Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 11

IKALAWANG PAGSUSULIT

SINESOSYEDAD/PELIKULANG PANLIPUNAN
FILSOS 1115

PANUNURING PAMPELIKULA:
GAMIT ANG MGA ELEMENTO NG ISANG PELIKULA

PAGSUSURI SA PELIKULANG

SEVEN SUNDAYS

Nina

Canaway, Ernel Kim L.


Dela Cruz, Joven Dale
Guzman, Elle Nikkita D.
Isip, Madelene O.

BSED 4-1B ENGLISH

RONNEL JOHN GARCIA


GURO
I. PANIMULA: Kaligiran ng Pelikula
PAMAGAT (SEVEN SUNDAYS)
Sa pamagat pa lamang ng palabas na ito ay mahihiwagaan na ang mga manonood
kung patungkol saan nga ba ang kuwentong ito. Maaring maisip na ito ay patungkol sa
kuwentong pangrelihiyon. Mapapaisip ka kung ano ba ang mayroon sa pitong araw ng
linggo na ito o kung saan nga ba iikot ang kuwento. Sa pamagat pa lamang, mahihikayat
na ang mga manonood sapagkat nabubuksan nito ang ating isipan at kuryosidad.
Nakapupukaw ng atensyon ang pamagat ng pelikula sapagkat mapapaisip ang
manonood sa kung ano ang mga pangyayari na naganap sa loob ng pitong linggong araw
na tinutukoy. Matapos panoorin ang pelikula, makikita na lantad na lantad ang
pagkahulugan sa pamagat sapagkat ito ay ang "Seven Sundays" ay ang mga araw na
nagbigay pagpapahalaga, kahulugan at kagandahan sa daloy ng kuwento ng pelikula. Sa
loob din ng pamagat mahihinuha ang aral na nais ipabatid sa mga tao ng pelikula.
GENRE
Ang genre ng pelikulang ito ay nakapaloob sa genreng "Drama"
PETSA NG PAGPAPALABAS SA MGA SINEHAN/TEATRO
Ang pelikulang "Seven Sundays" ay ipinalabas sa sinehan ng Star Cinema noong
ika-labing isa ng Oktubre, taong 2017. Ipinalabas ang "Seven Sundays" sa panahon na
ito sapagkat ito ay isang pelikulang Pilipino na representasyon ng kalagayan ng
pamilyang Pilipino sa ating lipunan.
PANGALAN NG DIREKTOR
Ang nasabing pelikula ay mula sa direksyon ni Cathy Garcia Molina, isa sa
tinuturing na batikang direktor ng pelikulang Pilipino. Kilala si Cathy Garcia Molina bilang
batikang direktor pagdating sa mga pelikulang may genre na romantic comedy at family
drama. Kilala rin ang kanyang mga dekalibreng palabas bilang highest grossing films sa
Pilipinas.
PUNONG IDEYA O PAKSA
Ang pelikulang Seven Sundays ay patungkol sa kwento ng ordinaryong pamilyang
Pilipino na dumaraan sa mga pagsubok sa buhay pagdating sa larangan ng salapi,
pagkakabuklod at pagsasama. Sakit na ng ating lipunang ginagalawan ang mga
problema pagdating sa pamilya. Mga isyung patungkol sa pagkakawatak watak ng
pamilya sapagkat nagkaroon ng sariling pamilya at buhay, mga isyung patungkol sa mga
magulang na hindi na nabibigyan ng oras at nagnanais lamang na muling makasama ang
mga anak sa mga natitirang sandali. Makikita sa pelikulang ito ang mga karaniwang
suliranin na kinakaharap ng bawat tahanan sa ating lipunan. Makikitaan ito ng
detalyadong pangyayari tungkol sa mga alitan na nagmumula sa maliliit hanggang sa
malalaki at masidhing problema na siyang nagdudulot ng lamat sa pagsasamahan ng
bawat pamilya. Bukod pa rito, ang pelikulang ito ay nagpapakita ng paksa tungkol sa
pagmamahalan, pagpapatawad, pagbibigayan, pagtutulungan, pag-unawa at pagkakaisa.
LAYUNIN NG PAGSUSURI
Ang layunin ng pagsusuring ito ay ang suriin ang mga elemento ng pelikula na
siyang nagbigay ng kabuuhan sa pelikula.
PANGKAT NG PANITIKAN
Ang pelikulang “Seven Sundays” ay maihahanay sa pangkat ng panitikan
patungkol sa isyung pampamilya sa lipunan at kahirapan. Ito ay sa kadahilanang ang
daloy ng kuwento ng pelikulang ito ay tumatalakay sa mga isyu patungkol sa
pinagdadaanan ng mga pamilya sa loob ng ng tahanan, Makikitaan din ito ng kuwento
tungkol sa kahirapan na siyang makikita sa kuwento ng ilan sa mga anak ni Tatay Manuel
sa kuwento na siyang pinag-uugatan din ng problema sa pelikula.
II. PAGBUBUOD : Synopsis
Ang pelikulang "Seven Sundays" ay umiikot sa kwento ng apat na magkakakapatid
na Bonifacio at ng kanilang ama na si Manuel Bonifacio.Si Manuel Bonifacio ang ama ng
tahanan. Siya ay isa nang biyudo at naninirahan sa kanilang bahay na hiwalay sa
kaniyang mga anak. Napag-alaman niyang mayroon siya sakit na kanser sa baga.
Nangamba ang kaniyang apat na anak sa kaniyang kalagayan ngunit hindi na niya
piniling magpagamot pa at nagbigay na lamang ng isang kahilingan, ito ay ang makita
ang kaniyang mga anak ng sama-sama sa loob ng pitong linggo. Ang kaniyang kahilingan
na ito ay hindi sinangayunan ng kaniyang anak na si Bryan at Cha, ngunit sinang ayunan
ng dalawang anak niyang sina Allan at Dexter kaya naman sa huli ay pumayag na rin ang
apat na magkakapatid. Ang pagbubuklod buklod ng mga anak sa loob ng pitong linggo
ang naisip na paraan ni Manuel upang maayos at maibalik ang samahan ng kaniyang
pamilya na nagkalamat magmula ng mamatay ang kaniyang asawa.
Si Allan Bonifacio, ang panganay sa apat na magkakapatid, ay isang ama na
nahihirapang itaguyod ang kaniyang pamilya sapagkat sila ay may problema pagdating
sa pinansyal na aspeto. Kakikitaan siya ng pagkairita sa tuwing napag-uusapan ang pera
lalo na sa kaniyang nakababatang kapatid na si Bryan. Si Bryan, ikalawa sa
magkakapatid, ay ang pinaka successful sa kanilang magkakapatid. Ngunit sa kabila ng
pagiging matagumpay sa buhay at kasaganahan na natatamasa, makikitaan siya ng
pagkainggit sa kaniyang Kuya Allan sapagkat pakiramdam niya ay ito ang paborito at
laging pinapaburan ni Manuel. Ang ikatlo sa magkakapatid ay si Cha, ina ng kaniyang
tatlong mga anak, ay namumuhay at pilit itinataguyod ang pamilya sa kabila ng paulit ulit
na panloloko sakaniya ng kaniyang may bahay. Kahit na lantaran na ang panloloko ng
asawa, pinili na lamang ni Cha na magbulag-bulagan para sa kaniyang mga anak. Si
Dexter, ang bunso sa magkakapatid ay napariwara ang buhay sapagkat nagrebelde dahil
sa hinanakit sa kaniyang ama at mga kapatid. Pakiramdam ni Dexter ay pinabayaan siya
ng kaniyang ama at mga kapatid kaya pakiramdam niya ay nag-iisa na lamang siya sa
kaniyang paglaki.
Sa kabila ng problemang kinahaharap ng bawat isa, at sa kabila ng alitan na
mayroon sila, piniling sundin ng magkakapatid ang kahilingan ng kanila ama. Nagsimula
silang pakisamahan ulit ang isa't isa. Sa una, makikitang maayos ang daloy ng
pagsasama ng magkakapatid subalit sa paglipas ng mga araw, naging mainit na ang
bawat tagpo. Lumabas ang mga problemang sumubo sa kanilang katatagan bilang
pamilya. Masaya nilang binabalikan ang mga nakaraan nila noong sila ay mga bata pa,
ang mga masasayang sandali, mga masasakit na pangyayari at lahat ng ala-ala na
mayroon sila.
Isang araw, tumawag ang doktor ni Tatay Manuel at sinabi nito na mali ang
nadiagnose sa kaniya. Hindi cancer ang kaniyang sakit kung hindi tuberculosis lamang.
Kahit pa alam na ni Tatay Manuel at ni Jun, kaniyang kasamahan sa bahay, ang
katotohanan tungkol sa kaniyang karamdaman, pinili niyang itikom ang bibig at itago na
lamang ito sa kaniyang mga anak sapagkat natatakot siya na baka lalong magwatak
watak ang kanilang pamilya.
Isang gabi, araw ng Linggo, muling nagkita kita ang magkakapatid at dito lumabas
ang sama ng loob at hinanakit ng bawat isa. Ang mga problema tungkol sa malapit nang
pagkalugi ng kanilang convenience store ang naging ugat ng pagtatalo ng magkakapatid
na naging dahilan upang mailabas nila ang matagal na nilang kinikimkim. Ang senaryong
ito ay naging dahilan upang mawalan ng pag-asa si Tatay Manuel na mabubuo pa ulit
ang kaniyang pamilya.
Sa paglipas ng araw, si Allan, bilang nakatatanda sa magkakapatid, ay
nagpasiyang humingi ng tawad sa kaniyang mga kapatid upang magampanan niya ang
pagiging responsableng kuya sa mga ito. Nagkaayos ang bawat isa at tinanggap nila ang
paghingi ng tawad ng bawat isa na bukal sa kanilang puso. Ang kuwento ng
pagpapatawad at pagkakaayos ay natpos sa sementeryo kung saan nakalibing ang
kanilang ina. Humingi sila ng tawad sa kanilang ama at humingi rin ng tawad si Tatay
Manuel sa ginawa niyang pagsisinungaling. Tinanggap ng mga anak ang paghingi ng
paumanhin at sinabing naiintindihan nila kung bakit niya iyon nagawa. Sa huli, nagkaayos
ang buong pamilya at sila ay nagkapatawaran, muling nagkaisa at nagmahalan.
III. PAGSUSURI
SENARYO
Tulad ng pagkakasunud-sunod ng mga pahina sa isang libro, kinakailangan ding
mahusay ang pagkakalapat ng mga eksena sa isang pelikula. Mahalaga na magkaroon
ng tamang daloy ang isang pelikula dahil nakatutulong ito upang mas maunawaan ng
manonood ang punto de bista ng mismong pelikula.
Sa pelikulang Seven Sundays, napakahusay ng pagkakaayos ng mga senaryo at
eksena na nakapaloob dito. Napakahusay ng pagkukwento ng mismong pelikula na
binigyang buhay ng mga actor at aktres. Marahan at maingat nilang inihanda ang
kanilang mga manonood mula sa simula ng pelikula hanggang sa umakyat ito sa
kasukdulang bahagi at marating ang kawakasan ng pelikula. Malinaw ang naging
pagkukwento sa buong pelikula na siyang dahilan upang mas madaling naintindihan ng
mga manonood ang nais nitong ipamahagi at ipabatid sa lahat. Sa kabuuan, mahusay
ang pagkakabuo ng pelikulang ito mula sa mga tagpo, pagkakasunud-sunod ng mga
pangyayari, dayalogo, hanggang sa pamamaraan ng pag-arte ng mga tauhan. Talagang
tatatak sa puso’t isipan ng mga tao ang bawat eksena o tagpo sa pelikula.
PAGDIDIREHE
Maituturing na isa sa pinakamahahalagang tao sa likod ng mga matatagumpay at
markadong mga pelikula ay ang mga Direktor. Sila ang siyang gumagabay sa mga aktor
at aktres sa kung anong emosyon ang nais ibigay sa bawat eksena, at nagbibigay din ito
ng mga suhestiyon upang mas mapadali, mapaganda, at mas mapaghusay pa ng lahat
ang kanilang mga papel.
Ang pelikulang Seven Sundays ay isa lamang sa mga tanyag at matagumpay na
pelikula sa direksyon ng isang batiking director na si Cathy Garcia-Molina. Kilala si direk
Cathy sa mga romantiko at pampamilyang mga pelikula na hindi lamang tumatabo sa
takilya, tumatatak din sa puso ng bawat manonood nito.
Kung ating pagbubulay-bulayan at ihahambing ang mga eksenang ginamit sa
pelikulang ating sinusuri sa mga nakakaraang mga pelikulang ginawa ni direk Cathy,
mapapansin nating iba ang atake ng mga ito. Masasabi nating nakita na natin ito sa mga
ibang pelikula pero nagkakaroon ng panibagong kulay at buhay ang mga ito dahil sa
husay at galling ng director. Nais niyang mas bigyan pa ng kanyang mga actor at aktres
ng mas matinding emosyon at pag-arte ang bawat eksena kung kaya’t mas nagiging
kakaiba at matindi ang impact nito sa mga manonood, at ito ay lantaran nating
mapapansin sa mga eksenang nakapaloob sa pelikulang Seven Sundays. Dagdag pa
rito, mapapansin din natin sa mga pelikulang ginagawa ni direk Cathy ay kalimitang
mayroong “pagbabalik-tanaw” sa unahan, tulad na lamang ng pelikulang Barcelona: A
Love Untold na pinagbidahan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, at ang ating
sinusuring pelikula na Seven Sundays.
PAG-ARTE
Tunay ngang napaka-epektibo ng mga karakter na gumanap sa palabas na aming
napiling suriin. Napakahusay ng kanilang mga pag-arte dahilan upang kami, bilang mga
manonood, ay madala sa emosyon at ekspresyon na ipinapakita sa mga eksena sa
naturang palabas. Tulad na lamang ng mga karakter nina Ronaldo Valdez bilang tatay
sa palabas, talagang nakakadala ang kanyang pag-arte lalo na kapag siya ay umiiyak.
Dagdag pa dito ang karakter nina Alex at Bryan na ginampanan nina Aga Muhlach at
Dingdong Dantes, napakahuhusay nilang umarte lalo na kapag sila na ‘yung
nagbabatuhan ng mga linyahan sa pelikula. Halos silang lahat sa pelikula ay tunay na
napakahuhusay at talaga naming ginalingan ang pagganap sa kani-kanilang mga
karakter.
Sa kabubuuan, masasabi naming kapuri-puri at ekselehente ang ginawang pag-
arte ng mga batiking artistang gumanap sa mga karakter. Talagang nabigyan nila ng
hustisya ang kanilang mga roles at hindi sila bumitaw, talagang pinanindigan nila kung
sino talaga sila sa pelikula, at tunay ngang naging maganda ang dating nito sa amin
bilang manonood, at napaka-epektibo ng kanilang pag-arte.
PAGLALAPAT NG MGA TUNOG AT MUSIKA
Sa isang pelikula o kahit na anumang sining na pang-media, napakahalaga ng
ginagampanang papel ng isang musika o mga tunog na ating naririnig. Isa ito sa mga
nagbibigay saliw o buhay sa isang pelikula.
Sa pelikulang Seven Sundays, masasabi naming napakahusay ng pagkakalapat
ng mga tunog at musikang ginamit sa iba-ibang senaryo o eksena sa pelikula. Sakto ang
mga tunog at mga musika sa pelikula upang mas bigyan pa ng diin o bigat ang mga
emosyon, tension, at ekspresyon na ipinapakita sa bawat eksena. Sumasabay ito sa mga
halo-halong emosyon na nakapaloob sa pelikula na syang nagpapatingkad, nagbibigay-
kulay, at nagpapaganda rito upang mas lalo pang madala ang mga manonood. Kapag
malungkot ang eksenang ipinapakita sa pelikula, malungkot o makabagbag-damdamin
din ang musikang isinasabay dito, at kung masaya naman ang eksena sa pelikula, mga
musikang masigla naman ang itinutumbas dito upang makasabay sa mood ng eksena.
MGA ELEMENTONG BISWAL
Ang kwento ng pelikulang ating sinusuri ay hango sa kwento ng isang klasikong
pamilyang Pilipino. Kung kaya’t makikita natin sa ilang mga eksena ang mga lumang
lagayan ng mga tinapay na siyang nagsilbing taguan o sisidlan nila ng mga sulat. Para
sa amin, napakalaking impact nito sa atin bilang Pilipino dahil bumabalik ang mga ala-ala
ng ating mga lolo at lola na sulat pa lamang ang midyum ng komunikasyon noon para
magpadala ng mensahe sa ibang lugar. Pagdating naman sa mga kasuotan at make-up
ng mga tauhan, masasabi naming naaayon lamang iyon sa panahon kung kalian
naganap o ginawa ang pelikula.
IV. KONGKLUSYON
Ang pelikulang Seven Sundays ay sumasalamin sa kalagayang panlipunan ng
bawat pamilyang Pilipino. Lantaran nitong nilalahad ang mga suliranin na kinahaharap
ng bawat miyembro ng pamilya sa isang tahanan. Makikita sa pelikulang ito ang masakit
na katotohanan na totoong nangyayari sa ating lipunan, ang pagtalikod sa mga magulang
matapos makatagpo at makabuo ng sariling pamilya. Ito ay binigyang patunay ng
kuwento ni Tatay Manuel at ng kaniyang apat na anak na tila ba ay nakalimot na sa kaniya.
Makikita rin dito ang kaugalian sa isang pamilya na kung saan hindi nawawala ang
pagtatanim ng hinanakit, pagkainggit at ang pagkukulang sa unawa ng bawat isa na
siyang sumisira sa pagsasamahan ng pamilya.
Ang pamilya ang isa sa pinakapundamental na institusyon sa ating lipunan.
Nagmumula sa loob ng tahanan ang paghubog sa katauhan ng bawat miyembro nito.
Bilang kongklusyon, ang bawat pamilyang Pilipino ay dapat isa-alang alang ang
kahalagahan nang pagkakaroon ng maayos na pakikipag ugnayan sa bawat isa.
Kinakailangan ang labis na pang-unawa, pagiging bukas at pagpapakumbaba upang
magkaroon nang matatag na pundasyon ang pamilya at upang madaling maresolba ang
anumang problema at hamon na kahaharapin. Nararapat lamang na panoorin at
tangkilikin ang pelikulang ito sapagkat bubuksan nito ang ating isipan at magtatanim ng
mga nararapat na gawin kung nais nating mapagtibay ang samahan ng ating pamilya.

V. MGA REPERENSYA NG PAGSUSURI

Hadden, J. K., & Swann, C. E. (1981). Prime time preachers: The rising power of
televangelism. Amazon. Retrieved May 6, 2022, from
https://www.amazon.com/prime-video/actor/Cathy-Garcia-Molina/nm1283069/

ScreenSkills. (n.d.). Director (film and TV drama). ScreenSkills. Retrieved May 6, 2022,
from https://www.screenskills.com/job-profiles/browse/film-and-tv-
drama/development-film-and-tv-drama-job-profiles/director-film-and-tv
drama/#:~:text=Directors%20are%20the%20creative%20leads,in%20charge%20o
f%20a%20production

Seven Sundays: Star Cinema. ABS. (n.d.). Retrieved May 6, 2022, from
https://starcinema.abs-cbn.com/movies/seven-sundays

Tabares, N. (2017, October 12). "Seven Sundays" review: Fondly revisiting a familiar
story. PELIKULA MANIA. Retrieved May 6, 2022, from
https://pelikulamania.com/2017/10/12/seven-sundays-review-fondly-revisiting-a-
familiar-story/
VI. BIONOTE NG MGA TAGASURI

Siya si Ernel Kim L. Canaway, dalawampu't dalawang taong gulang, isang mag-
aaral mula sa Central Luzon State University. Ipinanganak sa bayan ng Guimba, Nueva
Ecija nina Estela at Elpidio D. Canaway. Siya ay bunso sa kanilang pamilya. Sa
kasalukuyan, siya ay nasa ikaapat na taon sa kursong Batsilyer ng Sekondaryang
Edukasyon nagdadalubhasa sa Ingles. Bilang isang kabataan, nakikita niya na isa ang
edukasyon sa mga napakalaking problema ng bansa kung kaya't ninanais nyang maging
isang guro upang maibahagi ang niya ang kanyang kaalaman sa mga kabataang may
pangarap sa buhay.
Siya si Joven Dale dela Cruz, dalawampu't dalawang taong gulang, isang mag-
aaral mula sa Central Luzon State University. Ipinanganak sa bayan ng Guimba, Nueva
Ecija ni Maria Divina T. dela Cruz. Siya ay bunso sa kanilang pamilya. Sa kasalukuyan,
siya ay nasa ikaapat na taon sa kursong Batsilyer ng Sekondaryang Edukasyon
nagdadalubhasa sa Ingles. Nais niyang maging guro dahil gusto niyang magkaroon ng
positibong kontribusyon sa buhay ng mga kabataan at partisipasyon sa ikagaganda ng
kinabukasan.
Siya si Elle Nikkita D. Guzman, dalawampu't isang taong gulang, isang mag-aaral
mula sa Central Luzon State University. Ipinanganak sa Seoul, South Korea ngunit lumaki
sa bayan ng Bongabon, Nueva Ecija. Siya ay panganay na anak nina Ofelia D. Guzman
at Edwin D. Guzman. Sa kasalukuyan, siya ay nasa ikaapat na taon sa kursong Batsilyer
ng Sekondaryang Edukasyon nagdadalubhasa sa Ingles. Bilang isang kabataan na
magiging guro, kinikilala niya na mahalaga ang boses ng sektor na kaniyang
kinabibilangan kaya naman sumali siya sa opisyal na pahayagan ng CEd bilang isang
mamamahayag at aktibong miyembro ng mga organisasyong tumatalakay sa mga isyung
panlipunan.
Siya si Madelene Isip, dalawamput dalawang taong gulang, isang mag-aaral mula
sa Central Luzon State University. Ipinanganak sa bayan ng Cuyapo, Nueva Ecija nina
Mario D. Isip at Clarissa O. Isip. Siya ay pangatlo sa apat na magkakapatid. Siya ay nasa
ika-apat na taon na sa kolehiyo sa kursong Batsilyer ng Sekondaryang Edukasyon
Medyor sa Ingles. Nais niyang maging isang ganap na guro upang magkaroon ng
malaking parte sa pagbabago sa buhay ng mga estudyanteng patuloy na nangangarap
para sa kanilang hinaharap.

You might also like