Ikinagalak kong mabatid na kasama sa tuntunin ng Talaang Ginto sa Tula 2014 ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang pagkakaroon ng mga ilalahok na tula ng tugmang tudlikan. Sabi nga sa anunsiyo: Papaksain ng mga tulang ilalahok ngayong taon ang kabayanihan, at kung papaano nilulutas ng isang makabagong bayani ang isang makabago ring problema. May sukat at tugma ang mga tulang ipapasa. Nasa antas ng tudlikan pataas ang tugmaan. Hindi bababa ang bílang ng mga taludtod sa apatnapung (40) taludtod at hindi lalagpas sa walumpung (80) taludtod. Gaya ng nakasaad, antas ng tugmaan ang tudlikan. Sa Panulaang Filipino, may apat na antas ng tugmaan: Karaniwan, Tudlikan, Pantigan, at Dalisay. Ikalawang antas ang tudlikan, at siyempre, mas mataas ito sa karaniwan. Ang pantigan at dalisay naman ang mas mataas dito. Bigyang-diin natin: ang apat na ito ay mga antas ng tugmaan, hindi mga uri. Sa pangkalahatan, may dalawang uri lamang ng tugmaan: Tugmang Patinig at Tugmang Katinig. Hindi totoong may tugmang ganap at tugmang di-ganap. Sunugin ninyo ang teksbuk na nagtuturo ng tugmang ganap at tugmang di-ganap! Tugmang Patinig at Tugmang Katinig lamang ang mayroon! Ang tugmang Patinig ay nauuri pa sa dalawa: ang May-impit at Walang impit. Ang tugmang katinig naman ay nauuri rin sa dalawa: Malakas at Mahina. Magkakatugma ang mga salitang nagtatapos sa iisang patinig at pare- parehong may impit. Sa pangkalahatan, tatatlo ang ating patinig: a, e-i, o-u. Malayang nagpapalitan ang e at i, at ang o at u. May impit ang salita kapag sa dulo ng pagbigkas ay tila may sumasalak o kumakaskas sa lalamunan. Subuking bigkasin ang mga salitang diwa, wika, salita, tula. Kung titingnan sa diksiyonaryo, sa ganitong paraan nakasulat ang mga ito: diwà, wikà, salitâ, tulâ. Malumi ang uri ng bigkas ng mga salitang diwà at wikà. Maragsa naman ang bigkas ng salitâ at tulâ. Katangian ng malumi ang bigkas na may diin sa penultima o ikalawa sa huling patinig at may impit ang huling patinig. Walang diin sa penultima ang maragsa at may impit ang patinig sa huling pantig. Tandaan: mga salitang nagtatapos lamang sa patinig ang maaaring magkaroon ng impit at mauuring malumi o maragsa. Sa karaniwang antas, magkakatugma ang mga salitang diwà, wikà, salitâ, at tulâ dahil pare-parehong nagtatapos ang mga ito sa patinig na a na may impit. Kung itataas sa antas na tudlikan, ang diwà at wikà na lamang ang magkatugma dahil parehong malumi ang mga ito. Sa kabilang banda, parehong maragsa ang salitâ at tulâ kayâ ang mga ito na lamang ang magkatugma. Samakatwid, tudlikan ang antas ng tugmaan kung magkakapareho ang bigkas ng mga salitang pinagtutugma: maragsa sa maragsa, malumi sa malumi. Bagaman parehong nagtatapos sa a na may impit, hindi magkatugma sa antas na tudlikan ang mga salitang wikà at salitâ. Dahil malumi ang wikà, maragsa ang salitâ. Kung iaakyat sa antas na pantigan, hindi na magiging magkakatugma ang apat na salitang ito. Kahingian kasi sa pantigan na pare-pareho ang bigkas ng mga salitang pinagtutugma at dapat ding parehong-pareho ang katinig-patinig (KP) o patinig-katinig (PK) ng huling pantig ng mga ito. Ang isang salitang katugma ng diwà sa antas na pantigan ay awà. Pansinin, parehong malumi ang bigkas ng mga ito at parehong wà ang huling pantig. Puwede ring katugma ng diwà sa antas na pantigan ang mga salitang lawà at sawà. Hindi nito magiging katumbas kahit sa antas na tudlikan ang salitang tuwâ o luwâ. Maragsa ang bigkas ng mga salitang ito. Kaya nga kapag nakasulat sa diksiyonaryo, ang huling pantig ng mga ito ay wâ, hindi wà. Sa kabilang banda, ang tuwâ at luwâ ay magkatugma sa antas na pantigan dahil parehong maragsa ang bigkas ng mga ito, at parehong wa ang huling pantig. Kung tutuusin pa, ang tuwâ at luwâ ay nasa antas na dalisay. Hinihingi sa antas na ito na parehong-pareho hindi lamang ang bigkas at ang huling KP o PK kundi pati na rin ang patinig bago ang huling pantig. Pansinin: parehong u ang patinig bago ang huling pantig ng tUwâ at lUwâ. Ang diwà at awà ay hanggang antas na pantigan lamang. Hindi puwedeng maging dalisay sapagkat magkaiba ang patinig bago ang huling patinig ng mga salitang ito: dIwà, Awà. Magkakatugma ang mga salitang nagtatapos sa iisang patinig at pare- parehong walang impit. Muli, napapangkat lamang sa tatlo ang patinig: a, e-i, at o- u. Walang impit ang bigkas ng salitang nagtatapos sa alinman sa mga patinig kung sa halip na parang may kumakaskas sa lalamunan ay may hanging bumubuga sa dulo ng salita. Subuking bigkasin ang mga salitang ligaya, parusa, mata, at sinta. Sa diksiyonaryo, sa ganitong paraan nakasulat ang mga salitang ito: ligáya, parúsa, matá, sintá. Malumay ang uri ng bigkas ng ligáya at parúsa. Mabilis ang bigkas ng matá at sintá. Katangian ng bigkas na malumay ang pagkakaroon ng diin sa penultima o ikalawa sa huling pantig at walang impit ang patinig sa huling pantig. Walang diin sa penultima at walang impit ang patinig sa huling pantig ng bigkas na mabilis. Sa antas na karaniwan, magkakatugmang lahat ang mga salitang ligáya, parúsa, matá, sintá. Pare-pareho kasing nagtatapos sa iisang patinig na walang impit. Gayunman, kapag iniakyat sa antas na tudlikan, tanging ang ligáya at parúsa ang magiging magkatugma dahil ang dalawang ito lamang ang pareho ng bigkas— malumay. Sa ganitong paraan din, tanging ang mga salitang matá at sintá ang magtutugma sa antas na tudlikan sapagkat ang dalawang ito lamang ang may bigkas na mabilis. Muli nating bigyang-diin, kahingian sa antas na tudlikan na parehong-pareho ang bigkas ng mga salitang pinagtutugma: mabilis sa mabilis, malumay sa malumay. Kung iaakyat sa antas na pantigan, tanging ang matá at sintá na lamang ang magtutugma. Ang dalawang ito na lamang kasi ang magkapareho ng bigkas (mabilis) at parehong-pareho ang huling KP—tá. Ngunit, hindi na maiaakyat sa antas na dalisay ang matá at sintá. Bagaman pareho ng bigkas at huling KP, hindi magkapareho ang patinig bago ang huling pantig ng mga ito: mAtá, sIntá. Halimbawa ng mga salitang puwedeng itugma sa matá sa antas na dalisay ang kAntá at sAltá. Halimbawa ng mga salitang puwedeng itugma sa sintá sa antas na dalisay ang sItá at pIstá. Kahit parehong-pareho ang huling tatlong titik ng mata at pata (bahagi ng baboy), karaniwan lamang ang antas ng tugmaan nito. Hindi ito papasang tudlikan dahil hindi pareho ng bigkas ang mga salitang ito: mabilis ang matá, malumay ang páta. Puwedeng makatugma sa antas na pantigan ng páta ang bóta. Puwede naman nitong makatugma sa antas na dalisay ang láta.