Sabi nila, ang edukasyon ang kayamanang kalianman ay hinding-hindi
mananakaw o maaagaw sa iyo. Lahat ng mga natutunan mo ay mananatili lamang sayo at hindi ito mananakaw o maaagaw mula sa iyo liban na lamang kung gusto mong ibahagi ang mga ito. Ang edukasyon ay isang makapangyarihang sandata tungo sa tagumpay. Sa aking mga kaklase na naririto at sa ating kagalang-galang na guro na si Dr. Rhodora Lanza-Gallares, magandang umaga sa inyong lahat.
Laganap pa rin sa ating bansa ang kahirapan. Lalo na ngayon sa panahon ng
pandemya na marami sa ating mga simpleng manggagawa ang nawalan ng hanapbuhay. Bakit kaya na kahit pa man noon na wala pa ang pandemyang kinakaharap natin ngayon ay marami na ang naghihirap sa ating bansa? Dahil walang trabahong mapapasukan. Bakit kaya walang trabaho na mapasukan? Dahil hindi niya nakamit ang edukasyon na kinakailangan para sa trabahong papasukan niya. Bakit kaya hindi niya nakamit ang edukasyon na kailangan niya? Maraming dahilan iyan. Maaaring nahumaling siya sa barkada, sa bisyo o di kaya ay sa wagas na pag-ibig ngunit liban sa mga ito ay mayroong napakalaking porsyento ang kahirapan bilang dahilan ng kawalan ng edukasyon. Marami sa mga kabataan natin noon at ngayon na hindi na nagkaroon ng pagkakataon na makapag-aral dahil sa hindi nila nakayanan ang gastos sa pag-aaral. Kaya ano ang nangyari? Marami ang maagang nag-asawa at ang iba naman ay nasasangkot sa mga bisyo o anumang gulo bagamat hindi naman lahat dahil marami rin naman ang kahit walang pinag- aralan ay nagsusumikap na makahanap ng trabaho kahit pa man katumbas ng kaunting sahod lamang. Kaya tayo naghihirap ay dahil nga sa walang trabaho at kung meron man ay kaunti naman ang sahod. Ngunit sa mata ng isang pursigidong mag-aaral, hindi niya nanaisin na makaranas pa ng paghihirap sa hinaharap. Hindi magiging hadlang ang kahirapan sa pag abot niya sa kanyang mga pangarap. Nais ko lamang ibahagi sa inyo ang karanasan ng isang bata na lumaki sa hirap. Nasa ikatlong baitang sya nang nagkahiwalay ang kanyang mga magulang. Nakaranas sya ng pagmamalupit. Naging alipin upang makakain. Naging alalay siya ng kanyang guro at binibigyan siya nito ng dalawang piso. Ang dalawang pisong ito ay ibibili niya ng kanyang pasalubong sa kanyang maliit na kapatid. Yaahoo lang sapat na para sa mga kapatid niya at maglalakad siya pauwi. Sa murang edad ay hindi niya naisipan na tumigil sa pag-aaral. Patuloy siyang nag sumikap. Isa siyang consistent honor student. Nakakakuha ng mga awards. Nagtapos sya sa senior high school bilang 2nd rank at ngayon sa kolehiyo ay nabibilang sya sa dean’s list. Ang babaeng ikinikwento ko sa inyo ay walang iba kundi ang nagsasalita sa inyong harapan ngayon. May rason pa ba para huminto? Nakayanan nga ng isang bata na sa murang edad ay dumaan sa matinding hirap at wala pa kahit ni isa sa kanyang mga magulang ang nasa tabi niya. Kayo pa ba na mapapalad na mayroong kasamang magulang at maraming sumusuporta?
Malaking balakid ang kahirapan sa pagkamit ng inaasam na edukasayon.
Kahirapan na kung sana ay mayroon lang tayong mahika ay madali nating mapupuksa. Kahirapan na nagwakas na sana kung nasa atin lang ang mahiwagang bulsa ni Doraemon na kayang ibigay ang lahat ng gusto at kailangan natin. Kaya lang nandito tayo sa realidad ng buhay. Ang realidad ng buhay na hindi lang puro galak at kasaganahan ang mararanasan natin kundi pati ang pagkabigo at paghihirap. Huwag nating gawing balakid ang kahirapan sa pag-unlad bagkos gamitin natin ito bilang inspirasyon natin sa patuloy na pagsusumikap sa buhay. Naghirap na tayo ngayon kaya sikapin nating hindi na maghirap sa hinaharap. Gamitin natin ang kahirapan ngayon bilang inspirasyon sa pagpuksa ng kahirapan sa hinaharap. Gamitin natin ang kahirapan sa pagpuksa ng kahirapan gamit ang edukasyon bilang ating mahiwagang sandata. Muli magandang umaga sa ating lahat.