Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

Wika: Simbolo ng Kalayaan, Tinig ng Pagkakakilanlan

Isa sa pinakamahalagang maipamulat sa bawat mamamayang Pilipino ang kahalagahan ng sariling


wika. Ang wikang sumisimbolo sa ating pagka-Pilipino. Ito ang siyang nagsisilbing tulay sa ating
pagkakakilanlan. Isang mahalagang sandata na mag-uugnay sa atin at magpapalawak sa ating
karunungan. Ngunit sa patuloy na pag-agos ng ating buhay, ang wika bang ating kinamulatan ay patuloy
pang napapahalagahan ng bawat mamamayan?

Ang wika ay isang mahalagang kasangkapan na ginagamit ng bawat tao sa pang araw-araw na buhay.
Sa pamamagitan niyo ay maipaparating natin ang mga ideya, saloobin, at damdamin ng bawat isa. Ito
ang pinakamabisang paraan upang maisatinig natin ang nilalaman ng ating isip at damdamin. Dahil dito’y
madali nating malalaman at maipapaalam ang mga bagay na nais nating ihayag o ipahayag. Ito ang
siyang magdudugtong sa atin upang magkaroon tayo ng pagkakaunawaan. Ang wika ay isa ding tulay sa
pagiging matalino. Sapagkat ang pagkakaroon natin ng kaalaman sa ating sariling wika ay magbibigay sa
atin ng karunungan. Ito ay maaari nating gamitin bilang instrumento upang ipahayag pa sa mas
maraming indibidwal ang kaalaman na mayroon ka. Ang karunungang ito’y dapat nating paghugutan ng
motibasyon upang mas palaguin at mas pagyamanin ang katutubong wika. Sa paraang ito, hindi lamang
natin maipapakita ang ating pagpapahalaga kung hindi ay makatutulong din tayong pangalagaan ito at
maipagpatuloy.

Sa bilis ng pagdaan ng mga araw, tunay na kabaha-bahala ang tuluyang paglimot ng nakararami sa
ating wika. Sa panahong ito’y kapansin-pansin ang mga mas sinasanay at itinuturong lenggwahe sa mga
kabataan. Hindi natin maitatangging mas pinapaboran ng nakararami ang pag-aaral ng wikang banyaga
kaysa sa sarili nating wika. Ang mga kabataan ay mas interesadong matuto ng ibang lenggwahe kaysa
paglawakin ang kaalaman tungkol sa wikang sariling atin. Ang ibang magulang ay mas ninanais pang
unang matutuhan ang wikang Ingles para sa kanilang anak. Sa paaralan, ang ilan ay mas sinasanay pang
aralin ang wikang banyaga kaysa katutubong wika. At ito’y hindi magandang halimbawa para sa mga
susunod na henerasyon ng kabataan. Mga kabataang siyang magmumulat sa kung anong dapat
pahalagahan. Sila ang siyang magpapatuloy ng sinimulan at isinalin ng ating mga ninuno. Mahihirapan
tayong palaguin at mas pagyamanin ang sariling atin kung ang unang naipamulat sa atin ay ang wika ng
iba. Ngunit sa kabila ng napakaraming hadlang upang mas mapalago ang ating kultura, nakatutuwang
mayroon pa ding hindi nakalilimot ipaalala ang wikang ating nakagisnan. Ang iba’t ibang programang
patuloy na sinasanay ay malaking tulong sa pagpapanatili ng ating wika. Mga programang naglalayong
bigyang kaalaman ang mga mamamayan tungkol sa kahalagahan ng katutubong wika. Ang pakikinig at
pagsasapuso ng mga kaalamang ito ay napakahalagang bagay na. Hindi batayan ang sukat ng bagay na
iyong naiambag sa pagpapalago ng ating kultura. Ang maliliit na bagay na iyong nagawa ay maaaring
makagawa ng malaking epekto sa bawat isa upang makatulong sa pagpipreserba ng ating wika.
Epektong huhubog sa mga mamamayan upang mas maipahayag ang tinig na naglalayong pagyamanin
ang sariling atin. Piliin nating isulong ang ating wika habang ang panahon ay lumilipas. Sa paraang ito’y
hindi tuluyang mawawala at makakalimutan ang kahalagahan nito. Sapagkat tunay na napakaganda ng
ating wika para lamang ito’y ating kalimutan at ipagsawalang bahala.

Magkakaroon ng malawak na pagkakaunawaan kung ang mga mamamayan ay nagkakaintindihan


gamit ang ating wika. Ito ang magdudulot sa atin ng magandang ugnayan at mabisang
pagkakaintindihan. Ang unawaang ito’y maghahatid ng kapayapaan sa bawat isa. Kaya’t labis na
maganda ang nagagawa kung bawat katutubong wika ay ating pinapahalagahan. Ito ang magdadala sa
atin hindi lamang sa pag-unlad kundi pati sa pagkakaisa. Hindi dapat natin balewalain ang mga
katutubong wika at kultura ng ating bansa na siyang pinag-ugatan ng mga yaman natin.

Kahit sino ka man, mayroong kapangyarihan o simpleng mamamayan lamang, hindi ito hadlang
upang pagyamanin ang ating kultura. Ang pagtangkilik sa sarili nating wika ay wala sa estado ng ating
buhay. Ang mahalaga ay ang tulong na magagawa mo. Ang tulong na ito ay hindi lamang tulong para sa
ibang tao kundi tulong para din sa sarili mo. Hindi natin magagawang pagyamanin ang ating sariling wika
kung hindi natin ito sisimulan sa ating sarili. Ang pagpapaunlad ng iyong kaalaman ay isang malaking
tulong na sa pagpapayaman ng ating kultura. Mas madali nating maihahayag at mabibigyang halaga ang
mga bagay na may kaugnayan sa katutubong wika kung tayo mismo sa ating sarili ay mayroong sapat na
kaalaman patungkol dito.

Tunay na napakahalaga ng papel na ginagampanan ng wika natin simula noon hanggang ngayon. Iyon
nga lamang, hindi lamang pag-unlad ang nangyayari bagkus ay mayroon ding mga pagbabago. Marahil,
marami sa atin ay hindi alam ang tunay na halaga ng mga katutubong wika. Mayroong mga taong
nakalilimot nang tuluyan na hindi man lamang namamalayan. Ito ay bunga din ng modernong
teknolohiyang labis na nakaapekto sa ating kultura. Mayroong mga pagbabagong nangyari ngunit ito’y
hindi lamang purong mabuti kung hindi ang iba ay mayroong masamang epekto. Nagkakaroon ng
pagbabago dahil sa pagsabay sa pangangailangan ng kasalukuyang panahon. Malaki ang impluwensiya
na nagagawa ng mga taong nakapaligid sa iyo. Marami ang sumasabay sa uso at walang kamalayang
nakagagawa na sila ng mga bagong salita na nagreresulta sa pagkawalang silbi ng mga nakasanayan ng
mga salita ng bawat mamamayan. Sa pananaw ngayon ng mga tao, kung ikaw ay marunong mag-Ingles,
ikaw ay matalino. Ito ang dapat nating baguhin sa pananaw ng napakaraming tao. Imbes na pagtuunan
ng pansin ang ibang lenggwahe ay magpokus muna tayo sa ating sariling wika. Palawakin muna nating
lubos ang kaalaman natin dito nang sa gayon ay hindi natin makalimutan ang mga ito. Pagtibayin muna
natin ang pundasyon ng ating pagkakakilanlan bago bigyang pansin ang mga bagay na nais nating sunod
na gawin. Ang tunay na karunungan ay makukuha lamang natin kung ang sariling wika ang inaaral natin.
Lumingon tayo sa ating pinanggalingan at isiping mabuti kung anong ating kahihinatnan kung tuluyan
itong maglalaho.

Kung ang mga katutubong wika ay hindi natin aalagaan maaaring manganib ito. Kung tuluyan nating
papabayaan at hindi bigyang pansin ay tuluyan itong mababaon kasama ang nakaraan. Gaya na lamang
ng anim sa ating wika na tuluyan nang nawala dahil sa kawalan ng gumagamit dito. Ito ay
nakapangangamba dahil sa bilis ng panahon ay hindi na rin natin napapansing lumuluwag na ang kapit
natin sa mga katutubong wika. Napapabayaan nang tuluyan ang mga wikang siyang natuklasan at
napayabong ngunit hindi napagyaman at napanatili. At sa paglipas ng panahon nakapangangambang
tuluyan nang maglaho ang marami sa katutubong wika. Kaya’t ang bawat isa ay hinihikayat na mas
pagyamanin pa ang ating sariling wika at bigyang buhay muli ang mga ito sa pamamagitan ng paggamit
at pangangalagang lubos dito.

Ang ating mga ninuno kasama ang kanilang mga isinalin at ipinamana sa atin lalo na ang ating wika ay
nararapat lamang pahalagahan. Ito ang ugat ng ating katauhan, ito ang siyang pinagmulan ng ating
pagkakakilanlan. Huwag nating hayaang tupukin ng panahon ang ating pinagmulan at ang ating
pagkakakilanlan. Pahalagahan natin ang bawat nalalaman natin at ipagpatuloy ang pagpapalago dito.
Ginawa ng ating mga ninuno ang kanilang parte sa pagpapayabong ng ating wika kaya’t ang tanging
magagawa na lamang natin ay ang mas pagyamanin ito at huwag hayaang mabaon sa limot sa paglipas
ng panahon. At huwag nating kalimutang ang wika natin ay pantay-pantay lamang. Hangga’t tayo’y
nagkakaintindihan, walang mas lumalamang at naiiwan. Wala ito sa bilang ng taong gumagamit ng wika,
ang mahalaga ay nagkakaunawaan ang bawat isa. Walang malaki o maliit, walang mataas o mababa at
higit sa lahat at walang mas nakaaangat. Ang wika natin ay hindi basehan ng kung ano man. Itigil natin
ang diskriminasyon tungkol sa bagay na ito. Sa halip, ay sabay-sabay nating pagyamanin ang bawat
sariling wika natin. Palaguin natin ang ating kultura nang walang tinatapakang iba. Huwag natin
kalimutan na maging mabuti sa proseso ng pagpapayaman ng ating wikang sarili.

Ang pagpapahalaga natin sa katutubong wika ay hindi lamang natatapos doon. Ang pagpapakitang
halaga natin dito ay katumbas ng pagbibigay halaga sa kapwa nating Pilipino. Sila ang pinag-ugatan ng
lahat ng ito. Hindi tayo magkakaroon ng sariling pagkakakilanlan kung hindi dahil sa kanila. Ito ang
simbolo ng ating kalayaan. Kaya’t nakakalungkot isipin na ito’y unti-unting naglalaho dahil sa kakulangan
sa pagpapahalaga. Ngunit ito’y kaya nating mas mapangalagaan kung gugustuhin at magtutulungan ang
bawat isa. Bigyang halaga natin ito at gamitin upang ipakita na tayo ay Pilipino. Bigyang pugay natin ang
ating mga ninuno at ibalik ang pasasalamat sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa yamang pinamana
nila. Sila ang nagsimula ng ating pagkakakilanlan at nararapat lamang natin itong ituloy at mas
pagyamanin. Ang wikang katutubong ito ang naging instrumento sa pagkakaroon ng mabisang
komunikasyon na nagbukas ng maraming oportunidad sa bawat isa.

Nasa katutubong wika ang dangal ng bawat isang Pilipino. Ito ang identidad ng ating lahi. Kung hindi
tayo nagkakaintindihan hindi tayo magkakaroon ng pagkakaisa. Ang susi sa pagkatuto ay ang wika at
pang-unawa. Ang wika natin ang siyang nagbubuhat ng kamalayan para sa isa’t isa at tradisyon nati’t
kultura. Ito ay parte ng ating kasaysayan at ang pamanang pangkultura para sa sangkatauhan. Ito ay
isang uri ng yaman na mas pinagtitibay ng panahon kung naaalagaan. Ipakita natin ang diwa ng ating
pagka-Pilipino sa pamamagitan ng pag-aalaga, pagtangkilik at pagpapalawak ng kaalaman sa katutubong
wika. Ito ang mag-uugat ng pag-unlad hindi lamang ng bawat isa kung hindi pati ng ating kultura. Hindi
ito basta lamang salita, ito ay parte ng ating buhay bilang isang mamamayan. Ang wikang magiging tinig
at gabay sa ating pagkakakilanlan.

You might also like