Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 4

Congayo, Nikki Marie Jariol Buhay at mga Isinulat ni Rizal

ABPhilo 2-1 Gg. Jaymee Carlo N. Ebreo

Retraktasyon ni Rizal: Ang Bayaning Third World at ang Lektura ni Xiao Chua

Ang Bayaning Third World ay isang mokumentaryo mula sa direksiyon nina Mike
de Leon at Clodualdo del Mundo Jr. taong 1999. Ito ay tumatalakay sa ating pambansang bayani
na si Jose Protacio Rizal Mercado y Alonzo Realonda Quintos o mas kilala sa tawag na Dr. Jose
Rizal hinggil sa kanyang kabayanihan at sa isyung noon pa man ay usap-usapan na, ang
Retraktasyon. Kung saan pinaniniwalaang dito nakasaad ang kanyang pagbawi sa lahat ng mga
naisulat niyang kumekwestyon at kumakalaban sa simbahang katoliko ng pilipinas sa ilalim ng
kolonyalismo ng pamahalaang espanya at nagsilbing inspirasyon upang magbunsod ng mga
kilusan ang mga Pilipino sa panahong ito. Ang kuwento ay magsisimula sa dalawang taong
gumagawa ng pelikula o filmmaker at ang kanilang planong lumikha ng isang pelikula hinggil sa
buhay ni Rizal. Mula sa ilang beses nilang pagsubok at pag-isip sa mga ideyang nais nilang
gamitin sa magiging pelikula, sinimulan nila ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng isang
imbestigasyon o pagsisiyasat sa mga dokumento at iba pang mga patunay ng kabayanihang
nagawa ng ating pambansang bayani. Ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo na kilalang mga
nobela niya ang sinasabing mga pangunanhing interes sa kanyang retraktasyon kung saan
ipinapakita sa kuwento ang mga panunupil at hindi tamang pagtrato ng mga prayle sa mga
Pilipino. Sa pagsisiyasat, bahagi nito ang pakikipanayam sa mga pangunahing indibidwal sa
kanyang buhay. Ang kanyang ina na si Teodora Alonso, ang mga kapatid na sina Paciano,
Trinidad, Narcisa, at ang kanyang pinaniniwalaang asawa na si Josephine Bracken. Kasama rin
sa kuwento ang mga heswitang pari na diumano’y nasaksihan ang kanyang pagtalikod. Upang
mapagtagpi-tagpi ang mga pangyayari at makakuha ng sagot, nagkaroon sila ng pagkakataong
makapanayam mismo si Rizal.
Mula naman sa isang video ng lektura ng isang Historyador na si Xiao Chua na pinamagatang
Xiao Talks: The Retraction of Jose Rizal by Xiao Chua, binaggit niya ang retraktasyon ni Rizal
bilang isang maituturing na walang saysay kung ihahanay ito sa kabayanihang nagawa ng ating
pambansang bayani. Dito, ibinahagi niya na ang retraktasyon kung saan nang mabaril si Rizal,
mayroon itong isinulat tungkol sa pagtalikod sa masoneriya (isang pandaigdigang kapatiran ng
mga taong may malayang kaisipan dahilan upang magkaroon ito ng hidwaan laban sa mga
simbahan lalo na ang katoliko sa kadahilanang ang mga sumasapi rito ay tinatawag na mga erehe
kaya’t ipinagbabawal sa mga katoliko ang pag-anib rito.) at pagbabalik sa simbahang katoliko
kung saan marami ang hindi naniwala. Ayon sa kanya, kung totoo nga ang retraksyon, ang ibig
sabihin nito ay nakasal nga siya sa kanyang huling pag-ibig na si Josephine Bracken at kung saan
magkakaroon ng mga kumplikasyon sa mga pangyayari. Isa na rito ang paghingi ni Bracken ng
mana sa mga naisulat ni Rizal mula sa pamilya nito sa kabila ng kawalan niya ng patunay na
naikasal nga sila bago siya mamatay. Mula sa video, binanggit niyang nariyan ang mga
nasyunalista o mga taong hindi naniniwalang totoo nga ang retraktasyon dahil sa paniniwalang
katumbas ng pagtalikod niya sa kanyang mga naisulat at ang pagbabalik loob sa simbahang
katoliko ay ang paniniwalang hindi siya karapat-dapat na ituring bilang isang bayani. Ayon pang
muli sa kanya, may mga naniniwalang ang naisulat niya ay maaring isang draft o burador lamang
at may kung sinuman ang nagpeke ng pirma ni Rizal. Nabanggit niya rin na ang diskurso ang
pinakamalaking isyu noon kung saan nahati ang panig sa dalawa, ang mga katoliko kung saan
naniniwala silang totoo nga ang retraktasyon dahilan upang lalong purihin siya rito sapagkat ito
ang simbolismo ng pagiging dakila niya, ang pag-amin sa mga pagkakamali at pagbabalik-loob
sa kanyang pananampalataya. Dito nagsimulang magpakita ng mga ebidensya upang suriin kung
totoo nga ba o hindi ang retraktasyon. Una ang kwento ni Balaguer kung saan siya ang paring
nakasaksi ng retraktasyon ni Rizal, ang ilang beses na pangungumpisal nito sa kanya at ang pag-
iisang dibdib nila ni Josephine Bracken. Pangalawa ay ang dokumentong inilabas ni Rene
Escalante ng De La Salle University na naglalaman ng mga pahayag mula sa mga guwardiya
partikular si Federico Moreno na nakasaksi sa huling mga oras ni Rizal bago ito mamatay. Ayon
sa kaniyang pahayag, pumasok ang pambansang bayani sa hilerang-pangbitay kasama sina taviel
de Andrade na kanyang tagapayo at ang paring heswita na si Villaclara. Dito ay hinandaan siya
ng kanyang almusal, ang oras ay alas nuwebe kung saan sumagot si Rizal na ang libro ng
panalangin ang kanyang huling kahilingan nang tanungin siya ng katulong sa plaza na si Eloy
Maure, dito nga ay nakuha niya ito sa pamamagitan ni Padre Estanislao March. Alas diyes nang
umalis si Andrade, kinausap ng mga pari si Rizal at doon rin ay iprinisenta sa kanya ang
retraktasyon kung saan ay tumanggi ito noong una. Tumagal ito nang hanggang alas dose y
media, pagkatapos kumain ay humiling itong maging mapag-isa upang magsulat. Pagdating ng
alas tres ng hapon ay pumasok si Padre March sa kapilya at dito ay iniabot nga ni Rizal ang
kanyang naisulat kung saan ay kasama siyang pinirmahan nila ang nasabing dokumento. Ang
sumunod ay ang pagbabasa ni Rizal ng kanyang libro (ng panalangin) nang maraming beses,
nagdasal sa altar at kasama ang dalawang pari, binasa ang mga gawa ng pananampalataya nang
paulit-ulit kasama na ang panalangin sa kaluluwa ng mahal na yumao. Hinandaan ito ng isang
platong tinola bilang huling pagkain, pagkatapos ay natulog ito at gumising kung saan
ipinagpatuloy nila ang pagdadasal. Pagtungtong ng alas singko ng umaga, ika-tatlungpu ng
disyembre taong 1896, dumating ang kanyang kabiyak na si Bracken kasama ang kanyang
kapatid na si Pilar, silang dalawa ay kinasal at pagkatapos ay umalis itong lumuluha. Dumating
ang isang artilyera upang siya ay i-posas, binigyan siya ni Padre March ng litrato ng birhen kung
saan ay hinalikan niya ito nang maraming beses, umalis itong maputla ngunit sa simula pa lama
ay ramdam niya na ang katapangan nito.
Ang naging pahayag ni moreno ay isa sa mga nagpatunay na totoo nga ang retraktasyon sa kabila
ng walang pangalan ni Balaguer ang makikita sa kaniyang pahayag. Ngunit ayon kay Prop.
Chua, maaring siya ang tinutukoy ni Balaguer sa kanyang pahayag na taong hindi niya kilala.
Tulad ng mga pangyayaring naganap sa pelikulang Ang Bayaning Third World, ipinapakita
ritong totoo nga ang retraktasyon naganap kung saan pumirma ang ating pambansang bayani ng
isang dokumento tumatanggi, nagwawaksi at sumasalungat sa mga naisulat niya, at ang
katotohanang ikinasal nga sila ng kaniyang huling pag-ibig na si Josephine Bracken. Ngunit
tulad din ng naging huling bahagi ng pelikula at ng video mula sa isang historyador na si Xiao
Chua, na totoo man o hindi ang retraktasyon, sabihin man nating duwag at nasindak si Rizal sa
paglagda sa nasabing dokumento, hindi natin kailanman maaring itanggi na malaki ang papel na
ginampanan ni Rizal sa pagkamit natin ng kasarinlan mula sa mga kolonyalisador. Ang mga
sulat niya ang nagsilbing tulay upang mamulat ang mga Pilipino noon hinggil sa mapanupil na
pamamalakad ng gobyernong kastila partikular ang simbahang romano-katoliko. Kung may aral
mang maaring ikintal sa akin ang lektura ni prop. Chua at ng pelikula nina de leon at del Mundo,
ito ay ang hindi paglimot sa magaganda at kadaki-dakilang nagawa ng ating pambansang bayani
para sa bayan. Na ang mga magagandang bagay na ito ay hindi dapat natin itinutumbas o
tinitimbang kapalit ng isang simpleng dokumento lamang kung saan maaring may mga personal
siyang dahilan kung bakit niya ito nagawa. Bukod doon, anuman ang mga dahilan na iyon, ang
mga bagay na naidulot niya sa atin magpahanggang ngayon ay hindi kayang tumbasan ng kahit
anumang bagay o ng kahit sinuman.
Heneral Rizal

Pumanaw si Rizal at tila ramdam ng lahat ang pagkawala ng isa sa kanilang mga inspirasyon sa
paglaban sa mapang-aping rehimen ng kastila, at sa pagbuklod ng isang nasyunalistang pagkilos.
Dalawang taon ang lumipas at sa wakas, nakamit din natin ang pinapangarap na rebolusyong
magpapatalsik sa kanila. Ngunit sadyang hindi nga talaga tayo mapalad na tunay, dumating
naman ang panibagong pagsubok at hindi na natin siya kasama. Ano na kayang lagay ng
kaniyang mga naiwanan?
Ang pelikula ay umiikot sa kapatid ni Rizal na si Paciano. Dito ay nagbahagi siya ng mga
pahayag patungkol sa mga pangyayari bago at pagkatapos ng kamatayan ng kaniyang kapatid.
Kung bakit umiiwas at nananahimik siya mula sa mga nangyari noon at humiling ng
pagkakataong makausap ang kapatid. Dito nagsimulang ipakilala ang karakter na ginampanan ng
kapatid ni Rizal na maituturing kong hindi masyadong napansin ng nakararami. Nariyan ang
pagbanggit niya sa mga taong sa tingin niya ay mali ang ginawang pagtugon sa mga problema
natin sa kolonisasyon at maging ang pagbanggit sa mga taong hinangaan niya. Dito rin ay
ipinapakita ang kapitagang ginawa niya kung saan siya ay nanindigan sa kaniyang paniniwala at
tulad ng kapatid na si Jose, ang pagpapakita ng pagmamahal sa bayan kung saan ay hindi siya
nagpatinag sa pwersa ng mga Amerikano at ang pagbanggit na bahagi nito ang pagsama ng
kaniyang huling pag-ibig at kabiyak na si Josephine Bracken. Ipinakita niyang pagkatapos
niyang mawala, ang mga Pilipino ay nananatili pa ring mga bihag, mga alipin, mga pobre at mga
naapi.
Bilang pantapos, ipinakita ni Paciano na walang nangingibabaw sa lahat kundi pagkapantay-
pantay natin. At ang punto niya na patunayan natin ang ating mga sarili mula sa mga mananakop
ay hindi natin kailangan. Na mahigitan man tayo sa dunong, sa yaman o maging sa ating mga
kulay ng mga kolonyalisador, kailanman ay hindi nila mahihigitan ang ating pagkatao.
Bukod rito, ipinakikita rin dito ang pagkabuhay muli ng pag-asa sa gitna ng panibagong
pagsubok natin sa kasalukuyan, ang pandemya. Kung saan ay ipinapakita rin ang relasyon ng
mga nakaraang mga pangyayari sa mga nagaganap sa ngayon, kasama na ang masakit na
katotohanang ang mga uri ng taong nilabanan nila at ng kaniyang kapatid ay nananatili pa rin
magpahanggang ngayon. ngunit narito rin ang ilustrasyon sa mga panibagong mandirigma at
mga bayani.
Isa sa maaari nating mahinuha mula sa pelikula ay ang nakakalungkot na katotohanang danas pa
rin natin ang mga paghihirap na dinanas ng mga Pilipino noon ngunit sa ibang aspeto nga
lamang. Ang pagkakaroon ng mga namumunong sakim, mapang-api, mapangikil at mapanupil.
Higit sa lahat, ang mga mamamayang walang kamalayan, hinahayaan at tila ipinagsasawalang
bahala lamang ang lahat ng mga naging sakripisyo ng mga namatay para sa bayan. Bandang huli,
binanggit ng karakter ni Paciano na kailanman ay hindi mawawala sa atin ang pag-asa na balang
araw, matatapos rin ang lahat ng mga paghihirap na dinaranas natin at ang pananalig sa mga
tinatawag na mga bagong bayani.

You might also like