Nagpapatunay ang katagang ito na ano mang pagsubok at hamon ang dumating sa buhay ng mga Pilipino,tayo ay mananatiling matatag at ang pagmamahalan ay lalong umiigting at tumitibay. Nalalapit na ang ikalawang taong anibersaryo mula ng umatake ang Covid 19 sa buong mundo. Ang virus na gumambala at walang habas na gumulo sa tahimik at masayang pamumuhay ng mga tao. Ang virus na kumitil na ng napakaraming buhay at nagdala ng maraming pasyente sa mga pagamutan. Ang virus na nagpahinto sa maraming manggagawa at pansamantalang nagpatahimik sa maiingay na lansangan,pagawaan,pasyalan,palaruan at maging sa mga paaralan. Ang virus na sumubok sa kakayahan at eksperto ng mga nilalang sa larangan ng medisina. Pagsubok nga ba ito ng Diyos? Isa ba ito sa kanyang paraan upang muli niyang mapanumbalik ang pananampalatayang Kristiyano at hindi na lang puro pera,karangyaan at kasiyahan ang naiisip ng mga tao? Ayon sa homiliya ng isang alagad ng simbahan sa kanyang pagmimisa, “Noong nagsimula ang pandemya at ipinagbawal ang pagpasok ng mga tao sa mga simbahan upang sumamba, labis ang katuwaan ni satanas! Subalit nagkamali siya, sapagkat lalong pinagtibay ng Diyos ang pananampalataya ng mga tao sapagkat muling nagsama-sama ang pamilyang dati rati ay walang panahon sa isa’t isa sa labis na pagpapahalaga sa trabaho at sa napakaraming bagay”. Nang dahil nga naman sa pandemya, muling nagkasabay-sabay at nagkaharap sa hapag- kainan ang mag-anak, muling nakapag kwentuhan tungkol sa kanilang mga buhay-buhay at higit sa lahat nagkaroon ng pagkakataong makapagsimba ng magkakasama sa pamamagitan ng online masses. Lalong tumatag ang pagmamahalan sa loob ng tahanan dahil sa pagkakaroon ng sapat na panahon sa isa’t isa. Nagkaroon ng napakahabang “family bonding” at may pabunos pang “with God” na napakatagal na inasam at naipagkait ng tadhana higit lalo na sa mga taong walang ibang hangad kundi ang mabigyan ng magandang buhay ang pamilya at mga mahal sa buhay. Subalit tunay nga na “God is good all the time”. Muling napatunayan na ilang bagyo, baha at delubyo mang maituturing ang virus na ito ang sumubok na pahinain ang mga Pilipino, lalo naman nitong pinaiigting ang pagbabayanihan at pagmamahalan sa puso ng bawat isa. Ano mang hamon, mapagtatagumpayan natin ito nang dahil sa Dakilang Pananalig at Dalisay na Pagmamahalan.