Ikalawang nobela at karugtong ng Noli Me Tangere ang El Filibusterismo ni
Dr. Jose Rizal na ang orihinal na manuskrito ay isinulat sa wikang Espanyol. Ito ay naglantad sa tabing ng pagkukunwari ng mga Kastilang nagmalabis sa kanilang panunungkulan at nang-api ng mga Pilipino. Gumising din ito sa diwang makabayan at nagbukas sa mata ng mga Pilipino para ipaglaban ang ating mga karapatang pambansa. Liban dito, ang mga kaisipang napapaloob sa nobelang ito ay nagpaigting sa mithiin ng bayan na matamo ang kalayaan sa payapang paraan, sa paggamit ng panulat at hindi sa pamamagitan ng sandata. Malaki rin ang naitulong ng El Filibusterismo kay Andres Bonifacio at sa Katipunan sapagkat naging saligan ito para maiwaksi ang mga balakid sa paghihimagsik noong 1896. Bagaman magkaiba ang paraang tinungo nina Rizal at Bonifacio para sa kapakanan ng bayan, masasabing kapwa sila may marubdob na damdaming makabayan para sa ating kalayaan at maputol ang tanikala ng katiwalian sa panunungkulan ng mga Kastila. Naging balakid ang kalagayan sa pamumuhay ni Rizal nang sinulat niya ang kanyang nobela. Dumanas siya nang suson-susong kahirapan – pagtitipid sa pagkain na kung minsa’y makalawa lamang siya kumain maghapon, sapilitang pagsasanla sa lahat ng alahas, paglayo sa kanya ng mga kapanalig sa La Solaridad, pag-uusig ng Pamahalaang Kastila sa kaniyang mga magulang at mga kapatid at pagpapakasal sa ibang lalaki ng kaniyang katipan. Anupa’t ang lahat ng mga pangyayaring ito’y nagkapisan-pisan upang maigupo ang diwa at kalooban ng bayani. Sa ganitong mga kasawian at masasaklap na karanasan, hindi ito nakahadlang at nakapagpahina ng kalooban ni Rizal upang ipagpatuloy at tapusin ang pagsulat ng El Filibusterismo. Sinimulan ang nobelang ito sa London, England noong 1890 at sa Brussels, Belgium, naisulat ang maraming bahagi ng nobela, hanggang sa natapos sulatin ang nobela noong ika-29 ng Marso, 1891. May ilang tala na nagsasabing sa Ghent, Belgium niya tinapos ang bandang huli at pagrerebisa ng manuskrito. Tulad ng Noli Me Tangere, salapi ang naging suliranin sa pagpapalimbag ng EL Filibusterismo noong si Rizal ay nasa Ghent, Belgium, 1891. Paunti-unti ang pagpapalimbag at naisulat niya kay Jose Basa, na nasa Hong Kong noon na ibig na niyang sunugin ang manuskrito. Ngunit hindi ito natuloy. Ayon sa liham ng bayani, ang manuskrito ay naibigay na nito sa isang palimbagan sa Ghent, Belgium nang magtatapos ang buwan ng Mayo 1891. Mula sa isang banggit sa The Hero of the Filipinos, talambuhay na sinulat nina Russell at Rodriguez, mahihinuha na ipinalimbag ni Rizal ang El Filibusterismo sa pag-asang may sapat na salaping panustos na matatanggap na manggagaling sa Pilipinas. Ngunit nabago ang mga pangyayari – naibayad na lahat ang salaping kaniyang natipid, ang hinihintay na tulong ay di dumating, ang ilang mayayamang Filipino na nangakong tutulong sa halagang kakailanganin sa pagpapalimbag ay pawing nangakalimot. Anupa’t halos nawalan na ng pag-asa si Rizal na maipatapos ang kaniyang pagpapalimbag. Dahil dito, itinigil ang paglilimbag sa Eli Filibusterismo na noo’y nasa pahina 112lamang. Dakong kalagitnaan ng Setyembre, 1891, isang pangyayari ang humadlang na mabigo ang layunin ni Rizal, halos isang himalang dumating mula sa Paris ang kabuuang gugol na padala ng matalik niyang kaibigang si Valentin Ventura para sa pagpapalimbag ng aklat, matapos mabalitaan ang pangangailangan ng kaibigan ng salapi. Sa ganitong pangyayari, nailigtas ang ating bayani sa kagipitang mapalimbag ang El Filibusterismo, kaya’t natapos limbagin ang aklat na ito noong Setyembre 18, 1891 sa Ghent, Belgium. Bilang pagkilala ni Rizal sa malaking utang na loob sa kaibigan, inialay niya kay Valentin Ventura ang orihinal na manuskrito ng El Filibusterismo kalakip ang isang nilimbag at nilagdaang sipi ng nobelang ito. Pinadalhan ni Rizal ng mga sipi ng El Filibusterismo ang mga tapat niyang kaibigan, gaya nina Blumentritt, MH Del Pilar, Jaena, at J. Luna. Ipinalagay niya sa mga kahon ang halos lahat ng mga aklat na ipinalimbag at ang karamihan ay ipinadala sa Hong Kong at ang iba ay sa Pilipinas naman. Ipinahiwatig sa ginawang ito na ang isinulat na nobela ay dapat ipabasa sa Pilipino at hindi sa Espanya o sa iba pang bansa sa Europa. Sa kasamaang palad, nasamsam sa Hong Kong ang lahat halos ng mga sipi ng El Filibusterismo. Gayundin ang nangyari sa Iloilo, natutop at ipinasara ng pamahalaang Kastila ang mga siping ito. Subalit may ilan ding sipi ang nakarating at nabasa sa Pilipinas kaya’t ito ay nakalikha ng malaking sigla sa kilusang nauukol sa paghihimagsik. Dahil sa pagkabitay kina Gomburza na pinaghandugan ng El Filibusterismo, naging Pambansa ang paningin ng Pilipino ukol sa paglaya at nagbinhi ang diwang makabansa. Ayon sa pagbasa ni Retana, mahihinuhang tila ayaw ng bayani na humiwalay ang Pilipinas sa Espanya. Sa kabilang dako, may mga pagbasa namang nagtataguyod na ipinahiwatig ni Rizal mula sa kaniyang El Filibusterismo dahil sa sinapit ng pangunahing tauhang si Simoun, may mga pangangailangan pa bago makapaglunsad ng isang himagsikan. Kung gayon, mababakas sa nabanggit na pagbasa na hindi salungat si Rizal sa marahas na pakikibaka na may kondisyon para tiyaking matamo ang tagumpay. Maituturing na nobelang politikal ang El Filibusterismo.