Modyul1. Aralin 2

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 7

Inihanda ni: CRISTINA I.

ANGELES

Central Luzon State University


Science City of Muñoz 3120
Nueva Ecija, Philippines

Instruksyong Modyular sa Kursong


FILKOM 1100-KONTEKSTWALISADONG KOMUNIKASYON SA FILIPINO

Modyul 1
Aralin 2 KOMUNIKASYON AT WIKANG FILIPINO

Pagtatampok sa Aralin ( Overview )

Ano ang ibig sabihin ng kontekstwalisado/kontekstwalisasyon?


Bakit kontektwalisadong komunikasyon sa Filipino?
Ano ang wikang pambansa mo?
May pagkakaiba ba ang Tagalog, Pilipino at Filipino?
Ikinararangal mo ba ang wikang pambansa mo?

Ilan lamang iyan sa mga tanong na tiyakang sasagutin ng modyul na


ito. Halina’t basahin ang kabuuan nito upang maging ganap ang iyong pag-
unawa kaugnay ng kontekstwalisadong komunikasyon sa Filipino at tungkol
sa wikang Filipino mismo.

I. Paglalahad ng mga Layunin ( Objectives )

Matapos ang aralin, inaasahang maisasagawa ng mga mag-aaral ang sumusunod:

1. Nabibigyang-kahulugan ang salitang kontekstwalisado/kontekstwalisasyon;


2. Nailalahad ang tungkulin at halaga ng wikang pambansa;
3. Napalalalim ang pagpapahalaga sa wikang Filipino at nagagamit ito sa pagpapahayag sa
iba’t ibang antas at larangan.
II. Pagtalakay sa Aralin ( Discussion )

Panimulang Gawain

Naniniwala ka ba na hindi dahil Pilipino ka ay may pagpapahalaga ka


na agad sa sariling wika? Paglimian mo nga ang sagot sa tanong na ito.
Ibahagi mo sa comment section ng group chat ang iyong katwiran para rito.

Tumutukoy ang kontekstwalisasyon sa proseso ng pag-aaral sa pamamagitan ng


pag-uugnay ng kurikulum o aralin sa partikular na tagpuan, sitwasyon o lugar ng
paglalapat upang gawing angkop, makabuluhan at kapaki-pakinabang sa mga mag-
aaral.
Samantala, kontekstwalisadong komunikasyon sa wikang Filipino naman
sapagkat layunin nito na linangin ang kakayahan at kasanayan ng mga estudyanteng
Pilipino sa paggamit ng sariling wika hindi lamang sa tahanan at komunidad kundi higit
pa rito. Ibig sabihin, sa pamamagitan ng asignaturang ito ay maitataguyod ang wikang
pambansa sa mas mataas na antas ng edukasyon at higit pa. Sa kabuuan, layunin
nitong hubugin ang mga estudyante bilang makabayang mamamayan na matatas at
bihasa sa wikang Filipino at may mataas na pagtitiwala at pagtingin sa sariling wika.
Ano ang wikang pambansa ng mga Pilipino? Iba-iba ang maririnig na sagot
maging ng mga Pilipino sa simpleng tanong na ito. Ang ilan ay sasagot ng Tagalog, ang
iba naman ay Pilipino at may mga sasagot din ng Filipino. Ano nga ba talaga ang
wikang pambansa ng mga Pilipino? Bakit maraming miskonsepsyon tungkol dito?

Masalimuot at makulay ang pinagdaanan ng wikang pambansa. Hindi biro ang


mga pag-aaral at mga pagtalakay kaugnay nito. Nagsimula ang pangarap ng mga
Pilipino na magkaroon ng wikang pambansa nang ganap na lumaya sa kamay ng mga
mananakop ang Pilipinas. Ito ay sa panahon ng Komonwelt sa ilalim ng panunungkulan
ni Pang. Manuel Luis Quezon bilang pangulo nito. Dahil malaya na ang Pilipinas sa
anumang uri ng panunupil, kailangan na ring lumaya ang diwa at dila ng mga Pilipino
sa pamamagitan ng pagkakaroon ng wikang pambansa.

Bukod pa rito ay may tiyak at mahalagang gampanin ang wikang pambansa sa


isang bansang malaya. Kabilang dito ang pagiging simbolo ng aydentidad at dignidad
ng bansa kasama ng iba pang mga pambansang simbolo, daan sa pag-iisa at
pagkakaisa ng mga grupong may iba’t ibang katangiang pangwika at pangkultura at
instrumento sa pakikipag-ugnayan sa loob at labas ng bansa.
Ang mga bagay na ito ay pinaniniwalaan ng mga lider ng bansa kabilang na ang
Pangulong Quezon kung kaya’t nagpunyagi sila sa pagkakaroon ng wikang pambansa
lalo na’t ang adhikain ng edukasyon ng pamahalaang Komonwelt ay ang paglinang ng
diwa ng pambansang pagkakaisa at pagkamakabayan. Dahil sa adhikaing ito, ganap
ang paniniwala ng mga lider ng bansa sa panahong iyon na mahigpit ang
pangangailangan ng adapsyon ng isang panlahat na wikang pambansa sapagkat ito ang
pangunahin at makapangyarihang kasangkapan upang maisakatuparan ang nasabing
adhikain. Subalit kung anong wika iyon ay kailangang pang pag-aralan at pagpasyahan.

Kabilang sa mga naitalang mahahalagang tanong sa unang pagpupulong sa


Kombensyong Konstitusyunal noong 1934 hinggil sa mga usaping pangwika ay ang
sumusunod: Kailangan bang magkaroon ng wikang pambansa? Saan dapat magmula
ang magiging wikang pambansa? Dapat bang manggaling ito sa lahat ng mga wika sa
buong bansa? Bukod sa pambansang wika, may pangangailangan din ba sa
pagkakaroon ng opisyal na wika? Iba’t ibang opinyon ang ipinahayag at narinig sanhi ng
mga tanong na ito.

Noong 1935 sa kauna-unahang Konstitusyon ng


bansa ay naitadhana sa Artikulo XIIV , Seksyon 3
ang ganito :
“Ang pambansang Asemblea ay gagawa ng mga
hakbang tungo sa pagbuo at adpasyon ng isang
pangakalahatang pambansang wika na batay sa isa
sa umiiral na katutubong wika.”
Subalit bago pa man naitadhana ang nilalamang
ito ng konstitusyon ay may mga usapin pang naganap
at pinaniniwalaang hindi iyon ang mungkahing
amyenda sa orihinal na draft para sa wikang
pambansa. Ang pinagkasunduang amyenda para sa
umusbong na mga pagtatalo bunga ng orihinal na draft ay iminungkahi ng isang
delegado mula sa Camarines Norte na si Wenceslao Q. Vinzons na kung saan ay
nakasaad ang ganito :

“Ang pambansang asemblea ay gagawa ng


mga hakbang tungo sa pagbuo at adapsyon ng
isang panlahat na wikang pambansa na batay sa
lahat ng mga umiiral na wikang katutubo.
Hanggang walang ibang itinatadhana ang batas, ang Ingles at Espanyol ay patuloy na
mga wikang opisyal.”
Buhat sa ideya ni Vinzons na,“ang wikang pambansa ay dapat na ibatay sa lahat
ng mga umiiral na wika” na pinagtibay naman ng mga delegado ay nagkaroon ito ng
malaking pagbabago, ang salitang lahat ay naging sa isa na pinaniniwalaang
nagpabago sa orihinal nitong intensyon o layunin. Bakit ito binago o nagbago? May
makabuluhang epekto ba ito sa wikang pambansa?

Bagamat alam ng mga delegado ng kumbensyong konstitusyunal na wala sa


alinman sa mga wika ng Pilipinas ang tiyak na makatutugon sa tungkulin ng wikang
pambansa ay kinailangang pumili ang kapulungang lehislatibo ng wikang maaaring
paunlarin tungo sa pagiging wikang pambansa sapagkat nailahad na ito bilang
probisyong pangwika sa konstitusyon.

Bunga nito ay itinatag ang Surian ng Wikang Pambansa (SWP) sa pamamagitan


ng Batas Komonwelt Blg 184 at tinakda na rin ang kapangyarihan nito kabilang ang
pagpili ng isang katutubong wika na siyang pagbabatayan ng wikang pambansa. Ang
SWP ay bumuo ng isang komite sa pangunguna ni Jayme C. de Veyra kasama ng iba
pang mga eksperto sa wika at kanilang iminungkahi ang Tagalog bilang batayan ng
wikang pambansa na naitadhana sa pamamagitan ng Kautusang Tagapagpaganap
Blg.134.

Kasunod ng pagpili at pagkapahayag na Tagalog ang batayan ng wikang


pambansa ay binigyang pahintulot ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 263 ang
paglimbag ng Bokabularyo at Balarila ng Wikang Pambansa at ang pagtagubilin din ng
pagtuturo nito sa mga publiko at pribadong paaralan sa buong bansa. Pinaniniwalaang
ito ang simula ng pagpapalaganap ng wikang itinuturing ng ilan bilang “puristang”
Tagalog.

Dahil sa konseptong nabuo kaugnay ng Tagalog ay nagpatuloy ang mga


mainitang pagtatalo at pagtuligsa sa pagkapili rito bilang batayan ng wikang pambansa.
Lumitaw ang mga pagtutol dito ng mga di tagapagsalita ng Tagalog Sa halip na maging
susi ito ng pambansang pagkakaisa ay naging daan pa ito sa pagpapangkat-pangkat ng
mga Pilipino.

Upang mabigyang-solusyon ang mga nabanggit na suliranin ay inilabas ang


Kautusang Pangkagawaran Blg.7 na nagtatagubilin na kailanman at tutukuyin ang
wikang pambansa, ang itatawag dito ay Pilipino. Subalit sa kabila ng pagpapalit ng
panawag sa wikang pambansa ay nanatili pa rin ang pagtutol dito sapagkat ang
esensya nito ay Tagalog pa rin naman. Tila isa itong bata na pagkapanganak ay
inirehistro sa isang tiyak na pangalan subalit sa loob ng tahanan ay may palayaw o
kaya ay ng isang manunulat na gumamit ng sagisag sa kanyang mga panulat.

Nagpatuloy ang mga usapin at isyung pangwika sa paglipas ng panahon


hanggang sa dumating ang Konstitusyon ng 1973. Sa kumbensyong konstitusyunal ng
1973 ay muling lumikha ng komite na bubuo ng pag-aaral at mga rekomendasyon na
siyang magiging solusyon kaugnay ng suliranin ng wikang pambansa kaya sa Artikulo
XV, seksyon 3 ay nakasaad na : “Ang pambansang asemlea ay gagawa ng mga
hakbang tungo sa pagpapaunlad at pormal na pagpapatibay ng panlahat na wikang
pambansa na tatawaging Filipino.”

Mula nang maitadhana ito sa Konstitusyon ng 1973 hanggang taong 1986 ay


nagpatuloy ang mga pag-aaral at pananaliksik sa wikang pambansang makikilalang
Filipino. Maraming mga atas, batas, kautusan at mga proklamasyong pangwika ang
nabuo at ipinatupad sa bansa hanggang sa mapagtibay ang Konstitusyon ng 1987 na
nagtatadhana sa Arikulo XIV, seksyon 6 na : “Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay
Filipino. Samantalang nalilinang ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa batay sa iba
pang mga wika sa Pilipinas.”.

Mapapansin na ang nilalamang ito ng Konstitusyon ng 1987 partikular na ang


“…batay sa iba pang mga wika sa Pilipinas” ay hindi bago sapagkat kung babalikan ang
kasaysayan ay ito rin ang amyenda ni Delegado Vinzons kaugnay ng wikang pambansa
na nagsasabing “…batay sa lahat ng mga umiiral na wikang katutubo”.

Masasabi kung gayon na kung hindi nabago o binago ang amyenda ni Delegado
Vinzons marahil ay isa nang ganap na intelektwalisado at istandardisado ang wikang
pambansa ng mga Pilipino sa haba ng panahong lumipas at sa dami ng mga pag-aaral
na isinagawa mula noong taong 1935 hanggang sa kasalukuyan. Ito ang mithiin natin
para sa pambansang wika – ang maging maunlad at matatag. Mangyayari ito kung ang
bawat mamamayang Pilipino ay magkakaisa at magtutulungan - mula sa mga simpleng
mamamayan, sa pinuno at guro ng mga paaralan, sa mga senador, kongresista at lahat
ng nanunungkulan sa bayan at sa iba’t ibang mga institusyon. Ang sama-samang
pagmamalasakit at pagmamahal sa wika ay magbubunga ng tagumpay ng wika.

Subalit nakalulungkot sabihin na ang kabaligtaran nito ang nagaganap sa


kasalukuyan. Bukod-tanging sa Pilipinas lamang kailangang ipaglaban pa ang sariling
wika. Sa Pilipinas matatagpuan ang sariling mga mamamayan nito na walang tiwala sa
wikang pambansa. Pilipino mismo ang yumuyurak sa kariktan at dangal nito.
Basahin ang artikulo ni Dr.Antonio Contreras na may pamagat na, Filipino ang
Pambansang Wikang Dapat Ipaglaban sa link na ito :
https://www.gmanetwork.com/news/opinion/content/376423/filipino-ang-pambansang-
wikang-dapat-pang-ipaglaban/story/

Pagpapalawak sa Aralin

Upang higit na lumawak ang iyong kaalaman sa aralin, iminumungkahing puntahan,


buksan, basahin ang artikulo / panoorin mo ang mga video sa sumusunod na link,magiging
lunsaran ito ng kasunod na aralin at magiging bahagi ng mga gawain at pagsusulit.

https://www.youtube.com/watch?v=K36PKvcEpVQ
https://www.youtube.com/watch?v=vzHGlsNHg3M
https://www.youtube.com/watch?v=YuAdoyNKC3M
https://www.youtube.com/watch?v=sLJsYViUzGQ
https://www.youtube.com/watch?v=KH-UFAt--To

III. Pagtataya sa mga Natutuhan (Assessment)

Upang matiyak na ganap mong nauunawaan ang paksang tinalakay, sikapin


mong sagutin nang tama ang kasunod na gawain.

Hintayin ang ibibigay ng inyong guro na gawain sa Google Classroom.

Takdang Aralin

1. Kumuha ng sipi ng sumusunod at basahin ito:

a. Mga Posisyong Papel ng Iba’t Ibang Unibersidad Kaugnay ng Filipino sa


Kolehiyo
b. Posisyong Papel ng Pambansang Samahan sa Linggwistikang
at Literaturang Filipino (PSSLF) Kaugnay ng Filipino sa Kolehiyo
c. Resolusyon ng National Committee on Language and Translation Kaugnay ng
Filipino sa Kolehiyo.
d. Resolusyon ng National Commission for Culture and the Arts Kaugnay ng
Filipino sa Kolehiyo
e. Petisyon sa Suprema ng Tanggol Wika
Talasanggunian

Angeles, Cristina I., etal. 2017.Komunikasyon at pananaliksik sa wika at kulturang


pilipino. Muntinlupa City:Panday-lahi Publishing House,Inc.
Angeles, Cristina I., etal. 2013. Akademikong filipino para sa kompetetibong pilipino.
Valenzuela City: Mutya Publishing House, Inc.
Irabagon, Cristina C., et al. 2003. Sining ng komunikasyon. Valenzuela City: Mutya
Publishing House, Inc.
San Juan, David Michael M.,et al.2018. Bahaginan.Kontetwalisadong komunikasyon sa
Filipino. Valenzuela City: Mutya Publishing House, Inc.

You might also like