Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 24

#ArtOfWar

#SunTzu
#SiningNgGiyera
#Arao
#Chapter 9: The Army on the March
#Kabanata 9: Pagsulong
Wika ni Sun Tzu:
Ang hindi nagninilay at nangingilag sa kaaway ay mahuhulog sa kanilang mga kamay. Kapag sa
kabundukan nagkakampo, kaagad kumaripas sa ganitong puwesto, at mas makabubuti kung sa
lambak mamamalagi.
--------------------------------------------------------------------------
Iniuugnay dito ang kwento ni Wu-tu Ch'iang, isang pinuno ng mga bandido. Isinugo si Ma Yuan
upang lipulin ang nasabing mga tulisan. Nakatagpo si Ch'iang ng mapagtataguan sa mga
kabundukan, hindi ito nilusob ni Ma Yuan. Sa halip, kanyang inokupa ang mga puwesto na
sasalag sa mga pinagkukunan ng suplay ng mga bandido. Sa ganitong kagipitan, napilitang
sumuko ang mga tulisan.
--------------------------------------------------------------------------
Kung sa matataas na lugar magkakampo, iharap sa arao ang puwesto, hindi sa mga bundok o
burol na patago. Huwag lumusob sa mga ganung puwesto.
Kung sa ilog babagtas, magmadaling makalampas. Kapag may kaaway na tumatawid dito,
huwag silang salakayin sa laot nito. Hintayin muna na makatawid ang kalahati ng kanilang
hukbo, at saka atakihin ang mga ito.
--------------------------------------------------------------------------
Iniuugnay dito ni Li Ch'uan ang kwento ng tagumpay ni Han Hsin laban kay Lung Chu sa Ilog
Wei noong mga 100 BC. Ang kani-kanilang mga hukbo ay napadpad sa magkabilang dako ng
ilog na ito. Isang gabi, inutusan ni Han Hsin ang mga tauhan nito na gumawa ng dike na yari sa
mga sako ng buhangin. Matapos nito, kanyang pinalusob ang kalahati ng kanyang hukbo
patungo kina Lung Chu. Nagkunwari ang puwersa ni Han Hsin na nabigo sa pagsalakay at
napilitan nalang na umatras. Ikinatuwa ito ni Lung Chu, sabay sigaw: "Si Han Hsin ay isang
malinaw na duwag!"
Kaagad niyang pinadaluhong ang hukbo sa mga umaatras na kalaban nito. At nang makarating sa
may bandang dike, mabilis na ipinawasak ito ni Han Hsin at bumuhos ang malaking agos ng
tubig sa puwersa ni Lung Chu. Kaagad sumalakay ang puwersa ni Han Hsin sa mga natitirang
kaaway hanggang sa kanila itong nalipol, kasama ni Lung Chu.
--------------------------------------------------------------------------
Kung nagdadalawang-isip umatake sa kaaway, huwag silang salubungin sa ilog na kanilang
tatawirin. Sa halip, tipunin ang iyong puwersa sa mas mataas na puwestong nakaharap sa arao.
Huwag tumawid sa laot upang sumalakay. Ang ating plota ay hindi dapat iangkla nang mas
mababa sa puwesto nila. Kapag nagkaganon, mapapakinabangan nila ang agos at madali tayong
mauubos.
Kung babagtas sa mga latian, tawirin ito nang agaran. Ang kalidad ng katubigan at halamanan sa
ganitong klase ng kalagayan ay matatalban. Kapag napilitang lumaban sa isang latian,
pumuwesto sa may bandang halamanan o kakahuyan sa iyong dakong likuran.
Kung nasa tuyong kapatagan, maghanap ng kalalagyan kung saan may mas mataas na lupa sa
iyong kanang likuran. Sa ganitong puwesto, nasa harap mo ang kalaban at nasa likod mo ang
kaligtasan.
Lahat ng mga sandatahan ay hangad ang puwestong mataas kaysa mababa, ang maliwanag kaysa
madilim. Ang mababang puwesto ay hindi lamang nakahihina at nakasasama, hindi rin ito
maganda sa pakikidigma. Kung iniingatan mo ang iyong hukbo, kayo ay magkampo sa mataas
na puwesto. Dito ay makakaiwas kayo sa mga karamdaman at tagumpay ay inyong masisilayan.
Kapag narating niyo ang isang burol o pampang, pumuwesto kayo sa bahaging naaarawan, na
ang pataas ay nasa inyong kanang likuran. Mas makabubuti ito sa iyong sandatahan at gamitin
ang mga likas na mapapakinabangan sa nasabing kinalagyan.
Kapag katatapos lang nang malakas na ulan, at ang ilog na nais niyong tawirin ay rumaragasa at
nababalot ng mabulang kapa, maghintay hanggang sa ang mga ito ay tumila.
Ang mga lugar na may rumaragasang tubig, makikitid na bangin, liblib na espasyo, masukal na
gubat, mga kaputikan at kalubakan ay hindi dapat tahakin at kagyat na layuan.
At habang papalayo tayo sa mga gayong kasalimuotan, papalapitin sa mga ito ang mga kalaban.
Harapin sila na ang mga kasalimuotang iyon ay nasa likod nila.
Kung sa di-kalayuan ng inyong kampo ay may mga kaburolan, katubigang balot ng damo,
kalubakang hitik ng tambo at kakahuyang puno ng grobo, maingat na halughugin ang mga ito.
Ang mga nasabing kasukalan ay pwedeng pagkutaan ng mga tiktik ng kalaban.
Kapag ang kaaway ay malapit ngunit tahimik, may sinasandigan siyang lakas. Kung siya ay
malayo ngunit naghahamon, may kinatatakutan siyang paglusob. Kung ang kanyang kampo ay
kaydaling masuong, maaaring siya ay may inihaing patibong.
Kapag may paggalaw sa mga puno ng kakahuyan, pahiwatig ito na umuusad na ang kalaban.
Ang paggalaw sa mga puno ay nangangahulugang pinuputol ang mga ito. Ang paglitaw ng mga
nakahambalang sa mga damuhan ay senyales na may dapat tayong pangambahan.
Kapag maraming ibon na biglang nagliparan pataas ng kagubatan, pahiwatig ito na may
nangyayari sa ilalim ng kakahuyan. Ang pagsisikulasan ng maraming kahayupan ay senyales na
ang sasalakay ay nariyan.
Kapag may mga alikhabok na pataas, may mga karuwaheng paparating; kapag pakalat, hukbong-
lakad ang dumarating; kapag nasa iba't ibang direksiyon, sila ay nangangaingin; kapag urong-
sulong, sila ay nagkakampo.
Ang mga salitang mapagkumbaba at pagiging abala ay pahiwatig na ang kaaway ay susulong.
Ang marahas na pananalita at animo'y nagbabanta ay senyales na siya ay uurong.
Ang paglitaw ng mga karuwahe at pagpuwesto ng mga ito sa magkabilang dulo ay pahiwatig na
may sasalakay sa atin. Ang pag-alok ng kapayapaan na walang sinumpaang kasunduan ay
senyales ng masamang balakin.
Ang pagsisitakbuhan at pagkagulumihanan ng ating mga kawal ay pahiwatig na may
nangyayaring kritikal. Ang pagsulong ng ibang kaaway na mga sundalo at ang pag-urong ng iba
sa mga ito ay senyales na bitag ito.
--------------------------------------------------------------------------
Noong 279 BC, si T'ien Tan ay hirap sa kanyang Depensiba para sa Chi-mo laban sa mga
puwersa ng Yen na pinamumunuan ni Ch'i Chieh.
Si T'ien Tan ay lantarang nagpahayag: "Ang tanging kinakatakot ko ay yung kanilang kakalasin
ang ilong ng mga bihag nilang kababayan natin at gamitin ang mga ito laban sa atin. Ito ay
pagkalas din sa ciudad natin."
Nang makarating ang pahayag na ito sa mga kalaban, kanilang ginawa ang nasabing
kinatatakutan. At nang makita ng mga taga-Ch'i ang ginawa sa kanilang mga kababayan, na may
takot na gawin din sa kanila ito ng kalaban, ay nakadama sila ng mas matinding kabangisan na
makipaglaban.
Muling nagpahayag si T'ien Tan: "Ang pinakakinakatakot ko ay kung huhukayin nila ang mga
libingan ng ating mga ninuno sa labas ng bayang ito at ang kalapastanganang ito ay magpahina
ng loob ng ating mga tao."
Karaka-raka, hinukay ng mga kaaway ang libingan ng kanilang mga patay at sinunog ang natitira
sa mga bangkay. At nang malaman ng mga taga-Chi ang ginawa sa kanilang mga yumao,
nasagad ang pasensiya ng mga ito, at nais nang lumusob sa mga kaaway nito. Ang kanilang galit
ay naragdagan pa ng sampung ulit.
Batid ni T'ien Tan na handa na ang kanyang mga tao para sa matinding pakikipagbuno. Pero sa
halip na espada, asarol ang hinawakan niya at namahagi ng mga ganun sa mga sundalo nila,
habang ang kanilang mga hanay ay pinuno ng kanilang mga asawa at kirida. Sunod ay pinakain
niya nang mabuti ang kanyang mga tauhan. Ikinubli niya ang kanilang mga kawal at inilantad sa
mga kaaway ang kanilang mga matatanda at mga babae. Sunod ay nagsugo siya ng mga
emisaryo sa kampo ng kaaway upang ipahayag ang kanilang pagsuko. Sa gayon, ay naghiyawan
sa tuwa ang mga sundalo ng Yen. Nangulekta rin si T'ien Tan ng 20,000 onsa ng pilak mula sa
mga kababayan at inialok ito sa mga kalaban sa kondisyon na huwag wasakin ang kanilang mga
tahanan at abusuhin ang kanilang mga kababaihan sa oras na isuko nila ang kanilang bayan.
Si Ch'i Chieh, na nasa magandang modo, ay sumang-ayon sa kahilingan, subalit mas naging
kampante at di-maingat ang kanyang kasundaluhan. Samantala, si T'ien Tan ay naghanda ng
libong mga toro at pinagmukhang dragon ang mga ito na may matatalas na tabak sa kanilang
mga ulo. Nilagyan niya rin ng mga paputok ang mga buntot nito. At naghanda siya ng 5,000
piling mga kawal. Kinagabihan, kanyang itinutok ang mga nasabing toro sa kampo ng kalaban,
sinindihan ang mga paputok at sa sobrang sakit ay mabangis na dumaluhong ang mga hayop sa
kampo nina Ch'i Chieh, na sa pagkagulantang ay tarantang nagsikulasan, saksi ang mga torong
may kakaibang mga wangis na kumitil at sumugat sa bawat madaraanan. Samantala, ang 5000
piling mga kawal na may busal ang mga bibig ay gumapang sa mga tolda ng kaaway. Habang sa
loob ng ciudad ay may umusbong na nakagigimbal na ingay ng mga tambol, metal at hiyawan,
na parang nagngangalit na Langit at Lupa.
Sa sindak, magulong nagsitakbuhan palayo ang mga sundalo ng Yen at nanggagalaiti silang
tinugis ng mga tao ng Ch'i, na nagtagumpay sa pagpaslang kay Heneral Ch'i Chieh. Ang bunga
ng labanan ay ang ganap na pagbawi sa mga 70 iba pang lungsod na nabibilang sa estado ng
Ch'i.
--------------------------------------------------------------------------
Kapag ang mga kawal ay nakasandal sa kanilang mga sibat, sila ay nagugutom. Kapag ang mga
inutusang mag-igib ng tubig ay nagsipag-inom agad nito, sila ay nauuhaw. Kapag may nakita
silang mapapakinabangan pero walang ginagawa upang kunin ito, sila ay napapagod.
Kung may mga ibong nagtitipon sa isang dako, ito ay abandonado; isang kapaki-pakinabang na
palatandaan na ang kalaban ay palihim na iniwan ang kanyang pinagkukutaan.
Ang linggal sa gabi ay naghahatid ng kaba. Ang kaba ay nakaliligalig at nag-uudyok din ng
linggal. Kung ligalig ang kampo, mahina ang otoridad ng pinuno. Kung palipat-lipat ang mga
bandera ng puwesto, may sedisyong niluluto. Kung magkakagalit ang mga pinuno, nababalisa
ang mga tao.
Kapag ang mga sundalo ay pinakain ang kanilang mga kabayo ng mga kakaning butil at kinatay
ang mga baka upang makain nila, at kapag hindi nila isinabit ang kanilang mga kaldero sa mga
apuyan, bilang pagpapakita na hindi sila babalik sa kanilang mga tolda, pahiwatig ito na sila ay
determinadong makipaglaban nang patayan.
--------------------------------------------------------------------------
Ang rebeldeng si Wang Kuo ay kinukubkob ang bayan ng Ch'en-Ts'ang. Ipinadala laban sa
kanya sina Hua-fu Sung at Tung Cho. Nais ni Cho na madaliin ang laban, subalit si Sung ay
hindi siya pinakinggan. Pinagod muna ni Sung ang mga rebelde.
Ngayon, nais na ni Sung na dumiretso sa pag-atake. Ani Cho: "Isang prinsipyo sa giyera na
huwag tugisin ang tumatakas na kaaway."
Sagot ni Sung: "Hindi yan magagawa dito. Ang aking lulusubin ay isang pinagod na hukbo,
hindi tumatakas na mga sundalo. Ang disiplinado kong mga tropa ay dumadaluhong sa isang
watak na puwersa, hindi sa mga kawal na nawawalan ng pag-asa." Kapagdaka'y sumulong siya
sa pag-atake, kahit hindi suportado ng kasamahan, napuksa ang kalaban, at napatay si Wang
Kuo.
--------------------------------------------------------------------------
Kapag ang mga emisaryo na ipinadala ay puro papuri, senyales ito na nais ng kaaway
makipagbati. Kung ang puwersa ng kalaban ay galit na sumulong at naghahamon sa mahabang
panahon, nang walang paglusob na ginagawa o pag-urong ng demanda, ang ganung kalagayan ay
dapat pangilagan.
Ang magsimula sa kayabangan at magtapos sa karuwagan ang pinakamatayog na kahangalan.
Kung mas kaunti ang ating tropa, huwag umatake nang direkta. Ang atin lang na magagawa ay
mag-ipon ng puwersa, pangilagan sila, at mangalap ng suporta.
Ang mga lalaking nagbubulungan ay senyales ng pagkayamot mula sa hanay nila.
Ang palagiang mga parangal ay senyales ng paubos nang pinagkukunang-yaman. Ito ay upang
makuha ang kalooban ng mga tauhan. Ang palagiang mga parusa ay senyales ng paluwag nang
disiplina. Ito ay upang mapanitili ang katapatan.
Kung paparusahan ang mga sundalo na hindi pa napalapit sa iyo, hindi magiging masunurin ang
mga ito. Kung hindi paparusahan ang mga sundalo na napalapit na sa iyo, magiging inutil ang
mga ito. Sa umpisa, tratuhin sila ng may kaluwagan. Sa kalaunan, kontrolin sila ng may
kahigpitan. Ito ang tiyak na daan tungo sa tagumpay.
Ani Yen Tzu (493 BC) kay Ssu-ma Jang-chu: "Sa kanyang kaluwagan, napamahal sa kanya ang
mga tauhan. Sa kanyang kahigpitan, nangilag sa kanya ang mga kalaban. Ang pinunong dapat
tularan, pinagkakaisa ang pagiging sibilisado sa pagiging barbaro; ang propesyong pangmilitar
ay nangangailangan ng pinagsamang kalupitan at kalubagan."
Sa pagsasanay ng mga sundalo, kapag palagian ang pagmamando, sila ay magiging disiplinado;
kapag hindi, sila ay mapasasama.
Kapag ang isang pinuno ay may kumpiyansa sa kanyang mga tao, pero palaging pinipilit
pasunurin ang mga ito, pareho lang sila ng natamo. Ang sining ng pagmamando ay hindi lamang
para sa pagwawasto ng kamalian at hindi dapat nababaluktot ng maliit na pag-aalinlangan. Ang
pag-aatubili at pagmamaktol ay tiyak na magpapahina sa kumpiyansa ng kasundaluhan.

#ArtOfWar
#SunTzu
#SiningNgGiyera
#Arao
#Chapter 10: Terrain
#Kabanata 10: Kalupaan
Wika ni Sun Tzu:
May 6 Uri ng Kalupaan: 1) Maaabot, 2) Magusot, 3) Maudlot, 4) Makipot, 5) Matarik at 6)
Malayo sa Kaaway.
Maaabot ang Kalupaan na malayang nababagtasan ng parehong panig ng magkalaban. Sa
ganitong katayuan, talunin ang kalaban sa pag-okupa ng dakong mataas at naaarawan, at maingat
na bantayan ang mga daanan ng pangangailangan. Sa gayon, ikaw ay makakalaban nang may
kalamangan.
Magusot ang Kalupaan na maaaring iwanan pero mahirap balikan. Sa ganitong kalagayan, kung
hindi handa ang kalaban, sumibad at siya'y paglalangan. Pero kung handa ang kalaban, at ikaw
ang talunan, mainam na huwag balikan, dahil mauuwi lang sa kapahamakan.
Maudlot ang Kalupaan na walang matatamong kapakinabangan ang parehong panig ng
magkalaban. Sa ganitong sitwasyon na parehong udlot sa paglaban, kahit mag-alok ng maganda
ang kalaban, huwag itong papatulan, bagkus siya ay layuan, at hayaang siya ang humabol sa iyo.
Kapag lumitaw na ang ilan sa kanyang hukbo, maaari mo nang tambangan ang mga ito.
Sa Makipot na Kalupaan, kapag nauna mo itong maokupahan, gawin itong matatag na tanggulan,
at hintayin ang pagdatal ng kalaban. Kapag siya naman ang nauna sa iyo, at nagawa na niyang
matatag na tanggulan ito, mainam na ikaw ang lumayo.
Sa Mataas na Kalupaan, kapag nauna ka sa kalaban, pumuwesto sa dakong naaarawan, at doon
siya abangan.
--------------------------------------------------------------------------
Iniuugnay dito ni Chang Yu ang kwento ni P'ei Hsing-chien noong 619-682 AD, na isinugo sa
isang masalimuot na misyon laban sa mga tribong Turko.
Isang gabi, nang kanyang ipinapatayo ang kanilang kampo, at halos patapos na ang pader at
bambang nito, bigla niyang inutusan ang kanyang kasundaluhan na magsilipatan sa isang burol
sa may di-kalayuan.
Mariin itong tinutulan ng kanyang mga opisyales sa kadahilanan na pagod na ang kanilang mga
tauhan. Subalit si P'ei Hsing-chien ay hindi ito pinakinggan at itinuloy ang agarang paglipat ng
kanilang tirahan.
Sa gabi ring iyon, isang malakas na unos ang tumama at ang dating pwesto nila ay nalubog sa
malalim na baha. Namangha ang mga opisyales na nagprotesta. Tanong nila: "Paano mo iyon
nahulaan?"
Tugon ni Hsing-chien: "Magmula ngayon, matuto kayong sumunod sa mga kautusan nang
walang masyado pang maraming katanungan."
--------------------------------------------------------------------------
Pakatandaan, kung ikaw ay naunahan ng iyong kalaban na okupahin ang Matarik na Kalupaan,
huwag siyang sundan; sa halip, siya ay layuan.
Sa Kalupaan na Malayo sa Kaaway, kapag patas ang inyong puwersa, huwag manguna na
hamunin siya, sa ganitong laban ay magiging dehado ka.
Kung minsan, ang sandatahan ay nahaharap sa mga kalamidad, na hindi dala ng kalikasan, kundi
dulot ng mga kamalian na pinuno ang may pananagutan. Ang mga ito ay: 1) Pagtakas, 2)
Pagsuway, 3) Pagbagsak, 4) Pagkawasak, 5) Pagkagulo at 6) Pagkapuksa.
Kapag ang isang puwersa ay ipinukol laban sa isang mas napakalaki sa kanya, ang kasasadlakan
nito ay Pagtakas.
Kapag ang mga tauhan ay napakalas at ang mga opisyales ay napakahina, ang kalalabasan nito
ay Pagsuway.
--------------------------------------------------------------------------
Iniuugnay dito ni Tu Mu ang malungkot na kwento ni T'ien Pu, na isinugo sa Wei noong 821 AD
laban kay Wang T'ing-ts'ou. Pero sa ilalim ng kanyang pamumuno, hindi siya iginagalang ng
kanyang mga sundalo. Wala siyang magawa laban dito.
Isang arao, nang mapasabak sila sa labanan, ang mga tropa niya ay nagsikulasan at siya ay
iniwan. Matapos nun, ang sawimpalad na pinuno ay nagpatiwakal.
--------------------------------------------------------------------------
Kapag ang mga opisyales ay napakalakas at ang mga tauhan ay napakahina, ang kasasapitan nito
ay Pagbagsak.
Kapag ang mga opisyales ay suwail, at hinarap ang kaaway, nang walang pahintulot ng pinuno,
ang kauuwian nito ay Pagkawasak.
Kapag ang pinuno ay mahina at walang otoridad; kung hindi malinaw magbigay ng mga utos;
kung hindi maayos magtalaga ng mga tao; at ang mga hanay ay salaula at nanggigitata, ang
kahihinatnan nito ay Pagkakagulo.
Kapag ang pinuno ay hindi tinantiya ang kalaban, at kanyang pinayagan na sumabak ang maliit
laban sa malaki, ang mahina laban sa malakas, at hinayaan ang mga piling tauhan na hindi
manguna sa labanan, ang kahahantungan nito ay Pagkapuksa.
Ito ang 6 Paraan sa Pag-akit ng Kabiguan - 1) Kapabayaan sa Pagtantiya, 2) Kahayukan sa
Kapangyarihan, 3) Kakulangan sa Pagsasanay, 4) Kawalan ng Katarungan, 5) Kawalan ng
Disiplina, 6) Kabiguan na Magtalaga ng Piling Tauhan - lahat ng ito ay dapat tiyakin ng
pinunong nasa puwesto.
Ang likas na anyo ng isang teritorio ang pinakakaalyado ng isang sundalo; ngunit ang
kapangyarihang tantiyahin ang kalaban; sa pagkontrol ng mga puwersa ng kapanalunan; at sa
tusong pagkalkula ng mga hirap, panganib at layo ang sumusubok sa pagiging isang dakilang
heneral. Ang nakaaalam ng mga ito at ginagamit ang mga kaalamang ito, ang siyang mananalo.
Ang hindi nakaaalam nito, at hindi gumagamit nito, ay tiyak na matatalo.
(6) Kung ang isang laban ay tiyak na maipapanalo, ipagpatuloy ito, kahit ayaw pa ng iyong
pinuno; kung ang isang laban ay mukhang matatalo, itigil ito, kahit gusto pa ng iyong pinuno.
Ang isang pinuno na lumalaban nang walang hinihinging kapurihan at sumusuko nang walang
kinatatakutang kahihiyan, na ang tanging nasa isipan ay maipagtanggol ang mamamayan at
mapaglingkuran ang pamahalaan, ang siyang "Hiyas ng Kaharian".
Ituring ang iyong mga kawal bilang sariling mga anak, at susundan ka nila hanggang sa
pinakamalalim na mga lambak; ituring silang mga iho, at sila ay sa iyo hanggang sa kamatayan
mo.
--------------------------------------------------------------------------
Iniuugnay dito ni Tu Mu ang tanyag na si Heneral Wu Ch'i: nagsusuot siya ng mga damit at
kumakain ng mga pagkain nang gaya sa pinakamababa niyang mga kawal, tumatangging
sumakay sa kabayo o matulog sa banig, nagbabaon ang mga gamit na nababalot lang sa isang
simpleng pakete, at nakikisalo sa bawat paghihirap ng kanyang mga tauhan.
Nang may tauhan siyang nagkapigsa, siya mismo ang humigop sa nana. Nang malaman ito ng
nanay ng nasabing sundalo, napaiyak ito. May nagtanong sa kanya, "Bakit ka umiiyak? Ang
iyong anak ay isa lamang karaniwang kawal, subalit mismong ang pinuno ang humilom sa sugat
nito."
Sumagot ang babae: "Maraming taon na ang nakalipas, si Panginoong Wu ay gumawa rin ng
ganung bagay sa asawa ko, at matapos nun ay hindi na siya iniwan, hanggang sa mapatay ng
kalaban. At ngayon, ginawa niya rin ang ganoon sa aking anak, siya rin ay makikipaglaban nang
hindi ko alam kung hanggang saan."
-------------------------------------------------------------------------
Gayunpaman, kahit ikaw pa ay mapagbigay pero walang otoridad; mabait pero hindi
makapagpasunod ng kautusan at makapagpahupa ng kaguluhan, ang iyong mga kawal ay parang
mga batang laki sa layaw; sila ay hindi mapapakinabangan kung kinakailangan.
--------------------------------------------------------------------------
Kwento ni Tu Mu: Noong 219 AD, nang sinasakop ni Lu Meng ang bayan ng Chiang-ling,
nagbigay siya ng mahigpit na kautusan na huwag mangmolestiya ng mga mamamayan o
manguha ng kanilang kagamitan.
Sa kabila nito, isang opisyal, na kababayan pa naman niya, ang nangahas na mangamkam mula
sa isang mamamayan ng isang salakot upang gamitin na pananggalang sa ulan.
Dahil doon, ipinataw ni Lu Meng ang parusang kamatayan sa nasabing kababayan, nang may
luha sa kanyang mga mata. At nang dahil sa naturang kahigpitan, nasindak ang kanyang mga
kasundaluhan. At magmula noon, kahit mga simpleng kagamitan na naiwan sa daan ay walang
nangahas na mamulot.
--------------------------------------------------------------------------
Kung alam natin na ang ating mga kawal ay handang lumaban, pero hindi alam kung handa ang
ating mga kalaban, kalahati lang ang tagumpay na makakamtan.
Kung alam natin na ang ating mga kaaway ay handang lumaban, pero hindi alam kung handa ang
ating mga tauhan, kalahati lang din ang tagumpay na makakamtan.
Kung alam natin na parehong handang lumaban ang ating mga kaaway at ang ating mga
kasundaluhan, subalit hindi alam kung ito ay naaayon sa Kalupaan, kalahati lang din ulit ang
tagumpay na makakamtan.
Ang beteranong mandirigma, sa oras na kumilos, ay hindi nagagambala; kapag nagambala ang
kanyang kampo, hindi siya nagwawala. Kaya nga ayon sa kasabihan: Kapag alam mo ang
kaaway at ang iyong sarili, ang iyong tagumpay ay hindi pagdududahan; kung batid mo ang
Langit at Lupa, ang iyong tagumpay ay magiging lubusan.
#ArtOfWar
#SunTzu
#SiningNgGiyera
#Arao
#Chapter 11: The 9 Situations
#Kabanata 11: Kalagayan
Wika ni Sun Tzu:
Ang Sining ng Digmaan ay may kinikilalang 9 Iba't Ibang Uri ng Kalagayan: 1) Makalat, 2)
Magaan, 3) Mahidwa, 4) Mabuka, 5) Matagpo, 6) Maselan, 7) Mahirap, Matiklop, at 9)
Magipit.
Kapag ang pinuno ay nakikidigma sa mismong teritorio niya, ito ay Makalat na Kalagayan, dahil
ang kanyang mga sundalo, na malapit sa mga tirahan at pamilya nito, ay malamang magkalat sa
kanilang teritorio habang may digmaan dito.
Kapag napasok niya ang teritorio ng kalaban, pero sa may di-kalayuan lang naman, ito ay
Magaan na Kalagayan.
Ang sitwasyon na may malaking kapakinabangan sa parehong panig ng magkalaban ay Mahidwa
na Kalagayan.
--------------------------------------------------------------------------
Nung si Lu Kuang ay pauwi na mula sa isang matagumpay na pakikipaglaban sa Turkestan
noong 385 AD, dala ang mga nadambong sa giyera, ay ninais niyang tambangan si Liang Hsi.
Pinayuhan si Liang Hsi ni Yang Han: "Sariwa pa ang tagumpay ni Lu Kuang at masigla pa ang
kanyang hukbo. Kung atin silang hahamunin, magiging walang laban ang puwersa natin. Atin
nalang na ibahin ang binabalak natin..."
Hindi nakinig si Liang Hsi sa payong ito, hanggang sa siya ay magapi at maitaboy.
--------------------------------------------------------------------------
Ang lupain kung saan may kalayaan sa paggalaw ang parehong panig ng magkalaban ay isang
Mabuka na Kalagayan.
Ang lupain na siyang susi sa 3 magkakaratig na estado, kaya kung sino man ang mauuna dito ay
mapupunta sa kanya ang karamihan sa imperyo, ay isang Matagpo na Kalagayan.
Kapag ang isang sandatahan ay nakatarok sa kaibuturan ng teritorio ng kalaban, iwan sa kanilang
likuran ang mga tanggulan, ito ay Maselan na Kalagayan.
Ang mga masusukal na bundok, matatarik na bangin, mga lati at mga ilat - lahat nang teritorio na
mahirap bagtasin: ito ay Mahirap na Kalagayan.
Ang lupain na may makikipot na bangin, na malalampasan lamang sa pamamagitan ng
masalimuot na mga daan, kung saan makakayanan ng kalaban na durugin ang malaking puwersa
ng ating kasundaluhan: ito ay Matiklop na Kalagayan.
Ang lupain kung saan matatamo ang kaligtasan mula sa pagkawasak sa pamamagitan ng
pakikipalagban nang walang pagpapaliban ay Magipit na Kalagayan.
Kung gayon, huwag manlaban sa Makalat na Kalagayan. Huwag huminto sa Magaan na
Kalagayan. Huwag lumusob sa Mahidwa na Kalagayan.
Huwag harangin ang kalaban sa Mabuka na Kalagayan. Makipagsanib-puwersa sa mga kakampi
kapag nasa Matagpo na Kalagayan.
Makipagsabwatan sa Maselan na Kalagayan. Patuloy lang na sumulong kapag nasa Mahirap na
Kalagayan.
Gumawa ng istratehiya sa isang Matiklop na Kalagayan. At sa Magipit na Kalagayan, lumaban.
Ang mga tinaguriang beteranong pinuno ay alam kung paano hiwain ang harapan at likuran ng
kaaway niya; ang harangin ang damayan ng malalaki at maliliit nitong mga puwersa; ang salagin
ang pag-alalay ng malakas sa mahina; at ang pigilin ang pagtipon ng mga opisyales sa mga tao
nila. Kapag nawatak ang mga kalaban, mapipigilan ang kanilang pinagkaisang samahan; at kahit
magtipon pa ulit ang mga ito, mananatili lamang silang magulo. Kapag may kapakinabangan,
sumusulong sila; kapag wala, humihinto muna.
Kapag tinanong kung paano malalampasan ang kaaway na nasa maayos na kalagayan at akma ka
nang susunggaban, sabihin: "Magsimula sa pagkuha ng isang mahalaga sa kanya; at sa iyong
kagustuhan ay mapapayukod siya."
Ang agarang pagtugon ay ang diwa ng digmaan. Pakinabangan ang kawalan ng kahandaan ng
iyong kalaban, dumaan sa mga rutang hindi inaasahan, at umatake sa mga dakong hindi
binabantayan.
--------------------------------------------------------------------------
Noong 227 AD, ang gobernador ng Hsin-ch'eng na si Meng Ta ay nagbabalak ng isang
pagtalikod sa ilalim ni Emperador Wu Ti. Natunugan ito ni Heneral Ssu-ma I at kaagad
nagpadala ng puwersa laban sa napipintong pag-aaklas.
Inirekomenda ng mga opisyales ni Ssu-ma I na magsagawa muna ng imbestigasyon dahil mukha
namang kaalyado daw ito. Subalit idiniin ni Ssu-ma I na kilala niya ang kaaway at dapat nang
kumilos laban sa mapanlinang na si Meng Ta.
Karaka-raka, sunud-sunod na puwersa ang nagmartsa patungong muog ni Meng Ta. Subalit ang
taksil na gobernador ay kampante na kung matunugan man ang plano niya, aabutin pa ng ilang
buwan bago masalakay siya, dahil malayo naman ang teritorio niya, at sa mga panahong iyon ay
napatatag na niya ang tanggulan nila.
Subalit 8 arao matapos ang pagtataksil niya, isang hukbo ang tumambad sa muog nila. Sa loob
ng 2 linggo, napabagsak ang Hsin-ch'eng at si Meng Ta ay nagupo.
--------------------------------------------------------------------------
--------------------------------------------------------------------------
Noong 621 AD, si Li Ching ay ipinadala laban sa rebeldeng si Hsiao Hsien na itinalaga ang sarili
bilang Emperador ng Ching-chou. Panahon noon ng Taglagas kaya hindi inasahan ni Hsiao
Hsien ang anumang pag-atake mula sa kalaban. Sa kabila nito, si Li Ching ay inilarga na ang
kanyang hukbo nang walang sinasayang na oras. Subalit pinakiusapan siya ng iba niyang
opisyales na ipagpaliban nalang muna ang pagsalakay hanggang sa maging ligtas na ang ilog na
kanilang tatawiran.
Tugon dito ni Li Ching: "Sa isang mandirigma, higit sa lahat ang manguna. Oras na para
salakayin sila, bago pa man malaman ni Hsiao Hsien na natipon na natin ang ating mga sundalo.
Kapag sinunggaban natin ang pagkakataon na habang ang ilog ay baha, lilitaw tayo sa kanilang
kabisera na may nakamamanghang pagkabigla, gaya ng isang kulog na dumagundong na bago
mo pa man matakpan ang iyong mga tainga. Ito ang prinsipyo ng giyera. Kahit mabatid pa niya
na tayo ay parating na, kahit magmadali rin sila, hindi na nila tayo mapipigilan pa. Ang bunga ng
tagumpay ay atin talaga."
Lahat ay nangyari nang ayon sa inasahan nito, at si Hsiao Hsien ay napilitang sumuko, giit na
siya na lamang ang patayin ng mga ito at huwag ang kanyang mga sugo.
--------------------------------------------------------------------------
Ang mga sumusunod ay ang mga prinsipyo na dapat sundin ng isang mananakop. Habang mas
natatarok mo ang isang teritorio, mas nagkakaisa ang iyong hukbo, at ang kaaway na ang totoong
ipinaglalaban ay ang tanging sarili, ay hindi ka magagapi.
Maingat na aralin ang kapakanan ng iyong mga tauhan, at huwag silang labis na buwisan.
Tipunin ang iyong enerhiya at impukin ang iyong puwersa. Patuloy lang na pasulungin ang
iyong kasundaluhan, at gumawa ng mga planong hindi malalagpasan ng kanilang kalaban.
--------------------------------------------------------------------------
Ipinaaalala ng Ch'en ang patakarang ipinagtibay noong 224 BC ng tanyag na si Heneral Wang
Chien, na ang kaalamang pangmilitar ay may malaking ambag sa tagumpay ng unang Emperador
ng Ch'en.
Kanyang nasakop ang estado ng Ch'u kung saan isang malawakang pangangalap-pondo ang
ipinataw laban sa kanya. Nang may pag-aalinlangan sa kanyang kakayahan, hindi niya pinatulan
ang bawat alok ng kalaban na sagupaan at nanatili lamang sa kaniyang tanggulan. Bigo ang
pinuno ng Ch'u na himukin si Wang Chien na lumabas at lumusob sa kanila.
Si Wang Chien ay nanatili lamang sa loob ng kanilang bakuran. Siya ay nagbukot habang
kinukuha ang puso at kumpiyansa ng mga kakampi niya. Sinigurado niyang sila ay maayos na
napapakain at kanya pang sinasaluhan, maayos na napapaliguan, at naibibigay ang kanilang
bawat pangangailangan na may hangarin na sila ay pagbigkisin nang may buong katapatan.
Makalipas ang ilang arao, kinumusta niya ang pinagkakaabalahan ng kanyang mga
kasundaluhan. Kanyang natuklasan na abala ang mga ito sa pag-eensayo sa paghagis at pagtalon.
Sa ganito, kanyang napagtanto na handa na sa pakikidigma ang mga ito.
Sa mga sandaling iyon, patuloy parin silang hinahamon ng hukbo ng Ch'u, hanggang sa mapagod
ang mga ito at inis na lumayo. Karaka-raka, dumaluhong ang hukbo ni Wang Chien at tinugis
ang mga kalaban na siyang kaagad na nagupo at nalupig.
--------------------------------------------------------------------------
Ilagay ang iyong mga sundalo sa puwesto na hindi makakatakas ang mga ito, at mas pipiliin nila
ang kamatayan kaysa kalayaan. Kapag hinarap nila ang kamatayan, wala silang hindi pwedeng
makamtan. Ang parehong mga opisyales at mga tauhan ay ibubuhos ang kanilang lubos na
kakayanan. Ang mga kawal na nasa kagipitan ay nauubusan ng karuwagan. Kung walang
matatakbuhan, sila ay magpapakatatag sa kinatatayuan. Kung sila ay nasa kaibuturan ng teritorio
ng kalaban, titigas ang kanilang kalooban. Kung walang masasaklolohan, iigting pa lalo ang
kanilang pakikipaglaban. Paganoon, ang mga sundalong yaon, ay magmamatyag nang walang
humpay, at kahit hindi pakiusapan, gagawin nila ang iyong kalooban nang may buong katapatan;
nang hindi inuutusan, sila ay mapagkakatiwalaan.
Huwag padadala sa mga pangitain, at lumayo sa mga pamahiin. At kapag dumating na mismo
ang kamatayan, walang trahedya ang dapat katakutan.
Kapag ang mga kawal ay hindi mayaman, hindi iyon dahil ayaw nilang yumaman; kapag hindi
mahaba ang kanilang buhay, hindi iyon dahil ayaw na nilang mamuhay.
Sa arao na isasabak na sila sa giyera, maaaring sila ay mapaluha, hindi iyon dahil natatakot sila
kundi dahil tanggap na nila ang anumang magiging kahahantungan nila. Pero subukan na ipain
sila, at ilalabas nila ang bangis na gaya ng kay Chuan Chu at Ts'ao Kuei.
--------------------------------------------------------------------------
Si Chuan Chu, isang katutubo sa estado ng Wu at kasabayan ni Sun Tzu, ay isinugo ni Ho Lu
Wang na paslangin ang kanilang pinuno na si Wang Liao, sa pamamagitan ng isang punyal na
isiniksik sa tiyan ng isang isda na inihain sa isang piging. Matagumpay niyang naisakatuparan
ang tangka, ngunit kaagad siyang pinagtataga ng mga gwardiya ng pinaslang na hari nila.
Nangyari ito noong 515 BC.
--------------------------------------------------------------------------
--------------------------------------------------------------------------
Ang isa pang bida na si Ts'ao Kuei ay mayroon ding isang pananamantala na nagpatanyag sa
kanya. Ito ay nung sunggaban niya si Huan Kung, ang Duke ng Ch'i. Tutok ang isang punyal sa
dibdib ng pinuno, hiningi sa kanya ni Ts'ao Kuei, na isauli ang mga kinamkam nila mula sa
estado ng Lu, na nagdanas ng kanilang hindi makatuwirang panggigipit.
Dahil sa bantang panganib, napilitang sumang-ayon si Huan Kung. Matapos nun ay kagyat na
inihagis ni Ts'ao Kuei ang kanyang punyal at tahimik na lumisan sa gitna ng nasindak na mga
nakapanood.
Pero sa huli, gaya ng inaasahan, nais talikuran ng duke ang kasunduan, subalit ang pantas na
matanda niyang tagapagpayo na si Kuan Chung, ay binalaan siya sa panganib ng pagbawi sa
sinabi niya. Ang bunga ng magiting na hakbanging ito ay ang buong pagbawi ng Lu sa kung
anong naiwala niya sa 3 labanan.
--------------------------------------------------------------------------
Ang maabilidad na taktiko ay maihahalintulad sa shuai-jan. Ang shuai-jan ay isang ahas na
matatagpuan sa mga kabundukan ng Ch'ang. Dalihin ang kanyang ulo, dadalihin ka ng buntot
nito; dalihin ang buntot nito, dadalihin ka ng kanyang ulo; dalihin ang kanyang gitna, dadalihin
ka ng parehong ulo at buntot niya.
Nang tanungin kung ang isang hukbo ay maihahalintulad din sa ahas na ito, ang sagot ay oo.
Dahil kung ang mga tao ng Wu at ang mga tao ng Yueh ay magkalaban; ngunit kapag pareho
silang tumatawid ng ilog at naabutan ng unos, sasaklolohan nila ang isa't isa, tulad ng pag-
agapay ng kaliwang kamay sa kanan.
Hindi dapat ipagkatiwala sa lupa ang pagtali sa kabayo at paglibing sa kalesa. Hindi sapat na
maghatid ng kalayaan sa ganung pangmakinang pamamaraan. Hindi ka mananalo hangga't ang
iyong mga sundalo ay walang tiyaga at pagkakaisa, at higit sa lahat, kung walang diwa ng
pagtutulungan. Ito ang aral na matututunan mula sa shuai-jan.
Ang prinsipyo sa pangangasiwa ng kasundaluhan ay nakatuon sa iisang pamantayan ng
kagitingan na dapat mabatid ng lahat.
Kung paano gumawa ng pinakamabuti para sa parehong malakas at mahina ay isang katanungan
sa tamang paggamit ng kalupaan.
Ang isang maabilidad na heneral ay minamando ang isang sandatahan na parang iisang tao
lamang na pinakikilos ng isang kamay.
Gawain ng isang heneral ang tumahimik at tumiyak ng kalihiman; nang matuwid at
makatuwiran, at mapanatili ang kaayusan. Dapat niyang mapahanga ang kanyang mga opisyales
at tauhan sa kanyang mga pag-uulat at paglalathala, at mapanatiling nakakubli ang dapat na
nakakubli.
--------------------------------------------------------------------------
Noong 88 AD, si Pan Ch'ao ay nagsabak ng 25,000 sundalo mula Khotan at iba pang estado sa
Gitnang Asia sa layuning lupigin ang Yarkand. Itinugon ng Hari ng Kutcha ang pagpapadala ng
kanyang punong tagapag-utos para saklolohan ang lugar ng may hukbo na hinakot mula sa mga
kaharian ng Wen-su, Ku-mo, at Wei-t'ou, na may pangkalahatang bilang na 50,000 katao.
Tinipon ni Pan Ch'ao ang kanyang mga opisyales at ang Hari ng Khotan para sa isang Konseho
ng Digmaan, aniya: "Ang ating mga puwersa ay dehado at hindi makaabanse sa ating mga
kaaway. Ang pinakamabuting plano ay lumayo muna sa isa't isa at lumaganap sa iba't ibang
panig. Ang Hari ng Khotan ay magmamartsa patungo sa rutang silangan, at ako naman ay
magbabalik papuntang kanluran. Hintayin natin ang panggabing tambol bago muling makapag-
umpisa.
Palihim na pinalaya ni Pan Ch'ao ang mga bilanggo, at ang Hari ng Kutcha ay naalarma sa
kanilang plano. Dahil sa nabalitaan, inilarga ng huli laban kay Pan Ch'ao ang 10,000 kawalerya
para harangin ang kanyang pagbabalik sa kanluran, habang ang Hari ng Wen-su ay sumulong
pasilangan para hadlangan ang Hari ng Khotan.
Nang mabatid ni Pan Ch'ao na ang 2 pinuno ay lumarga na, tinipon niya ang kanyang mga
hanay, hinawakan sila nang mabuti, at sa unang liwanag, ipinukol ang mga ito sa hukbo ng
Yarkand habang nakakampo. Ang mga barbaro, sa pagkagitla, ay nagsikulasan, at tinugis ni Pan
Ch'ao. Mahigit 5,000 ulo ang naiuwi bilang tropeo, maliban sa mga nadambong na mga kabayo,
bakal at sari-sari pang iba. Sa pagsuko ng Yarkand, ang Kutcha at ang iba pang mga kaharian ay
iniurong ang kani-kanilang mga puwersa. Magmula noon, nakilala si Pan Ch'ao sa mga teritorio
sa kanluran.
--------------------------------------------------------------------------
Sa kanyang pag-iba ng kasunduan at pagbago ng mga balakin, ang maabilidad na heneral ay
napapanatiling walang eksaktong kaalaman ang kaaway. Sa pagpalit ng kanyang kinakampohan
at pagtahak sa masalimuot na daan, kanyang napipigilan ang kaaway na mahulaan ang kanyang
ganap na pakay. Sa panahong kritikal, ang pinuno ng isang hukbo ay kumikilos na parang isang
tao na nakaakyat sa isang mataas na dako at tinatadyakan ang hagdanan nito. Dinadala niya ang
kanyang mga kakampi sa kaibuturan ng teritorio ng mga kalaban bago iabot ang kanyang
kapangyarihan. Sinusunog niya ang kanyang mga baroto at sinisira ang mga pangluto; gaya ng
isang pastol na hinahawi ang kanyang kawan ng mga karnero, paroon at parito, at walang
nakatatanto kung saan siya patungo.
Ang tipunin ang kanyang may-anyaya at dalhin sa panganib sila - ay maituturing na trabaho ng
isang pinuno.
Ang iba't ibang kaparaanan na angkop sa 9 na Kalagayan ng Kalupaan; ang kaangkupan ng mga
taktika sa Opensiba at Depensiba; ang mga pangunahing batas ng kalikasan ng tao: ito ang mga
bagay na dapat tiyaking napag-aaralan.
Kapag sinasakop ang isang teritorio na nanlalaban, ang pangkalahatang panuntunan ay ang
pagtarok sa kaibuturan ang magdadala ng kaisahan; ang pagdaplis sa kaibabaoan ang magdadala
ng kawatakan.
Kapag ang sariling kampo ay nasa likuran, at dinala ang sandatahan sa karatig-lalawigan, ang
sarili ay matatagpuan sa kritikal na kalagayan. Kapag may kaparaanan sa pakikipagtalastasan sa
lahat ng dako, ito ay Kalagayan na Matagpo. Kapag natarok ang isang teritorio, Maselan ang
Kalagayan na ito. Kapag nadaplis ang isang teritorio, Magaan ang Kalagayan. Kapag ang
tanggulan ng kalaban ay nasa iyong likuran, ito ay Matiklop na Kalagayan. Kapag walang
matatakbuhan, ito ay Magipit na Kalagayan.
Sa Makalat na Kalagayan, pagkaisahin ang layunin ng iyong mga tauhan. Sa Magaan na
Kalagayan, tiyakin na may ugnayan sa lahat ng dako ng iyong sandatahan. Sa kalagayan na
nanlalaban, madaliin ang tanggulan sa likuran. Sa Mabuka na Kalagayan, maging mapagmatyag
sa iyong mga depensa, nang may pangamba sa atakeng pabigla.
Sa Kalagayan na Matagpo, pagkaisahin ang iyong mga kaalyado. Sa Maselan na Kalagayan,
tiyakin ang tuluy-tuloy na daloy ng mga suplay. Sa Kalagayan na Mahirap, tuloy lang ang
pagsulong sa daraanan. Sa Matiklop na Kalagayan, harangin ang anumang lagusan para
palabasin na seryoso kang ipaglaban ang iyong puwesto, yayamang ang iyong layunin ay ang
pabiglang sumalakay sa hanay ng mga kaaway.
--------------------------------------------------------------------------
Noong 532 AD, ang naging emperador at itinanghal na Shen-wu, ay pinaligiran ng napakalaking
hukbo sa pamumuno ni Ehr-chu Chao at iba pa. Ang kanyang sariling puwersa ay kakapiranggot,
na binubuo lamang ng 2,000 kabayo at mga 30,000 nangaglalakad. Ang mga linyang pinuhunan
ay hindi mahigpit ang pagkakabuklod, may mga uka sa ibang bahagi. Ngunit si Kao Huan, sa
halip na tumakas, ay siya pa mismo ang gumawa ng mga rilyebo para matakpan ang mga
natitirang lagusan sa pamamagitan ng paghango ng mga nakataling baka at asno. Nang makita ng
kanyang mga opisyales at tauhan na wala na silang magagawa kundi ang manlupig o malupig,
ang kanilang diwa ay umarangkada nang may kakaibang sigla, at desperadong dumaluhong sa
kaaway na kaagad nawatak at nawasak.
--------------------------------------------------------------------------
Sa Magipit na Kalagayan, ipahayag sa iyong mga sundalo ang kawalan ng pag-asa na iligtas ang
mga buhay nila. Ang tanging pag-asa para mabuhay ay ang isuko ang lahat ng pag-asa nito.
Sapagkat ugali ng sundalo na magbigay ng matibay na Depensa kapag napapaligiran, at matigas
na Opensa kapag nasa kagipitan, at ang agarang tumalima kapag nasa panganib na.
--------------------------------------------------------------------------
Noong 73 AD, nung narating ni Pan Ch'ao ang Shan-shan, ang hari ng bansa na si Kuang, ay
malugod siyang tinanggap nang may paggalang at respeto; pero di-naglaon, ang kanyang
pakikitungo ay biglang nagbago, at siya ay naging burara at pabaya.
Idinulog ito ni Pan Ch'ao sa mga kasamahang opisyales: "Hindi niyo ba napansin," aniya, "na
ang kagandahang-loob ni Kuang ay lumuluwang? Nagpapahiwatig ito na may mga nanlilito sa
kanyang mga mensahero mula sa mga taga-hilagang barbaro, at sa di-kalaunan siya ay natuliro,
at hindi alam kung saan tutungo. Marahil iyon ang puno. Subalit, ang taong tunay na matalino ay
nakababatid ng mga bagay-bagay bago pa man mangyari ang mga ito; paano pa kaya ang mga
halatado?!"
Kapagdaka'y kanyang ipinatawag ang isang katutubo na itinalaga niyang maglingkod at ipinain
ito, sabi niya rito, "Nasaan na ang mensahero mula sa Hsiung-nu na naparito ilang arao na ang
nakararaan?"
Ang lalaki ay napaurong, na sa gitna ng pagkabigla at pangamba, ay kanyang naibulalas ang
katotohanan. Si Pan Ch'ao, na bantay-sarado ang kanyang mensahero, ay pinulong ang mga
opisyales nito, 36 katao, at nag-inuman ang mga ito. Nang tumalab na ang alak sa kanila,
sinubukan niyang gisingin sila, aniya: "Mga Ginoo, narito tayo sa pusod ng isang liblib na dako,
na may pangamba para sa matatamo nating mga yaman at gantimpala. Ngayon, may mensahero
mula sa Hsiung-nu na naparito sa atin ilang arao na ang nakararaan, at ang bunga ay ang
magalang na pagtrato sa atin ng may-anyaya ay tila naglaho na. Kapag nagtagumpay ang
mensaherong ito na makakulimbat mula sa ating grupo at isuplong tayo sa Hsiung-nu, ang ating
mga buto ay gagawing pagkain para sa mga lobo sa disyerto. Ano ang dapat nating gawin dito?"
Nang may nagkakaisang tinig, tugon nila: "Dahil nasa panganib ang ating kabuhayan, susundin
natin ang ating pinuno hanggang sa kamatayan."
--------------------------------------------------------------------------
Hindi natin papasukin ang isang samahan kung hindi natin batid ang kanilang isipan. Hindi tayo
puwedeng mamuno ng isang pasulong na hukbo kung hindi natin kabisado ang isang teritorio -
ang mga bundok at gubat, mga gulod at lubak, mga lati at ilat. Hindi natin puwedeng magamit
ang mga likas na kapakinabangan kung hindi tayo makikipagtulungan sa mga kababayan.
Ang maging mangmang sa alinman sa mga sumusunod na 4 o 5 prinsipyo ay hindi angkop sa
isang mandirigmang pinuno.
Kapag ang isang mandirigmang pinuno ay lumusob sa isang makapangyarihang estado, ang
kanyang pamunuan ay tinitiyak na mahahadlangan ang pag-uumpukan ng puwersa ng mga
kalaban. Nasisindak niya ang kanyang mga kaaway, at ang kanyang mga kapanalig ay
maghihiwalay. Sa Opensiba laban sa isang makapangyarihang estado, kapag nawatak ang
puwersa nito, mangingibabao ang lakas mo; kapag nangibabao ang lakas mo, masisindak ang
mga kalaban mo; kapag nasindak ang iyong kalaban, matatakot ang mga karatig-lalawigan;
kapag natakot ang mga karatig-lalawigan, ang kaalyansa ng mga kaaway sa kanya ay hihiwalay.
Dahil dito, hindi siya kumakampi sa lahat at sa iba pa, ni ipinamamalas ang kapangyarihan ng
mga estadong iba pa. Dinadala niya nang palihim ang mga ganap na balakin niya, habang
sinisindak ang mga kumokontra. Sa gayon, nakukubkob niya ang kanilang mga kapitolyo at
napapabagsak ang kanilang imperyo.
Maghandog ng mga gantimpala nang walang sinasantong mga panuntunan, maglabas ng mga
kautusan nang walang sinisinong mga kasabwatan, at mahahawakan mo ang isang buong hukbo
na parang iisang tao. Upang ang panlilinlang ay malusutan, ikubli muna ang iyong mga
kasabwatan. Ang sariling mga panuntunan at mga kasabwatan ay ituring na walang tiyak na
patutunguhan.
Harapin ang iyong mga sundalo nang may mga ganitong pag-akto, huwag ipabatid sa kanila ang
ganap na disenyo. Kapag ang pananaw ay malinaw, ilantad sa kanila, pero manahimik kung ang
kalagayan ay madilim. Ipuwesto ang iyong hukbo sa mapanganib na dako, at makakaligtas ito;
isisid ito sa magipit na dulo, at makakaalpas ito.
--------------------------------------------------------------------------
Noong 204 BC, si Han Hsin ay isinugo laban sa hukbo ng Chao, at napatigil nang may 10 milya
sa bukana ng Ching-hsing, kung saan nagsanib ang buong puwersa ng kalaban. Dito, hatinggabi,
nagpakawala siya ng 2,000 kawalerya, bawat sakay nito ay may tangan na pulang bandila. Ang
mga tagubilin ay ang maglatag ng madaraanan sa mga makipot na bangin at ang manmanan ang
kaaway.
"Nang ang mga tao ng Chao ay nakita akong ganap nang umaalpas," sabi ni Han Hsin, "iiwanan
nila ang kanilang mga tanggulan at makikipaghabulan. Ito ang tanda na ikaw ay dumaluhong na,
labnutin ang mga bandila ng Chao at palitan ng sa Han na bandera." Matapos nito ay sinabihan
ko ang aking mga opisyales, "Ang ating kaaway ay may malakas na tanggulan, at mukhang
walang balak na lumabas at lumaban nang harapan hangga't
hindi niya naaaninag ang mga bandera at mga tambol ng kanilang pinuno, sa takot na ako ay
uurong at tatakas sa mga bundok."
Sa pagkakasabi nito, una siyang nagpadala ng 10,000 mga kawal at inutusan ang mga ito na
bumuo ng posisyong pandigma na ang Ilog Ti ay nasa likuran nila.
Tanaw ang nasabing Manyobra, nagsitawanan ang buong hukbo ng Chao. Tanghaling-tapat nung
mga oras na iyon, at si Han Hsin, ladlad ang bandera ng heneralisimo, ay nakaalpas sa daan na
tugtog ang mga tambol, at kaagad sinalakay ng mga kaaway.
Sumunod ang isang malaking labanan na tumagal ng ilang oras, at sa kalaunan ay iniwan nina
Han Hsin at ng kasamahan niyang si Chang Ni ang pook ng sagupaan at lumipat sa isang dako
ng tabing-ilog kung saan ay nagaganap din ang isang madugong bakbakan. Tinugis sila ng mga
kaaway upang makuha ang kanilang mga ulo, habang nahuhubaran ang kanilang tanggulan,
ngunit ang 2 heneral ay nagtagumpay na makabalik sa kanilang kampo, na lumalaban nang
desperado.
Oras na para sa mga 2,000 mangangabayo na gampanan ang kanilang trabaho. Nang kanilang
matanaw ang mga kawal ng Chao na sumusunod sa kanilang kapakinabangan, lumukso sila sa
mga pader na napabayaan, pinunit ang mga bandila ng kalaban, at pinalitan ng mga bandera ng
Han.
Nang iurong ng hukbong Chao ang kanilang pagtugis, ang natanaw nilang mga pulang bandera
ay nagpasindak sa kanila. Sa paniniwalang nakubkob na ng kalaban ang kanilang hari, sila ay
nagsikulasan, at bawat pagsisikap ng kanilang pinuno na panatilihin ang panggugulo ay naging
bigo.
At ang hukbo ng Han ay pinalibutan sila sa magkabilang banda nila at kinumpleto ang kanilang
pagkapuksa, paslang ang maraming kawal nila at bihag ang marami sa kanila, kabilang ang
kanilang Haring Ya.
Pagkatapos ng bakbakan, may ilang opisyales ng Han Hsin ang lumapit sa kanila at nagpahayag:
"Sa Sining ng Giyera, pinagsabihan kami na pumuwesto sa dako na ang burol o parihuwela ay
nasa kanang likuran, at ang ilog o ilat ay nasa kaliwang harapan. Ikaw, sa kabaligtaran, ay
inutusan kami na ipuwesto ang aming mga tropa na ang ilog ay nasa likod nila. Sa kalagayang
ito, paano mo nagawang manalo?"
Sagot ng heneral: "Natatakot ako, mga ginoo, na hindi niyo napag-aralan nang mabuti ang Sining
ng Giyera. Hindi ba nakasulat doon: "Ipuwesto ang iyong sandatahan sa nakamamatay na
kapahamakan, at matatamo nila ang kaligtasan; isisid sila sa magipit na kakiputan at makaaahon
sila sa kaligtasan"? Kung aking tinahak ang karaniwang daan, wala sana rito ngayon ang aking
mga kasamahan. Kung hindi ko ipinuwesto ang aking mga tropa sa kalagayan na sila ay
mapipilitan na ang kanilang buhay ay ipaglaban, at pinayagan ang bawat tauhan na sundin ang
sariling kagustuhan, magkakaroon ng malawakang kapuksaan, at imposible na para sa atin na
papangyarihin ang nais natin."
Tinanggap ng mga opisyales ang bigat ng kanyang hinaing, aniya: "Ito ay mas matayog na mga
taktika kaysa sa ating mga kinaya."
--------------------------------------------------------------------------
Dahil nakatitiyak na kapag ang isang puwersa ay nahulog sa peligro, doon lamang niya
kakayanin na ang tagumpay ay matamo.
Ang tagumpay sa pakikidigma ay maingat na kinakaya sa pamamagitan ng pagpain sa sarili natin
sa mga layunin ng kaaway natin. Kapag nagparamdam ang kaaway na malapit na siya, hayaan na
ang pain ay kagatin niya; kung nagdadalawang-isip siyang umabante, pabagalin nang konte.
Sa mahigpit na pagkapit sa laylayan ng kaaway, sa bandang huli ay tayo ang magtatagumpay na
mapatay ang kanilang ulo - isang napakahalagang hakbangin sa giyera.
Sa arao na ikaw ang pumalit sa puwesto, harangan ang mga daanan sa harapan, wasakin ang
inunahang bilangan, at hadlangan ang lagusan ng lahat ng mga mensahero papunta at magmula
sa kaaway na teritorio.
Maging mahigpit sa kamara ng konseho, para makontrol ang kalagayan dito.
Kung ang kaaway ay naiwang bukas ang kanyang pinto, magdali-daling pumarito.
Unahan ang iyong kaaway sa pamamagitan ng pagdakma sa kung anong mahalaga sa kanya, at
maingat na magpakana nang sabay sa oras nang kanyang paglagpak sa lupa.
Tahakin ang landas na hinubog ng batas, at ipain ang sarili sa kaaway hanggang sa mapasubo sa
pangwakas na pagsagupa.
Sa umpisa, maging parang isang kiming dalagita, hanggang sa ikaw ay pagbuksan ng lagusan ng
iyong mismong kalaban; sa huli, maging parang isang kuneho na rumaragasa, at magiging huli
na para sa kumokontra ang harangin ka.
#ArtOfWar
#SunTzu
#SiningNgGiyera
#Arao
#Chapter 12: Attack by Fire
#Kabanata 12: Apoy
Wika ni Sun Tzu:
May 5 Paraan sa Pag-atake Gamit ang Apoy: Pasuin ang mga sundalong kaaway sa kanilang
kampo; 2) Sunugin ang mga imbakan nito; 3) Insinerahin ang mga bagahe nito; 4) Tupukin ang
kanilang mga armoro; at 5) Lingasin ang kanilang kampo gamit ang mga nagbabagang bato.
--------------------------------------------------------------------------
Habang si Pan Ch'ao ay nananatili parin sa Shan-shan na desididong tapusin ang labis na
panganib na dulot ng pagdatal ng mensahero ng mga taga-hilagang barbaRO, inihayag niya sa
mga opisyales nito, "Ang hindi sumubo, hindi mananalo! Hangga't hindi mo papasukin ang
yungib ng tigre, hindi mo madudukot ang anak nito. Ang natatanging lagusan para sa atin ay ang
atakihin ng apoy ang mga nagpapahingang barbaro sa gabing ito, habang hindi nila matanto ang
ating mga numero. Sa pakikinabang sa kanilang pagkataranta, uubusin natin sila; paaalabin nito
ang tapang ng ating hari at patatatagin nito ang ating luwalhati, habang tinitiyak ang tagumpay
ng ating pakay."
Ang mga opisyales ay desididong sundan siya, pero iginiit na mas kailangang pag-usapan muna
ang mga bagay-bagay kasama ang kanilang punong-ministro.
Nang may silakbo ng damdamin, ipinahayag ni Pan Ch'ao: "Ngayon na ang arao!...na marapat
pagpasiyahan ang ating kapalaran! Ang punong-ministro ay isa lamang palasak na sibilyan, na sa
pagkabatid ng aming proyekto ay tiyak na manlulumo, at maliliwanagan din ang lahat ng ito.
Ang isang kahiya-hiyang kamatayan ay hindi nararapat na hantungan para sa isang bunggaitan."
Alinsunod dito, sa pagsapit ng gabi, siya at ang kanyang munting grupo ay mabilis na lumusot sa
kampo ng mga barbaro. Isang malakas na amihan ang umiihip sa mga oras na iyon. Inutusan ni
Pan Chao ang ikasampung bahagdan ng partido na kumuha ng mga tambol at magtago sa likod
ng kampo ng mga kaaway, sa pagkakaayos na kapag tumira sila ng mga liyab, ay mag-uumpisa
silang magtambol at maghiyawan nang buong lakas. Ang natitirang mga kawal na armado ng
mga pana, ay tumambang sa tarangkahan ng kampo. Matapos nun ay kanyang sinilaban ang
bandang tagiliran nito sunod sa ihip ng hangin, kung saan dinig din ang nakabibinging mga
tambol at hiyawan mula sa harap at likod ng kalaban, na agad nagsikulasan. Nakapaslang ng 3 si
Pan Ch'ao, samantalang ang kanyang mga kasamahan ay napugot ang ulo ng mensahero at
napatay ang may 30 iba pa. Ang mga natira na daang katao ay natupok lahat ng apoy.
Sa sumunod na arao, bumalik si Pan Ch'ao at ipinaalam kay Kuo Hsun, ang punong-ministro,
kung ano ang nagawa nito. Ang huli ay labis na nabigla at namutla. Ngunit si Pan Ch'ao, habang
pinapakabanal ang kanyang isipan, ay nagpahayag na taas ang kamay: " Kahit hindi ka sumama
sa amin kagabi, hindi lamang ako ang nararapat na umako sa nasabing pagkapanalo."
Ikinasiya ito ni Kuo Hsun, at si Pan Ch'ao na ipinadala kay Kuang, Hari ng Shan-shan, ay
ipinakita sa kanya ang ulo ng mensaherong barbaro. Kinilabutan ang buong kaharian at
nangatog, sa ganito ay pinakalma sila ni Pan Ch'ao sa pamamagitan ng pagbigay ng isang
proklamasyon sa madla. At bihag ang anak ng pinuno, siya ay nagbalik upang mag-ulat sa
sariling hari.
--------------------------------------------------------------------------
Para maisakatuparan ang paglusob gamit ang apoy, kailangang mayroon tayong mga
mapagkukunan nito; ang mga kagamitan sa paggawa ng apoy ay dapat palaging nakahanda.
May tamang panahon sa pag-atake gamit ang apoy, at mga natatanging arao sa pagpapakana ng
siklab. Ang pinakatamang panahon ay kapag tagtuyot; ang pambihirang mga arao ay kung ang
buwan ay nasa mga konstelasyon ng Pagsala, Pagharang, Paglipad, at Paglihis - dahil ang mga 4
na ito ay ang arao ng amihan.
Sa pagsalakay gamit ang apoy, kailangang maging handa sa 5 maaaring maganap. 1) Kapag
sumiklab ang apoy sa loob ng kampo ng mga kalaban, kagyat na tumugon ng pag-atake mula sa
labas. 2) Kapag may nagaganap na sunog, subalit ang mga kawal ay tahimik, maghunus-dili at
huwag munang umatake. 3) Kapag ang puwersa ng apoy ay nasa kasagsagan, sundan agad ito ng
pag-atake, hangga't maaari; kung hindi, manatili sa iyong puwesto. 4) Kapag puwedeng umatake
ng apoy mula sa labas, huwag na itong hintayin pa na sumiklab mula sa loob, pero isagawa ang
iyong pag-atake sa paborableng pagkakataon.
5) Kapag nagpasimuno ka ng apoy, sundan ang direksiyon ng pag-ihip ng hangin. Huwag
umatake ng salungat dito. Kung ang hangin ay nasa silangan, unang silaban ang silangan ng
kalaban, at sundan ng iyong pag-atake mula sa dakong iyon. Kung pinasimunuan ang apoy mula
sa silangan, at umatake ka mula sa kanluran, magdurusa ka nang gaya sa iyong kalaban.
Ang hangin na umiihip sa kasagsagan ng arao ay pangmatagalan, pero ang amihan na umiihip sa
gabi ay pangmadalian .
Sa bawat sandatahan, ang 5 kaganapan na may kaugnayan sa apoy ay kailangang malaman, ang
paggalaw ng mga tala ay kailangang maunawaan at ang tamang arao ay kailangang bantayan.
Ang gumagamit ng apoy bilang pang-atake ay nagpapahiwatig ng katalinuhan; ang gumagamit
ng tubig bilang pag-atake ay nagpapadagdag ng kalakasan. Sa pamamagitan ng tubig, ang
kaaway ay maaaring mahadlangan, ngunit hindi maaaring manakawan ng ari-arian.
Malungkot ang hantungan ng nagpupumilit ipanalo ang kanyang laro at naipapanalo ang mga ito
nang hindi hinuhubog ang diwa ng tamang pagsusumikap, dahil ang bunga ay pagsayang sa oras
at pangkalahatang pagkalugmok.
Ang pinunong naliwanagan ay inilalatag ng maayos ang pinagplanuhan; ang mabuting heneral ay
pinangangalagaan ang kanyang mga pinagkukunang-yaman.
Pinangangasiwaan niya nang may kapangyarihan ang kanyang kasundaluhan, pinagbubuklod
niya sila nang may katapatan at pinakikinabangan niya sila nang may karangalan. Kung ang
katapatan ay may bahid ng kawalang-tiwala, may pagkadismaya; kung ang mga parangal ay may
kakulangan, may kawalang-galang sa mga kautusan.
Huwag kumilos kung walang kapakinabangang nakikita; huwag gamitin ang mga tropa kung
walang kabutihang mapapala; huwag manlaban kung walang kalagayang maisasalba.
Walang pinuno ang isasabak ang kanyang hukbo para lamang mapunan ang kanyang kapritso;
walang pinuno ang susugod sa peligro nang dahil lamang sa simbuyo.
Sa tamang panahon, ang galit ay maaaring mapalitan ng kagalakan; ang yamot ay maaaring
mapalitan ng kaluguran. Pero ang kaharian na minsang napuksa ay hindi na muling maibabalik
pa; at ang mamamayan na iyong napaslang ay hindi na muling maibabangon pa.
Mula rito, ang pinunong naliwanagan ay may pagtitimpi, at ang heneral na mabuti ay may
paghuhunos-dili. Ito ang Tamang Daan para mapanatili ang kapayapaan ng isang sambayanan at
mapatatag ang kabukluran ng isang sandatahan.

You might also like