Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

Ang Awit ng Kalayaan: Hamon sa Inang Bayan

“Tangan natin hanggang ngayon ang kalayaang ipinaglaban mula sa mga manlulupig.
Huwag ipabuwag ang lupang ating hinihirang sa mapagbalatkayong kaisipan ng iilan.”

Isa sa mga inaasahang ipagdiriwang ngayong buwan ng Hunyo ay ang araw ng


kasarinlan o ang Independence Day. Ang araw na ginugunita ang paglaya ng ating
bansa mula sa mga mananakop. Ang araw ng paggunita sa mga bayaning nagbuwis ng
buhay upang matamasa ang kalayaang ito. Ang araw din ng pagbibigay pugay sa mga
buhay, sakripisyo at pagpapagal ng mga huwarang bayani upang maiparanas ang
kalayaang nararapat para sa Pilipinas.

Taong 1898 , ika -12 ng Hunyo nang opisyal na lumaya ang Pilipinas mula sa
pamumuno at pananakop ng mga Kastila. Ang kalayaang bumuhay sa pag-asa ng mga
Pilipino. Ang araw ding ito ang naging panahon para sa Pilipinas na makaalpas mula sa
matagal nitong pagkakagapos. Ngayon ay ika-124 nang araw ng kalayaan ang
ginugunita natin. Sa mahigit isang siglo nating kalayaan, tunay nga ba itong natatamasa
nating kasarinlan? Mayumi ba ang pagkakaawit sa ating kalayaan? O di kaya’y patuloy
lamang itong nagiging hamon sa ating inang bayan?

Bukod sa ika-12 ng Hunyo, itinuturing na araw ng kalayaan ang ika-4 ng Hulyo, 1946
ngunit napanatili pa rin sa ika-12 ng Hunyo bilang opisyal na araw ng kalayaan sa bisa
ng lagda ni dating Pangulong Diosdado Macapagal noong ika-4 ng Agosto taong 1964.
Ito ay Republic Act No. 4166 o “An act changing the date of Philippine Independence
Day from July four to June twelve, and declaring July four as Philippine Republic Day”
Naniniwala si dating Pangulong Macapagal na ang tunay na kalayaan ng Pilipinas ay
ating tinamasa noong Hunyo 12.

Kalayaan 2022: Pag-suong sa Hamon Ng Panibagong Bukas (Rise Towards The


Challenge Of A New Beginning)” ang tema ng Araw ng Kalayaan ngayon taon. Sa
pag-usad ng panahon, maraming mga pagbabagong kinailangang yakapin at tanggapin
sa ngalan ng katarungan at kaisahan. Sa kabila man ng kalayaang tinatamasa ay kipkip
pa rin ng bawat Pilipino ang pagsuong sa hamon ng panibagong bukas; sa bukas na
hindi sigurado ang kanilang kalayaan.

Para sa iilan ano nga ba ang simbolo ng kalayaan? Ito ba ay pagbabalik-tanaw sa mga
bayaning matapang na lumaban para kasarinlan? Marahil ang ang pagbabalik-tanaw na
ito ay siyang patuloy na nagdudulot ng lakas at tapang sa mga Pilipino upang patuloy
na gamutin ang mga sugat at tuluyan nang maghilom ang tunay na sakit ng ating
bayan. Sa liriko ng lupang hinirang ay ating inaawit ang “May dilag ang tula, At awit sa
paglayang minamahal” na mula pa noong isinasatitik ang musikang simbolo ng ating
pagka-Pilipino ay dinadama nito ang kalayaang inaasam. Kasabay ng pagwagayway ng
bandila ay pagwagayway ng paglaya natin mula sa kasakiman ng kapangyarihan.

Marami tayong kwento ng kalayaan. Marami tayong kahulugan na naiuugnay sa


kasarinlan. Marami ring bayani sa kasalukuyang panahon ang patuloy na nagtataguyod
para sa ikauunlad ng bayan. Sa paglipas ng panahon, pinapatunayan natin na ang ating
kasarinlan ay susi ng ating pagkakabuklod-buklod at katapangan sa ngalan ng
katapatan at kagitingan. Tanda ang araw na ito sa pagpupunyagi ng bawat
mamamayang Pilipino sa pagkamit ng magandang bukas.

Tangan natin hanggang ngayon ang kalayaang ipinaglaban mula sa mga manlulupig.
Masakit mang isipin ay hanggang sa kasalukuyan dama pa rin natin ang pananakop ng
kaisipan ng mga dayuhan at tila ba naging kultura na natin ang tanggapin ang kultura
ng iba. Ang kalayaang tinamasa ng bawat Pilipino ay mukhang hindi naisakatuparan sa
isip, sa salita at sa gawa. Nawa’y huwag ipabuwag ang lupang ating hinihirang sa
mapagbalatkayong kaisipan ng iilan.

You might also like