Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 4

Nilubid na Abo

Kuwentong Bayan

Sa isang kaharian ay bantog ang katalinuhan ng isang binatilyo. Siya si Catalino, na

nakagawian nang tawagin ng kanyang mga kanayon na Talino. Totoong akmang-akma naman sa

kanyang angking katalinuhan ang kanyang palayaw. Palabasa si Catalino. Silang mag-anak ay

mahirap lamang at ang tanging yamang itinuturing ni Catalino ay ang ubod ng dami niyang mga

aklat at iba’t ibang babasahin. Wala siyang libangan kundi ang magbasa pagkatapos ng kanyang

mga gawain. Sadyang nakatutulong nang malaki si Catalino sa kanyang mga kanayon. Dahil sa

marami siyang kaalaman na nakukuha niya sa pagbabasa, maraming mabubuti at matatalinong mga

payo ang naibibigay niya sa kanila. Nabibigyan niya ng payo ang mga kanayon tungkol sa

pagsasaka, pagtatanim at paghahalaman, pag-aalaga ng mga hayop, pagpapagawa ng bahay,

pagpapahukay ng balon at mga poso, paglilipat ng bahay, pati ang panggagamot sa mga di-

kabigatang karamdaman. Kaya naman mahal na mahal siya ng kanyang mga kanayon. Maging ang

mga taga-ibang nayon, malapit man o malayo, ay nakikilala na si Catalino at alam na ng marami

ang kanyang katalinuhan.

Ang lahat ng mga balita tungkol sa matalinong binatilyo ay nakararating sa kabatiran ng

hari. Higit na sikat pa raw si Catalino kaysa sa hari. Ayaw ng hari ng ganitong pangyayari. Baka

dumating ang araw na makuha ni Catalino sa hari ang pamumuno sa kanyang kaharian. Nabahala

ang hari. “Maaari nga pong mangyari ang kinatatakutan ninyo, Mahal na Hari,” ang sabi pa ng isang

taga-payo. “Ang lalong mabuti ay ipakulong natin siya,” anang isang tagapayo naman. “Ngunit hindi

natin maaaring ipakulong nang basta-basta ang isang taong wala namang ginagawang

pagkakasala,” sagot ng isa pang tagapayo. Marami pang mga usapan hanggang sa ang nabuong

balak ay pagawain si Catalino ng isang bagay na tiyak na hindi niya magagawa. At ito ay

ipagagawa sa plasa sa harap ng maraming tao at kanyang mga tagahanga. Kapag hindi nagawa ni

Catalino ang ipagagawa sa kanya, pagtatawanan siya ng mga tao.

Ipinatawag si Catalino sa palasyo. Sa harap ng mga tagapayo ay kinausap siya ng hari.

“Nabalitaan ko ang iyong maraming kaalaman. Ikaw raw ay matalino. Nakagagawa ka ng

maraming matatalinong bagay. Nabibigyan mo raw ng matalinong payo ang mga tao. Totoo ba ito?”

ang tanong ng hari. “Ang mga tao po ang nagsasabi niyan. Hindi po ako,” sagot ni Catalino. “At ang
ibinibigay ko po sa kanilang payo ay hindi sa sarili ko galing. Nakukuha ko po ito sa aking mga

pagbabasa.”

“Saan mo nakukuha ang mga karunungang iyan?” ulit ng hari. “Sa mga aklat po at sa

paaralan ng buhay,” sagot ni Catalino. Nag-ungulan ang mga tagapayo. Waring pati ang hari ay

napapaniwala na ni Catalino. Bumulong ang punong tagapayo sa hari. “Catalino!” ang malakas na

sabi ng hari. “Ako’y may ipagagawa sa iyo. Huwag mo akong bibiguin. Masama akong hindi sundin,”

sabi pa ng hari. “Naiintindihan mo ba? “Opo, Mahal na Hari,” sagot ni Catalino. “Sa abot po ng

kaunti kong kaalaman ay sisikapin kong masunod ang inyong utos.” Hinintay ni Catalino ang ipag-

uutos ng hari. Binasa ng isang alagad ng hari ang kautusan. “Bukas ng umaga, magdala ka rito ng

nilubid na abo. Kapag hindi mo ito nagawa, nangangahulugang hindi ka pala sadyang matalino at

niloloko mo lamang ang mga tao.

Nagkasala ka sa bayan kaya kailangang pugutan ka ng ulo,” anang tagabasa. Umuwi si

Catalino sa kanilang nayon. Kanyang pinag-isipan ang ipinagagawa ng hari. Alalang-alala ang

kanyang ama’t ina. Labis na nag-aalala rin ang kanyang mga kanayon. Wala naman silang

maitulong kay Catalino. Ipinagdasal nila na sana ay magawa nito kung anuman ang ipinagagawa ng

hari. Kinabukasan, maagang nagising ang mga tao. Pumunta ang marami sa plasa. Doon ibibigay ni

Catalino sa hari ang nilubid na abo. Maingat na dinala ni Catalino ang natatakpang kahon.

Marahang inilapag sa harap ng hari ang bandehadong malapad. Naroon ang nilubid na abo.

Nagulat ang hari. Hindi akalain ng hari at ng kanyang mga tagapayo na magagawa ni Catalino ang

nilubid na abo. “Nilubid na abo!” ang wika ng lahat. Magalang na yumukod sa hari si Catalino. Wala

itong pagmamalaki o anumang bahid ng yabang. Ang naroo’y kababaang-loob. Nilubid pala ni

Catalino ang abaka at saka niya marahang sinunog hanggang sa maging abo na hindi natatanggal

ang pagkakalubid. Lalong humanga ang mga tao kay Catalino. Pati na ang hari ay humanga rin hindi

lamang sa talino kundi sa kabaitan at kababaang-loob ni Catalino. Dahil dito, kinuha siya ng hari

bilang tagapayo sa palasyo. Nabigyan ni Catalino ng mabubuting payo ang hari tungkol sa

pamamalakad kaya’t naging maunlad ang kaharian.


Mga Gawain: Isulat ang inyong sagot sa Kuwaderno.

Gawain 1

Panuto: Ibigay ang kasingkahulugan ng mga salitang may salungguhit ayon sa gamit sa

pangungusap. (Copy and Answer)

1. Kilala siya sa kanilang lugar dahil sa kanyang katalinuhan, hindi niya

ipinagdadamot sa kanyang mga kanayon ang kanyang kaalaman.

2. Bantog ang binatilyo sa kanilang nayon, higit na nakilala si Catalino nang ipamahagi

niya ang kanyang katalinuhan sa pagbibigay payo sa mga kanayon.

3. Bumulong ang punong tagapayo sa hari hinggil sa kanyang kahusayan sa pagpapayo, upang

subukin ang kaalaman ni Catalino ay mahinang nagsabi ng suhestiyon sa hari ang tagapayo.

4. Pawang kababaang-loob ang ipinakita ni Catalino sa harapan ng hari, sa kabila ng

pagpasa niya sa pagsubok ay nanatiling mapagkumbaba si Catalino sa harap ninuman.

5. Lalong humanga ang kanyang mga kanayon sa ipinakitang kababaang-loob ni Catalino,

ang katangian niyang ito ang naging dahilan upang idolohin siya ng kanyang mga kanayon.

Gawain 2:

Panuto: Basahin ang kuwentong bayan na pinamagatang “Nilubid na Abo” at sagutan ang

mga sumusunod na katanungan: (Copy and Answer)

1. Sino ang pangunahing tauhan sa kuwento?


2. Bakit siya naging bantog sa kanilang nayon?
3. Ano ang kaniyang katangiang ipinamalas?
4. Ilarawan ang katangian ng hari at ang kaniyang mga tagapayo batay
sa pangyayari sa akda.
5. Tama ba ang naging damdamin at ginawa ng hari at kaniyang mga tagapayo
kay Catalino? Bakit?
6. Magbahagi ng mga pangyayari sa akda na maaaring iugnay sa mga pangyayari
na nagaganap sa kasalukuyan.
7. Ano -ano ang mga tradisyong mahihinuha sa akda na patuloy na isinasabuhay
sa kasalukuyan?
8. Anong mensahe ang nais iparating ng may akda sa mga mambabasa?
9. Anong uri ng akdang pampanitikan ang akdang binasa.
10. Ibigay ang kahulugan ng Kuwentong bayan?
11. Ibigay ang mga Elemento ng kuwentong bayan.

You might also like