Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 7

Ang Kapangyarihan ng Panitikan Pagdating sa Politika: Isang Malayang Diskurso ng

Paghahambing ng Panitikan Noon sa Kasalukuyan.

-Custodio L. Tiu Jr.


Mag-aaral, Master ng Artes sa Filipino‒Panitikan
Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas
jotiujr@gmail.com
Sadyang marami na ngang pinagbago ang panitikan sa Pilipinas. Marahil ay dahil na rin
sa pag-usbong ng mga naglilipanang imbento sa kasalukuyan. Mapasulat man, pelikula, at
maging panradyo ay masasabi nating malaki na ang pagitan ng panitikan noon sa kasalukuyan.
Binigyang pagpapakahulugan ni Zeus Salazar ang panitikan. Ayon sa kanya, ang panitikan ay
siyang lakas na nagpapakilos saalinmang uri ng lipunan. Sinasabi ring ito ay bunga ng mga
diwang mapanlikha, ng diwang naghehele sa misteryo ng mga ulap o ng diwang yumayapos sa
palaisipan ng buwan. Ito ay isang kasangkapang lubos na makapangyarihan. Maaari itong
gumahis o kaya'y magpalaya ng mga nagpupumiglas na ideya sa kanyang sariling bartolina ng
porma at istruktura. Sa isang banda, maituturing ang panitikan na isang kakaibang karanasan.
Ito ay naglalantad ng mga katotohanang panlipunan, at mga guniguning likhang-isip lamang.
Hinahaplos nito ang ating mga sensorya tulad ng paningin, pandinig, pang amoy, panlasa at
pandama. Kinakalabit nito ang ating malikhaing pag-iisip at maging sasal na kabog ng ating
dibdib. Pinupukaw din nito ang ating nahihimbing na kamalayan. Sa madaling salita.
Nakakakuha tayo ng ideya upang kumilos at natututo tayong magpakilos dahil sa panitikan. Ito
ang target ng panitikan noon pa man. Gaya na lamang ng mga akdang lika ng ating pambansang
bayani na si Dr. Jose Rizal. Magpahanggang ngayon ay nagiging instrumento pa rin ito.
Instrumentong magbigay ng lakas at talion sa mga mambabasa.
Isa sa dahilan ng pagkatuto ng tao ay ang mga panitikang nakapagbibigay ng motibasyon
sa tao upang kumilos. Kaya nga masabi rin na isa rin ito sa dahilan kung bakit ang mga
mananakop sa Pilipinas ay takot na pagbasahin ang mga Pilipino. Ipinaliwanag ni Constantino
(1966) sa kanyang sanaysay na Miseducation of the Filipino na taliwas sa iniisip ng mga Pilipino
na sila ay mas huhusay at uunlad ay pananatilihin silang mangmang upang hindi makapag-isip
nang tama at palaging umasa sa mga kolonisador na Amerikano. Kung nakakulong ang isipan ng
mga mamamayan, maituturing siyang maliit at lalamunin nang mas malaki sa kanya dahil hindi
niya alam kung paano ito lalabanan. Ayon kay Constantino, ito ang lihim na paraan ng
pananakop ng dayuhan – ang pagdagit sa kaisipan. Hanggat kontrolado ng sistemang panig sa
Kanluran ang pag-iisip ng mga Pilipino, mananatiling talo ang mga ito habang pinakikinabangan
nila ang kahinaang anino ng nakaraan at kasaysayan.
Kung atin ring ihahambing ngayon ang nasaad sa kanyang sanaysay, tiyak na may
pagbabago. Kabaligtaran naman ang nangyayari. Ginagamit ngayon ang panitikan upang
gumawa ng mga huwad na kasaysayan at ipakintal sa mga taong mabilis makontrol ang pag-
iisip. Nakalulungkot isipin na ito na nga ang nangyayari sa ating bansa. Higit lalo sa politikang
taglay ng ating bayan. Totoong Malaki ang naging ambag at gampanin ng teknolohiya at
globalisasyon pagdating sa pagpapabatid ng impormasyon sa madla. Pagpapahayag ng mga
kaganapan at balita saan mang panig ng bansa. Ang dating pahayagan ay maaari mo nang
basahin gamit ang iyong cellphone. Ang dating mga sangguniang aklat na nagpapabatid sa mga
mag-aaral ng ideya patungkol sa mga lektura ay maaari na ring mabasa sa internet. Gayundin
ang mga silid-aklatan, sa kasalukuyan ay may mga application o apps na. napabibilis ang andar
ng mundo. Ngunit sa kabila ng mga ganitong pangyayari ay katumbas din nito ang mga
kabaluktutang ambag. Isa na nga rito ang fake news na kumakalat. Fake news na nagpapabago
ng kasaysayan ng Pilipinas at nakokontrol ang mga utak ng mga taong salat sa tunay na
kaalaman. Sa kasalukuyan, ginagamit ng naluklok ngayon bilang pangulo ng Pilipinas na si
Bongbong Marcos ang estratehiyang pagbabago ng kasaysayan. Bagamat ito’y kanilang
itinatanggi, mapapansin naman ito sa pelikulang sinang-ayunan nilang ipalabas sa maraming
sinehan sa bansa. Ito ay pumapatungkol sa buhay ng pamilyang Marcos ayon sa kanilang
bersyon na pinamagatang “Maid in Malacanang.” Likha ng direktor na si Daryll Yap at ang
producer nito ay ang senador na si Imee Marcos. Maihahalintulad natin ang estratehiyang ito sa
ipinahayag ni Foucault sa isang panayam. Ayon nga sa Pranses na Antropolohistang si Michel
Foucault, ang gawaing ito ay tinatawag nyang “procedures for training and exercising power
over individuals” (105) upang mapasunod ang mga masa at upang mapagtakpan ang kanilang
pagmamalabis. Dagdag pa nga ni Foucault, “methods used, right down to the way of
conditioning individuals’ behavior, have a logic, obey a type of rationality, and are all based on
one another to form a sort of specific stratum” (105). Ngunit sinasabi rin ni Foucault na maaari
itong banggain, tuligsain, at maaaring makalaya mula rito. Tunay nga ang pagkakasaad nito ni
Foucault sapagkat marami pa ring mga Pilipino ang tumangkilik sa gantiong pagkontrol ng mga
Marcos sa kasalukuyan. Tama rin ang kanyang dagdag na maaari itong tuligsain dahil marami pa
rin ang tumututol sa nakasaad na eksena ng naturang pelikula. Marami pa rin sa ngayon ang
mulat sa katotohanan at hindi kailanman natutulog sa pagbabalikwas ng kasaysayan. Isa na nga
sa kumokontrang pelikula ay ang “Katips” na dinerehe ni Vince Tanada na siya ring isa sa mga
pangunahing aktor nito. Ngunit ang pananatiling mulat sa tunay na kaganapan ay hanggang
kalian?
Ayon nga sa papel ni G. Jhon Clifford Sibayan (2017), Ang erotisismo ay bahagi rin ng
politika o ang relasyong pangkapangyarihan sapagkat ito ay bahagi ng katawan na
nagpapagalaw sa tao. Isang kasalanan noon ang pagsulat ng panitikang pumapatungkol rito.
Dahil ito nga raw ay kasalanan sa Diyos ayon sa mga Prayle at ng simbahan. Na kabintunaang
gawi naman nila ayon sa mga obra ni Rizal. Mula sa confessonario (o manwal sa pagkukumpisal)
ng mga prayle tulad ni Sebastian de Totanes hanggang sa mga manual de urbanidad tulad ng
Urbana at Feliza ni P. Modesto de Castro, ang kababaihan ay sinaplutan nang sinaplutan at
pinagbawalang umawit ng mga awit, epiko at iba pang oral na panitikang mayroong matingkad
na o bahid ng sekswal na nilalaman. Bahagi ito ng represyon sa mga kababaihan. Ang
pagbabawal sa kanila na maghayag ng erotisismo ay naglagay sa kanila sa isang pakete na
hinulma ng patriyarkiya at pyudalismong Kastila. Ginawa ng mga sistemang ito na takot,
mahina, sunud-sunuran sa dikta ng lalaki at lipunan ang babae. Kung ating susuriin, mapapansin
na ang pagkakaroon ng eritoko ay pumapabor lamang noon sa kalalakihan at kung sa babae
naman ay kasagwaan. Dagdag pa sa papel ni sibayan ay ang paggamit nya ng pahayag ni Audre
Lorde na, “The erotic offers a well of replenishing and provocative force to the woman who
does not fear its revelation, nor succumb to the belief that sensation is enough.” Binago ni
Lorde ang depinisyon ng pagkakaroon ng erotiko sa panitikan sa pamamagitan ng engendered
writing o panitikang malay sa kasarian at sekswalidad. Sa kasalukuyan, tinatanggap na ang
ganitong panitikan sa loob at labas ng ating bansa. Marami nang kababaihang manunulat ang
may taglay ng erotisismo sa kanilang sinusulat. Isa na nga riyan ang nobelang “Gapo” ni Lualhati
Bautista na maituturing ding peminista. Ang akdang ito ay pumapatungkol sa problemang
nababalot sa mga base militar ng mga Amerikano dito sa Pilipinas. Ilan sa mga kasama rito ang
diskriminasyon ng mga Amerikano sa Pilipino, pag-aalipusta sa mga Pilipina ng mga puti, at
maging ang kawalang-bahala ng mga Pinoy o mas tamang sabihin na gobyernong Pilipino sa
mga nangyayari sa lugar ng mga base militar. Walang takot na isinalaysay rito ni Bautista ang
masalimuot na kaganapan sa panahon niyon Bilang babae kamangha-mangha rin ang kanyang
ginawa na nagpamulat din sa lahat na kaya nya. Isa sa akin ding kinamangha ay ang sanaysay na
“Sapay Koma“ ni Joana Lynn Cruz na pumapatungkol sa kanyang buhay. Ang pagkakaroon ng
hiwalay na relasyon ay kanyang isiniwalat at walang takot o bahid ng hiya na ipabatid sa mga
mambabasa. Ayon sa kanya, bukas na dapat ang isipan nating mga Pilipino sa mga ganitong
sitwasyon, na may mga mag-asawang hindi talaga tumatagal ang pagsasama at naghihiwalay.
Taliwas sa paniniwala ng simbahan o ng ilang relihiyon. Walang duda na napakalaki na ng
kontribusyon ng mga kababaihan pagdating sa panitikan, kaiba sa nakaraan.
Sa pagsasagawa rin ng panitikan, madalas ngang iniuugnay ng may-akda ang kanyang
karanasan sa kanyang katha. Ayon sa klasikong pamantayan nina Regalado, Balmaseda,
Panganiban: ang “dulce et utile” ni Horace pinatining ng romantikong ideyalismo. Nitong
dekada 70 at 80 pumasok ang formalismo, feminismo, istrakturalismo’t iba pang tatak
postmodernistang perspektibo, sa neoliberalismong bandila ng “end of ideology” o tandisang
tagumpay ng kapitalismo pagbulusok ng Unyon Sobyet at alternatibong radikal. Tatlong lapit
ang resulta. Una, ang didaktikong motibasyon: birtud ng literatura ang pumukaw ng diwa o
damdamin at magbigay ng aral na mapapakinabangan. Masisinag ang utilitaryanismong ugat sa
dokumentong nabanggit. Pangalawa, ang empirisistikong hilig na sa reyalistikong pamamaraan
nailalahad ng akda ang katotohanan, tiwalag sa anumang paniniwalang moral o etikal ng awtor.
Pangatlo, aliw ang dulot ng ayos o porma ng sining; kariktan o kagandahan ang mahalagang
katangian nito para sa esklusibo’t sopistikadong sensibilidad. Mapapansin dito na sa mismong
katangian ng manunulat binatay ang kanyang paglikha sa akda. Sa ika-11 ng papel na
“Kasaysayan, Sining, Lipunan: Ang Politika ng Panitikan sa Makabagong Panahon” ni E. San Juan,
Jr. ng Philippine Cultural Studies Center, nakasaad dito na ang panitikan ay produkto ng mga
kontradiksiyong sosyal at siya ring nagpapaulit-ulit nito. Hindi nasa tinig ng diwa o guniguni ang
kahulugan ng akda, kundi nasa pag-antig o pagpukaw ng saloobing nakatugma sa polarisasyon
ng mga tauhan at pangyayari. Ang akda ay hindi ekspresyon ng nangungulilang diwa o malay
kundi artikulasyon ng senyas o salitang taglay ang magulo’t maligalig na ugnayan ng bawat tao
sa lipunan. Sa makatuwid, ang layunin pa rin ng akda ang sya dapat manaig. Ito ma’y binatay sa
karanasan ng may-akda o hindi, ang diwa pa rin ng panitikan ang sya dapat kumintal sa puso at
isip ng mambabasa. Madalas na ito ang siyang nakalilimutan ng mga makabagong awtor sa
ating bansa. Malimit na itong maging pokus ng kanilang akda sa halip ay puro kaaliwan na
lamang ang siyang hatid at maging ang aral o moral lesson ng akda. Nawawala na ang lohikal na
nilalaman kaya ang resulta ay tigib sa kamangmangan sa mga bagay-bagay. Walang
mahihinuhang kamalayan at pagkadunong ng kasaysayan at maging ng mga lehitimong
impormasyon.
Kung ang wika naman ang siya nating pag-uusapan pagdating sa panitikan sa
kasalukuyan ay sadyang mapanghamon. Mapanghamon dahil ito ay unti-unti nang nawawalan
ng sustansya nang dahil na rin sa makabagong teknolohiya. Dahil gusto nga nating mapabilis
ang lahat ay siya na ring ginagawang maiksi ang mga paglalahad pagdating sa komunikasyon.
Pinapaiksi ang mga salita na gamit ang text, chat, at iba pa moderong medium ng
makikipagtalastasan. Pati rin ang mga akdang pampanitikan ay naaapektuhan. Ayon nga kay
Leoncio Deriada, “Literature, whose medium is language, can likewise be engineered. Certainly,
an indicator of tremendous talent in the creation of contemporary literature and in nation
building, the emergent writers of the region have sharpened their sense of locus just as they
have succeeded in asserting their place in the nationhood of Philippine Literature”. Ito ay
sumang-ayon sa nobela ni Genevieve Asenjo na “Lumbay ng Dila” na kung saan nagamit nya
ang tatlong lengguwahe na kanyang alam, ang Kinaray-a, ang Tagalog, at ang Ingles. Naging
mabisa naman ang kanyang pagkakagamit nito na naintindihan rin ng mga mambabasa. Para sa
akin, isa itong magandang halimbawa ng komunikasyon upang mabatid ang mga salitang bago
sa aking pagkakabasa at Mabuti rin ito upang mapanatiling buhay ang wikang ginagamit sa
Antique. Nasa makabagong panahon nan ga tayo. Tungkulin din nating umusad at sumunod sa
rumaragasang agos ng globalisasyon. Isa pa sa aking hinahangaang manunulat ay si Bob Ong.
Makabago man at mababaw ang estilo ng kanyang paglalahad ng kwento ay hindi maaalis sa
kanya ang pagiging maingat pagdating sa wika. Halimbawa na lamang nito ay ang paggamit nya
ng mga tamang bantas at ang tamang baybay ng salita. Bago pa man nya isapubliko ang
kanyang likha ay sinisigurado nyang maayos ang pagkakalathala nito. Ito nama’y taliwas sa mga
akdang nasa wattpad, isang makabagong babasahin sa intenet na siyang dinadagsa ng ilang mga
kabataan sapagkat ito ay may kinalaman sa buhay-pag-ibig. Nahuli ng wattpad ang mapupusok
na pag-iisp ng mga kabataan. Kung ating susuriin ang nilalaman nito, hindi maingat sa
agkakasulat ang ilang akda. Ayon sa facebook page na Filipino Weeaboo Crap, may isang librong
inilathala ang galing sa wattpad na kung saan ay hindi na ine-edit o ni-revise. Bagkus ay ginawa
na itong libro ay mabibili na sa mercado. Narito ang kanyang phayag, “Ngayon lang ako naka-
browse ng book published Wattpad story. Hindi pala ine-edit 'to? Just look at this monstrosity.
Emoticons and wrong grammar. Jusko po. To non-Filipinos, I ain't translating this garbage but all
you need to know is that this is a photo of a published Filipino Wattpad story. Apparently, no
editing was done whatsoever. Notice the emoticons.” Ito ay may kasama pang larawan ng
pahina ng aklat na nagpapakita ng kawalang- ayos ng gramatika ng Ingles. Nakalulungkot mang
isipin, hindi natin na may mga ganito nang eksena noon at mas lumalala pa sa ngayon. Na imbes
mapayabong ang mga wika ay siyang nagdudulot pa ng kamalian sa wastong paggamit nito
nang dahil sa mga umuusbong na panitikan. Sabi nga ng aming propesor sa kursong Panitikan
at Politika na si G. Rommel Peña, hindi masama ang paggamit ng ibang wika dahil ito ay bahagi
ng pag-unlad at proseso ng pagkatuto, ngunit ang magamit ito nang di angkop ay syang
kalapastanganan para sa lunan o bansang may-ari ng wika.
Hindi na natin maaalis pa ang pagbabagong taglay ng panitikan at maaari pa ulit
mabago. Ito ay nakaugnay pa rin naman sa luma kung ating titignan. Sinabi ni Rolando
Tolentino sa kanyang panayam, “Tunguhin ng eksperimental na makalikha ng bago. Pero itong
bago ay hindi bagong-bago. Walang nalilikha na bago mula sa bula. Ang bago ay nililinang ng
isang mahabang eksperimentasyong makapagluluwal ng hindi bago pero makabago. Ang
makabago ay may stake na baguhin ang luma, hidi lamang mapgresenta bilang katumbas ng
luma. Samakatuwid, ang bago ay may hangaring mabago ang luma sa pagtataya sa bagong
karanasang sumasambulat at namamayani sa kasalukuyan. Dahil ang luma ay hindi lubusang
nakaaangkop sa bagong karanasan, kailangan ng bago at makabagong porma, kombensyon,at
genre na makapaglilinang ng bagong karanasan.” Samakatuwid, ang panitikang kontemporanyo
ay hinago rin sa makalumang panitikan, binihisan ng bagong kasuotang dal ana rin ng karanasan
ng may-akda at ng mundo sa kasalukuyan upang maiugnay rin sa mga kontemporanyong
mambabasa.
Bilang isang guro at naghahangad maging isang dalubhasang manunulat, tungkulin
nating magising sa kamalayang taglya ng politikang kinagagalawan natin. Maging mulat sa
katotohanan at magsaliksik ng siyang tunay na ebidensya. Hindi dapat tayo tumigil sa
pangangalap ng datos, at matuto rin tayong alisin ang ating sarili sa ating sariling karanasan.
Bilang manunulat, tungkulin nating galugarin ang mga impormasyog hindi natin taglay. Palagi
pa sa aming pinaaalala ng aming propesor na si G. Peña ang salitang magbasa, na sya naming
talagang tunay na mabisa upang mahubog ang aming kahusayan sa landas na aming tinatahak.
Kung nais makilala, lumikha at magsulat. Kung nais matuto, mag-aral at magbasa.
Agosto 2022
Mga Sanggunian:
Blanco, A. (2018). The Politics of Literature in Michel Foucault: Veridiction, Fiction and Desire.
Purdue University Press, 20 (4). Nakuha mula sa
https://docs.lib.purdue.edu/clcweb/vol20/iss4/4/

Felicilda, J.M. at Demeterio III, F.P. (2018). Politika at Panitikan sa Pananaw ni F. Sionil Jose:
Isang Pakikipanayam. MALAY 31 (1), pp. 16-28. Nakuha mula sa
https://ejournals.ph/article.php?id=14197

Lualhati, B. (1988) GAPÔ at Isang Puting Pilipino, sa Mundo ng mga Amerikanong Kulay Brown.
Carmelo & Bauermann Print. Corp. https://openlibrary.org/books/OL1839834M/Gapo%CC%82

Omar, F.N. at Cheang S. (2019). Relationship between Literature & Politics in Selected Malay
Novels. International Journal of Academic Research in Business and Social Sciences, 9(12), pp.
905–914. Nakuha mula sa https://hrmars.com/papers_submitted/6826/relationship-between-
literature-politics-in-selected-malay-novels.pdf

Ong, (B)R. (2005) Stainless Longganisa. Makati City: Visual Print Enterprises
https://www.journals.upd.edu.ph/index.php\

Omohundro, C. (_______). Politics and Literature. University of Southern Indiana. Nakuha mula
sa https://www.usi.edu/media/2416970/clintonomohundro.pdf

San Juan, E. (2015). Kasaysayan, Sining, Lipunan: Ang Politika ng Panitikan sa Makabagong
Panahon. Ateneo Journals Online: Kritika Kultura, 24, pp. 239-247. Nakuha mula sa
https://ajol.ateneo.edu/kk/articles/76/794
Sibayan, J.C. (2017). Mga Politika ng Dila: Imahe(Nasyon), Kaakuhan at Erotisismo sa Nobelang
Lumbay ng Dila (2010). HASAAN 14 (1), pp. 75-95. Nakuha mula sa
https://hasaan.ust.edu.ph/wp-content/uploads/2019/03/HASAAN-Journal-Tomo-IV-2017-82-
99.ph

The Filipino Weeaboo Crap (2005) https://web.facebook.com/FilipinoWeeabooCrap/photos

You might also like