Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 14

POLYTECHNIC UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES

GEED 10223
World Literature

Jose Angelo A. Cruz


2020-06191-MN-0
Bachelor of Science in Economics (BSE) 2-2

Prof. Alex Henon


POLYTECHNIC UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES

Tatlong Mukha, Iisang Kwento

Sa wakas at umusad na rin ang pila ng mga tao na kanina pang alas-kwatro

ng umaga naghihintay sa pagsisimula ng programang dapat ay sa ika-walo pa ng

umaga magsisimula. Matatanaw nang hindi kalayuan sa entablado ang

magkakaibigang nagngangalang Victor, Lea, at Miguel. Nag-uusap ang tatlo habang

hinihintay ang pagsisimula ng programa. Ang dinaluhan nila ay isang pagtitipon na

kung saan nais iparinig ang mga hinaing ng mga ordinaryong tao. Ang tatlong

magkakaibigan ay labis na magkakaiba, si Victor ay isang reporter sa isang kilalang

pahayagan, si Lea naman ay isang tindera ng gulay at prutas sa palengke,

samantalang si Miguel naman ay anak ng isang kapitan sa kanilang lugar.

Nagkakilala ang tatlo noong sila ay nasa sekondarya palang. Ngunit ang katayuan

nila ay labis na malayo mula sa isa’t isa. Si Victor ay nakapag tapos ng kurso sa

pamamahayag, si Lea naman ay huminto sa pag-aaral dahil sa hirap ng buhay, at si

Miguel, isang empleyado ng gobyerno. Pero ang tatlo, pinagbigkis ng saya, lungkot,

at problema.

Si Victor, anak ng isang tricycle driver at ng isang mananahi, panganay sa

limang magkakapatid. Bata pa lamang siya ay dala-dala na niya ang mabigat na

responsibilidad ng buhay. Mahirap nga namang maging bakla sa mundong

maraming nanghuhusga.

~1~
POLYTECHNIC UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES

Si Lea, minamaltrato ng kanyang madrasta. Pitong taong gulang pa lamang

siya ng pumanaw ang kanyang ina. Makalipas ang dalawang taon, nakapag-

asawang muli ang kanyang ama. Sa kasamaang palad, siya ay minamaltrato ng

bago nitong kinakasama.

Si Miguel naman ay maginhawa ang buhay, may kaya pero hindi kayamanan.

Maganda din ang pagtingin sa buhay, kahit na anak ng politiko, hindi lumalaki ang

ulo.

Nagkukumustahan ang tatlo habang naghihintay sa nasabing programa.

Matagal na hindi nagkita ang magkakaibigan dahil sa dami ng ginagawa at sa

limitadong oras. “Ang hirap ng buhay ng isang reporter, laging nasa bingit ang

buhay. Mababa rin ang sweldo pero masarap sa pakiramdam, kasi nakakausap ko

yung mga ordinaryong tao” sabi ni Victor. Humirit naman si Lea “Sus, ikaw pa ang

mahihirapan? Eh kinakaya mo naman ang lahat. Kaya nga bilib kami sa’yo ni Miguel

eh.”

“Kaya nga naman Victor, pero kung tutuusin naman eh lahat ng trabaho natin

ay mahirap, si Lea nagtitinda mula umaga hanggang gabi, ako nakatali ang mga

kamay dahil sa gobyerno nagtatrabaho, at ikaw, laging nasa bingit ang buhay dahil

sa mga istoryang gusto mong isulat” dagdag ni Miguel.

Masayang nag kumustahan ang tatlo, inalala ang mga karanasan nila noong

sila ay mga bata pa. Masarap na buhay, wala masyadong inaalala, at laging may

oras para sa mga kaibigan.

~2~
POLYTECHNIC UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES

Ilang saglit pa, nag-umpisa na ang programang hinihintay nilang lahat. May

mga nagsalita mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan, at ipinahayag ang kanilang mga

saloobin.

“Magbigay ng trabaho, huwag pumatay ng tao” ani ng isang babaeng

namatayan ng isang anak dahil napagkamalang taong nagtutulak ng droga. Labis

itong ikinagulat at ikinabagabag ni Lea sapagkat ang lugar na inuuwian niya ay

isang iskwaters area. Alam niyang sa lugar nila ay maraming adik, kaya naman

natatakot siyang baka mapagkamalan siya. Lumingon si Lea kay Victor upang sana

ay magbigay ng reaksyon tungkol sa sinasabi ng babae sa entablado. Ngunit pag

lingon ni Lea, nakita niyang nakatutok si Victor sa pagsulat ng mga mahahalagang

detalye mula sa programa. Sa isip-isip ni Lea, lagi nalang nagtatrabaho itong bakla

kong kaibigan. Nilingon din ni Lea si Miguel upang makita kung ano na rin ang

ginagawa ng kaibigan. Paglingon niya ay wala na ang kaibigan sa tabi nila;

nagtungo na pala ito doon sa nagsasalitang babae kanina sa entablado. Kinalabit na

ni Lea si Victor upang sabihin na nawala si Miguel sa kinauupuan nila. Sakto

namang pagtayo nila upang hanapin ang kaibigan ay siya namang pagdating nito

galing sa pinuntahang tao.

“Saan ka ba nanggaling?” tanong ni Lea.

“Doon sa babaeng nagsasalita kanina, nag-abot lang ako ng konting tulong”

balik tugon ni Miguel.

~3~
POLYTECHNIC UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES

“Hayaan mo na yan Lea, malaki na iyang kaibigan natin, alam na niya ang

ginagawa niya.” biglang pagsingit ni Victor sa usapan.

Muling bumalik ang magkakaibigan sa panonood ng programa. Ang tatlo ay

mariing nakinig hanggang sa matapos ang mga nagsasalita. Pagkatapos ng

programa ay lumabas na ang magkakaibigan upang kumain sandali at bumalik na

sa kani-kanilang mga trabaho.

Sumulat si Victor ng mga artikulong itinatampok ang mga kwento at

karanasan ng mga taong nagsalita at nakasalamuha nila sa programang

pinuntahan. Labis na kinekwesyon at binabatikos ng mga artikulong ito ang mga

programa at proyekto ng gobyerno.

Marami sa mga katrabaho ni Victor ang nagsasabing huwag na lamang niya

ito ilabas dahil ang gobyerno sa panahon ngayon ay ayaw ng nakababasa at

nakaririnig ng mga negatibong artikulo patungkol sa mga gawain nito.

Sa katunayan, isa sa mga katrabaho ni Victor ang tatlong linggo nang

nawawala simula ng batikusin nito ang labis na paggamit ng dahas ng gobyerno

upang paalisin ang mga taong naninirahan sa kalsada.

Natatakot lamang ang mga katrabaho ni Victor sa kung ano ang maaring

mangyari. Ngunit si Victor, kahit na isang bakla ay hindi natatakot at hindi umaatras.

Laging handang lumaban at ipagtanggol ang tama.

~4~
POLYTECHNIC UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES

Si Lea naman ay balik sa nakakapagod niyang trabaho sa palengke, gigising

ng madaling araw at magsasara ng hating gabi. Mahirap, ngunit kailangang

kumayod para makaraos sa buhay.

Minsan isang gabi, bago umuwi si Lea sa kanilang bahay nakarinig siya ng

isang putok ng baril malapit sa kinatatayuan ng kanyang tindahan. Nagulat siya at

dali-daling tumayo, ngunit noong siya ay nasa pintuan na, nanginig ang kanyang

kalamnan at nakaramdam ng labis na panlalamig . Para bang natatakot siya sa

kung ano pa ang pwedeng mangyari kung siya ay pupunta sa pinanggalingan ng

putok.

Ngunit natalo ng tapang ang takot. Naglakas loob si Lea na magtungo sa

lugar ng putukan. Nakita niya ang isang batang lalaki na nasa bente o bente dos

ang edad. Nakahandusay sa kalsada at nalulunod sa sarili nitong dugo. Ang sabi ng

pulis, nanlaban daw ang binatilyo kaya pinaputukan nila ito. Ngunit nakilala ni Lea

ang lalaki, ito yung kapitbahay niyang nagtatapos ng pag-aaral sa isang unibersidad

sa Maynila.

Labis na galit at pagkadismaya ang naramdaman ni Lea sa mga oras na iyon.

Bumalik siya sa kanyang tindahan. Pagpasok niya dito ay nanghina ang mga tuhod

niya at tuluyan na nga siyang napaluhod. Kasabay ng pagbagsak ng kanyang tuhod

ay ang pagbagsak ng mga luha mula sa kanyang mga mata. Isa itong luha ng

pagluluksa sa mga taong naging biktima ng mga karumal dumal na gawain ng

gobyerno.

~5~
POLYTECHNIC UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES

Nang mahimasmasan si Lea ay nagtungo na siya sa kanilang bahay upang

magpahinga, ngunit ang mga mata ng binatilyo ay lagi pa rin niyang nakikita. Para

bang humingi ito ng tulong. Ilang araw na ang nakalipas ngunit ganoon pa din ang

pakiramdan ni Lea.

Simula nang manggaling sina Victor, Lea at Miguel sa programang dinaluhan

nila, hindi na maalis ni Miguel kanyang isipan ang mga problemang idinudulot ng

institusyong pinagtatrabahuhan niya. Hindi na kaya ng konsensiya niyang patuloy

pang manilbihan sa isang ahensyang nagbibigay pasakit sa kapwa niya

mamamayang Pilipino.

Noong una, nagpasa lamang si Miguel ng mga suhestiyon at panukala upang

mabigyan ng pansin ang mga mamamayang dapat nilang pinagsisilbihan. Ngunit

halos dalawang linggo na niyang ginagawa ang ganitong gawain. Hindi na kaya ng

kanyang kalooban na magwalang bahala sa mga nangyayaring katiwalian at

nakakapanindig balahibong mga gawain ng gobyernong pinaglilingkuran niya.

Taas noong nagtungo si Miguel sa opisina ng kanyang manager at taas

noong sinabing, “Hindi ko kayang magsilbi sa isang institusyong nagpapahirap sa

kapwa ko mamamayang Pilipino, ang tungkulin kong pagsilbihan ay hindi kayo

ngunit ang mamamayan ng bansang ito.”

Matapos bigkasin ang mga salitang iyon, pumunta na ulit si Miguel sa

kanyang lamesa upang ligpitin ang kanyang mga gamit. Lalabas na sana ng gusali

si Miguel nang maalala niya ang mga kaibigan. Nagpadala ito ng mensahe dahil

~6~
POLYTECHNIC UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES

gusto niya itong makitang muli. Sumagot naman sina Victor at Lea sa mensahe ni

Miguel.

Napagdesisyunan ng mga magkakaibigan na kumain na lamang sa lugar

kung saan sila madalas na kumain noong sila ay mga bata pa lamang. Nauna si

Miguel sa tagpuan. Sa kadahilanang wala naman siyang ginagawa, minabuti na ni

Miguel na mauna upang makapag-isip-isip na rin siya sa kung ano ang susunod

niyang gagawin ngayong umalis na siya sa trabaho niya sa gobyerno.

Alas-sais na ng gabi nang magsara si Lea. Umuwi na muna siya saglit upang

makapag linis at makapag bihis para makapunta na sa kakainan nilang

magkakaibigan. Ika-pito ng gabi noong makapagsimulang maglakad si Lea. Suot ni

Lea ang damit na suot niya noong may pinuntahan silang magkakaibigan na

programa.

Ika-anim na ng gabi noong makalabas na ng opisina si Victor. Dahil sa

sobrang bigat ng trapiko, pinili nalamang niyang maglakad upang mapabilis din ang

pagpunta niya sa dalawa niyang kaibigan.

Mabilis na naglalakad si Victor at ng lumiko ito sa kanto kung saan papasok

sa kitaan nilang magkakaibigan, natanaw na niya ang kaibigan niyang si Lea.

Kinawayan niya ito at sumagot naman ito ng isang ring kaway.

Halos sabay na naglalakad si Lea at Victor patungo sa kakainan nilang

magkakaibigan. Kinawayan siya nito kaya naman sumagot din siya ng kaway.

~7~
POLYTECHNIC UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES

Ngunit kasabay ng pagbaba ng mga kamay niya mula sa pagkaway kay Victor,

umalingawngaw ang tunog ng isang putok ng baril. Hindi maaring magkamali si Lea,

alam niyang putok ng baril ang narinig niya.

Isang motorsiklo ang dumaan sa harapan niya pagkatapos niyang marinig

ang putok. Paglagpas ng motorsiklo ay nakita na niya si Victor na nakahandusay sa

kalsada at naghihingalo. Dali-daling tumakbo si Lea patungo sa kaibigang nababalot

ang katawan sa sarili nitong dugo.

Isang sigaw naman ang naging dahilan upang lumabas si Miguel sa

establisiyementong kinaroroonan niya. Hinanap niya ang tinutukoy na binaril na

lalaki. Nang makita niya ang kaibigan niyang si Lea na yakap-yakap ang

naghihingalo nang katawan ni Victor, hindi na napigilan ni Miguel ang emosyon at

dali-dali ding niyakap ang kaibigan.

Nanginginig ang mga kamay ni Miguel ng haplusin nito ang buhok ng

naghihingalong kaibigan. Hawak naman ni Lea ang kamay ni Victor. Walang tigil

ang pagbagsak ng mga luha ng magkaibigang Miguel at Lea. Hindi nila kayang

titigan ang nanghihinang katawan ng kanilang matalik na kaibigan.

Narinig nila ang boses ni Victor na tinatawag sila.

“Lea…Miguel, alam ko… at tanggap ko…ipagpatuloy niyo…” isang habiling

huling iniwan ni Victor sa mga kaibigan. Unti-unting nagsara ang kanyang mga mata

at tumigil na rin ang kanyang paghinga. Hindi na naitago pa ng magkaibang

~8~
POLYTECHNIC UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES

nakayakap na wala ng buhay na katawan ni Victor ang sakit ng pagkawala ng isang

mahal sa buhay.

Si Lea at Miguel din ang nag-ayos ng burol ni Victor. Alam ng magkakaibigan

ang mga hiling ng bawat isa kung sakaling may mauuna na sa kanila. Hindi naman

inaasahan ng magkaibigan na dadagsain ang burol ni Victor.

Unang araw pa lamang ay nakita na nila ang mga pamilyar na mukhang

nakita na nila noon sa programang huli nilang dinaluhan nang magkakasama. Ang

mga taong dumating ay ang mga taong naging paksa ng mga artikulong ginawa ni

Victor.

Sa ikalawang araw bumisita ang mga katrabaho ni Victor. Hindi nila

inaasahan ang makukuha nilang sobre mula sa mga ito. Nang buksan ito nina Lea

at Miguel, dito lamang nila napagtanto na hindi ito isang abloy o liham ng

pakikiramay mula sa mga katrabaho ni Victor. Ito ay mula mismo sa kaibigan nila.

Isang liham para sa kanilang dalawa.

Nakalagay sa liham na kinapanayam niya ang halos lahat ng mga tao na

dumalo sa programang pinuntahan nila noon sapagkat ang kwento ng mga buhay

ng mga taong iyon, ayon sa kanya, ang siyang nagpapaalala sa atin na mayroong

problema. Mayroong hindi tama at may kailangang ayusin.

“Alam ko na delikado ang gagawin kong pambabatikos at pagpuna sa

gobyerno at sa mga taong may kinalaman sa mga anomalyang nagaganap sa ating

~9~
POLYTECHNIC UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES

lipunan. Alam kong maaring malagay sa bingit ng kamatayan ang buhay ko,” saad ni

Victor sa liham.

“Pero ayokong manahimik nalang at manood habang unti-unting pinapatay

ang mga Pilipino,” dagdag nito.

Hindi napigilan ng magkaibigang Miguel at Lea ang maiyak nang basahin nila

ang huling parte ng liham ni Victor.

“Kung mawawala ako nang maaga, at kung makararating ang sulat na ito sa

inyo, isa lamang ang hiling ko. Ipagpatuloy ninyo ang laban na sinimulan ko.

Hanggang sa muli nating pagkikita.”

~ 10 ~
POLYTECHNIC UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES

Ang Normal na Buhay ni Nanay Olive

Ang aking buhay ay umiikot lamang sa aking pamilya at sa aking karera.

Nabubuhay ako na ang aking panananaw ay dapat kong pagsilbihan ang aking

pamilya, lalo na ang aking Nanay Olive.

Olivia C. Garcia ang buong pangalan ng aking nanay, higit lamang na kilala

siya sa palayaw na Olive. Ang aking nanay ay isang tipikal na probinsyanang

nakapangasawa ng isang magsasaka. Napagdesisyunan ng aking tatay at nanay na

pumunta ng Maynila upang makahanap ng oportunidad. Ako ng panganay sa limang

anak ng aking nanay at tatay. Maagang nabuntis ang aking ina kaya hindi na rin siya

nakapagtapos ng pag-aaral. ang aking ama naman ay ganoon din ang naging

sitwasyon. Dahil sa pagbabakasakali, lumuwas ng siyudad ang aking mga

magulang upang dito mamuhay. Halos lahat kaming magkakapatid ay lumaki na sa

Maynila. Ang inaasahang oportunidad at maginhawang buhay sa Maynila ay ibang

iba sa normal at katotohanang hinarap ng aking mga magulang. Ang aking ama ay

namasukan bilang construction worker at paminsan minsan ay namamasada ng

tricycle sa Quiapo. Ang aking ina naman ay nagtinda ng mga meryenda sa tabing

kalsada upang may maidagdag sa perang ginagastos namin araw araw.

Laging wala sa aming bahay ang aming tatay dahil sa kanyang pagtatrabaho,

kaya ang aming nanay ang lagi naming nadadatnan sa aming tahanan. Siya ang

halos na nakakasama namin sa buong maghapon. Ang aming nanay ang siyang

nagturo sa amin ng mga kailangan naming malaman sa araw-araw. Lalong humirap

~ 11 ~
POLYTECHNIC UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES

ang buhay ng aming pamilya noong binawian ng buhay ang aming tatay. Siya ay

napagbintangan na gumagamit ng ilegal na droga at tahasang hinuli, sinabi ng mga

awtoridad na nanlaban daw ang aking ama kaya pinaputukan nila ito.

Ang nangyari ay hindi namin matanggap, masakit sa dibdib ang ginawa ng

mga taong akala namin ay silang pumuprotekta sa aming mga mamamayan.

Mukhang nagkamali kami ng pinagkatiwalaan, parang mali kami ng tinatakbuhan.

Habang patuloy na humingi ng hustisya ang aming pamilya, ang aming nanay ay

doble-kayod naman sa pagtatrabaho upang mapunan ang mga naiwang

responsibilidad ng aming ama. Tatlo sa aming limang magkakapatid ay

nagtatrabaho upang makatulong kahit papaano sa aming ina. Sa mga panahong

iyon, halos mamumulat ang mata namin na wala na ang aming nanay at matutulog

kaming wala pa rin siya.

Lalong bumigat ang hamon ng buhay noong pumasok ang pandemya sa

Pilipinas. Lahat kaming magkakapatid ay tinanggal sa trabaho dahil nagsara ang

halos lahat ng establisimiyentong pinapasukan namin. Ang aming nanay ay

napilitang tumigil din sa pagtatrabaho dahil na rin sa pandemyang nararanasan sa

bansa. Naghirap lalo ang aming pamilya, dumating na sa punto na naibenta na

namin ang mga gamit namin sa bahay upang matustusan ang aming

pangangailangan sa araw-araw.

Simula nang mawala ang aming tatay, laging ang aming nanay na ang

tumatayong ama at ina sa aming magkakapatid. Siya na ang naging haligi at ilaw ng

~ 12 ~
POLYTECHNIC UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES

aming mumunting tahanan. Ang aming nanay ang nagpaunawa sa amin na hindi

lamang makukuha ng sipag ang lahat ng bagay. Masipag ang aming nanay,

napakasipag, ngunit hindi ito sapat dahil may tanikalang nakatali sa kaniyang leeg.

Siya ay alipin lamang din ng lipunang dapat ay pumuprotekta sa amin.

Malaking pagsubok ang dumating sa aming pamilya noong atakihin ang

aming nanay. Agad siyang isinugod sa ospital, nagtagal siya nang ilang araw ngunit

kalaunan ay bumigay na rin ang kanyang katawan. Agad siyang ipinasok sa

crematorium kaya wala kaming panahon na magpaalam sa kanya nang maayos.

Mahirap ang buhay na nakagisnan ng aming nanay, mahirap ang buhay na

kinaharap ng aming nanay. Ang ibang tao ay sasabihing normal lang ang maghirap,

pero para sa amin, hindi normal ang paghihirap na naramdaman ng aming nanay.

Siya ay biktima lamang ng isang sistemang pilit na nilalapstangan ang mga

mahihirap. Biktima ang aming nanay ng mga taong walang ibang inisip kundi

pansariling bulsa lamang.

Kailan kaya naging normal ang buhay ni Nanay Olive?

~ 13 ~

You might also like