Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 4

FILAMER CHRISTIAN UNIVERSITY

DEREGULATED STATUS- CHED PAARALANG GRADWADO


Lungsod ng Roxas
Tel No. (036) 6212-317, Fax No. (036) 6213-057
Website: http://www.filamer.edu.ph/

JAYRHA GRACE I. ANDRADE, LPT GNG. MELODY J. BLANCE


MAT-Filipino Propesora

FIL - 416
(MAUNLAD NA RETORIKA)

ARALIN 5 PAGPILI NG PAKSA AT ORGANISASYON NG


TALATA SA PAGBUO NG KOMPOSISYON

G. ESTILO SA PAGPAPAMAGAT NG KOMPOSISYON

ANG KOMPOSISYON
Ang komposisyon ay isang uri ng formal na pagpapahayag sa anyong
pasulat. Naglalaman ito ng mga kaisipan o ideya, damdamin at saloobin,
palagay o opinyon ng sumulat sa paraang pasa laysay, paglalahad,
paglalarawan at pangangatwiran.

Pamagat ng Komposisyon
Isa sa mahalagang sangkap ng komposisyon ay ang pamagat. Ito ang
unang tumatawag ng pansin ng mga mambabasa. Madalas, ang unang
nakikilala o natatandaan ng mga mambabasa ay ang pamagat kaysa sa ibang
pangyayari o tauhan sa isang akda. Kaya, ito ay pinag-iisipang mabuti at pinipili
nang husto upang maging kaakit-akit. Ang mabisang pamagat ay kawili-wili,
maikli, madaling matandaan at hindi palasak.
May iba't ibang paraan ng pagbuo ng pamagat:
1. Pangalan ng pangunahing tauhan, o ng grupo ng mga tao, o kaya'y
katawagan sa isang tao o grupo ng mga tao.
Hal:
• Tata Selo
• Aswang
• Ang Panday
• Si Ama
• Mga Mandaragat
• Ang Balikbayan
2. Pangalan ng lugar o katawagan sa isang lugar.
Hal.
• Maynila
• Baguio
• Banaue
• Sa Pusod ng Dagat
• Canal Dela Reina
3. Mahalagang pangyayari o kaisipan. Kadalasan, ang uri ng pamagat na ito
ang pinakadiwa ng komposisyon.
Hal.
• Ang Di Ko Malilimutang Karanasan
• Ang Mga Unang Araw Ko sa Kolehiyo
• Ang Una Kong Pag-ibig

MGA BAHAGI NG KOMPOSISYON

PANIMULA
Sinasabi na nasa panimula nakasalalay ang kawilihan ng mga
mambabasa. Kahit gaano kaganda at kahalaga ang paksa, kung sa panimula
pa lamang ay magulo, malabo at nakababagot na ang paglalahad sa mga
kaisipang mga pangyayari, mawawalan agad ng interes ang mambabasa na
ipagpatuloy ang kanyang pagbabasa. Nakalulungkot isipin na dahil lamang sa
di mahusay na panimula, naapektuhan tuloy ang iba pang mga talata na
maaaring isinulat naman nang mahusay. Kaya napakahalaga sa anumang
sulatin na gawing maganda at kawili-wili ang panimulang talata. Maraming
nagsasabi na ang pagsisimula ang pinakamahirap na bahagi ng pagsulat ng
komposisyon.
Madalas, dito nagtatagal ang marami, subalit ayon naman sa iba, kapag
ito ay naumpisahan na, magiging madali na ang pagsulat sa iba pang mga
talata lalo na kung may sapat na kaalaman at datos tungkol sa paksang
isinusulat.
May iba't ibang paraan ng pagsisimula ng komposisyon gaya ng:
• pagsipi ng pahayag sa isang kilala o iginagalang na tao,
• pagbibigay ng isang nakawiwili o nakapupukaw-pansin na tanong,
• pagsasalaysay ng sariling karanasan o anekdota,
• paghango ng kaisipan mula sa salawikain o kasabihan,
• pagbuo ng dayalogo o usapan,
• pagbanggit ng palaisipan o anumang laro ng isipan,
• paggamit ng makatawag-pansing pahayag, at iba pa.
Tandaan na ang panimulang talata ay ang pantawag — pansin lamang
sa mga mambabasa. Kung baga sa pagkain, ito ay nagsisilbing apetayser
lamang, at hindi ito ang pangunahing pagkain.
Ang mga mahahalagang kaisipan ay inilalahad sa katawang bahagi ng
komposisyon. Kaya, maging maingat sa pagbibigay ng mga kaisipan sa
panimula. Hindi kailangang maging mahaba ito na katulad ng katawan. Subalit
hindi rin nangahulugan na ang panimula ay lagi lamang binubuo na isang talata.
lto ay maaari ring buuin ng dalawa o mahigit pang talata depende sa dami o
haba ng kaisipang nais ilahad kaugnay ng paksang tatalakayin.
KATAWAN
Sa bahaging ito ng komposisyon nakasulat ang mga detalye tungkol sa
paksang nais talakayin. Ang mga ito ay dapat na nailahad nang malinaw at
maayos. Dapat isaalang-alang sa paglalahad ng mga kaisipan ang kaisahan,
kaayusan, kaugnayan at diin na natalakay na sa mga naunang aralin. Ang mga
detalyeng maaaring mapaloob sa isang komposisyon ay ang mga sumusunod:
1. Detalyeng Nagsasalaysay
- Ang mga detalyeng ito ay naglalayong mailahad ang
pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari.
2. Detalyeng Naglalarawan
- Layunin ng mga detalyeng naglalarawan na maipakita ang
kabuuang larawan ng isang tao, bagay, lugar, o pangyayari gaya ng
anyo, kulay, amoy, lasa, hugis at iba pang katulad.
3. Detalyeng Naglalahad
- Ang mga detalyeng ito ay nagpapakita, nagpapakilala at
nagpapaliwanag ng mga kaisipan tungkol sa paksa. Obhektivo at walang
kinikilingan ang mga pagpapaliwanag at pawang nagpapalawak ng
kaalaman kaugnay ng paksang binibigyang-linaw.
4. Detalyeng Nangangatwiran
- Naghahanap ito ng mga pagpapatunay upang mabigyan ng
katwiran ang isang proposisyon o paninindigan. Layunin nito na mahikayat
at mapaniwala ang kinauukulan.

WAKAS
Masasabing matagumpay ang pagsulat ng komposisyon kung nabigyan
din ito nang mahusay at magandang wakas. Ang may magandang wakas ay
hindi dapat natatapos sa huling pahayag. Anong ibig sabihin nito? Hindi ba
minsan habang tayo ay nakikinig ng isang talumpati, hindi natin namalayan na
tapos na pala ang binigkas na talumpati; o kaya nama'y pagkatapos nating
basahin ang isang akda, patuloy pa rin tayong nag-isip tungkol sa ating binasa.
Maraming tanong o mga kaisipan na patuloy na naglalaro sa ating isipan, o
kaya'y patuloy na pinag-uusapan o ipinagtatanong o kaya'y inaalam sa
pamamagitan ng pananaliksik o pakikipanayam sa mga taong awtoridad
tungkol sa paksa.
Ibig lamang ipakita na naging epektibo ang wakas dahil magawa nitong
panatilihin at ipagpatuloy ang interes at kawilihan ng mambabasa o
tagapakinig, kung ito'y binigkas ng isang tao, kahit tapos nang basahin o
pakinggan ang buong akda. Kaya, mahalaga na gawin itong maganda, at dahil
nga sa ito ang huling nababasa o naririnig. lto rin ang huling bagay na naiiwan o
nakikintal sa isip ng mambabasa at tagapakinig.
Ilan sa mga mungkahing paraan para wakasan ang komposisyon ay ang mga
sumusunod:
1. Pag-iiwan ng isang tanong o mga tanong
2. Pag-iiwan ng hamon
3. Pagsipi sa angkop na pahayag
4. Paghuhula
5. Pagbibigay ng kabuuang mensahe o aral
6. Paghalaw ng kasabihan o salawikain

SANGGUNIAN

• https://www.scribd.com/document/473056814/TALATA-AT-
KOMPOSISYON?fbclid=IwAR0zbnYhe0_9J7UTjA_0UF1wwtXeZjTyXkM4rvZBiE
C4FMnklKSTAcZd9vY

• https://l.facebook.com/l.php?u=https%3A%2F%2Fwww.studocu.com%2Fe
n-us%2Fdocument%2Fsanta-isabel-college%2Fpasulat-at-pasalita-sa-
masining-na-pagpapahayag%2Fkahulugan-at-kahalagahan-ng-
komposisyon%2F20684620%3Forigin%3Dhome-recent-
1%26fbclid%3DIwAR050PoAkwTrQdu2xD-m8exBz5k7QO4v4sUHoy2z-
R8aGnGRFh8Lg4m19Uw&h=AT2EdsMUxZPp1yoUJJBhxHeULUrJp9uN3v2-
aDaCnUXOd90wSafMRi9SARFT1O4QLXWZ1X4JRt9W8AfdwNmcRRph1Z7Ci1
v_OxXYGe1aNVBv3qmO1UgCunZHFdUyP7zSeOuK

• https://www.scribd.com/doc/51594269/uri-ng-
komposisyon?fbclid=IwAR2aS3Qu1tVFIu5zAkPacUNQPfUojnMeCwly7G7ko
VMJ8hw1gPGRQt8j7to

You might also like