Pagsisiyam Kay San Joaquin at Santa Ana

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 20

NOBENA SA KARANGALAN NINA

SAN JOAQUIN AT SANTA ANA


NOBENA SA KARANGALAN
NINA SAN JOAQUIN AT SANTA ANA
PAGPAPARANGAL KAYNA SAN JOAQUIN AT SANTA ANA

Ang Tanda ng Santa Krus ang ipag-adya Mo po Panginoon naming Diyos sa mga
kaaway namin, sa Ngalan ng +Ama, at ng +Anak, at ng +Espiritu Santo. Amen.

Pagsisisi

O Hesukristong Panginoon ng santinakpan, sinasampalatayanan namin na Ikaw ay


Diyos na totoo; at Ikalawang Persona ng Sta. Trinidad, Diyos Anak bagang
nagkatawang tao. Ikaw ay Diyos at Tao namang totoo, na gumawa at sumakop sa
aming lahat. Ikaw nga lamang ang walang hanggang kagalingan at kabutihan lalo't
higit na kaibig-ibig; kaya Ikaw lamang ang sinisinta namin at iniibig nang lalo sa
lahat ng bagay. Pinagsisisihan namin at dinaramdam nang malaking pighati sa loob
ang pagkalabag namin sa utos Mo at iba pa naming pagkakasala. Kinasusuklaman
namin ang mga kasalanan namin. Patawarin Mo po kami at kaawaan alang-alang
sa mahal na paghihirap Mo at pagkamatay sa Krus, at umaasa din po kaming
patatawarin mo rin at pagkakalooban Mo ng mahal Mong biyaya upang mailagan
namin ang pagkakasala at manatili sa biyaya Mo. Amen.

Panalangin sa Araw-Araw

O Diyos ko, buksan Mo ang aming diwa. Pagtibayin Mo ang aming


pananalig at papag-alabin Mo ang aming mga puso upang aming
matumpak ang pagpupuri, pagdarangal at pag-ibig Iyo at makamtan
namin ang tanging biyayang ninanasa namin sa Pagsisiyam na ito alang-
alang sa mga karapatan ni Hesukristong Panginoon natin at sa
ikararangal ng Mahal naming Pintakasi, si Santa Ana. Amen.
Mga Panalangin sa Bawat Araw

UNANG ARAW

Pagninilay tungkol sa maayos at banal na pamumuhay ni Santa Ana mula sa


kabataan.

1. Talastasin mo, kaluluwa ko, na sa kabataan pa ni Santa Ana ay totoong


nahiyasan na siya ng mga tanging biyaya at kabanalang lubhang hinangaan ng mga
dakilang Santo. Dahil dito’y kinalugdan siyang lubha ng mga magulang, ang mga
mapapala namahal sa buhay at kaibigan ni Maria. Ang dakilang pagmamahal na ito
ay totoong tapat sa kapalad-palarang ina ng Birheng Maria, dahilan sa taglay
niyang katalasan ng isip, kabaitan, kahinhinan at kalinisan ng asal, kaya't siya nga
ay inibig at hinangaan ng madla, samantalang pagmamahal at pagtatangi ng
kanyang mga magulang ay hindi naman nakapagdulot ng pananaghili sa kanyang
dalawang kapatid na mga babae rin.

2. Gunam-gunamin mo ngayon, kaluluwang Kristiyano, na kay Santa Ana ay


masasabi ng buong katotohanan na siya ay di nagdaan sa kabataan, pagkat kaunti
man ay hindi nahilig ang kanyang loob sa mga libangan at aliwan; ang totoong
kinalugdan ng kanyang loob ay ang panalangin sa Diyos na nagiging batis ng
katiwasayan ng loob at kapayapaan ng budhi, bagay na hindi maibibigay ng
magdarayang mundo ayon sa winika ni San Agustin: Nilikha Mo kami Panginoon
na nakatalaga sa Iyo, kaya't di mapapanatag ang aming puso hanggang
magpahingalay sa Iyo. Ngayon ay itulad mo ang totoo at maayos na pamumuhay ni
Santa Ana sa pamumuhay mong halaghag at puno ng kasalanan na kundi
magbabago ay patungo sa masamang kapalaran sa buhay na ito at walang
hanggang kapahamakan sa kabilang buhay. Amen. (Magnilay sandali)

Panalangin kay Santa Ana

Kapalad-palarang Santa Ana, ipagmakaawa mo ako sa inyong Apo na si Hesus at


sa kalinis-linisan ninyong anak na si Maria, na ipagkaloob sa akin ang isang wagas
na pagsisisi sa aking mga kasalanan, sa mapusok at lisya kong kaugalian sa
kabataan at kung hindi ko man matularan ang maganda ninyong pamumuhay kahit
kaunti lamang ay makasunod ako sa maganda ninyong halimbawa at ulirang
kabataan. Idalangin ninyo na makamtan ko ang tanging biyayang adhika ko sa
araw na ito sa lalong ikaluluwalhati ng Diyos at ikagagaling ng kaluluwa ko.
AmenAmen.
(Tatlong Ama Namin sa kapurihan ni Santa Ana sa ikahahango ng mga kaluluwa
sa Purgatoryo, Isusunod ang Letanya, Dalit at Panalanging Pangwakas)

IKALAWANG ARAW

Pagninilay tungkol sa kalinisan at banal na pagligpit ni Santa Ana

1. Pagnilayan mo, kaluluwa ko, na ang lalong marilag na hiyas ng isang babae ay
ang kahinhinan, busilak na hiyas na humahalina kanino man, katangiang kaayaaya
sa mata ng Diyos at sa mata ng tao. Dapat ngang taglayin ng sinuman ang
kahinhinan ng kaluluwa, ang pagligpit sa pag-iisa na lubos kailangan sa pakikinig
sa Panginoon, ayon sa sinasabi ni Propeta Oseas: "Ihahatid ko siya, aniya, sa pag-
iisa at magsasalita ako sa kanyang puso." Si Santa Ana nga ay nagtaglay, hindi
lamang ng kahinhinan sa katawan at paguugali, kundi rin sa kaluluwa man at
kabanalan upang magkamit ng ganap na katiwasayan. Samakatuwid baga ay lagi
siyang umiilag sa maligalig at halaghag na kaugalian sa mundo na puno ng tinik at
panganib.

2. Gunam-gunamin mo, kaluluwa ko, na ang karaniwang ikinaluluhog ng tao sa


kasalanan ay ang di pag-ilag sa panganib, sapagkat ang sumusugba sa panganib ay
binabawian ng biyaya at pagtangkilik ng Diyos na lubos na kailangan ng tao upang
magtagumpay laban sa tukso. Ngayon pa ay pagtibayin sa sarili, ang laging
paghanap sa Diyos at sa kanyang biyaya upang makailag sa panganib ng mundo at
iwaksi sa isip ang kasabihan ng maraming baliw at halaghag na kahima't mabuhay
sila sa kasalanan ay di maliwanag ang makapagsisi sa oras ng kamatayan. O
kamaliang walang kahalimbawa! Ito ang pangakit at karaniwang tukso ng
demonyo at totoong maraming naniniwala at nahihikayat kaya di kakaunti ang
napapahamak na kaluluwa sapagkat lumabag doon sa sinabi ng Espiritu Santo:
“Ang umiibig sa panganib ay sa panganib mabubulid." Alalahanin natin ang
madalas na wikain ni San Jeronimo: “Ito ang ikinatatakot ko, ito ang katotohanang
likas, ito ang natutuhan ko sa maraming karanasan: na hindi nagkakaroon ng
magandang kamatayan ang sinumang nagtaglay ng masamang pamumuhay. Amen.
(Magnilay sandali)

Panalangin kay Santa Ana

Maluwalhating Santa, ipamagitan ninyo sa mahal nating Mananakop, na inyong


Apo, at kalinis-linisang Birhen na inyong anak, na pagkalooban ako ng kahinhinan
at ng sapat na biyaya upang mailagan ko ang lahat ng panganib sa pagkakasala at
palagi akong humingi ng tulong at saklolo upang lagi akong magtagumpay laban
sa kaaway ng kaluluwa ko, habang ako'y nabubuhay, lalo na sa oras ng kamatayan,
nang aking makamtan yaong pangakong luwalhating di masayod sa mga
nagtagumpay at nanatili hanggang wakas. Amen.

(Tatlong Ama Namin para sa kapurihan ni Santa Ana sa ikahahango ng mga


kaluluwa sa Purgatoryo, isusunod ang Letanya, Dalit at Panalanging Pangwakas)

IKATLONG ARAW

Pagninilay tungkol sa ganap na pagsang-ayon ni Santa Ana sa banal na kalooban


ng Diyos at pagtitiis ng anumang karuwahaginan.

1. Dili-dilihin mo, kaluluwa ko, ang ganap na pagsang-ayon ni Santa Ana sa


kalooban ng Diyos, hindi lamang sa kabataan at pagkadalaga, kundi noon din
namang siya ay maging esposa ni San Joaquin. Nang panahong yaon ay inaaring
kaalipustahin ang di pag-aanak yayamang kung gayon ay walang pagkakataong
panggalingan ng Mesiyas. Si Santa Ana na may apatnapung taon na buhat nang
ikasal ay di nag-aanak, kaya't sa mata ng marami ay taglay niya ang kaalipustaan;
ngunit nagtiis siya at nagpakababa at lubos na umayon sa kalooban ng Diyos; sa
halip ay nag-ibayo ang kanyang kabanalang asal, kaya't naging tunay na uliran ng
isang mabait at mairuging esposa sa madla, samantala'y dito niya kinamtan ang
ganap na katiwasayan ng loob.

2. Ngayong nabatid mo na ang lubos na pagsang-ayon ni Santa Ana sa kalooban ng


Diyos talastasin mo ang dakilang kapalarang nakakamtan, gayon din ang
katiwasayan ng budhi ng sinumang lubos na napauubaya sa tadhana ng Panginoon
na madalas na nagpapahatid sa atin ng sakit, dalita at pagka-api, upang ating
mabata ay makamtan natin ang lalong mataas na kilatis ng kabanalan at maiwaksi
naman natin ang madalas na pagkahilig sa karangalan na pawang karangyaan na
lilisanin din sa oras ng kamatayan. Wala tayong dadalhin sa kabilang buhay kundi
ang mga gawang magaling at kabanalang asal sa luwalhati ng kalangitan alang-
alang sa mga karapatan ni Hesukristo. Alalahanin nga natin ang mga kahuli-
hulihang darating sa atin: ang kamatayan, ang paghuhukom, ang impyernong
walang hanggan o ang langit na di rin magmamaliw. Kung ito ang laging didili-
dilihin natin, kailanman ay hindi tayo magkakasala, ayon sa winika ng Espiritu
Santo. Samantalahin mo nga, kaluluwa ko, ang kaunting panahong ipinagkaloob sa
iyo ng Diyos, ilagan mo ang kasalanan at manatili ka sa kabanalan upang
maghintay ng gantimpala sa oras ng kamatayan. Amen (Magnilay sandali)

Panalangin kay Santa Ana


Idinaraing ko sa inyo, matiising Santa Ana, na lingapin ninyo ng mahabagin
ninyong mata, akong inyong lingkod nang aking matularan ang bayani ninyong
puso na sa gitna ng kaalipustaang isinubok sa inyo, ang langit ay di nagmaliw
kaunti man samantalang ako sa kaunting dalita ay naliligalig at nakalilimot sa mga
katotohanang darating sa akin na siya'y nagbibigay liwanag sa aking isip at pag-asa
sa aking puso upang kilalanin, igalang at tuparin ang banal na kalooban ng Diyos
at ibigin naman siya ng isang dalisay na pag-ibig dito sa lupa hanggang kamatayan
at pagkatapos ay makamtan namin doon sa kabila. Amen.

(Tatlong Ama Namin para sa kapurihan ni Santa Ana sa ikahahango ng mga


kaluluwa sa Purgatoryo, isusunod ang Letanya, Dalit at Panalanging Pangwakas)

IKAAPAT NA ARAW

Pagninilay tungkol sa pananalig ni Santa Ana sa Diyos sa gitna ng kapighatian.

1. Dapat nating matalastas na si Santa Ana, bagama't nagtiis ng matinding


kapighatian, ay tila nagkaroon ng banal na kapanaghilian sa mga babaeng
maaaring panggalingan ng Mesiyas. Isang araw, nang siya'y nananatiling taglay
ang di-kaugaliang kaningasan ng loob ay sumagi sa kanyang ala-ala ang sariling
kaalipustaan kaya't sa mata niya ay bumalong ang masaganang luha ng sakit at
kalumbayan. Naalala niya si Anang esposa ni Elkanan at ina ng Propetang Samuel
na nang nasa gayunding kalagayan ay humibik sa Diyos nang buong pananalig at
makamtan ang kanyang hinihingi. Dito na napukaw ang loob ni Santa Ana at siya
man ay mataimtim na nanalangin at buong pagtitiwalang hiningi sa Panginoon ang
pagiging ina kung marapat datapuwa't lubos na ipinaubaya sa Diyos ang anumang
sa kanya ay itatadhana: sa di kawasa ang Diyos ay nagdalang awa sa kanya kaya
ipinangako naman niya na ang kanyang magiging bunga ay ihahandog sa Diyos
pagsapit sa gulang na tatlong taon. Malumanay na dininig ng Diyos ang kanyang
dalangin at hain. Isang anghel ang nagbabala kay San Joaquin at Santa Ana na
tinatanggap ng Panginoon ang kanyang hinaing at pangako at naramdaman niya
ang kanyang pagdadalang-tao sa kabanal-banalang Birhen. Dito na napuspos ang
langit sa malaking pagtataka at kaligayahan sa pagsilang sa lupa ng kapalad-
palarang kinapal na ipinaglihing di mabahiran ng kasalanang orihinal at sa una
pang sandali ng paglilihi sa kanya ay kinalugdan na ng Diyos ay pinuno ng biyaya
higit sa maaaring makamtan ng lahat ng banal sa lupa.

2. Gunam-gunamin mo, kaluluwang Kristiyano, ang pag asang nararapat nating


taglayin sa di masayod at walang hanggang awa ng Diyos tulad kay Santa Ana, na
sa gitna ng kanyang kalum- bayan ay di nag-alinlangang magsakdal sa Diyos.
Magsakdal naman tayo sa Diyos, Panginoon at Ama, sa pamamagitan ng kalinis-
linisang Birhen at ng ating pintakasing si Santa Ana, kalakip ang isang pag-asang
anak. Dinggin mo ang sinabi sa Panginoon ng Hari at Propetang si David:
Panginoon, niligid Mo kami ng magandang kalooban na parang kalasag na sakdal
ng tibay. Huwag nga nating kalimutan kailanman ang matibay na pag-asa sa awa
ng Diyos. Amen. (Magnilay sandali)

Panalangin kay Santa Ana

Maluwalhati naming Pintakasi, yayamang totoong matibay ang inyong pananalig


sa Diyos; ay ipagmakaawa ninyo naman ako sa kanya, alang-alang sa lubhang
malakas na pamamagitan ng Reyna ng Langit, na kalinis-linisang Birhen na
pinakaiibig ninyong anak, na ako'y bahaginan ng banal ninyong pag-asa sa gitna ng
lalong mahihigpit na kapighatian, ng maging dapat na ako'y ampunin niyang lubha
at biyayang kaaliwan. Datapuwa't, ang lalong hinihingi ko po sa inyo,
mapagpalang Santa Ana, ay idalangin ninyo po akong walang likat sa Diyos na
huwag ipahintulot na ako'y mahulog pang muli sa pagkakasala hanggang sa oras
ng kamatayan at ang tanging biyayang ninanasa ko sa pagsisiyam na ito. Amen.

(Tatlong Ama Namin para sa kapurihan ni Santa Ana sa ikahahango ng mga


kaluluwa sa Purgatoryo, isusunod ang Letanya, Dalit at Panalanging Pangwakas)

IKALIMANG ARAW

Pagninilay tungkol sa kaninangasan ng pag-ibig ni Santa Ana sa Diyos.

1. Pagnilayan ang kaningasan ng loob ni Santa Ana sa pagsinta sa Diyos ng


kapalad palaran nating Pintakasing si Santa Ana, na pinapaging dapat maging ina
ng Ina ng Diyos, Reyna ng langit at lupa, ng mga Angheles at ng mga tao.
Gaanong kasaganaan ng banal na pag-ibig ang alab sa kanyang puso nang dala
niya sa mapalad niyang tiyan ang magiging Ina ng Mananakop ng mundo.
Magmula noon, ang buhay ni Santa Ana ay isang paggunamgunam at ang kanyang
pakikipagsalitaan ay natutungkol lamang sa mga bagay sa langit; magmula na noon
ay inapawan ang kanyang kaluluwa ng dalisay na kaaliwan ng diwa, na
nagpapauna sa mga kaligayahang kakamtin sa langit. Dito na natin mapagkukuro
ang kaningasan ng pagsinta sa Diyos ni Santa Ana at gayon din naman ang kay San
Joaquin sapagkat sila nga ang mga magulang ng kapalad-palarang Ina ng Diyos.
Ayon sa winika ni Vicente Ferrer, nang si Maria'y nasa tiyan pa lamang ay
nahigitan na niya ang lahat ng mga santo at anghel, namamatak na nga sa mundo
yaong luhang marilag at kaaya-ayang Aurora na susundan ng araw ng katuwiran na
hinihintay ng lahat, upang pawiin ang masinsing ulap, na makadilim sa isip at loob
ng tao. Gaano man ang pakikinabangan ni Santa Ana na natutungkol sa pag ibig sa
Diyos, ay lagi niyang namamalas yaong kabanal-banalang Birhen, kanyang anak.
Ang kanyang puso'y nagniningas na walang likas sa pagsinta sa karapat-dapatang
ibiging Panginoon, kaya nga ang wika ni Ricardo, ang mga Serafines ma'y
makapananaog sa lupa upang pag aralan nila sa puso ni Maria ang paraan ng pag-
ibig sa Diyos.

2. Gunam-gunamin mo't talastasin, kaluluwang Kristiyano, na ang dakilang utos ng


Diyos ay ibigin natin siyang lalo sa lahat ng bagay at ibigin natin siya nang buong
kaluluwa, nang buong pag-iisip at nang buong lakas; at ipinangangako Niya sa atin
ang magandang kapalaran dito't sa buhay na walang hanggan, kung tutupdin natin
ito at ang lahat Niyang mga utos at ang mga utos ng Santa Iglesya Katolika, na siya
lamang ang tunay na Iglesya. Totoong kaliga-ligayang basahin ang mga
pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos sa mga masintahin sa walang hanggan Niyang
Kamahalan, hindi lamang sa natutungkol sa kaluluwa at sa kabilang buhay, kundi
rin naman sa natutungkol sa katawan habang tayo'y nangingibang bayan dito sa
lupa, ayon sa ipinahayag ng Santong Sulat. Hindi naman tayo pinag uutusan ng
mabigat na bagay; kundi bagkus pa ngang magaan itong kabanal-banalan Niyang
utos, sapagkat hindi tayo pinapaglalayag sa dagat at pinalalakad sa malalayong
bayan, yayamang sa atin din puso ay magaganap natin ang pag-ibig sa Diyos.
Amen. (Magnilay sandali)

Panalangin kay Santa Ana

Totoong masintahin naming Pintakasi, na pinapagniningas ng Diyos sa inyong


puso ang lalong wagas at matamis na pag-ibig sa walang hanggan Niyang
Kamahalan, magmula po sa langit, na diya'y inyong kinakamtan ang di-makuro at
walang pagkatapos na kaluwalhatian; ipagmakaawa ninyo sa Diyos, sa
pamamagitan ng kalinis-linisang Birhen, na pinakaiibig ninyong Anak, na
pagkalooban ako ng grasya ng isang mapagkumbaba, mataimtim at matamang
pagsisisi ng aking mga kasalanan upang magningas naman sa aking puso ang
dalisay na pagsinta sa Diyos at magkaroon ako ng tunay na pagdedebosyon sa
Reyna ng mga Anghel at mga tao, na kabanal-banalan ninyong anak. Gayun din
naman, ipagkaloob ninyo sa akin ang tanging biyayang ninanasa ko sa pagsisiyam
na ito kung nararapat sa lalong kaluwalhatian ng Diyos at sa ikagagaling ng aking
kaluluwa. Amen.
(Tatlong Ama Namin para sa kapurihan ni Santa Ana sa ikahahango ng mga
kaluluwa sa Purgatoryo, isusunod ang Letanya, Dalit at Panalanging Pangwakas)

IKAANIM NA ARAW

Pagninilay sa Panalangin ni Santa Ana

1. Dili-dilihin natin ngayon, kaluluwa ko, ang kataimtiman ng pananalangin ni


Santa Ana, na dapat tularan ng lahat ng mga tunay na Kristiyano, lalong-lalo na sa
mga kapanganiban at kapighatian. Ang wika ni San Epifanio, inihahandog sa
bundok, ni San Joaquin ang walang likas na pananalangin at mga sakripisyo sa
langit, upang madali ang pagtubos sa Israel. Si Santa Ana, sa pagligpit sa kanyang
buhay, ay naghahandog na lagi sa Panginoong Diyos ng mataimtim na
pananalangin. Itong mga ganap na uliran ng kabataan ang dapat na salaminin at
sundin ng sinumang Katoliko sapagkat sa gitna ng dakila nilang kaalipustaan at
mapait na kapighatian, ay hindi nila kinaliligtaan ang pananalangin, bagkus pa ang
silang nagpasulong ng kanilang kalooban sa pagsasakdal sa Diyos: ito rin naman
ang halimbawang ibinigay sa atin ng kamahal-mahalan niyang pasyon; kahina't
lipos na lipos ng kapighatian ang kanyang Pusong Mahal ay naghanda pa rin sa
pamamagitan ng lubhang matagal na pananalangin.

2. Pagnilayan mo, kaluluwang Kristiyano, na kung ibig mong mabuhay ng


magaling, dapat mong pagpilitan ang pananalangin, ayon sa wika ni San Agustin:
"Natutong mabuhay ng magaling, yaong natutong manalangin nang magaling."
Datapuwa't dapat mong matalastas na may tinatawag na oracion vocal o panalangin
sa bibig at mayroon namang oracion mental, na ang kahuluga'y panalangin sa loob
o pagninilay. Ang panalangin sa bibig, kung walang kataimtiman ng loob at
pagpapakababa sa harap ng Diyos ay walang kasaysayan, isang walang galang sa
di matitingkalan Niyang Kamahalan, na pinagsasakdalan sa panalangin. Kaya ng
pagpilitan mo, Kristiyano, na pakataimtimin ang iyong loob at huwag mong
pabayaan ang pagninilay ng mga di-magkakabulang katotohanan ng ating relihiyon
na nagpapaliwanag sa ating isip at nagpapatibay sa ating loob sa pagsunod sa
kamahal-mahalan Niyang utos; gayun din naman huwag mong kalimutan
kailanman ang pagsisisi ng mga makasalanan ang pagpapasalamat sa Diyos sa di-
maulatang biyaya, ang pakikinig ng misa araw-araw, kung mangyayari ang
paghahandog sa Diyos ng dilang gagawin, ang pagdarasal ng Rosaryo at iba pang
mga katungkulan ng Kristiyano sa umaga't gabi hanggang sa lamgan mo ang
walang hanggang kagalingan. Amen. (Magnilag sandali)
Panalangin kay Santa Ana

Lubhang mapagkalinga naming Pintakasi, na totoong nagpakasipag kayo sa


pananalangin at sa pagganap ng lahat ng mga utos ng Diyos, na di nakahahadlang
sa inyo ang mga karuhaginan at kalumbayan, ipagmakaawa ninyo ako kay Hesus,
na sa pamamagitan ng lalong dalisay na Birhen, na pinakamamahal ninyong anak
ay pagkalooban ako ng grasya na matuto naman akong manalangin at mag-sakdal
sa kanya sa alin mang kahirapan at karalitaan, sa atin mang kapangyarihan ng
kaluluwa't katawan, upang ako'y mapanuto sa isang mapakumbabang pagtitiis at sa
lubos na pag-ayon sa kabanal-banalan niyang kalooban habang ako'y nabubuhay at
nang aking makamtan ang kaluwalhatiang walang hanggan. Bukod dito, ipakamit
ninyo naman sa akin ang tanging biyayang ninanasa ko sa kapurihan ng Diyos at sa
ikagagaling ng aking kaluluwa. Amen.

(Tatlong Ama Namin para sa kapurihan ni Santa Ana sa ikahahango ng mga


kaluluwa sa Purgatoryo, isusunod ang Letanya, Dalit at Panalanging Pangwakas)

IKAPITONG ARAW

Pagninilay ng pagkakawanggawa ni Santa Ana

1. Gunam-gunamin mo ang dakilang pagkaawa ni Santa Ana sa mga dukha na


inaari niyang mga anak; ito ang ikinaaliw niya sa di pag-aanak, sapagkat siya'y
maraming anak, kung kailan ang mga dukhang kanyang inaampon at kinaaawaan.
Dili-dilihin naman natin na si Santa Ana ay mahirap, gayun man ay ipinagpatuloy
ang kanyang paglilimos. Siya nga ang dapat nating tularan, at huwag tayong
paniwalain, na kapag may nagsabi na di dapat maglimos, sapagkat mabuti pa o
maginhawa pa sa atin ang mga dukha ay agad tayong naniniwala; sapagkat
nagpapalimos pa ba kung sila'y mayroong sukat ipagpatid uhaw? Kung minsa'y
hinihiya muna, pinagsasabihan kaya ng di dapat ang dukha bago limusan. Hindi
gayun ang ginawa ni Santa Ana. Ang wika naman ni San Pablo, huwag sanang
ikahahapis ng loob at napipilitan lamang sa paglilimos, sapagkat ang nagbibigay
ng mali- gaya ay iniibig ng Diyos ngunit ayon sa wika ni Hesukristo ay dapat
mong ilihim na totoo ang paglilimos, ng huwag pasukan ang iyong loob ng
kapalaluan.

2. Pagnilayan mo, kaluluwang Kristiyano, na kung ang iyong paniniwalaan ang


hatol ng mundo at demonyo at ang inuudyok ng masamang hilig ng iyong loob,
ang totoong ibig mo ay magtipun-tipon ng kayamanan, na anaki baga'y may
dadalhing ano man sa kabilang buhay, kundi ang kabanalan lamang. Kung gayo'y
hindi mo nga maisipan ang paglilimos at pagkakawanggawa sa mga dukha at
kakayamutan mo sila kung nagmamakaawang humihingi sa iyo ng anumang
ikapapawi ng kanilang kagutuman; kung gayun ang iyong aasalin, kaawa-awa ka.
Matutulad ka doon sa kalagim-lagim at kasama-samaang sinapit ng taong totoong
mayaman, na ayon kay San Lucas sa kanyang Ebanghelyo, ay nanamit ng
purpurang totoong manipis at araw- araw ay may dakila siyang piging; ngunit dahil
sa karamutan, sa di-paglilimos sa dukhang may sakit na si Lazaro, ay inihulog siya
sa impyerno. Totoong karapat-dapat naming tandaan ang mga kawili-wiling
tagubilin ni Tobias sa kanyang anak, ilimbag mo man lamang sa iyong loob ang
mga pangungusap niyang ito: "Ayon sa iyong makakayanan ay magmaawain ka."
Kung ikaw ay maraming yaman, maglimos ka ng masagana, kung kakaunti naman,
ang kakaunti man ay ibibigay mo ng maligaya. Sapagkat nagtitipon ka ng dakilang
ganti o kabayaran sa araw ng pangangailangan (samakatuwid ay oras ng
kamatayan). Ang paglilimos ay ipagkakaroon ng dakilang pag-asa sa harapan ng
Kataas-taasang Diyos. Ipinangangako naman ni Hesukristo na mapapalad ang mga
maawain at sila'y magkakamit ng awa. Maglimos ka nga, kalakip ang nasa mong
magbalik loob, upang pagkalooban ka ng Diyos ng grasya ng tunay at taimtim na
pagsisisi sa lahat mong kasalanan at ng pananatili sa kabanalan hanggang
kamatayan. Ngunit ang lalo pang mga kahabag-habag ay. ang mga kaluluwa as
purgatoryo, na ang kanilang mga kahirapan ay mahigit na di katumbas ng lahat ng
sukat dalitain sa mundo, kahima't pagpisanin, ayon sa pahayag ng mga Santos
Doctores. Amen. (Magnilay sandali)

Panalangin kay Santa Ana

Mapagpala't masintahin sa kapwa tao lubhang mahabagin at mapagkawanggawa


naming Pintakasi, ngayong naririyan kayo sa langit, na diya'y kinakamtan ninyo
ang di malirip at walang hanggang kaluwalha-tian, ay di mapapawi ang dati
ninyong pagkahabag sa mga dukha't maralita; bagkus pa nga lalong nag-iibayo at
dumadalisay. Nagsasakdal kami sa inyo sa gitna ng mga panganib at sakunang
nagbabala sa amin at sa mga kasalatan at kahirapang dinaralita namin; sa buong
kapakumbabaan at pag-asa'y ipinagmamakaawa namin sa inyo, na sa lubhang
malakas ninyong pamamagitan ay inyong hingin sa totoong maawain at
makapangyarihang Diyos at Panginoon at sa kalinis-linisan at walang bahid dungis
na Birheng inyong anak, na kami'y iligtas sa lahat ng kapanganiban at karalitaang
makakasama sa aming kaluluwa't katawan. Gayun din naman magkaroon kami ng
santong pag-ibig at pagkaawa, na huwag malagay lamang sa bibig, kundi sa gawa,
samakatuwid ay matuto kaming maglimos at tumulong sa mga karalitaan ng kapwa
tao; sa natutungkol naman sa kaluluwa, bigyan namin ng magagandang kahatulan
ang mga nasisinsay sa daan ng katuwiran at aming ipananalangin sila upang
magbalik loob at ang mga kaluluwa sa purgatoryo, nang sila'y mahango sa kakila-
kilabot na bilangguan. Amen.

(Tatlong Ama Namin para sa kapurihan ni Santa Ana sa ikahahango ng mga


kaluluwa sa Purgatoryo, isusunod ang Letanya, Dalit at Panalanging Pangwakas)

IKAWALONG ARAW

Pagninilay sa dakilang pag-ibig ni Santa Ana sa kanyang anak na kabanal-


banalang Birhen, upang ating tularan at nang magkaroon ng tunay na
pagdedebosyon sa Ina ng Diyos.

1. Pagnilayan mo, kaluluwang Kristiyano, kung gaano ang pagkakalinga at pag-


iingat ni Santa Ana sa lubhang marilag na hiyas na pinagtatakhan ng mga anghel,
sa kamahal-mahalang sanggol, na si Maria, na ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos.
Dito naman ay mapagkukuro na natin ang pagsinta at pagmamahal ng ating
Pintakasi sa kanyang anak; tanging pinagpala ng Diyos at pinagyaman sa dilang
kinapal. Pagdating ng tatlong taon, dinala na nga sa Templo at inihandog sa Diyos,
at inilagay siyang kasama ng ibang mga Birhen at mga balo sa isang silid na
totoong nalalapit sa templo; datapuwa't nahihiwalay at nang ganapin ang kani-
kanilang katungkulan sa templong naturan ang sinusunod nila'y ang mga
saserdoteng namamahala doon. Gayun man, nang huwag malayo si San Joaquin at
si Santa Ana sa pinakaiibig at pinakamamahal nilang anak, na siyang buo nilang
kaaliwan, ay tumahan sila sa Herusalem, sa isang bahay na malapit sa templong
tinatahanan ni Maria, na sa kanyang kamusmusan, kabataan at sa buo niyang
buhay ay isang kaayaaya't ganap na uliran ng lahat ng mga kabanalan.

2. Pagkuru-kuruhin natin ngayon ang di masayod na pag-ibig ni San Joaquin at ni


Santa Ana, sa kanilang anak, na si Mariang Birhen, na karapat-dapat ibigin ng
lahat, sapagkat ang tunay na pag-ibig at pagdedebosyon sa kanya, ay isa sa mga
lalong maliwanag na tanda ng pagpapagaling na walang hanggan, sapagkat
inilalagay ng Santa Iglesya sa bibig ni Maria ang mga pangungusap na ito; “Ang
mga nagdarangal sa akin ay magtatamo ng buhay na walang hanggan." Sa Glorias
de Maria ni San Alfonso Maria de Ligorio, ay nababasa ang mga wikang ito: "Ah,
katamis-tamisang Maria, mapalad ang sa iyo'y umiibig." Ayon sa pahayag ni San
Juan Berchmans: "Kung iniibig ko si Maria ay napapanatag ako sa pananatili sa
kabanalan at makakamtan ko ang lahat kong ibigin." Pagpilitan mo nga,
kaluluwang Kristiyano, na malimbag sa kaibuturan ng iyong puso ang lalong
dalisay at matamang pamimintuho, pamimintakasi at pagsinta sa kamahal-mahalan
nating Mananakop at sa pinakaiibig niyang Ina, na papaging- dapatin kang
kanilang pagpalain at ampunin habang ikaw ay nabubuhay at lalung-lalo na sa oras
ng kamatayan; ngunit hindi ito lamang ang dapat mong gawin, kundi pagpipilitan
mo naman na ang mga magulang, mga anak, mga nasasakupan, mga kasambahay
at iba pa ay maglingkod at umibig ng buong kaningasan ng loob sa Inang Birhen at
lumagay sa ilalim ng kanyang pagkakandili; huwag mong kalimutan yaong sinabi
ni San Anselmo: "Hindi mapapahamak ang isang angkang naghahandog na lubos
at sa buong kataimtiman sa kabanal-banalang Birhen." Datapuwa't, hindi naman
dapat na asahan na pagpapalain ng Diyos ang tanan, na doo'y hindi iginagalang ang
maluwalhating Birheng Maria. Amen. (Magnilay sandali)

Panalangin kay Santa Ana

Lubhang masintahing Santa Ana, ipagitan ninyo ako kay Hesus, na lubhang
mahabagin nating Mananakop at pinakaiibig ninyong Apo, na malayo ang aking
puso sa malabis at walang tutong pagkahilig sa mga bagay ng mundo, na balang
araw ay walang pagsalang lilisanin ko, liban na lamang sa tunay na pag-ibig sa
kanya, sa pagsunod ng Kanyang mga utos at ng kanyang Iglesya, na siya lamang
ang totoong Iglesya. Ipamagitan ninyo ako, dakilang Santa sa kamahal-mahalan at
walang hanggan nating Panginoon, na siya lamang ang iibigin ko nang lalo sa lahat
ng bagay at magkaroon ako ng tunay at tanging pagdedebosyon sa kalinis-linisan
at walang bahid dungis na Birhen, na pinakaiibig ninyong anak, habang ako'y
nabubuhay at marapatin po Niyang ako'y ampunin na kasama ninyo sa oras ng
aking kamatayan at ng makamtan ko ang kaluwalhatiang walang hanggan sa langit.
Amen.

(Tatlong Ama Namin para sa kapurihan ni Santa Ana sa ikahahango ng mga


kaluluwa sa Purgatoryo, isusunod ang Letanya, Dalit at Panalanging Pangwakas)

IKASIYAM NA ARAW

Pagninilay Tungkol sa kapalad-palarang kamatayan ni San Joaquin at ni Santa


Ana

1. Talastasin natin na magmula nang dalhin at ihandog sa templo yaong marilag sa


lahat ng mga Birhen, na pinagtatakhan ng mga Anghel at totoong kinalulugdan ng
Diyos, ay hindi nagtagal ang buhay ni San Joaquin, ayon sa sinasalita sa kanyang
buhay at mga ilang araw ay namatay, napuspos ng karapatan ang maraming taon
na ginugol niyang lahat sa paglilingkod sa Diyos, sa ikawalumpong taon ng
kanyang buhay. Ang natirang panahon kay Santa Ana ay ginugol niya sa
katahimikan at lalo pang nag-ibayo ang kanyang kataimtiman ng loob, na ang
kanyang pamumuhay ay isa laging panalangin. Nagkaroon siya ng matamis na
kaaliwan na nakita niyang nararagdagan ang karunungan, ang kabanalan at iba
pang mga kagalingan ng pinakiibig niyang anak bago malagot na mapayapa't
hinahon ang kanyang hininga at inihandog niyang maligaya ang mapalad niyang
kaluluwa sa Maykapal sa ikapitumpu't siyam na taon at inilibing siya sa malapit sa
pinaglibingan sa kanyang esposong si San Joaquin. Tinatawag ng Santa Iglesya na
matamis na pagtulog ang kamatayan ni Santa Ana dahil sa kapayapaan ng
pagkapatid ng kanyang hininga.

2. Gunam-gunamin mo, Kristiyano, at unawain na kung ibig mong magkaroon ng


isang maganda't mapalad ng kamatayan ay tumulad ka kay Santa Ana sapagkat
kung ano ang buhay ay siyang kamatayan, ayon sa wika ni San Agustin. Sa buo mo
ngang makakayanan, Kristiyano, at lalong lalo na sa tulong ng mahal na grasya ay
tularan mo ang dakila mong Pintakasing si Santa Ana na manatili ka sa kabanalan
hanggang sa kamatayan sapagkat kung gayun ay masasabi mo nang buong
katotohanan sa mga huling sandali ng iyong buhay: matutulog ako sa kapayapaan
at magpapahingalay ako sa iyong mga kapangakuan. Hindi mamagkanong
kaligayahan at kapayapaan ang naramdaman ng pantas na si Padre Suarez, na nang
siya'y mamatay na'y napasigaw ng ganito: "Hindi ko naguguni-guni na ang
kamatayan ay ganito katamis at kawili-wili.” Sinabi isang araw ng Mediko ng
Cardinal Caronio, na huwag isipin ang kamatayan; datapuwa't ang isinagot ng
Cardinal ay ganito: “Alin ang dapat kong katakutan? Hindi, hindi ko kinatatakutan;
bagkus pa ngang ninanasa ko ang kamatayan." Si San Francisco De Asis, nang
mamamatay na ay nagkakanta pa at inaanyayahan niya ang iba na kumanta rin:
“Ama ko," ang wika sa kanya ni Fr. Elias, "kapag ang tao'y mamamatay dapat
umiyak at huwag kumanta." "Ako," ang sagot ng santo, “ay hindi mangyaring di
kumanta sapagkat natatalastas ko na sa sandaling panahon na lamang ay
makakamtan ko ang Diyos.” Huwag mo ngang ipagpaliban, Kristiyano, ngayon din
ay magsisi ka na nang taos sa puso ang lahat mong mga kasalanan at humanda ka
sa isang mabuting pagkukumpisal at huwag kang magkakaila kahit isa mang
kasalanan. Kung gayo'y iniraraos mo na mula ngayon ang pagbabagong buhay,
upang matularan mo, kaunti man lamang ang pamu- muhay ng bayani mong
Pintakasi at magkaroon ka tulad niya ng isang maganda't mapalad na kamatayan.
Amen. (Magnilay sandali)

Panalangin kay Santa Ana

Mahabagin naming tagapag-ampon, ang lalong kinakailangan ng aming kaluluwa


ay manatili sa kabanalan sapagkat kung gayon ay makakamtan namin ang lahat ng
kagalingan, kaginhawahan at kaluwalhatiang walang hanggan at maliligtas kami sa
lahat ng kasamaan, kahirapan at karalitaang wala ring hanggan. Laking kapalaran
namin kung aming makamtan itong lubhang dakilang kagalingan, itong katipunan
ng dilang kagalingan at mga biyaya. Datapuwa't sawing palad kami kung hindi
makamtan ang kagalingang ito sapagkat ang kasasapitan namin ay ang walang
katapusang sakit sa apoy ng impyerno. Maluwalhating Santa Ana, lagi nawa
kaming manalangin sa kamahal-mahalan ninyong Apong si Hesus at sa kalinis-
linisan at walang bahid dungis na Birheng pinakaiibig ninyong anak, na
papanatilihin kami sa kabanalan: at ang santong pag-ibig sa kanya'y maragdagan at
magningas sa aming mga loob nang lalo at lalo, na pagpilitan namin na makilala't
sintahin ng lahat ang kamahal-mahalang Puso ni Hesus at ni Maria at ito'y sa
pamamagitan ng aming mga panalangin, pagsupil ng masasama naming kaugalian,
lalung-lalo na ang pinaghihirapan naming supilin. Ipagkamit ninyo ang aming
kagalingang walang hanggan, ang ikapagbabalik loob ng mga makasalanan, ang
ikapananatili ng mga banal at ikahahango't ikapagpapahingalay ng mga kaluluwa
sa purgatoryo upang kaming lahat ay makasama ninyo, totoong mapagpala naming
Pintakasi, diyan sa kaluwalhatian. Amen.

(Tatlong Ama Namin para sa kapurihan ni Santa Ana sa ikahahango ng mga


kaluluwa sa Purgatoryo, isusunod ang Letanya, Dalit at Panalanging Pangwakas)

Letanya Kay Santa Ana

Panginoon, maawa ka
Kristo, maawa ka
Panginoon, maawa ka
Kristo, pakinggan mo po kami
Kristo, pakapakinggan mo po kami
Diyos Ama sa Langit, maawa ka po sa amin
Diyos Anak na tumubos sa sanlibutan, maawa ka po sa amin
Diyos Espiritu Santo, maawa ka po sa amin
Santisima Trinidad, iisang Diyos, maawa ka po sa amin

Santa Maria, *ipanalangin nyo kami


Santa Ana, Ina ni Maria,*
Santa Ana, lola ni Hesukristo,*
Santa Ana, esposa ni San Joaquin,*
Santa Ana, galak ng mga anghel,*
Santa Ana, anak ng mga Patriarka,*
Santa Ana, ina ng malinis na pagkababae,*
Santa Ana, huwaran ng pagsunod,*
Santa Ana, huwaran ng katiyagaan,*
Santa Ana, huwaran ng pagkaawa,*
Santa Ana, huwaran ng kabanalan,*
Santa Ana, huwaran ng lahat ng virtud,*
Santa Ana, kalusugan ng mga maysakit,*
Santa Ana, ina ng mga nagdadalamhati,*
Santa Ana, liwanag ng mga bulag,*
Santa Ana, pag-asa ng mga mahihirap,*
Santa Ana, aliw ng mga sugatan,*
Santa Ana, tagapangalaga ng mga anak,*
Santa Ana, halimbawa ng mga Inang Kristiyano,*
Santa Ana, tagapagtaguyod ng Kristiyanong pamilya,*
Santa Ana, aliw ng mga balo,*
Santa Ana, daan para sa mga peregrino,*
Santa Ana, kublihan ng mga makasalanan,*
Santa Ana, tulong ng lahat ng mga tumatawag sa iyo,*

Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,


Patawarin mo po kami, O Panginoon.
Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sandaigdigan,
Pakapakingaan mo po kami, O Panginoon.
Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng santinakpan,
Maawa ka po sa amin.

N: Ipanalangin ninyo kami, O pinagpalang Santa Ana

B: Na nagdala sa Kalinis-linisang Ina ng Diyos.

Manalangin tayo:

O Diyos, na minarapat mong pagkalooban si Santa Ana ng biyayang maging ina


niya, na nagsilang sa Iyong Bugtong na Anak, ipagkaloob mo, sa iyong kabutihan,
na kami, na lagi siyang ginugunita ay matamo ang makapangyarihang saklolo ng
kanyang pangangalaga sa pamamagitan din ni Kristong Panginoon namin. Amen.

DALIT KAY SANTA ANA

Sa sakuna at hilahil na tantong kalagim-lagim


Sagot: Santa Anang lubhang mahabagin, kami ay inyong ampunin.

Sa iyo pong kamusmusan iniraos mo pagkuwan ang pamimintuhong tunay sa


Poong walang kapantay, puso mo'y nanaimtim sa matamang panalangin.

Sagot: Santa Anang lubhang mahabagin, kami ay inyong ampunin.

Hindi ka nga naparaya; bagkus umilag na kusa sa makamandag na tuwa handog ng


mundong kuhila; mahabag ka at lingapin ang lahat na dumaraing.

Sagot: Santa Anang lubhang mahabagin, kami ay inyong ampunin.

Ang inyong kahinhinan ay marilag na uliran sa lahat ng mga baya't dito sa


Sangkapuluan: tantong karima-rimarim ang asal na di mahinhin.

Sagot: Santa Anang lubhang mahabagin, kami ay inyong ampunin.

Sa dalamhati at lumbay ay lubha ninyong inayunan ang sa Poong kalooban kaya


lubos na kinamtan ang tuwang walang kahambing sa inyong puso't panimdim.

Sagot: Santa Anang lubhang mahabagin, kami ay inyong ampunin.

Kayo'y sumampalataya't panaligan ninyo tuwina ang awang walang kapara ng


Amang mapagkalara sa sinumang dumaraing upang siya ay ampunin.

Sagot: Santa Anang lubhang mahabagin, kami ay inyong ampunin.

Ang pagsinta ninyo'y dalisay sa Poong walang kapantay na siyang karapat-dapat


ibigin at paglingkuran namin at pintuhuin sa buong puso't panimdim.

Sagot: Santa Anang lubhang mahabagin, kami ay inyong ampunin.

Anang pagsasakdal tuwina sa Diyos na walang hanggan naging lunas at ginhawa


sa hapis ninyo't madlang dusa gayon din si San Joaquin ang pag-asa'y di
magmaliw.

Sagot: Santa Anang lubhang mahabagin, kami ay inyong ampunin.


Sa puso ninyo'y napaglimbag ang sa dukha'y pagkahabag na inaari ninyong anak at
tinutulungan agad sa dusa at inaaliw sa kalumbaya't hilahil.

Sagot: Santa Anang lubhang mahabagin, kami ay inyong ampunin.

Sinta ninyo'y walang kasabay sa anak ninyong minamahal, Ina ng Diyos na tunay,
Reyna ng kalangitan aming pintakasihin itong marilag na Birhen.

Sagot: Santa Anang lubhang mahabagin, kami ay inyong ampunin.

At ang iyong kamatayan tantong kapalad-palaran dahil dito'y inyong kinamtan ang
ligayang walang hanggan. Kami nama'y magtamo rin ng tuwang walang
kahambing.

Sagot: Santa Anang lubhang mahabagin, kami ay inyong ampunin.

Panalangin

O Diyos, na minarapat mong pakamtan kay Santa Ana ang grasya na maging ina
ng bugtong mong Anak, ipagkaloob mo sa amin alang-alang sa iyong nagdarasal sa
kanyang kaarawan, ang malakas niyang pamamagitan sa iyo. Alang-alang kay
Hesukristong Panginoon namin, na nabubuhay at naghahari, kasama mo at ng
Espiritu Santo magpasawalang hanggan. Hesus, Maria y Jose, Joaquin at Ana, sa
kabuhayan ko at kamatayan ay ampunin ninyo ang aking kaluluwa.

Panalangin kay San Joaquin (Pangwakas na Panalangin)

O Poong San Joaquin, tulungan po ninyo kami ng pananalangin sa ating


Panginoong Diyos, na ang inyong mga anak na hindi nagkakasundo ay magkaisa,
magkaunawaan, magkaroon ng hanapbuhay, malayo sa masasamang bisyo at labis
na layaw ng katawan, gumaling ang mga may karamdaman upang manatili ang
kapayapaan at katiwasayan sa pamumuhay. Gayundin sa inyo, Mahal naming Ina,
ipamagitan ninyo kami sa mahal ninyong Anak na si Hesus, na ipagkaloob ang
hinihiling at nawa'y magkasama-sama kaming nagpupuri sa Diyos sa
kaluwalhatian sa langit. Amen.

Sa ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen.

Panalangin sa Kapistahan ni San Joaquin


O Maluwalhati naming patriarka, kapalad- palarang nuno ni Hesus, tunay na uliran
ng mga kabanalan at pintakasi na aming iginagalang sa Parokyang ito. Yayamang
ikaw po ang binigyan ng Diyos ng tanging biyaya na maging ama ng Ina ng
Mesiyas na sumakop sa sandaigdigan. Alang-alang sa mga biyayang sa iyo'y
ipinagkaloob, marapatin mo po na itong munti naming paghahandog ng papuri sa
mahal mong kapistahan ay maging dapat nawa sa iyong harapan at ipatawad nawa
ang mga kakulangang paggawa sa pananalangin at isinasamo namin sa Diyos na
ipamagitan ninyo na masunod namin habang kami ay nabubuhay sa mahal na
kalooban niya, magahis namin ang masasamang hilig sa aming katawan at nang
magkapalad kaming makisama sa inyo sa langit. Gayundin, isinasamo namin sa
inyo, alang alang sa pag-ibig ng inyong maluwalhating anak na si Maria Santisima
at sa karapatan ng kasantu-santuhang Apo ninyo na si Hesus na mangyaring huwag
mapawi sa aming mga puso hanggang sa inapo nitong sambayanan ang
paglilingkod sa inyo sampu ng lahat ng makakakilala ng inyong karapatan at
magkasama-sama kaming magpupuri sa kaluwalhatiang inyong kinaroroonan.
Amen.

N: Pakapurihin natin ang Mahal na Santo.

B: Nang ipag-adya tayo sa dilang pangamba

N: Lumagi sa atin ang pagdadangal

B: At ng huwag mapawi sa ating puso kailanman.

N: At ang katapusang kailangan sa atin ay huwag ipagkait

B: Papatnubayan tayo hanggang sa pinto ng langit

You might also like