Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 6

Modyul 4

Ang Pagbabalik
Jose Corazon de Jesus

Introduksyon

Isa sa pinakamasayang pangyayari sa buhay ng dalawang taong


nagmamahalan ang pag–iisang dibdib bilang hudyat ng pagiging ganap
na mag–asawa. Dahil dito, nagiging isa sila sa lahat ng bagay hindi
lamang sa pagmamahal kundi maging sa pagsasakatuparan ng kanilang
tungkulin at responsibilidad sa bubuuing pamilya. Bilang lalaki, hangad
niya lagi ang mas magandang buhay para sa kanyang asawa at mga
anak kaya naman titiisin niya ang lahat maibigay lamang ito sa kanyang
mga minamahal. At minsan pa nga, titiisin niya ang mapalayo sa kanila
para na rin sa kanilang kapakanan. Bilang babae, mahalaga ang ibibigay
niyang suporta sa mga hakbangin ng asawa. Natural sa kanya ang
maging matiisin sa anumang dalahin sa buhay nang mapanatag ang
kabiyak lalo na kung ito’y malayo sa giliw na pamilya.

Subalit sadyang mapaglaro ang tadhana; hindi natin hawak ang


ating kapalaran. Wala tayong kapangyarihan na baguhin ang nakatakda.
Hindi natin batid ang mangyayari kinabukasan…sa mga susunod na
araw.

Paano mo haharapin ang buhay ng mag–isa kapag wala na siya?


Paano mo tatanggapin sa iyong sarili na hindi na siya babalik? Paano mo
haharapin ang panibagong umaga na hindi siya kapiling?

Layunin

 Nakikilala ang katauhan ng may–akda kaugnay ng tulang


tinatalakay
 Natatalakay ang kabuuan ng tula sa pamamagitan ng pag–unawa
sa mga piling saknong/linya
 Nahihinuha ang mga sagisag at simbolo na nakapaloob sa tula
 Nailalarawan ang tula batay sa mga elemento na bumubuo rito
 Napahahalagahan ang pagmamalasakit at sakripisyo ng ibang tao
Nilalaman
Kung tataluntunin ang naging kasaysayan ng panulaan sa bansa,
masasabi natin na isa ito sa may pinakamayamang karanasan.
Mapupuna rin na naging masaklaw o malawak ang naging paksain ng
mga manlilikha sa kani–kanilang tula. Sa katunayan, hindi mabilang ang
mga tula na may paksa ng pag–ibig --- sa Diyos, sa pamilya, sa kapwa,
sa bayan at higit sa lahat sa MINAMAHAL.

Isa sa mga pinakakilalang tula ng pag–ibig ang tulang pasalaysay


ni Jose Corazon de Jesus na pinamagatang ANG PAGBABALIK.
Kasabay ng paglaganap ng tulang ito ang naging pananagumpay ng
pangalan na HUSENG BATUTE --- ang palayaw o alyas ng nasabing
makata. Dahil nga rito, nasundan pa ito ng marami pang obra hindi
lamang sa anyong patula pati na rin ang mga akda na mauuring tuluyan.
Isa siya sa mga pinakilalang manunula na gumamit ng patulang Pinoy
para iparamdam ang nais ng mga Pilipino na mapalaya sa kamay ng mga
Amerikano.
Malaki ang naging ambag ni Huseng Batute sa pag–unlad ng iba’t
ibang sangay ng panitikan partikular ang tula. Kalungkutan ang
kalimitang modo ng mga akda niya na maaaring halaw sa mga totoong
pangyayari sa kanyang buhay. Isa na nga rito ang tulang Ang
Pagbabalik.

ANG PAGBABALIK

Babahagya ko nang sa noo’y nahagkan,


Sa mata ko’y luha ang nangag-unahan;
Isang panyong puti ang ikinakaway,
Nang siya’y iwan ko sa tabi ng hagdan:
Sa gayong kalungkot na paghihiwalay,
Mamatay ako, siya’y nalulumbay!

Nang sa tarangkahan, ako’y makabagtas


Pasigaw ang sabing, “Magbalik ka agad!”
Ang sagot ko’y “Oo, hindi magluluwat!”
Nakangiti akong luha’y nalaglag…
At ako’y umalis, tinunton ang landas,
Nabiyak ang puso’t naiwan ang kabiyak;

Lubog na ang araw, kalat na ang dilim,


At ang buwan nama’y ibig nang magningning:
Maka orasyon na noong aking datnin,
Ang pinagsadya kong malayang lupain:
Kuwagong nasa kubo’t mga ibong itim,
Ang nagsisalubong sa aking pagdating.

Sa pinto ng naro’ong tahana’y kumatok,


Pinatuloy ako ng magandang loob;
Kumain ng konti, natulog sa lungkot,
Ang puso kong tila ayaw nang tumibok;
Ang kawikaan ko, “Pusong naglalagot,
Mamatay kung ako’y talaga nang kulog!”
Nang kinabukasang magawak ang dilim,
Araw’y namimintanang mata’y nagniningning;
Sinimulan ko na ang dapat kong gawin:
Ako’y nag-araro, naglinang, nagtanim;
Nang magdidisyembre, tanim sa kaingin,
Ay ginapas ko na’t sa irog dadalhin.

At ako’y umuwi, taglay ko ang lahat,


Mga bungang-kahoy, isang sakong bigas;
Bulaklak na damo sa gilid ng landas,
Ay pinupol ko na’t panghandog sa liyag;
Nang ako’y umalis, siya’y umiiyak…
O, marahil ngayon, siya’y magagalak!

At ako’y lumakad, halos lakad takbo,


Sa may dakong ami’y meron pang musiko,
Ang aming tahana’y masayang totoo
At nagkakagulo ang maraming tao…
“Salamat sa Diyos!” ang nabigkas ko,
“Nalalaman nila na darating ako.”

At ako’y tumuloy… pinto ng mabuksan,


Mata’y napapikit sa aking namasdan;
Apat na kandila ang nangagbabantay;
Sa paligid-ligid ng irog kong bangkay;
Mukha nakangiti at nang aking hagkan;
Para pang sinabi “Irog ko, paalam!”

Kasawian sa pag–ibig ang nangibabaw na paksa sa kabuuan ng


tula. Tungkol ito sa pagmamahalan ng magsing–irog na bagama’t
kakasal pa lamang, kinailangan nilang maghiwalay upang maghanap ng
trabaho sa malayo ang asawang lalaki. Naging napakahirap ng sitwasyon
sa kanilang dalawa lalo na sa huli sapagkat alam niya ang pangungulila
ng naiwang asawa. At sa kanyang pagbabalik, hindi niya inaasahan na
malamig ng bangkay ang kanyang aabutan.

Sa pamamagitan ng matinding emosyon, naisalaysay ng makata


ang kabuuan ng tula. Nasa karaniwang anyo ito ng pagpapahayag at
sunud–sunod ang naging paglalahad ng mga pangyayari. Litaw din sa
kabuuan ng tula ang paggamit ng matatalinhagang salita.

Pagtataya/Ebalwasyon
Takdang Aralin
A. Pumili ng 5 matatalinhagang salita/pahayag sa tinalakay na tula
at uriin ang tayutay na kinabibilangan nito.
B. Basahin at unawain ang isa pang tula ni Jose Corazon de Jesus
na may pamagat na Isang Punongkahoy.

Sanggunian
Macaraig, Milagros B. (2004). Sulyap sa Panulaang Pilipino. REX
Printing Co. Inc. Quezon City

Prepared: Checked: Approved:

Mrs. MARY ANN R. ANDAL Dr. AIDA A. CASAS Dr. RANDY M. BAJA
Instructor Department Head Dean

You might also like