Professional Documents
Culture Documents
Ang Guryon Demo Teaching
Ang Guryon Demo Teaching
Bago tayo magpatuloy, nais ko lamang itanong kung mayroon bang liban sa ating klase? Ikinagagalak
kong walang liban para sa araw na ito.
Bago tayo tumungo sa ating bagong aralin, magkakaroon muna tayo ng pagbabalik-aral. Ano ang ating
tinalakay nitong nakaraang pagkikita?
Patungkol sa tula. Ang tula ay isang akdang pampanitikan na mayroong sukat at tugma. Mahusay! Batid
kong lubos na ninyong naunawaan ang ating talakayan sa nakaraang aralin.
Sa pagbubukas ng ating bagong aralin ay inaasahang makakamit ninyo ang mga sumusunod na layunin.
Bibigyan ko lamang kayo ng lima hanggang sampung segundo upang suriin ang nasa larawan batay sa
inyong sariling interpretasyon o pagpapakahulugan dito.
Ang inyong mga kasagutan ay mayroong kaugnayan sa ating tatalakayin ngayong araw ngunit bago yan
ay atin munang tuklasin ang mga salitang kalakip sa ating akdang babasahin.
Para sa ating talasalitaan, pipili lamang kayo ng tamang kasagutan batay sa nakasalungguhit na salita.
Ang mga salita ito ay makatutulong upang mas madali nating maunawaan ang akdang ating tatalakayin.
Ang ating aralin para sa araw na ito ay ang akda na isinulat ni Ildefonso Santos. Ito ay pinamagatang
“Ang Guryon”. Ang Guryon ay isang uri ng isang malaking burador o saranggola.
Sa pagpapatuloy, babasahin natin ang tula. Sino ang maaaring magbasa para sa unang saknong?
-Sa mababaw na pagpapakahulugan, sinasabi rito na tanggapin ng anak ang isang guryon o saranggola.
Nabanggit rin kung saan gawa ito maging ang mga katangian na taglay ng guryon.
-Sa malalim na pagpapakahulugan naman ay inihalintulad ng magulang ang guryon sa buhay, kung saan
ibinigay ng magulang ang buhay sa anak, may natatanging taglay at katangian at binigyan ng pangalan.
Nauunawaan ba?
-Sinasabi sa ikalawang saknong na sukatin o timbangin ang guryon lalo na sa pagpapalipad nito.
Sa kabilang banda naman,nagbibigay payo ang ama na sa paglalakbay ng anak maaaring mayroon itong
haraping pagsubok kaya nararapat lamang na lagi syang handa upang lampasan ito.
Ikatlong saknong
-Nabanggit rito ang paglalaro ng guryon na binigay ng ama sa anak. Paliparin ito ngunit hawakang mabuti
ang tali o ang pisi dahil baka maputol sa malakas na hangin.
-Sa mas magandang pagpapakahulugan ay sinasabi ng ama na magpatuloy sa buhay ang anak, may
harapin man itong pagsubok ay tibayan lamang niya ang kanyang loob sa buhay.
Ikaapat na saknong
-Para sa ikaapat na saknong sinasabi dito na sa ayaw at sa gusto man ng anak ay kakailanganin nyang
makipaglaban sa buhay ngunit makipaglaban sa buhay nang may kabutihang puso.
Ikalimang saknong
-Sa ikalimang saknong hinihiling ng ama na magtagumpay ang anak sa anumang buhay na kahaharapin
nito. Wag sumuko at laging manalig sa kakayahan at mga pangarap sa buhay.
Ikaanim na saknong
-Sa huling saknong, iminulat ng ama na ang buhay ay parang isang guryon, madalas nasa baba o nasa
taas, marupok at malikot. Ngunit sa kabila ng lahat ay wag sumuko at abutin ang mga pangarap na
kasama pa rin ang pananalig sa Poong Maykapal.
Napakaganda ng ating binasang akda. Mayroon ba kayong katanungan patungkol rito, kung wala ay ako
ang magtatanong.
Sa ating pangkatang gawain ay pipili kayo ng inyong napupusuang tula. Inyong suriin at paghahambingin
ang inyong napiling tula sa akdang tinalakay sa aralin batay sa pormat na aking ibibigay.
Sa unang bahagi ay ang pagsusuri, sangay nito ang ibat ibang elemento ng tula.
Una ay ay pamagat, ano ang pamagat ng akda, sunod ay ang tema o paksa, patungkol saan ang tula,
ikatlo ay ang sukat at tugma, ang sukat ay ang bilang ng pantig sa bawat taludtod, kapag sinabi nating
taludtod ito ay ang mga linya sa bawat saknong.
Mayroong iba’t ibang uri ang sukat, wawaluhin, lalabindalawahin, lalabing-animin, at lalabingwaluhin,
wawaluhin ay naglalaman ng walong pantig, lalabindalawahin ay labing dalawang pantig, lalabing-animin
ay labing anim na pantig, at lalabingwaluhin ay labing walong pantig.
Sunod ay ang tugma, sinasabing mayroong tugma ang tula kapag ang huling pantig ng huling salita ng
bawat taludtod ay magkakasintunog. Ito ang nagbibigay sa tula ng angkin nitong himig o indayog.
Ikaapat ay ang buod, tinatawag din itong lagom o sinopsis. Ibibigay ang buod ng akda.
Sumunod ay ang kariktan, kailangang magtaglay ang tula ng mga maririkit at mabulaklak na salita upang
masiyahan ang mga mambabasa gayon din ay ang mapukaw ang kanilang damdamin at kanilang
kawilihan.
Ang huli para sa unang bahagi ay ang aral, ano ang mensaheng nais ipabatid ng tula o ng akda.
Para sa ikalawang bahagi naman, nariyan ang salitang paghahambing, gagawa lamang kayo ng talata
para paghambingin ang inyong napusuang tula sa akdang “Ang Guryon” na ating tinalakay.
Para sa ating halimbawa aking binigyang pagsusuri ang tulang “ Ang Guryon” sa pamamagitan ng pormat
na aking ibinigay. Ito rin ang magsisilbi ninyong gabay sa ating aktibidad na gagawin.
-
-
-
Mayroong katanungan? Kung wala ay bibigyan ko kayo ng sampung minuto upang matapos ang gawain.
Ang inyong sampung minuto ay magsisimula na.
Ang oras na aking ibinigay ay natapos na, mangyaring ipasa na ang ating aktibidad ngayong araw at akin
na lamang itong iwawasto pagkatapos ng ating klase.
1. Paano ninyo iuugnay sa nabasang tula ang mga katagang madalas na sabihin ng mga
nakatatanda na “Papunta ka palang, pabalik na ako”.
2. Kung ikaw ang tatanungin, ano kaya mabuting naidudulot ng mga pagsubok sa buhay ng tao?
Para sa ating huling bahagi, ang takdang aralin, basahin ang akdang “Sa Aking mga Kabata” ni Dr. Jose
P. Rizal na tatalakayin natin sa susunod na pagkikita.
Kung wala ng tanong ay dito na nagtatapos ang ating aralin, maraming salamat sa pakikinig at paalam.