Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 4

CHAVACANO FILIPINO: VARAYTI NG FILIPINO SA SIYUDAD NG ZAMBOANGA

Teresita Semorlan

Layunin ng pag-aaral na ito na malaman ang varayti ng Filipıno ng ilang grupo ng mga
Zamboangueño na kinabibilangan ng mga estudyante at empleado.
Halos lahat ng mga impormante para sa pag-aaral na ito ay ipinanganak at lumaki sa Zamboanga.
Pinuntahan ang mga impormante sa kani-kanilang tahanan. Ipinaliwanag sa bawat isa ang layunin ng pag-
aaral. Ang mga paksang ginamit sa pakikipag-usap sa kanila ay ang sumusunod: ang Zamboanga bilang
Siyudad ng mga Bulaklak at isang tourist destination; isang siyudad na mainam na tirahan, ang lumalalang
sitwasyon sa Basilan, ang hiling ng MNLF na itiwalag ang Mindanao sa Pilipinas at ang pagtawag sa
Mindanao na "Bangsa Moro Country." Itineyp ang pagsasalita ng mga impormante at pagkatapos nito ay
itinaranskrayb. Ang transkripsiyon na nakateyp ang naging basehan ng mga impormasyon para sa analisis
ng varayti ng Filipino na ginagamit ng mga Zamboangueño sa siyudad ng Zamboanga.
Zamboanga: Ang Sosyolingguwistikong Sitwasyon Nito
Tinaguriang Siyudad ng mga Bulaklak ang Zamboanga. Kung mapapagawi ang isang manlalakbay
rito, siya'y mamamangha sapagkat halos lahat ng mga lugar dito ay kakikitaan ng naggagandahang mga
bulaklak. Itinuturing din ang naturang siyudad na sentro ng hanapbuhay at pangangalakal sa Timog
Mindanao.
Mainam na tirahan ang Siyudad ng Zamboanga. Malinis ang lugar, katamtaman ang klima at mura
lamang ang pang-araw-araw na bilihin gaya ng pagkain. Sagana rito ang isda at masasarap na prutas.
Kaya hindi kataka-takang iba't ibang klase ng tao o mga etnolingguwistikong grupo mula sa iba't
ibang lugar ang dumadayo sa Zamboanga. Nasa mayorya ang mga Kristiyano dito kaysa Muslim. Nabibilang
sa iba't ibang pangkat ang mga Kristyano at maaaring gumagamit o nagsasalita ng iba t ibang wika sa kani-
kanilang pamamahay. Mga Tausug, Samal, Yakan, at Maranao naman ang mga Muslim na makikita sa
siyudad. Ngunit wikang Chavacano ang lingua tranca ng lugar at talagang nananatili pa rin ang
pangkalahatang pagsasalita ng Chavacano.
Wikang Chavacano
Gaya ng ibang rehiyon, may sariling wikang ginagamit ang mga Zamboangueño Chavacano ang
tawag dito na tinawag na pidgin Spanish subalit nagiging creole na dahil may nabuo na itong gramatika. Ang
mga sundalo at opisyal na mga Espanyol ang responsable sa pagdala at paggamit ng Spanish contact
vernacular dito sa Pilipinas. Maliwanag na ang garrison troops ang siyang may pinakamalakas na
impluwensiya sa naturang wika (Whinnon, 1965).
May kaibahan ang Chavacano sa lengguwahe ng Espanya, kaya imposıbleng maunawaan ng isang
Espanyol ang wikang Chavacano. Naiiba rin ito sa Chavacano sa Cavite. Nahaluan ng Tausug, Subanon, at
Bisaya ang Chavacano sa Zamboanga samantalang nababahiran naman ng Tagalog ang Chavacano sa
Cavite.
Zamboanga Chavacano Filipino
Batay sa pag-iinterbyu sa mga impormante, narito ang nakitang mga paraan ng (1) pagbigkas sa
ilang salita, (2) pagpasok ng mga salitang Sebwano, Espanyol/ Chavacano at Ingles sa Filipino ng
Chavacano, (3) ang paggamit ng pandiwa, at (4) ang pagbubuo ng pangungusap sa Chavacano Flipino.
A. Paraan ng Pagbigkas sa llang Salita
1. Binibigkas na / c / ang / g /
Kapag tuluy-tuloy ang pagsasalita ng isang Zamboangueño, hindi niya namamalayan na ang / g / ay
nabibigkas niya ng / c /. Halimbawa sa mga salitang magkasama, magkaibigan: kanila itong nabibigkas
nang mackasama, mackaibigan.
2. Binibigkas na /u/ ang /w/
Nahihirapan ang isang tunay na Zamboangueño na bumigkas ng tunog ng / w / at sa halip binibigkas
niya ng / u /, Halimbawa sa mga salitang giliw, aliw, paksiw. Ganito rin ang paraan ng pagbigkas ng mga

1
Tausug sa mga salitang nabanggit. Maaaring naimpluwensiyahan ng mga Tausug ang mga
Zamboangueño sa pamamaraan ng pagbigkas.
3. Ang salitang tulad ng nakita ay binibigkas nang may impit sa / a /.
Ganito ang pagbigkas ng mga Zamboangueño sa salitang ito. Masasabi rin na maaaring
naimpluwensiyahan ng mga Bisaya ang mga Zamboangueño sa pamamaraan ng pagbigkas ng mga
salitang ito.
4. Ang salitang isda ay hindi binibigkas ng mga Zamboangueño nang tuluy- tuloy sa halip binibigkas ito nang
malumay ngunit may impit din sa /a/. Halimbawa sa halip na isda/ isda/ nagiging is.da/is.da
5. Ang mangga/manggah/ ay hindi rin binibigkas nang mabilis sa halip ay malumay; gaya ng
mangga/manggah. Sa Zamboanga, ang salitang mangga sa vernakular na pamamaraan ng pagbigkas ay
malumay/manggah/ kaya masasabing epekto ito ng lipunang tagapagsalita.
B. Ang pagpasok ng mga salitang Bisaya, Chavacano/Espanyol at Ingles sa leksikon ng Chavacano
Filipino.
Gaya ng nabanggit, ang wikang Chavacano ay nahahaluan ng wikang Bisaya kaya ang pagpasok
ng nasabing wika sa Chavacano Filipino na ginagamit ng mga Zamboangueno ay epekto o dala ng kaligiran.
Ang mga salitang Bisaya tulad ng maskin (kahit) at cay (kasi) ay bahagi na rin ng Filipino na ginagamit ng
mga Zamboangueño.
Halimbawa:
1. Maskin saan may gulo.
2. Cay delikado ang panahon.
Ipinalalagay na pitumpung porsiyento ng mga salitang Chavacano ang batay sa Espanyol kaya hindi
rin kataka-taka kung maraming mga salitang Chavacano o Espanyol ang ginamit ng mga impormante katulad
ng: Domingo (Linggo), impes (sa halip), claro, mas importante, siempre, iistimahin, nakahilera, klase,
gobyerno, esposa, esposo, pribadong institusyon, kaso, bale, suspendido, dipirensya, magnobyo, paborito,
dominante, empleyado, guapo, simple, pamilya, suplado, suplada, siyudad, delikado, importansya, progreso,
porsyento, identidad, lugar, punto de vista. Karamihan sa mga terminolohiyang binanggit ng mga impormante
ay ginagamit na sa Filipino maliban lamang sa mga terminong gaya ng barato, union, bastante, Domingo,
esposo, at esposa.
Marami ring mga salitang Ingles ang ginamit ng mga impormante, tulad ng sumusunod: landmark,
10% Muslims, 905 Christians, power, if ever, shock absorber, 11 o’clock, mag-apply, magre-report, ma-
abolish, madi-solve, ma-improve, neither, city of flowers, i-respect ang flag. Mapapansin ang ibang mga
salitang Ingles ay nilalapian ng mga panlaping ginagamit sa Filipino tulad ng mag, ma- at i.
C. Ang Paggamit ng Pandiwa
Sa halip na gamitin ang panlaping um, malimit nilang ginagamit ang mag sa pandiwa.
Halimbawa:
1. Maggawa siya ng listahan,
2. Mahilig kang magpasok sa ganyan,
3. Nagpili ako ng parehong design.
4. Huwag nang palagi magtawag sa telepomo.
5. Mag-inom siya ng gamot.
6. Hindi sila mag-away sa sibilyan.
Masasabing ang paggamit ng mga Zamboangueño ng mga pandiwang binubuo ng panlaping mag
ay impluwensiya o epekto ng kaligiran. Marami nga kasing mga Bisayang naninirahan sa Zamboanga; marami
rin sa kanila ang pumupunta sa nasabing siyudad kaya hindi kataka-takang maimpluwensiyahan nila ang mga
Zamboangueño sa paraan ng pagsasalita ng Filipino, lalong-lalo na sa paggamit ng mga panlapi ng pandiwa.

2
Kung nagsasalita ang mga Bisaya, mapapansin na ang karaniwang ginagamit nilang panlapi ay mag, mang-
at z. Hindi sila gumagamit ng panlaping um, in o bin.
Halimbawa:
Mangaun, magkaun, ihatag, ibutang, nangayo, mag-unsa

D. Pagbuo ng Pangungusap
Ang sumusunod na hinango sa pag-iinterbiyu ay masasabing halimbawa ng pagbuo ng
pangungusap sa Chavacano Flipino.
1. Sana ma-improve ang peace and order situation sa Basilan.
2. Dapat may unity and cooperation ang mga tao.
3. Kailangan ng mga tao ang assistance ng government.
4. By kilo ang mga bilihin sa Zamboanga City.
5. Maraming etnolinguistic groups ang puwedeng makatanggap ng share ng government.
6. Sila mismo ang dapat magbigay ng klarong regulasyon para sa mga empleyado.
7. Karapatan ng mga tao ang tumanggap ng suportang pinansyal mula sa gobyernong lokal.
8. Simple ang pamumuhay, barato ang mga bilihin at bastante ang mga pagkain sa Zamboanga.
9. Nakahilera ang mga tindahan na may paboritong prutas malapit sa merkado.
10. Ang suggestion ko, sana bigyan ng gobyerno ng importansya ang mga ethnic groups para
mabawasan ang mga problema.
11. Dapat irespect ng lahat ang flag dahil simbolo ito ng ating pagiging isang bansang malaya.
Mapapansin na ang pagbuo ng mga pangungusap sa Chavacano Filipino ay nauuri sa tatlong kategorya:
Mga pangungusap na may halong salitang Ingles, may halong Espanyol at may kombinasyon ng salitang
Ingles at Espanyol
Masasabing ang paggamit ng mga impormante ng mga salitang Ingles sa pagbuo ng pangungusap sa
Chavacano Filipino ay dala ng edukasyon. Hindi rin kataka- takang gumamit sila ng mga salitang Espanyol
sa mga pangungusap dahil karamihan talaga sa mga salitang Chavacano ay batay nga sa Espanyol.
Konklusyon
Ang papel na ito ay isa lamang pahapyaw na pagtingin sa varayti ng wikangg Filipino na ginagamit
ng mga Zamboangueño sa siyudad ng Zamboanga. Masasabing hindi naman naiiba ang Chavacano Filipino
sa iba pang varayti ng Filipıno na ginagamit ng ibang mga grupo dito sa Pilipinas maliban lamang siguro sa
tono sa paraan ng pagbigkas at sa baryasyon ng ibang leksikon na maaaring nagpapakita ng katangian ng
wikang Bisaya at Tausug na nakakaimpluwensiya sa Filipino ng mga Zamboangueño. Posible ring makita
ang ganitong kondisyon sa Filipino ng ibang etnikong grupo sa Pilipinas na kasasalaminan din ng katangian
ng kani-kanılang wika.

3
TALASANGGUNIAN
A. Sangguniang Aklat

Peregrino, J. M. (2012). Salindaw. Varayti at Baryasyon ng Filipino.Sentro ng Wikang Filipino. Unibersiad


ng Pilipinas-Diliman. Quezon City.
Abesamis. N. R. et al (2006). Komunikasyon sa Akademikong Filipino. Valenzuela City: Mutya Publishing
House, Inc.
De Castro, I. P. et al. (2007). Filipino I. Wikang Filipino sa Akademikong Komunikasyon. Valenzuela City:
Mutya Publishing House, Inc.

B. Internet
https://tl.goodsalt.com/details/epcas0191.html

https://www.slideshare.net/WendellTaraya/baryasyon-at-barayti-ng-wika

https://www.slideshare.net/IamLaurenMayne/varayti-at-varyasyon-ng-wika-very-final-
11

https://www.academia.edu/37505370/Varyasyon_o_Barayti_ng_Wika_Homogeneus_at
_Heterogeneous_na_wika

You might also like