a. Ipahayag ang mga kaisipang napakinggan tungkol sa Sulong Wikang Filipino:
Edukasyong Pilipino, Para Kanino?
Naglabas ang Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon o ang
Commission on Higher Education (CHED) ng bagong kurikulum sa kolehiyo na naglayong alisin ang mga asignaturang Filipino at panitikan sa kolehiyo. Ito ay sa pamamagitan ng CHED Memorandum Order (CMO) No. 20, Series of 2013 na inihain ng naturang Komisyon para diumano’y mabawasan at mapagaan ang kurikulum ng mga mag-aaral sa kolehiyo. Sa dokumentaryo na may pamagat na “Sulong Wikang Filipino: Edukasyong Pilipino, Para Kanino? ay ipinaliwanag ng mga kilalang indibidwal na tagapagtaguyod ng wikang Filipino ang halaga ng asignaturang Filipino sa antas ng tersiyaryo.
Inihayag ni Ginoong Ramon Guillermo Ph. D., mula sa UP Departamento
ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, ang hamon sa karagdagang dalawang taon sa basic education o ang tinatawag na K-12. Ipinatupad ang K-12 basic education sa bansa upang makasabay diumano ang Pilipinas sa antas ng edukasyon sa ibang bansa. Ayon kay Ginoong Guillermo ay marami nang pangkasalukuyang problema ang bansa pagdating sa naunang basic education at mas lalawak pa raw ito sa ilalim ng programang K-12. Sa kabila ng usapin sa bilang ng taon ay mahalaga rin daw ang usapin patungkol sa sapat na suporta ng estado sa bagong basic education ng bansa. Katulad sa mga aklat, silid aralan, pisara, upuan at iba pang pasilidad. Iminungkahi naman ni Ginang Patricia Licuanan Ph. D., ang Punong Komisyuner ng Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon, na ang karagdagang dalawang taon ay magbibigay daan sa mga Pilipinong mag-aaral upang makahanap kaagad ng trabaho pagkatapos mag-aral sa Senior High School. Sinabi rin ng naturang Punong Komisyuner na sa pamamagitan ng programang K-12 ay maaari nang hindi magpatuloy sa kolehiyo ang mga mag-aaral. Ngunit ayon kay Ginoong Guillermo, ang bagay daw na ito ay magiging sanhi ng pagdami ng mga Pilipinong maaaring makakuha ng mumurahing trabaho. Pinaliliit din daw nito ang posibilidad na makapagpatuloy ang mga Pilipinong mag-aaral sa antas ng tersiyaryo.
Samantala, giniit ni Ginoong Antonio Tinio, ang kinatawan ng Act Party-
list, ang bagong kurikulum ay maaaring maging dahilan upang magsara ang maraming departamento ng Filipino sa iba’t ibang unibersidad ng bansa. Marami ang posibleng mawalan ng trabaho sa pagkawala ng asignaturang Filipino at panitikan sa bagong kurikulum. Idiniin niya na obligasyon ng administrasyon ng dating Pangulong Aquino sa ilalim ng konstitusyon na ipalaganap, itaguyod at paunlarin ang Filipino bilang wikang pambansa at panturo. Ayon naman kay Ginang Melania Flores, mula sa UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, ang pagpaplanong pang-wika ay bahagi ng sosyolinggwistika na may tatlong bahagi, ang corpus planning, status planning at language acquisition. Sinasaad nito kung paano binibigyang pansin o pinapahagahan ang wika sa usapin bilang wikang pambansa, opisyal na wika at wikang pagkatuto. Ang mga ito ay nakatuon sa mga polisiya at paglutas ng mga problema sa wika.
Sinabi rin ni Ginoong Guillermo na malaki ang epekto ng bagong
kurikulum sa Filipino bilang akademikong disiplina at pinapatay daw nito ang intelektuwalisasyon o ang tuluy- tuloy na pagsulong at paglaganap ng Filipino bilang isang akademikong gawain sa ating mga pamantasan. Ang pag-alis ng asignaturang Filipino at panitikan sa antas ng tersiyaryo ay hindi raw nagbibigay galang o respeto sa naabot na ng Filipino bilang sa larangan ng siyentipiko at akademikong pag-aaral. Ayon sa kaniya, ang Filipino bilang isang wika ay simbolo ng ating pagkabansa at ito ay hindi lamang isang simbulo bagkus ay isang wika na ginagamit natin sa lahat ng larangan ng ating kaalaman.
b. Bilang produkto ng K+12 Curriculum, sapat na ba ang inyong natutunan sa senior
high upang kayo ay makapagtrabaho o makapagtayo ng sariling pagkakakitaan? Kumbinsido ka ba sa ipinahayag ni Dr. Licuanan, na hindi na magkokolehiyo ang isang produkto ng K+12 Curriculum? Ipaliwanag o talakayin ang inyong sagot.
Bilang produkto ng K-12 kurikulum ay naniniwala akong hindi pa sapat
ang aking mga natutunan sa Senior High School upang makapagtrabaho o makapagtayo ng sariling pagkakakitaan. Bilang isang mag-aaral ay nakikita ko ang halaga ng pagtuntong sa kolehiyo upang makapagtapos ng pag-aaral. Ito ay isang tulay upang makahanap ng maayos at magandang trabaho ang isang mag-aaral. Para sa akin ay higit na maisasakatuparan ang aking pangarap kapag nagpatuloy ako sa kolehiyo. Hindi sapat na maituturing ang Senior High School upang makahanap ang isang indibidwal ng magandang trabaho o makapagtayo ng sariling negosyo.
Hindi ako sang-ayon sa ipinahayag ng Punong Komisyuner ng CHED na
si Dr. Licuanan na maaari nang hindi mag kolehiyo ang isang produkto ng K-12. Katulad ng sinabi ni Ginoong Guillermo Ph. D. mula sa UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, ay pinaliliit nito ang posibilidad na makapag patuloy ang mga mag-aaral sa antas ng kolehiyo. Ako ay naniniwala na ang sinabi ni Dr. Licuanan ay magiging sanhi ng pagdami ng mga mag-aaral na maaaring makakuha ng mumurahing trabaho. Hindi rin ito mainam na bagay para sa mga mahihirap sapagkat marami nang libreng unibersidad o state university ang nagbibigay ng libreng edukasyon para sa kolehiyo. Malaking ginhawa para sa mga magulang ang makitang nakapagtapos ng kolehiyo ang kanilang mga anak. Para sa mga mag-aaral ang kolehiyo ay isang tulay upang maabot ang magandang kinabukasan sa hinaharap.
c. Bakit mahalaga ang Filipino bilang asignatura at wikang panturo?
Mahalaga ang Filipino bilang isang asignatura at wikang panturo sapagkat ito ang simbulo ng ating pagkabansa. Sa simula pa lamang ay kasama na natin ang ating wikang Filipino sa pang araw-araw nating pamumuhay. Ito ay parte na ng ating kamalayan bilang mga Pilipino at ginagamit din ito sa iba’t ibang larangan ng kaalaman. Ang asignaturang Filipino bilang wikang panturo ay binibigyang pugay ang mga hirap at sakripisyo ng ating mga bayani para sa ating bansa. Sa pag gamit nito ay napapanatili ang diwa ng ating pagka-makabayan at dala-dala nito ang mga pagsusumikap ng ating mga bayani para sa bansa. Ang pagpapalawak ng kaalaman sa Filipino ay magsisilbing boses ng mga Pilipino sa panahon ng pananawagan sa pagtaguyod ng karapatan ng bawat isa sa bansa. Malaki ang halaga ng asignaturang Filipino sa mga mag-aaral at bilang wikang panturo ay ipinalalaganap nito ang tungkulin ng wikang Filipino sa ating pagkabansa.
d. Ipahayag ang inyong saloobin sa naging plano ng CHED na alisin na ang
Filipino, Philippine Constitution at bawasan ang iba pang General Education subjects sa kolehiyo tulad ng Sociology at maging ang English.
Bilang mag-aaral ay nadismaya ako nang tangkain ng CHED na alisin ang
Filipino at bawasan ang iba pang general education subjects sa kolehiyo. Unang- una ang Filipino bilang asignatura ay binubuhay ang intelektuwalisasyon ng ating bansa. Ang intelektuwalisasyon ay nagbibigay daan upang maipalaganap ang wikang Filipino sa kamalayan ng bawat isa. Ang mga mag-aaral ng kolehiyo ay may malawak nang pang unawa at pag iisip sa larangan ng kaalaman. Kung kaya’y isa itong malaking bagay upang maitaguyod ang mga pag-aaral at pananaliksik gamit ang wikang Filipino. Ang mga pananaliksik sa antas ng tersiyaryo ay mabisang paraan upang lumawak pa ang kaalaman ng isang mag- aaral hinggil sa isang bagay. Ngunit kung aalisin ito sa kolehiyo ay malaki itong kabawasan sa pagsulong ng wikang Filipino bilang akademikong gawain at pag- aaral. Maaaring ganito rin ang maging karanasan ng iba pang nabanggit na asignaturang nais tanggalin ng CHED. Samakatuwid, ang tahasang pag alis ng CHED sa asignaturang Filipino at sa iba pa ay may malaking epekto hindi lamang sa pagpapatuloy ng kaalaman ng lahat ngunit maging sa trabaho ng mga gurong nagtataguyod nito. Napabalitang maraming departamento ng Filipino ang maaaring magsara sa panukala ng CHED na alisin ang Filipino bilang asignatura sa kolehiyo. Kung kaya’y ipinaglaban ito ng iba’t ibang paaralan, kolehiyo, unibersidad, organisasyong pangwika at pangkultura ng bansa. Ito ang naging daan upang mabuo ang Tanggol Wika na isang samahan na lumaban sa panukang nilabas ng CHED. Bilang mag-aaral ay natutuwa akong malaman na naging matagumpay ang pagsalba ng asignaturang Filipino at panitikan sa kolehiyo. Ito ay isang bagay na lubhang mahalaga sa pagtataguyod ng ating wikang pambansa.