(1885-1887) Pagkaraang tapusin ang pag-aaral sa Madrid, nagtungo si Rizal sa Paris at Alemanya para magpakadalubhasa sa optalmolohiya. Ito ang napili niyang sangay sa medisina dahil nais niyang gamutin ang mga mata ng kanyang ina. Naging katulong siya ng mga kilalang okulista ng Europa. Ipinagpatuloy din niya ang pagbibiyahe at pagaaral sa mga buhay at kaugalian, pamahalaan at batas ng mga Europeo sa Paris, Heidelberg, Leipzig, at Berlin. Sa Berlin, kabisera ng noo'y nagkakaisang Alemanya, nakilala at naging kaibigan niya ang ilang pangunahing siyentipiko, gaya nina Dr. Feodor Jagor, Dr. Adolph B. Meyper, Dr. Hans Meyer, at Dr. Rudolf Virchow. Ang kanyang mga merito bilang siyentipiko ay kinilala ng mga sikat na siyentipiko ng Europa.
Sa Masayang Paris (1885-86). Pagkaraang matapos sa pag-
aaral sa Universidad Central de Madrid, si Rizal na noo'y 24 taong gulang at isa nang manggagamot, ay nagtungo sa Paris para magpakadalubhasa sa optalmolohiya.
Papuntang Paris, dumaan siya ng Barcelona para bisitahin ang kaibigang
si Maximo Viola, isang mag-aaral ng medisina at kabilang sa mayamang pamilya sa San Miguel, Bulacan. Tumigil siya rito ng isang linggo at naging kaibigan niya si Señor Eusebio Corominas, patnugot ng pahayagang La Publicidad at gumuhitpa ng larawan ni Dr. Miguel Morayta, may-ari ng La Publicidad at isang estadista. Binigyan niya si Patnugot Corominas ng isang artikulo tungkol sa kontrobersiya sa Carolines para mailathala. 1
Noong Nobyembre 1885, nanirahan si Rizal sa Paris nang apat na
buwan. Nagtrabaho siya bilang katulong ni Dr. Louis de Weckert (1852- 1906), nangungunang optalmolohistang Pranses, mula Nobyembre 1885 hanggang Pebrero 1886. Mabilis niyang napalawak ang kanyang kaalaman sa optalmolohiya, gaya na rin ng ikinuwento niya sa mga magulang noong Enero 1, 1886. "Sa larangan ng pag-aaral sa mga sakit sa mata," sabi niya, "mabuti naman ang nangyari sa akin. Marunong na ako ng lahat ng klase ng operasyon; kailangan ko na lamang malaman kung ano ang nasa loob ng mata, na kailangan naman ng marami pang pag-aaral at pagsasanay.". Pagkatapos ng mga gawain sa klinika ni Dr. Weckert, nakapagpapahinga si Rizal sa pamamagitan ng pagbisita sa mga kaibigan niya, gaya ng pamilya ng mga Pardo de Tavera (Trinidad, Felix, at Paz), Juan Luna, at Felix Resurreccion Hidalgo. Si Paz Pardo de Tavera, isang magandang binibini, ay kasintahan ni Juan Luna. Sa album ng dalaga, gumuhit si Rizal ng mga larawan tungkol sa kuwentong "Ang Matsing at ang Pagong." Sa estudyo ni Luna, ginugol ni Rizal ang maramin maligayang oras. Nakipagtalakayan siya kay Luna, dakilang maestro sa pagpinta, ng mga suliranin sa sining at pinaghusay niya ang sariling teknik sa pagpinta. Tinulungan niya si Luna sa pamamagitan ng pagmodelo sa ilang larawan nito. Sa kambas na "Kamatayan ni Cleopatra," si Rizal ang modelo bilang paring Ehipto. Sa "Sanduguan," siya ang nagmodelo bilang Sikatuna, kasama si Trinidad Pardo de Tavera na siya namang naging si Legazpi Si Rizal bilang Musikero. Naging mahalagang bahagi ang musika sa mga pagtitipon ng mga Pilipino sa Barcelona, Madrid, Paris, at iba pang lungsod sa Europa. Ang mga kapanabay na Pilipino ni Rizal ay marunong kumanta kundi ma'y tumugtog ng anumang instrumento. Sa tahanan ng mga Pardo de Tavera at sa estudyo ni Luna, ang bawat pagtitipon ay pinasisigla ng pagtugtog o pag-awit ng mga kundiman at iba pang melodyang Pilipino. Walang likas na hilig si Rizal sa musika, at kanya naman itong inaamin. Ngunit nag-aral pa rin siya ng musika dahil karamihan sa mga kamagaral niya sa Ateneo ay kumukuha ng mga aralin sa musika. Sa isang liham noong Nobyembre 27, 1878, sinabi niya kay Enrique Lete na "natuto siya ng solfeggio, piano, at pagkanta sa loob ng isang buwan at kalahati." Gayunman, hindi pa rin siya makakanta nang maayos. "Kung maririnig mo lamang ang aking boses," isinulat niya kay Lete, "mamabutihin mo pang ikaw ay nasa Espanya dahil ang boses ko ay tulad ng pag-unga ng mga asno." Ngunit dahil sa kanyang determinasyon at pagsasanay, natuto rin si Rizal na tumugtog ng plauta. Tumutugtog siya ng plauta sa mga pagtitipon ng mga Pilipino sa Paris. Sinasabing lumikha pa siya ng ilang awit, lalo na ang "Alin Mang Lahi," makabayang awitin na nagpapahayag ng mithiing kalayaan ng alinmang lahi, at isang malungkot na danza, La Deportasyon, na nilikha niya sa Dapitan noong siya'y ipinatapon dito. Sa Makasaysayang Heidelberg. Pagkaraang makangalap ng karanasan bilang optalmolohista sa klinika ni Dr. Weckert, malungkot na nilisan ni Rizal ang masayang Paris noong Pebrero 1,1886 patungong Alemanya. Dinalaw niya ang Strasbourg (kabisera ng Alsace Lorraine) at ibang bayan sa hangganan ng Alemanya. Noong Pebrero 3, 1886, dumating siya sa Heidelberg, makasaysayang lungsod sa Alemanya na kilala sa matanda nitong unibersidad at romantikong kapaligiran. Sa maikling panahon, tumigil siya sa isang bahay paupahan kasama ang ilang Alemang estudyante ng batas. Natuklasan ng mga estudyanteng ito na mahusay sa ahedres si Rizal kaya ginawa siyang miyembro ng Samahan ng mga Manlalaro ng Ahedres. Naging popular siya sa mga Alemang estudyante dahil sumasali siya sa kanilang ahedres at pag-inom ng beer, at nanonood siya ng mga larong duelo nito. Pagkaraan ng ilang araw, lumipat ng tinitirhan si Rizal na malapit sa Unibersidad ng Heidelberg. Nagtrabaho siya sa Ospital ng mga Mata ng Unibersidad sa ilalim ng direksiyon ni Dr. Otto Becker, kilalang optalmolohistang Aleman, at dumalo rin siya ng mga panayam ni Dr. Becker at Prop. Wilhelm Kuehne sa unibersidad. Tuwing Sabado't Linggo, binibisita ni Rizal ang magagandang tanawin sa paligid ng Heidelberg, kasama na rito ang kilalang Kastilyo ng Heidelberg, romantikong Ilog ng Neckar, ang teatro, at matatandang simbahan. Napuna ni Rizal na iginagalang ng mga Alemang Katoliko at Protestante ang diwa ng ekumenismo dahil nabubuhay sila nang may pagkakasundo. Sa isang simbahan sa bayan," ang kalahati nito ay ginagamit ng mga Katoliko at ang kalahati ay sa mga Protestante." "Para sa mga Bulaklak ng Heidelberg." Noong tagsibol ng 1886, nabighani si Rizal sa pamumukadkad ng mga bulaklak sa may pampang ng Ilog ng Neckar. Kasama rito ang kanyang paboritong bulaklak—ang mangasul-ngasul na forget-me-not. Ang ganda ng mga bulaklak ng tagsibol ay nagpaalala kay Rizal ng kanilang marikit na hardin sa Calamba. Nangungulila, isinulat niya noong Abril 22, 1886 ang tulang "A Las Flores de Heidelberg" (Para sa mga Bulaklak ng Heidelberg): 4 Humayo ka, sa lupang tinubuan, hayo na, dayong bulaklak. Itinanim ng manlalakbay sa kanyang pagdaan. At doon, sa silong ng maaliwalas na langit na bughaw, Kung saan naroon ang aking pagmamahal; Doon sasabihin ng pagod na pilgrimo, Ano'ng kanyang pananampalataya sa ating lupa! Humayo roon at ibalita kung paano inihahasik Ng bukangliwayway ang kanyang liwanag, Iyong mga talulot unang inihagis sa kaparangan; Kanyang bakas sa tabi ng malamig na Neckar Nagpapakita ng kanyang katahimikan sa iyong piling, Sa pagmumuni-muni ng kanyang Tagsibol. Nakita kung paano ninakaw ang iyong bango Nang pumulandit ang liwanag ng umaga, Bumubulong sa iyo ng kaligayahan, Mapaglarong awitin ng Pag-ibig, Siya ri'y bumubulong ng kanyang damdamin
Sa dilang natutunan niya mula sa kapanganakan.
Kaya nang sumabog ang ginintuang liwanag Mula sa ngiti ng araw sa rurok ng Keenigstuhl At sa kanyang papainit na liwanag Daloy ng buhay sa lambak at kahuyan at gubat, Binabati niya ang araw na iyon, dito'y pinupuri, Na sa kanyang lupang tinubua'y umaapoy sa rurok. At ibabalita doon ang araw na kanyang kinatatayuan, Na malapit sa gumuhong abuhing kastilyo Sa may pampang ng Neckar, o mapanglaw na gubat, At pipitasin kayo sa may gilid ng landas, Habang pinupuri kayo ng manlalakbay, Masuyong inipit ang mabango n'yong dahon Sa mga pahina ng minamahal n'yang aklat. Hatdan ninyo, o magagandang bulaklak, Hatdan ng pag-ibig ang lahat ng aking minamahal, Kapayapaan sa aking bayan, masaganang bayan Pananalig ng mga anak niyang lalaki'y panindigan, At birtud ng mga anak na babae ay pangalagaan, Minamahal na nilalang ay batiin, Lahat ng nakalibot sa altar ng tahanan At kapag naparoon ka sa dalampasigan, Itong halik na ngayo'y idadampi ko sa'yo, Dalhin sana ng mga pakpak ng hamog; Nang lahat ng aking iginagalang, sinisinta, Madama ang init ng aking halik ng pag-ibig kong taos. O mga bulaklak, kung maparoon sa lupaing yon, At nawa'y taglay mo pa rin ang 'yong mga kulay; Dahil malayo sa lupang nagbigay sa'yo ng buhay; Dito ma'y masasamyo ang iyong bango; Iyong kaluluwang di susuko, di lilisan Ang liwanag na sumilay sa iyo mula nang ika'y isilang.
Si Pastor Ullmer at ang Wilhelmsfeld. Pagkaraang maisulat ang "Para sa
mga Bulaklak ng Heidelberg," nagbakasyon ng tatlong buwan si Rizal sa Wilhelmsfeld, bulubunduking bayang malapit sa Heidelberg. Tumirá siya sa rektoryo ng isang butihing Protestanteng Pastor, si Dr. Karl Ullmer, na naging mabuti niyang kaibigan at tagahanga. Ang kanyang kaaya-ayang personalidad at mga talino sa wika at pagguhit ay nakapagpalapit ng kalooban niya sa maybahay ng pastor, na mahusay magluto, at dalawang anak, sina Etta (anak na babae) at Fritz (anak na lalaki). Masaya ang naging bakasyon ni Rizal sa tahanan ni Pastor Ullmer kaya lungkot na lungkot siya nang lumisan dito noong Hunyo 25, 1886. Bumalik siya sa Heidelberg, kipkip ang magagandang alaala ng pakikipagkaibigan at hospitalidad ng mga Ullmer. Nang sumunod na araw, sinulatan niya si Pastor Ullmer para magpasalamat: "Muli'y ako'y lubos na nagpapasalamat sa inyo. Maaaring kapag kayo naman ang nangibang-bayan, matitikman din ninyo ang ganitong pagtanggap at pakikipagkaibigan na siyang nadama ko sa inyo; at dahil ako'y dayuhan dito, wala akong magagawa para sa inyo sa isang dayuhang bansa, ngunit tinitiyak ko ang aking serbisyo sa aking lupang tinubuan, kung saan lagi kayong makatatagpo ng isang tunay na kaibigan, kung hindi ako mamamatay. Ang ligayang dulot ng pagkakaunawa ng ibang tao ay mahalaga kaya di ito basta-bastang malilimutan. Naunawaan ninyo ako, kahit na kayumanggi ang aking kulay, na sa maraming tao'y dilaw, na parang dahilan ng pagkalito ng isipan." Kinalaunan, noong Mayo 29, 1887, sumulat si Rizal, mula Munich (Muchen), kay Friedrich (Fritz), anak ni Pastor Ullmer: "Pakisabi sa iyong butihing Gng. Pastor, ang minamahal mong ina, na kapag nakauwi ako'y susulatan ko siya. Hindi ko malilimutan kung gaano siya kabuti sa akin, tulad din kung paano naging mabuti ang iyong ama sa akin gayong isa akong estranghero, walang kaibigan ni rekomendasyon... hindi ko malilimutan ang Wilhelmsfeld sa mabuting pagtanggap ng kanyang parokya." Unang Liham kay Blumentritt. Noong Hulyo 31, 1886, isinulat ni Rizal ang una niyang liham sa wikang Aleman (na malaki ang inihusay niya pagkaraan ng pagbabakasyon sa mga Ullmer) kay Propesor Ferdinand Blumentritt, Direktor ng Ateneo ng Leitmeritz, Austria. Napag-alaman ni Rizal na ang Austriyanong etnolohista ay interesado sa mga wika ng Pilipinas. Sa kanyang sulat, sinabi ni Rizal: 7
Napag-alaman kong pinag-aaralan mo ang aming wika, at
nakapaglathala ka na ng ilang gawa mo tungkol dito; hayaan mo akong padalhan ka ng isang mahalagang aklat sa aming wika na isinulat ng isa kong kababayan. Hindi kagandahan ang pagkakasulat ng bersiyong Espanyol dahil ang awtor ay isa lamang hamak na manunulat, ngunit ang bahaging Tagalog ay mahusay ang pagkakasulat, at ito mismo ang wikang sinasalita namin sa aming lalawigan.
Kalakip ng sulat ang aklat na binanggit ni Rizal. Ang aklat ay
pinamagatang Aritmetica at inilathala sa dalawang wika- Espanyol at Tagalog-ng Limbagan ng Unibersidad ng Santo Tomas noong 1868. Ang awtor ay si Rufino Baltazar Hernandez, katutubo ng Santa Cruz, Laguna. Humanga si Blumentritt sa sulat ni Rizal mula Heidelberg. Sinagot niya ang liham ni Rizal sa pamamagitan ng pagpapadala ng dalawang regalong libro. Ito ang naging simula ng kanilang mahaba at palagiang pagsusulatan, pagkakaibigang tumagal nang habambuhay. Si Blumentritt, ang Austriyano, ay naging matalik na kaibigan ni Rizal, ang Pilipino Ikalimang Dantaon ng Unibersidad ng Heidelberg. Pinalad si Rizal na nataon ang kanyang pagbabakasyon sa Heidelberg sa pagdiriwang ng pamosong Unibersidad ng Heidelberg ng ikalimang dantaon nito noong Agosto 6, 1886. Tatlong araw ito bago ang kanyang pag-alis, at nalulungkot siya dahil natutunan na niyang mahalin ang magandang lungsod at ang mababait na tagarito. Inilarawan niya sa kanyang talaarawan noong Agosto 6, 1886 ang selebrasyon ng ikalimang dantaon ng kilalang Unibersidad ng Heidelberg: 8 Para sa ikalimang dantaon, ipinagdiwang ng pamosong Unibersidad ng Heidelberg ang kanyang Festung kaninang umaga, at kami'y dumalo. Nagustuhan ko ang larawan kaysa ang orihinal. Gayunman, maraming elegante at naggagandahang pananamit; si Bugmuller, ang sikat na estudyante ng Heidelberg ay nakadamit ng kasuotan ni Frederick ang Matagumpay; si Lieberman ay nagdamit na parang maginoo ng ikalabimpitong siglo; si Gregoire, ang lobo ng Schwahen, atbp. Kagabi ay ang Schlorsfest. Kailan kaya mauulit ang malatulaing kasayahan sa magandang siyudad na ito? Kailan kaya makababalik ang mga dayuhang bisita? Kailan kaya ako makababalik pagkaraang lumisan? Itanong ang kapalaran ng mga molekula ng tubig na isinisingaw ng araw. Ang iba'y tumutulo bilang hamog sa dibdib ng mga bulaklak; ang iba'y nagiging yelo at niyebe; ang iba'y nagiging putik o latian o malakas na ulan-hindi sila nawawala bagkus nananatili sa kalikasan. Magiging tulad nito kaya ang aking kapalaran —hindi mawawala sa kawalan?
Sa Leipzig at Dresden. Noong Agosto 9, 1886, tatlong araw
pagkaraan ng ika-limang dantaong selebrasyon ng Unibersidad ng Heidelberg, nilisan ni Rizal ang lungsod. Lulan ng tren, binisita niya ang iba't ibang lungsod ng Alemanya, at narating niya ang Leipzig noong Agosto 14, 1886. Dumalo siya ng mga panayam tungkol sa kasaysayan at sikolohiya sa Unibersidad ng Leipzig. Nakipagkaibigan siya kay Propesor Friedrich Ratzel, bantog na mananalaysay na Aleman, at Dr. Hans Meyer, Alemang antropolohista.
Sa Leipzig, isinalin ni Rizal sa Tagalog ang William Tell ni Schiller
mula sa wikang Aleman. Sa gayon, malalaman ng mga Pilipino ang kuwento tungkol sa kampeon ng kasarinlan ng mga Swisa. Kinalaunan, isinalin din niya sa Tagalog ang Fairy Tales ni Hans Christian Andersen para sa kanyang mga pamangkin. Natuklasan ni Rizal na pinakamababa sa Europa ang antas ng pamumuhay sa Leipzig kaya nanirahan siya sa lungsod na ito ng dalawa't kalahating buwan. Dito siya nagwasto ng ilang kabanata ng kanyang pangalawang nobela at araw-araw din siyang nag-eehersisyo sa gymnasium ng lungsod. Dahil sa kanyang kaalaman sa Aleman, Espanyol, at ibang wikang Europeo, nakapagtrabaho si Rizal bilang proofreader sa isang limbagan kaya kumita rin siya ng kaunting pera. Noong Oktubre 29, umalis siya ng Leipzig papuntang Dresden, kung saan niya nakilala si Dr. Adolph B. Meyer, Direktor ng Museo Antropolohikal at Etnolohikal. Tumigil siya ng dalawang araw sa lungsod. Sa isang misang dinaluhan niya, naantig ng musika sa misa ang damdamin ni Rizal. Isinulat niya sa kanyang talaarawan: "Ngayon lamang sa tanang buhay ko ako'y nakinig ng misa kung saan ang musika'y napakaganda."9 Noong umaga ng Nobyembre 1, nilisan ni Rizal ang Dresden lulan ng tren, at narating niya ang Berlin nang gabing iyon. Tinanggap si Rizal ng Sirkulo Siyentipiko ng Berlin. Nahalina si Rizal sa Berlin dahil dito'y maunlad ang larangan ng siyensiya at walang panlalait sa lahi. Sa lungsod na ito, nakipagkilala siya sa mga dakilang siyentipiko. Nakilala niya sa kauna-unahang pagkakataon si Dr. Feodor Jagor, bantog na manlalakbay at siyentipikong Aleman at awtor ng Travels in the Philippines, aklat na nabasa at hinangaan ni Rizal noong nagaaral siya sa Maynila. Binisita ni Dr. Jagor ang Pilipinas noong 18591860, bago isilang si Rizal. Sa kanyang aklat, inihula ni Jagor ang pagbagsak ng kolonyalismong Espanyol sa Pilipinas at pagdating ng mga Amerikano sa baybaying Pilipinas. Dala ni Rizal ang isang liham ng pagpapakilala na ginawa ni Blumentritt. Ipinakilala naman ni Dr. Jagor si Rizal kay Dr. Rudolf Virchow, bantog na Alemang antropolohista, at sa anak nitong si Dr. Hans Virchow, propesor ng Panlarawang Anatomiya. Nakilala rin ni Rizal si Dr. W. Joest, kilalang Alemang heograpo, Nagtrabaho rin siya sa klinika ni Dr. Karl Ernest Schweigger (1830-1905), bantog na Alemang optalmolohista. Naging miyembro si Rizal ng Samahang Antropolohikal at Samahang Heograpikal, sa tulong ng rekomendasyon nina Dr. Jagor at Dr. Meyer. Pinatunayan dito na ang kaalaman ni Rizal sa agham ay kinikilala ng mga siyentipikong Europeo. Siya ang unang Asyano na nabigyan ng ganitong karangalan. Inanyayahan naman ni Dr. Virchow si Rizal na magbigay ng panayam sa Samahang Etnograpiko ng Berlin. Bilang tugon, isinulat at binasa ni Rizal noong Abril 1887 ang Tagalische Verkunst (Sining Metrikal ng Tagalog). Ang panayam ay inilathala ng samahan nang taong ding iyon at naging paborable ang puna dito ng maraming siyentipiko Buhay ni Rizal sa Berlin. Sa Berlin, hindi estudyante ni turista si Rizal. Nanirahan siya sa Alemanya dahil gusto niyang (1) mapalawak ang kanyang kaalaman sa optalmolohiya; (2) mapaunlad ang kanyang pag-aaral sa mga agham at wika; (3) obserbahan ang kalagayang politikal at ekonomiko ng bansang Alemanya; (4) makipagkilala sa mga bantog na Alemang siyentipiko at iskolar, at (5) mailathala ang kanyang nobela, Noli Me Tangere. Naging matipid at masinop ang pamumuhay ni Rizal sa Berlin. Nagtrabaho siya bilang katulong sa klinika ni Dr. Schweigger, eminenteng Alemang optalmolohista. Sa gabi, dumadalo siya sa mga panayam sa Unibersidad ng Berlin. Sa kanyang tinutuluyang bahay, pinanatili niyang malusog ang katawan sa pamamagitan ng araw-araw na ehersisyo. Nagsanay din siya sa pagsasalita sa wikang Aleman, Pranses, at Italyano Gustung-gusto niyang magpakadalubhasa sa wikang Pranses nang sa gayo'y magamit niya ang wikang ito sa pagsusulat, gaya ng alam niyang gawin sa Espanyol. Kumuha pa siya ng pribadong pagtuturo sa ilalim ng pamamahala ni Madame Lucie Cerdole nang sa gayo'y matutunan niya ang pagiging masalimuot ng wikang Pranses. Bukod sa pagkakadalubhasa sa larangang pang-akademya, araw-araw ding nagsanay si Rizal para maging malusog ang kanyang pangangatawan. Sa mga bakanteng oras, binibisita ni Rizal ang kanayunan sa paligid ng Berlin, inoobserbahan nang mabuti ang kaugalian, pananamit, tahanan, at gawain ng mga magbubukid. Iginuhit niya ng larawan ang lahat ng nakikita niya. Tuwang-tuwa siya sa pamamasyal sa Unter den Linden, madalas na puntahan ng kabataan sa Berlin, para makipag-inuman ng beer at makipagkuwentuhan at makipagkaibigan sa mga taga-Berlin. Pananaw ni Rizal sa Kababaihang Aleman. Isa sa pinakamahalagang liham ni Rizal nang siya ay nasa Alemanya ay para sa kanyang kapatid na si Trinidad. Sa kanyang sulat noong Marso 11, 1886, ipinahayag ni Rizal ang mataas na pagpapahalaga at paghanga niya sa kababaihang Aleman. Ang babaing Aleman, sabi ni Rizal sa kanyang kapatid na babae, ay seryoso, masipag, edukado, at palakaibigan. 10 Hindi siya tsismosa, magarbo, at palaaway, gaya ng babaing Espanyol. Hindi siya partikular sa magagandang damit at mamahaling alahas, bagaman nakapagdadamit din siya nang maayos gaya ng ibang babae sa buong mundo. Ipinanghihinayangan ni Rizal na sa Pilipinas, ang kababaihan ay mas binibigyan ng kabuluhan ang kanilang pananamit kaysa sa kanilang nalalaman. Gayunman, pinuri niya ang sensitibong pandama, mabining pagkilos, debosyon, at hospitalidad ng kababaihang Pilipino, lalo na yaong mga nasa lalawigan na di pa gaanong sopistikado. Kung mapapanday nila ang kanilang talino sa pamamagitan ng edukasyon at pagkakaroon ng interes sa mga kalakarang pandaigdig, puna ni Rizal, makukuha nila ang respeto ng kalalakihan. Kaya nga ipinayo ni Rizal sa kapatid na si Trinidad: "Habang ngayong bata ka pa, magsikap kang matutong magbasa, at matuto. Hindi mo dapat hayaan ang sarili na malupig ng katamaran dahil pagbabayaran mo ito nang malaki." . Mga Kaugalian ng mga Aleman. Bukod sa kababaihang Aleman, hinangaan din ni Rizal ang mga kaugalian ng mga Aleman na inoobserbahan niya nang mabuti. Kailangang bigyang-tuon ang pagiging mabuting tagapagmasid ni Rizal sa mga kaugalian ng mga tao sa lahat ng bahagi ng mundo. Kinagiliwan nang husto ni Rizal ang mga kaugalian ng mga Aleman tuwing Pasko. Nang kapaskuhang ito, isinulat niya: "Tuwing Bisperas ng Pasko, pumuputol ng puno ng pino ang mga Aleman, pinipili nila di lamang ang pinakamatuwid, kundi pati yaong may dahong di agad nalalagas, Ibig kong sabihin, ang mga tuyong dahon ay hindi dahon sa kasong ito, ito'y tila maliliit na karayom. Pinalamutian ito ng mga parol, papel, ilaw, manyika, kendi, prutas, atbp.; At ipinakikita ito sa mga bata (na di nakita ang pagpapalamuti sa puno) pagsapit ng gabi. Sa paligid ng punong ito ipinagdiriwang ng pamilya ang okasyon."12 Isa pang interesanteng kaugaliang Aleman na napuna ni Rizal ay ang pagpapakilala sa sarili sa mga estranghero sa isang pagtitipon. Sa Alemanya, kapag ang isang lalaki ay dumalo sa isang salu-salo at natuklasan niyang wala siyang kakilala roon, siya na mismo ang lalapit sa mga panauhin at magpapakilala sa sarili, nakikipagkamay sa kanila. Ayon sa etiketa ng mga Aleman, hindi mabuting asal para sa bisita na maging mapag-isa at hintayin pa ang maybahay para ipakilala siya sa ibang panauhin. Pinakamalungkot na Taglamig ni Rizal. Nakaranas na ng taglamig si Rizal sa mga bansang temperatura. Ang taglamig ng 1886 sa Berlin ay kanyang pinakamalungkot na taglamig. Nang taglamig na iyon, naghihirap siya dahil walang perang natatanggap mula sa Calamba. Ang singsing na diyamante na ibinigay sa kanya ng kapatid na si Saturnina ay naisanla na niya. Hindi siya makapagbayad sa may-ari ng paupahang bahay. Kailangan niyang magtipid kaya isang beses sa isang araw na lamang siya kung kumain. At ang kanyang kinakailangan ay isang pirasong tinapay, tubig, o mumurahing sopas na gulay. Malapit nang maging gula-gulanit ang kanyang damit. Siya na mismo ang naglalaba ng kanyang damit dahil wala siyang pambayad 'sa labandera. Samantala, sa Calamba'y nagsisikap si Paciano na makaipon ng perang ipadadala sa kapatid. Alam niyang ang nakababatang kapatid ay naghihikahos sa Berlin. Ngunit ano ang magagawa niya, sinira ng mga balang ang kanilang pananim. Nalugi ang pamilihan ng asukal. Mahalagang-mahalaga ang panahon, alam ito ni Paciano, ngunit wala siyang magagawa kung mababalam ang pagpapadala niya ng pera. Si Rizal naman ay naghihikahos sa Berlin at nanginginig sa tindi ng taglamig. Nanghihina na ang kanyang katawan dahil sa kakulangan ng maayos na nutrisyon. Inuubo na siya, at natatakot siyang baka dinapuan na siya ng tuberkulosis. *****