng mga impormasyon sa paligid at sa daigdig
tulad ng pagbabasa ng mga pahayagan, magasin at sangguniang aklat.
Maging interesado sa mga kasalukuyang kaganapan sa daigdig.
2. Alamin ang istruktura ng mga talata.
Ang isang maayos na naisulat na talata ay binubuo ng simula, bahagi
ng talata at wakas. Kadalasan, ang unang pangungusap ay nagbibigay ng
paunang Iahad na nakatutulong sa pagkakaroon ng isang hulwaran para sa
karagdagang kaisipan. Gayundin naman, tumuon sa mga pantulong na
salita, parirala at tałata na nakapagpapabago sa paksa.

3. Tukuyin ang anyo ng pangangatwiran.


Alamin ang layunin ng may-akda kung ito ay sanhi at bunga,
haypotesis, pagbuo ng modelo, pabuod o pasaklaw, o sistematikong pag-
iisip.

4. Magtangkang maghinuha o maghula.


Ang mahusay na mambabasa ay madalas hinihinuha ang layunin ng
may-akda at hinuhulaan ang maaaring maganap upang masagot ang mga
tanong. Kung ang hinuha o hula ay naging tumpak, ibig sabihin, ganap na
naunawaan ang teksto. At kung mali ito, mabilis na baguhin ang perspektibo
sa paghihinuha.
5. Bigyang-tuon ang pamamaraan ng pagbuo.
Alamin kung ang babasahing materyal ay maayos na inihanay ayon
sa panahon, pagkakasunud-sunod gamit, at antas.

6. Gawing kaganyak-ganyak at interesado sa pagbasa.


Muling basahin ang teksto, magtanong at makipagtalakayan sa
kamag-aral. Tandaan, mas mataas na interes sa pagbasa, mas maigting na
komprehensyon.

7. Bigyang-diin ang mga pantulong na cue.


Pag-aralan ang mga larawan, talaan at pamagat. Basahin ang una at
huling talata sa bawat kabanata o ang unang pangungusap sa bawat
pahina.
8. Bigyang-diin ang mahalagang ideya, magbuod at magbalik-aral.
Ang minsanang pagbabasa ng isang aklat ay hindi sapat. Upang
mapaunlad nang ganap ang pag-unawa sa binasa, kinakailangang bigyang-
diin, magbuod at magbalik-aral sa mga mahalagang ideya o konsepto.

9. Magkaroon ng ibayong talasalitaan.


Kung nais mapaunlad ang kasanayan sa talasalitaan, magdala at
gumamit ng diksyunaryo nang madalas para sa mga bagong salitang
matutuhan. Gumawa ng talaan ng talasalitaan sa bawat araw at ipunin ang
mga ito sa isang notbuk at siguraduhing nakuha ang kahulugan ng mga ito.
Pag-aralan din at ianalisa ang mga salitang-ugat, panlapi at ilan pang mga
elemento ng salita. Bilang pagtuon sa makabagong panahon, maaaring
lagyan ng sistemang diksyunaryo ang mga cellphone, ipad at iba pang
gamit pangkomunikasyon na madalas daladala.

10. Gumamit ng sistematiko at mabisang istilo ng pagbasa.


Magkaroon ng isang masusi at mabisang istilo sa pagbabasa na
makatutulong sa pag-unawa ayon sa taglay na layunin nito.
SANGGUNIAN

● Adaya et al. (2016). Pagbasa at Pagsusuri sa Iba’t Ibang Teksto Tungo sa


Pananaliksik. Jimczyville Publications.
● Tabangcura, Resyjane P. (2016). Pagtuturo at Pagtataya sa Pagbasa at
Pagsulat. Jimczyville Publications.
● Castillo et al. (2017). Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik.
Jimczyville Publications.
● Adaya et al. (2018). Filipino sa Iba’t Ibang Disiplina. Jimczyville
Publications.
● De Leon, Elmer B. (2018). Tuklas-Diwa: Pagbasa, Panunuri, Pananaliksik.
Lorimar Publishing, Inc.

You might also like