Ang Sistemang Kontra-Mahirap Sinasabi nila na ang edukasyon ay ang pinakamahalagang aspeto sa buhay ng mga bata, na siyang pag-asa ng bayan. Ngunit kapag walang natututunan ang isang bata, maituturing pa ba natin silang pag-asa ng ating bayan? Ang kahirapan nga ba ang ugat ng mahinang sistema ng edukasyon o ang kawalan ng tulong mula sa gobyerno? Ang isinulat na opinyon ni Apolinario Villalobos na pinamagatang “Ang Bagong Sistema ng Edukasyon” ay tumatalakay sa kung papaanong naging kontra-mahirap, o sa Ingles anti- poor, ang bagong sistema ng edukasyon na ipinatutupad ng Kagawaran ng Edukasyon. Binanggit niya sa kanyang sanaysay ang dagdag gastos ng mga magulang sa pagbili ng mga libro ng kanilang mga anak, ang pinabigat na mga tungkulin ng mga guro, at ang hindi sapat at kapos na tulong mula sa gobyerno na nagdulot ng maraming problema. Ang naging layunin ni Villalobos sa kaniyang isinulat na sanaysay ay para humingi ng pananagutan mula sa gobyerno, na siyang para rin sa mga kabataan na papalit sa kasalukuyang henerasyon. Kinakailangang isaalang-alang ang sitwasyon ng mga mag- aaral, guro, at paaralan at aksyunan ang mga isyu upang kahit na kapos sa badyet ang Kagawaran ng Edukasyon, maaayos ang mga problema ng bawat isa.
Ang kahirapan at mahinang sistema ng edukasyon ay laging magkasama na mas
nagpapalala ng kawalan ng kilos at tulong mula sa Kagawaran ng Edukasyon at LGU (local government unit). Mula sa simula ng sanaysay na isinulat ni Villalobos, binanggit niya ang iba’t ibang mga problema na kinakaharap ng mga magulang, mag-aaral, at guro sa Pilipinas. Ang puntong nais kong bigyang-diin na aking nakuha mula sa sanaysay ay ang kahirapan ay isa sa mga ugat ng mahinang sistemang pang-edukasyon dahil sa tatlong argumento na nabanggit sa sanaysay. Ang una ay ang mga magulang at ang kanilang mga anak ay nahihirapang mag-adjust sa bagong sistema ng edukasyon. Dati, ang mga libro ng nakatatandang anak ay maaaring mamana ng nakababatang anak para makabawas sa gastusin. Ngunit ngayon, iniba ang porma ng mga libro upang pagkakitaan ng mga opisyal na nakipagsabwatan sa mga suppliers. Dahil dito, mas mahihirapan ang mga magulang sa aspeto ng pinansyal. Pangalawa, dahil sa kahirapan at kakulangan sa aksyon ng pamahalaan, ang mga guro na ang gumagawa ng lahat at gumagastos sa mga kailangan ng paaralan. Ika nga ni Villalobos, “kulang ang mga silid aralan ng mga pampublikong paaralan, at walang handang kurikulum o ‘module.’” Kung kaya’t ang mga guro na ang nagbabayad para sa pagpapabuti ng pagkadalubhasa nila at sa isa pang sitwasyon, ang guro na rin ang nagtuturo sa mga bata ng Kalayaan Island nang libre. Iyan lamang ang iilan sa mga problema na hinaharap ng mga guro na siyang hindi inaaksyunan ng Kagawaran ng Edukasyon. Sa aking paningin, hindi inaasikaso nang maayos ng Kagawaran ng Edukasyon ang iba’t ibang sitwasyon ng kanilang hawak na mga paaralan. Sila ay kulang sa inisyatibong tumulong at ayusin ang kapakanan ng mga mag-aaral. At panghuli, dahil sa mga naunang mga nabanggit na problema, hindi na nakakapagtaka na mahina ang pundasyong edukasyonal ng mga bata, lalo’t lalo na ang mga batang may problemang pinansyal. Ang isa pang punto na nais kong mairating sa mambabasa ay ang bagong sistema ng edukasyon ay hindi maaayos kung walang tulong mula sa Kagawaran ng Edukasyon at ang gobyerno. Kahit na nag-iimprovise ang mga guro para lang may matutunan ang mga bata, walang mararating ang lahat kung hindi tutulong at asikasuhin ng gobyerno. Tulad na lamang ng sitwasyon ng maraming paaralan na may malapit na mga nakagagambala na mga establisyementong, dapat ay inaaksyunan ng LGU ang mga ito upang mas mabisa ang pag-aaral ng mga estudyante.
Samakatuwid, masasabi ko na ang kahirapan ay tunay na nakaka-apekto sa
edukasyon ng kabataan. Ang mahina na sistema ng edukasyon ay maaaring isa lamang sa epekto ng kahirapan. Ang bagong sistema ng edukasyon na ipinatupad ng Kagawaran ng Edukasyon ay talagang kontra-mahirap dahil hindi naiintindihan ng mga opisyal doon ang iba’t ibang nakakadismayang sitwasyon ng mga magulang, mag-aaral, at guro. Bukod doon, masasabi ko rin na hindi maaaring ipatong ang lahat ng sisi sa gobyerno at Kagawaran ng Edukasyon. Totoo nga na ang karapatang edukasyon ay dapat binibigay sa lahat, ngunit ang mga mag-aaral rin ay may responsibilidad na maisakatuparan ang karapatang ito sa pamamagitan ng pag-aaral nang maayos. Lahat tayo—ang gobyerno, mga magulang, mag-aaral, at mga guro, ay dapat magtulungan upang makamit ang nais nating mangyari at upang matulungan ang bagong henerasyong ito na maging tunay na pag-asa ng bayan.