PAPEL NG WIKA SA PAGBUO NG PAMBANSANG WIKA, KUTURA, AT
IDENTIDAD SA PAG-UNLAD NG KAALAMANG KULTURAL AT PAGPAPAHALAGA
SA PAGKA-PILIPINO SA GITNA NG GLOBALISASYON Gasgas na marahil sa ating mga pandinig ang mga salitang ito na binitawan ng ating pambansang bayani: "Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda". Mula sa mga salitang iyon ni Rizal ay namutawi na sa lahat ng Pilipino na marapat nating mahalin ang ating wika. Ngunit, higit pa sa ating sariling wika ay ang marami pang mga katutubong wika na siyang pinangangalagaan ng ating kultura at kasaysayan. Dahil na rin pagbabago ng panahon, ang ilan sa mga ito ay tinangay na ng mga agos ng paglaho. Ang wikang Filipino ang susi sa maayos at mabilis na komunikasyon ng bawat isa. Ito ay ginagamit upang magkaunawaan at magkaintidihan ang mga tao sa paligid. Isa ring sanhi ng globalisasyon ay ang mapalaganap ang wikang Filipino na ginagamit dahil ito ay sumasaklaw sa Iba’t ibang aspekto ng lipunan at sa buhay ng tao. Nguni’t ano nga ba ang ipinapakahulugan ng globalisasyon sa mga pangkaraniwang Pilipino? Ang globalisasyon ay ang pagpapalawig, pagpaparami, at pagpapatatag ng mga koneksyon at ugnayan ng mga bansa sa kapwa bansa, at bansa sa mga international organization sa aspekto ng ekonomiya, politika, kultura at kapaligiran. Ito ay ang pagsusulong ng pandaigdigang kalakalan o International trade sa pamamagitan ng pagbubukas ng mga pambansang hangganan at pagbabawas sa paghihigpit sa pag- angkat ng mga produkto. Kung kaya’t napakahalaga ng ginagampanan papel nito. Lingid sa ating kaalaman na ang ating wika kasama ang mga katutubong diyalekto ang nagsisilbing tulay upang mapagbuklod ang lahing Pilipino sa loob o sa labas man ng ating bansa. Binubuhay nito ang kulturang siyang tumatayong identipikasyon ng ating lahi na ating maipagmamalaki sa iba pang mga banyagang tao. Napakahalaga ng ating wikang pambansa sapagkat ito ang nagbibigay buhay, diwa at ang nagpapakilala sa bansa. Ito ang sumasalamin sa kultura, kaugalian, paniniwala, kaalaman at karunungan ng mga mamayan, ang nagbabatid ng kakayahan ng mga tao, ang daluyan ng ating komunikasyon, ang larawan na nagpapakita ng ating pagkakakilanlan, kung paano tayo tatanawin at ituturing ng mga tao sa labas ng bansa. Wikang Filipino ang kaluluwa ng Pilipinas, ang karunungan nito ang susi sa pambansang pag-unlad sa iba't-ibang aspeto para sa iisang minitmithing tagumpay. Ginagamit ang wikang Filipino bilang isang midyum para makasulat, makabasa at makaintindi ng mga aralin at mga bagay na dapat matutunan at malaman. Kung walang wika ay hindi matututo ang isang mag-aaral sa mga bagay na kailangan niyang malaman, hindi rin magkakaintindihan ang bawat isa. Ang wika din ang gamit sa pakikipag-ugnayan sa pag-aaral at sa pagtuturo sa iba. Ang sukatan ng karunungan at katalinuhan ay kakayahan nito sa pagsasalin ng mga natutunan sa ibang tao. Ito ang nagsisilbing instrumento sa pagpapaunlad ng kultura at sining sa isang bayan o bansa. Patuloy pa rin ang pagbabago at pag-unlad ng wika. Hindi ito mapipigilan o masisira man ng panahon. Iba- iba man ng yugto, ay patuloy pa rin ang pagyabong nito. Kasabay ng paglipas ng panahon, maraming mga pagbabago ang naganap hindi lamang sa ating kapaligiran kundi maging sa ating wika. Malaki ang naging pag-unlad nito simula noong panahon ng mga katutubo, na kung saan tayo ay may alibata hanggang sa kasalukuyan na kung saan nagkaroon ng bagong alpabeto. Itinuturing na malaki ang naging ambag ng mga katutubo sa pag-unlad na tinatamasa ngayon ng wika. Ang modernong panahong ito tungo sa bagong yugto ng globalisasyon ay malaki ang maitutulong sa wika. Patuloy ang rebisa ng wika hanggang sa mas lalo pa itong mapaunlad. Marami pa rin ang madadagdag, mababago at maiaambag sa ating wika ng mga susunod pang henerasyon. Gamit ang mga makabagong teknolohiya, nagagawa ng wika na mas mapaglagom pa lalo ang saklaw nito. Ang “internet”, ang nagbigay daan sa global na komunikasyon. Kahit na malayo ang isang tao, nagagamit pa rin ang wika sa kanilang pakikipagtalastasan. Dulot ng interaksyon na ito sa modernong kaparaanan, ay maraming salita ang nadagdag, naimbento at nabago. Marami ring salita ang umuso at nakakuha pansin sa mga tao. Ang henerasyon ngayon ang may malaking ginagampanan sa pagyaman at pagbabagong ito ng wika. Ang kanilang mga malilikhaing isip ang nakagawa at nakaimbento ng mga ito. Nakalangkap sa wika at panitikang katutubo ang pinagdaanang kasaysayan ng sambayanang lumaban sa pananalakay at pang-aalipin ng kolonyalismong Espanyol at Amerikano. Sa tuwing pinagyayaman ang wika at panitikang katutubo, may lakas na pinakikilos sa kalooban ng Filipino, na magagamit na panlaban sa pang-aakit ng globalisasyon. At sa pamamagitan ng biyayang ito ng globalisasyon, pinanatili nitong buhay ang kaluluwa ng ating Wikang Filipino sa puso’t isip ng bawat-isa. Hindi naging hadlang ang wikang banyaga sa panahon ngayon bagkus ay nakatulong pa lalo upang maipakita ang pag- unlad nito. Nagkakaisang bansang Pilipinas. Kung ating yayakapin ang ating mga kinagisnang wika sa ating bansa, hindi malabong mangyari ito-- ang magkaisa ang bawat Pilipino. Dahil mayroon tayong iisang pananalita at iisa ang lengguwaheng lumalabas mula sa ating bibig na siyang bubuo sa isang bansang maunlad at progresibo. Hindi pa huli ang lahat, hindi pa sila nawawala, hindi pa sila nakabura sa kasaysayan, ang wikang maka-Pilipino ay masugid na naghihintay upang maibangong muli, maipagmalaki, at muling mamutawi sa dugo ng bawat taong bumubuo sa isang lupang hinirang ng Diyos na kung tawagin ay Pilipinas. Hindi natin tinatanggihan ang paghatak ng hinaharap kung iyon ay magdadala sa atin sa tunay na pag-unlad. Subalit ang identidad ng isang sambayanan ay hindi naisusuko nang gayon-gayon lamang. Marami mang pagsubok sa pagpapahalaga sa pagka-Pilipino, nananaig pa din ang dugong makabansa na ipinagmamalaki ang ating sariling wika. Nakatatak ito sa kamalayan hindi ng iisang tao lamang kundi sa kamalayan ng buong sambayanan. Kung hinihimok tayo ng globalisasyon na magbagong bihis, itinuturo naman ng ating kasaysayan na ang pinagdaanan natin bilang sambayanan ay laging nagpapagunita na may sariling bayan tayo, may minanang kultura at may banal na kapakanang dapat pangalagaan at ipagtanggol kung kinakailangan. Sandatahin natin ang ganyang kamalayan tungo sa ikaluluwalhati ng Filipino bilang nagsasariling bayan. Ipagmalaki, taas-noo, tayo ay Pilipino!