Reviewer

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

Ang Kasaysayan at Ebolusyon ng mga bayan at lungsod ng Lalawigan ng Bulakan

Sa ngayun, ang lalawigan ng Bulakan ay binubuo ng 21 bayan at 3 lungsod. Ang Baliwag, Marilaw,
Obando, Santa Maria, Norzagaray, Angat, Bulakan, Hagonoy, Paombong, Pandi, San Miguel, San
Rafael, San Ildefonso, Plaridel, Balagtas, Angat, Pulilan, Bustos, Guiguinto, Bukawe, Calumpit at
Doña Remedios Trinidad ang bumubuo sa 21 bayan samantalang San Jose del Monte, Malolos at
Meycauayan naman ang 3 lungsod.
Ngunit hindi laging ganito ang katayuan ng Lalawigan ng Bulacan. May mga pagkakataon o panahon
na naging napakalawak ng sakop niya at may mga panahon din namang tunay na isa lamang siyang
maliit na lalawigan. May panahong lumiit ang bilang na kanyang mga bayan at may panahong
lumaki rin naman ito hanggang sa marating nga ang kasalukuyang bilang ng mga bayang mayroon
ngayun.
Hindi malinaw kung kailan ang mismong petsa na aktuwal na naitatag ang Bulacan ngunit masasabi
na isa itong matandang pamayanan. Sa simula, ang pinaka-pusod ng Bulacan ay ang matandang
pamayanan ng Meycauayan na siyang panggagalingan ng iba’t-ibang bayan ng Bulacan sa timog at
silangang bahagi sa mga susunod na daantaon ng pagkakasakop ng Espanya sa Pilipinas.
1500’s – 1600
Sa pagsasara ng ika-labing-anim na siglo (at pagpasok ng 1600), may apat nang bayan ang Bulacan:
Bulakan (1578), Meycauayan (1578), Malolos (1580) at Bigaa (1596). Ang mga bayan ng Calumpit
(1572) at Hagonoy (1580) ay sakop pa ng lalawigan ng Pampanga sa mga panahong ito.
1600’s-1700
Pagdating ng 1602, naging lima na ang bayan ng Bulakan sa pamamagitan ng pagkakatatag ng
encomienda ng Quingua bilang isang pueblo.
Ang kauna-unahang pagkakahati ng Meycauayan ay naganap noong 1606 nang ihinawalay ang
Bocaue mula rito at itatag bilang bagong parokya at pueblo. Taong 1619 nang ang mga lugar sa
kanlurang bahagi ng Malolos ay buuin at itatag bilang bayan ng Paombong. Naganap naman ang
ikalawang pagkakahati ng Meycauayan ng humiwalay mula rito ang barrio Catanghalan at itatag
bilang bagong bayan ng Polo.
Sa pagsasarbey na isinagawa ni Miguel de Loarca sa sa mga pamayanang may malalaking
populasyon noong 1582-83 ay mababanggit na ang pamayanan ng Guiguinto bagaman magiging
isang legal na bagong tatag na pueblo lamang ito sa pagdating ng taong 1641.
Pagdating ng kalagitnaan ng ika-17 siglo (around 1640’s-1660’s), ang mga bayan ng Calumpit at
Hagonoy ay mapapasama na sa lalawigan ng Bulacan. Sa pagdating naman ng taong 1683, ang bayan
ng Angat ay itinatag mula sa mga barrio at sitio sa silangang bahagi ng bayan ng Quingua.
Sa pagsasara ng ika-17 siglo (at pagpasok ng 1700), may 12 bayan na ang lalawigan: Bulakan,
Meycauayan, Malolos, Bigaa (Balagtas), Quingua (Plaridel), Bocaue, Paombong, Polo (Valenzuela
City), Guiguinto, Calumpit, Hagonoy at Angat.
1700’s - 1800
Pagpasok ng 1700’s, ilang mga bayan pa ang nadagdag sa lalawigan. Unang bayan ng Bulacan na
naitatag sa daantaong ito ay ang San Rafael noong 1750. Pagkaraan ng isang taon lamang ay itatatag
ang San Jose del Monte bilang hiwalay na parokya mula sa Meycauayan at isang taon pa ay itatag
naman itong nagsasariling bayan (1752).
Bagaman naitatag din sa unang kalahati ng 1700’s, ang mga bayan ng San Miguel de Mayumo
(1725), Baliwag (1732) at San Isidro (na paglaon ay tatawaging Pulilan, 1749) ay sakop pa ng
lalawigan ng Pampanga sa mga panahong ito.
Pagdating ng taong 1753, ang barrio ng Obando ay hihiwalay mula sa Polo at magiging isang
nagsasariling bayan. Sa huling dekada ng 1700’s ay dalawang bayan pa ang maitatatag: Santa Maria
de Pandi (1792) mula sa Bocaue at Marilao (1796) mula sa Meycauayan.
Magiging sakop rin ng Bulakan sa daantaong ito ang ilang bayan ng Tondo (at Laguna). Ang mga
bayan ng San Mateo, Marikina, Morong, Taguig at Taytay ay magiging bahagi ng Bulakan hanggang
sa ikalawang dekada ng 1800’s. Sa panahong ito ay naging lubos na napakalawak ng sakop ng
lalawigan ng Bulakan.
Sa pagsasara ng 1700’s (at pagpasok ng 1800), ang bilang ng bayan ng Bulacan ay magiging 22
(approximate lamang) na: Bulakan, Meycauayan, Malolos, Bigaa (Balagtas), Quingua (Plaridel),
Bocaue, Paombong, Polo (Valenzuela City), Guiguinto, Calumpit, Hagonoy, Angat, San Rafael, San
Jose del Monte, Obando, Santa Maria de Pandi, at Marilao. Idagdag ang San Mateo, Marikina,
Morong, Taguig at Taytay.
1800’s - 1900
Ang pagpasok ng 1800’s ay magdudulot ng mas malaking pagbabago sa nasasakop ng Bulacan at sa
dami ng bayan nito. Taong 1818 nang ibalik ang mga bayan ng Marikina, Morong, Taguig at Taytay
sa mga dating lalawigan na nakasasakop sa kanila. Ang San Mateo at ang magiging bayan ng
Novaliches ay nanatiling sakop ng lalawigan ng Bulacan. Taong 1845 naman ng isinama na ang
Baliuag, San Isidro at San Miguel sa lalawigan ng Bulacan mula sa mga lalawigan ng Pampanga.
Sa pagitan ng mga taong 1844-1866, itatatag ang mga bayan ng Barasoain at Santa Ysabel mula sa
bayan ng Malolos. Ang bayan ng Norzagaray ay itinatag noong dekada 1860's, mula sa Sitio Casay
ng Angat at iba pang bahagi ng hilagang silangang San Jose del Monte tulad ng Ipo, Minuyan at iba
pa. Ang Bustos naman ay itinatag nong 1867, mula sa bayan ng Baliuag. Ang pinakahuling bayan ng
Bulakan na naitatag sa loob ng daantaong ito ay ang San Ildefonso noong 1875.
Ang San Mateo naman ay muling magiging bahagi ng lalawigan ng Tondo sa mga huling bahagi ng
daantaong ito.
Sa pagtatapos ng 1800’s (at pagpasok ng 1900), ang mga bayan ng Bulakan ay magiging 26 na :
Bulakan, Meycauayan, Malolos, Bigaa (Balagtas), Quingua (Plaridel), Bocaue, Paombong, Polo
(Valenzuela City), Guiguinto, Calumpit, Hagonoy, Angat, San Rafael, San Jose del Monte, Obando,
Santa Maria de Pandi, Marilao, Baliuag, San Isidro, San Miguel, Barasoain, Santa Ysabel,
Norzagaray, Bustos, San Yldefonso at Novaliches.
1900’s – Kasalukuyan
Ang pagpasok ng daantaong ito ay madudulot ng dagdag na pagbabago sa nasasakupan ng lalawigan
ng Bulakan. Ang umano’y “pagkatalo” ng Espanya sa Amerika ay naging dahilan upang ang
Pilipinas ay mapasakamay ng mga bagong mananakop.
Unang-unang isinagawa ng mga Amerikano ng lubusan na nilang makuha ang Pilipinas ay ang
reorganisasyong politikal. Ang Philippine Commision na siyang tumatayong lehislatibo ng
pamahalaang militar sa Pilipinas noong mga unang taon ng pamamahala ng mga Amerikano sa bansa
ay nagpasa ng batas, ang Act No. 932, na nagsasaad na ang 25 munisipalidad ng Bulacan ay gagawin
na lamang 13 noong October 8, 1903. Dahil sa mahinang ekonomiya at kapos na pondo, ang mga
bayan ng Sta. Isabel at Barasoain ay napasailalim ng Malolos; ang Pulilan ay napasailalim sa
Quingua (Plaridel ngaun); ang Marilao sa ilalim ng Meycauayan; Norzagaray sa Angat; Guiguinto sa
Bulacan; Bigaa (Balagtas ngayon) sa Bocaue; Obando sa Polo (Valenzuela City ngayon); San Jose sa
Santa Maria; San Ildefonso sa San Miguel; at ang mga bayan ng San Rafael at Bustos sa Baliuag.
Tanging ang mga bayan lamang ng Hagonoy, Calumpit at Paombong ang hindi binago ang katayuan
ng nasabing batas. Dahil din sa nasabing batas, ang Bayan ng Novaliches ay muling naging bahagi
ng lalawigan ng Tondo kung saan siya ay isinanib sa bayan ng Caloocan.
Ngunit sa pagdating naman ng dekada ’10 hanggang dekada ’20, isa-isa ring muling magsasarili ang
mga bayan ipinasailalim muna sa iba pang bayan. Maliban sa Santa Ysabel at Barasoain na hindi na
muli pang naging muling nagsasariling bayan, lahat ng iba pa ay nakabalik rin sa dati nilang mga
estado bilang mga bayan.
Pagdating ng 1946, ang bayan ng Pandi ay binuo mula sa mga hilagang barrio ng Bigaa. Taong 1975
ng humiwalay ang Polo (Valenzuela City na ngayon) sa Bulakan at naging bahagi ng Metro Manila.
Taong 1977 nang buuin ang Doña Remedios Trinidad mula sa mga barriong dati ay sakop ng mga
bayan ng San Miguel, Angat at Norzagaray.
Sa huling bahagi ng 1990’s hanggang unang bahagi ng 2000’s, nagkaroon ng pagbabagong estadong
pulitikal ang 3 sa mga bayan ng Bulacan.
Taong 1999 nang ipasa ang batas na nagdedeklara sa Malolos bilang isang syudad ngunit hindi ito
sinang-ayunan ng mga botante sa plebisitong isinagawa nang taon ding iyon. Pagdating ng taong
2001, napatunayan na nagkaroon ng dayaan sa bilangan at idineklarang nanalo ang “YES”. Taong
2001 nang magsimulang mag-function ang Malolos bilang isang lungsod.
Taong 2000 naman nang ang bayan ng San Jose del Monte ay maging lungsod na sinundan naman ng
Meycauayan na naging lungsod noong taong 2006, limang taon pagkaraang hindi magtagumpay ang
unang subok na maging syudad noong 2001.
Pagpasok ng ika-21 siglo, ang Bulacan ay mayroon nang 21 bayan at 3 lungsod na maaari pang
magbago sa mga susunod na panahon. Sa patuloy na pag-unlad at paglaki ng populasyon ng mga
bayan sa Bulacan, hindi malayong bagong bayan na naman ang maitatag mula sa mga naglalakihang
bayan pa sa hilaga at silangang bahagi ng lalawigan tulad ng San Miguel, Doña Remedios Trinidad at
Norzagaray; at mula sa ilan pang hindi naman kalakihang mga bayan ngunit mayroon namang
lubhang malaking bilang ng mamamayan tulad ng Santa Maria, Malolos at San Jose del Monte.

You might also like