Download as doc, pdf, or txt
Download as doc, pdf, or txt
You are on page 1of 17

Modyul I

I. Pamagat – Ang pagtataguyod sa Wikang Pambansa sa mas mataas na antas ng edukasyon at


lagpas pa

II. Para Kanino Ito - Ang modyul na ito ay nakalaan para sa mga mag-aaral ng Navotas
Polytechnic College, unang semestre ng Aralang taon 2020.

III. Rasyunal - Ang modyul na ito ay mahalaga upang matuklasan at malaman ninyo bilang mag-
aaral ang tungkol sa kahalagahan ng wika bilang instrumento sa galaw o kilos ng tao at sa
lipunang kanyang ginagalawan. Malalaman din natin dito kung paano tayo nagkaroon ng
Wikang Pambansa, kung anu-ano ang ginawa ng ating kapwa Pilipino upang mapanatili itong
gamitin sa pang-araw araw nating pamumuhay at higit sa lahat ang ipaglaban na huwag
alisin ang asignaturang Filipino sa ating mga kolehiyo sa ating bansa.

IV. Layunin – Ang layunin ng modyul na ito na ang mga mag-aaral na gagamit nito ay
1. Magamit ang wikang Filipino sa iba’t ibang tiyak na sitwasyong pangkomunikasyon
sa lipunang Pilipino
2. Makagawa ng mga malikhain at mapanghikayat na presentasyon ng impormasyon at
analisis na akma sa iba’t ibang konteksto
3. Maipaliwanag ang kabuluhan ng wikang Filipino bilang mabisang wika sa
kontekstwalisadong komunikasyon sa mga komunidad at sa buong bansa.
4. Mapalalim ang pagpapahalaga sa sariling paraan ng pagpapahayag ng mga Pilipino
sa iba’t ibang antas at larangan.
5. Maisaalang-alang ang kultura at iba pang aspektong panlipunan sa pakikipagpalitan
ng ideya

V. Mga panuto sa paggamit ng modyul - Panuto sa mga mag-aaral kung paano gagamitin ang
modyul na ito. Ang modyul na ito ay siyang magiging gabay niyo sa pag-aaral niyo sa pag-
aaral sa asignaturang ito.
1. Basahin at unawain ang nilalaman nito.
2. Sagutan nang wasto ang mga pagsasanay sa bawat aralin.
3. Gamitin ang mga kasanayan natutunan sa pang-araw araw na pamumuhay
4. Maging makatotohanan sa sarili sa pagsagot ng mga katanungan at pagsasanay.

VI. Kahandaang Pangangailangan o kahandaang gawin o Entry behavior


Sinasabing wika ang pinakamahalagang imbensyon ng tao. Ang wika ang naging
pangunahing instrumento sa pag-unlad ng kabihasnan. Nang dahil sa wika, naipasa sa mga
sumusunod na henerasyon ang mga mahahalagang kaalaman na sa kasalukuyan ay
napapakinabangan pa rin natin.
Ang wika tulad nga nang nasabi ay isa sa mahahalagang instrumento ng tao sa kanyang
pakikipagtalastasan ay nabigyan ng depinisyon o kahulugan ng iba’t ibang manunulat.
Ang mga kahulugang ito ay naipakilala sa inyong mga asignatura sa mas mababang antas ng
inyong pag-aaral. Kaya nga sa paksang ito, ipinakikilala ang konsepto ng wika, wikang
pambansa, wikang panturo at wikang opisyal para sa papel nito sa lipunang Pilipino.

VII. Paunang pagsubok (Pre-Test) ayon sa kanilang kahandaan


1. Ang pambansang wika ng Pilipinas ay (a. Filipino b. Pilipino c. Tagalog)
2. Ang asignaturang pinag-aaralan natin ay (a. Filipino b. Pilipino c. Tagalog)
3. Ang mga tao na ipinanganak at lumaki sa Pilipinas ay tinatawag na (a. Filipino b. Pilipino
c. Tagalog)
4. Ang wikain ng mga taga Maynila ay tinatawag na (a. Filipino b. Pilipino c. Tagalog)
5. Ang wikang ginamit nina Andres Bonifacio noong panahon ng himagsikan ay (a. Filipino
b. Pilipino c. Tagalog)
VIII. Tingnan natin kung tama ang iyong sagot.

IX. Kung nakakuha ka ng mga iskor na ito

5 – Mahusay 4-3 – Katamtaman ang Husay 2-1 – Magbasa ka muli ng mga nakaraan mong aralin sa
Filipino

X. Mga gawaing pagkatuto (learning activities)


Mga Nilalaman –

Aralin 1 – Konsepto ng Wika

a. Kahulugan
b. Katangian
c. Kahalagahan

Aralin 2 – Filipino Bilang Wikang Pambansa


Kalikasan, Proseso ng Paglinang, Konsepto

Aralin 3 – Kasaysayan ng Pag-unlad ng Wikang Pambansa

Aralin1 – Konsepto ng Wika


A. Kahulugan o Katuturan ng Wika
Sinasabing wika ang pinakamahalagang imbensyon ng tao. Ang wika ang naging pangunahing
instrumento sa pag-unlad ng kabihasnan. Ngunit ano nga ba ang wika?
Ayon kay Webster (2002), ang wika ay isang sistema ng komunikasyon sa pagitan ng mga tao sa
pamamagitan ng mga pasulat o pasalitang simbolo.
Sinabi naman ni Archibald Hill na “ang wika ang pangunahin at pinaka-elaboreyt na anyo ng simbolikong
gawaing pantao. Ayon naman kay Gleason “ang wika ay masistemang balangkas ng sinasalitang tunog na
pinipili at isinasaayos sa parang Arbitraryo na ginagamit ng mga tao na kabilang sa isang kultura”.
Tinuran naman ni Prof. Virgilio S. Almario sa kanyang sinulat na Nasyonalisasyon ng Filipino (2003) na
“ang wika mismo ang patunay na tayo’y may katutubong kultura. Isang wika itong patuloy na nabuhay
sa kabila ng mahabang pananakop na nagbigay kaalaman at karunungan tungkol sa ating lahi.”

Para naman sa Pilipinohistang si Zeus Salazar, “ naipahahayag sa wika ang mga kaugalian, isip at
damdamin ng bawat grupo ng mga tao at maging sa larangan ng kaisipan, ang wika rin ang impukan –
kuhanan ng isang kultura.
Sa maraming pagkakataon, wika ang panagot ng bayan upang makamit ang kapayapaan, pagkakaisa at
pagkakaunawaan. At upang umunlad ang isang bansa, kailangan ang isang wikang sinasalita at

Naiintindihan ng marami upang sumulong ang kaniyang industriya, kalakalan at produksyon.

B. Gawain Tungo sa Pang-unawa

Sagutan ang mga sumusunod na katanungan tungkol sa aralin I bahaging A

1. Ang wika ay taguan ng kultura dahil ito ay (a. impukan b. kuhanan c. alisan)
2. Alin sa mga sumusunod ang kulturang Pilipino? (a. pagkain ng pancit b. pagkain ng puto at
suman c. pagkain ng spaghetti)
3. Kapag pinagsama-sama natin ang mga letra, tayo ay makakabuo ng mga salita. Kapag
pinagsama-sama natin ang mga salita, ano naman ang mabubuo natin? (a. pagsasanay b.
kaisipan c. pangungusap)
4. Anong kaisipan ang pinag-aaralan mo ngayon? (a. Wika b. Salita c. Kultura)
5. Ang pagtalon, pagpalakpak, pagsigaw ay simbolo ng pagiging (a. malungkot b. masaya c. naiinis)

Kung nakakuha ka ng mga iskor na ito

5 – Mahusay 4-3 – Katamtaman ang Husay 2-1 – Magbasa ka muli ng mga nakaraan mong aralin sa
Filipino

Katangian ng Wika

Mula sa mga katuturang nabanggit, mahahango natin ang mga sumusunod na katangian. Ayon kay
Bernales, et. Al (2002) ang mga sumusunod na unibersal at pangunahing katangian ng wika batay sa
katuturang ibinigay ni Gleason:

1. Ang wika ay masistemang balangkas –


Lahat ng wika ay nakabatay sa tunog. Ponema ang tawag sa makahulugang tunog ng isang wika,
samantalang Ponolohiya naman ang tawag sa maka-agham na pag-aaral nito. Kung ang ponemang
ito ay pinagsama, makabubuo ng maliit na yunit ng salita na tatawaging Morpema. Ang morpemang
mabubuo ay maaaring isang salitang-ugat, panlapi o morpemang ponema. Katulad ng ponemang |a|
na sa wika natin ay maaaring magpahiwatig ng kasariang pambabae. Morpolohiya naman ang tawag
sa maka-agham na pag-aaral ng mga morpema. Samantala, kapag ang mga salita ay ating pinag-
ugnay, makabubuo naman tayo ng Pangungusap. Sintaksis naman ang tawag sa maka-agham na
pag-aaral ng mga pangungusap. Kapag nagkaroon naman ng palitan ng mga pangungusap ang
dalawa o higit pang tao ay nagkakaroon ng diskurso.
2. Ang wika ay sinasalitang tunog –
Hindi lahat ng tunog ay wika sapagkat hindi lahat ng tunog ay may kahulugan. Sa tao, ang
pinakamahulugang tunog ay yong nililikha natin. Kung gayo’y kasangkapan ng komunikasyon sa
halos lahat ng pagkakataon ay ang tunog na sinasalita. Ang mga tunog na pangwika na nagagawa
natin ay sa pamamagitan nga mga sangkap sa pagsasalita gaya ng labi, dila, ngalangala,
babagtingang tinig at iba pa.
Sinasalita natin ang wika at ang pagsulat ay isang paraan ng paglalahad o pagpapahayag ng
mensaheng nais natin sabihin. Pinag-aaralan sa pananalita ang wastong paraan ng pagbigkas ng mga
tunog na panwika na ginagamit ngmga tao sa pagsasalita.
3. Ang Wika ay pinipili at isinasaayos
Sa lahat ng pagkakataon, pinipili natin ang wikang ating gagamitin. Ang pagpili ay laging nagaganap
sa ating subconscious at paminsan-minsan naman ay sa ating conscious na pag-iisip. Hindi maaaring
ipilit nating gamitin ang isang wikang hindi nauunawaan ng ating kausap. Gayon din naman sa ating
kausap, hindi niya maaaring ipagpilitan ang wikang hindi natin alam. Kaya sa pag pag-uusap,
kailangang pumili ng komon na wika na nauunawaan ng magkausap. Upang maging epektibo naman
ang komunikasyon, kailangang isaayos natin ang paggamit ng Wika.
Isang salik na mahalagang iugnay sa wika ay ang paggamit ng Retorika o masining na pagpapahayag.
Sa tuwing tayo ay nagpapahayag ng ating saloobin o kaisipan, hindi mapagkakailang mayroon tayong
tugon. Kaya mahalaga kung ganon na maingat nating isipin ang mga salitang ating gagamitin. Ang
Retorika ay laging sangkot sa paggamit ng wika dahil ito ang sining na mabisa, epektibo at kaakit-akit
na pagpapahayag.
4. Ang Wika ay arbitraryo.
Kapag sinabi natin ang wika ay arbitraryo, ito ay nangangahulugan na ang bawat wika ay may kani-
kaniyang set ng palatunugan, leksikal at gramatikal na ikinaiba niya sa ibang wika. Ang mga tunog na
pangwika, ganoon din ang mga nabuong salita at ang mga kahulugan nito ay pinagkakasunduan ng
mga taong kapangkat sa isang kultura.

Halimbawa – bahay – sa Ingles ay House


Balay – sa Bikol, Bisaya at Ilokos

Halimbawa – magandang umaga sa Tagalog


Maupay na Aga sa Waray
Maayong Buntag sa Cebu

5. Ang wika ay ginagamit


Ang wika ay kasangkapan sa komunikasyon at katulad ng iba pang kasangkapan, kailangang patuloy
itong ginagamit. Ang isang kasangkapang hindi na ginagamit ay nawawalan ng saysay. Gayon din ang
Wika – kapag ang wika ay hindi na ginagamit, ito ay unti-unting nawawala at tuluyan ng
mamamatay. Ano ang saysay kung patay na ang wika?

6. Ang wika ay nakabatay sa kultura


Sabi ni Trompenaars (1944) “ang kultura ay resulta ng paghahanap ng solusyon sa mga problema ng
tao sa kanyang kapaligiran, oras at relasyon. Naaapektuhan ng kultura ang gawain ng tao. Kapag nag
-iinterak sa kababayan, ang kultura ng nag-uusap ang nagiging sandigan ng pagkakaunawaan, ngunit
kapag magkaiba ang kultura ng nag-uusap, nagkakaroon ng problema sa mga na iba ang paniniwala,
nakagisnan at nadebelop.
Bayanihan ang tinawag natin sa mga magkakanayon na tulung-tulong na binubuhat ang kubo ng
isang kababayan. Ang magandang ugaling ito ay naging bahagi ng kulturang Pilipino. Sa bawat
tradisyon, paniniwala, gawi, ikinilos / ikinikilos ng bayan,lagi ng kaakibat ang wika upang isalaysay,
ikwento, isaling-bibig sa lahat ng henerasyong nagdaan at kasalukuyang nakagawian ng lahat ng
yamang-lahi, na naimbak sa pagdaraan ng panahon ay binibigyang-ngalan upang itala sa kasaysayan
ng bayan.

7. Ang wika ay nagbabago


Dinamiko ang ating wika. Ito’y buhay na wika. Patuloy na nadaragdagan ang ating wika dahil sa
paglikha, pagsasalin, panghihiram, pag-usbong ng teknolohiya at mga imbensyon. Ayon sa mga tala,
ang wikang Filipino ay may himigit-kumulang ng tatlumpong libong (30,000) salitang ugat at pitong
daan (700) panlapi na ginagamit sa pagpapalawak o pagpaparami ng mga salita.
Ang wikang Filipino ngayon ay hindi lamang purong Tagalog, may lahok ito mula sa iba’t ibang
wikain/dayalekto at katutubong wika ng Pilipinas, kaya ito nadaragdagan. Malaking impluwensya rin
ang iba’t ibang wika sa mundo na naasimila at naging bahagi na ng ating wika.
Sa patuloy na pagsulong ng sibilisasyon, sa panahon ng teknolohiya ang mga ibinubungang
imbensyon, likha, pangyayari at karunungan ay naglitaw sa mga karagdagang salitang idinagdag sa
ating wika.

Gawain
Para mapalalim ang iyong kaalaman sa konsepto ng wika, sagutin ang gawain.
Isulat sa unang hanay ang letra ng katangian ng wika mula sa Hanay B na inilalarawan sa may aytem
sa Hanay A

Hanay A Hanay B

_____ 1. Kinakailangan ang mga aparato sa pagsasalita para a. ang wika ay nagbabago
makabuo ng makabuluhang tunog.
_____ 2. Sa kasalukuyan, hindi lang tumutukoy sa sanggol o musmos b. ang wika ay pinipili at
ang salitang “bata”, ito rin ay maaaring tumutukoy isinasaayos
sa mga inuutusan o inaalipin
_____ 3. Laging may mga idinadagdag na mga salita sa mga c. Ang wika ay arbitraryo
diksyunaryo dahil sa mga makabagong tuklas sa
siyensya at teknolohiya d. ang wika ay ginagamit
_____ 4. Para sa epektibong pakikipagtalastasan, mahalagang alam
ng isang tao kung ano ang wastong salitang kanyang e. ang wika ay may
gagamitin sa uri o antas ng okasyon na masistemang balangkas
kanyang kinasasangkutan
_____ 5. Nauunang ipinakikilala sa pag-aaral ng wika ang mga f. Ang wika ay sinasalitang
ponema bago ang morpema, sintaks at diskors. tunog
_____ 6. Ang salitang “canao” ay walang katumbas na
Kahulugan sa ibang wika sa Pilipinas g. ang wika ay nakabatay sa
_____ 7. Ang mga wikang hindi na ginagamit ay unti-unting kultura
Nawawala at tuluyang namamatay
Kung wasto lahat ang iyong kasagutan, binabati kita! Alam na alam mo ang katangian ng Wika.
Kung 6-5 Mahusay ka rin
Kung 4-3 Hindi mo gaanong alam ang ating aralin
Kung 2-1 Pag-aralan mong muli ang aralin.

C. Kahalagahan ng Wika
Napakahalagang imbensyon ng tao ang wika, kung nawawala ang wika,tiyak na unti-unti ring
maglalaho ang sangkatauhan at ang kabihasnang kinalalagyan nila. Tinukoy at ipinaliwanag nina
Bernales, et al.(2002) ang mga sumusunod na pangunahing halaga ng wika sa tao:
1. Instrument ng Komunikasyon
Ang wika, pasalita mam o pasulat ay pangunahing kasangkapan ng tao sa pagpapahayag
ng damdamin at kaisipan. Samakatwid, ang mabisang paggamit ng wika ay mahalaga sa
pakikipag-ugnayan ng tao sa kanyang kapwa dahil tayong mga tao ay nilikhang panlipunan.
Hindi sapat ang kilos lamang o mga simbolo.
2. Nag- iingat at Nagpapalaganap ng kaalaman
Ang mahahalagang kaalamang natuklasan n gating mga ninuno ay naipasa sa mga
sumusunod na salinlahi at patuloy na nagpapaunlad dahil mayroong wika na siyang nag-
iingat at nagpapalaganap ng kaalaman.Maraming kaalaman ang naisasalin sa ibang saling-
lahi at napakikinabangan ng ibang lahi dahil sa wika.Halimbawa ay ang mga nobela ni Rizal.
Isinulat ito ng ilang daang taon na ang lumipas ngunit patuloy itong napapakinabangan sa
ating panahon dahil may wikang nagkanlong ditto at nag-iingat hanggang sa kasalukuyan.
Ang mga mahahalagang imbensyon kanluranin ay napapakinabangan din sa ating bansa
dahil may wikang nagkanlong sa mga iyon at naging sanhi upang iyon ay mapalaganap sa
iba’t ibang sulok ng daigdig.
3. Nagbubuklod ng Bansa
Hindi mapagkakailang wika ang isa sa mga matibay na simbolo ng isang bansa. Ang isang
bansang may sariling wika ay higit na magiging maunlad at nagkakaisa dahil mayroon silang
instrumentong nagsisilbing tulay sa pagkakabuklod buklod nang ideklara ni Pang. Marcos
ang batas military, wika ang siyang naghatid ng naturang mensahe at nang hinimok naman
ni Cardinal Sin ang sambayanang Pilipino na makiisa noong kapanahunan ng Rebolusyong
Edsa, wika ang kanilang ginamit upang pukawin ang damdaming makabayan ng mga Pilipino.
Noon namang kapanahunan ng ating magigiting na bayani,pinag-isa naman ang ating mga
ninunong katipunero sa pamagitan ng wikang Tagalog, ang kanilang opisyal na wika, sa
pakikipaglaban sa mga kastila. Ang mga propagandista naman ay gumamit ng wikang kastila
na nagging wika nila sa pagpapahayag ng mga makabayang diwa sa La Solidaridad.
Sa kasalukuyan, wika muli ang kinakasangkapan ng sambayanang Pilipino upang himukin
ang kapwa Pilipino na makisangkot sa mga usaping may malaking impak sa ating
pamumuhay.
4. Lumilinang ng Malikhaing Pag- iisip
Ang pagiging masining ng isang tao ay maaaring maipamalas sa iba’t ibang paraan ng
paglikha ng anyong sining, ngunit sa pamamagitan ng paggamit niyang wika dito niya tunay
na nalilinang ang kanyang pagkamalikhain.
Sa tuwing tayo ay nakikipagtalastasan sinisikap nating maisip ang pinakaangkop na salita
na siyang makapagdadala ng mensaheng nais ipabatid sa ating kausap. Ang kakayahan ng
wika na malilinang sa ating pagiging masining ay hindi lamang sa ating pagbabasa kundi
maging sa ating pagpapahayag, pasalita man o pasulat.

Gawain: Tungo sa Pag-unawa


Ngayon tingnan mo kung may natutunan ka sa kahalagahan ng wika, Piliin mo sa kahon
ng pilian ang letra nang tamang konseptong angkop sa bawat bilang na nagpapakita kung paano
nagging mahalaga ang wika.

a. Instrumento ng Komunikasyon
b. Nag-iingat at nagpapalaganap ng kaalaman
c. Nagbubuklod ng bansa
d. Lumilinang ng malikhaing pag-iisip

_____ 1. Nagagamit sa maliit at malalaking lebel upang magkaunawaan ang mga tao at mga bansa.
_____2. Patuloy na napapakinabangan ang mga akdang daan- taon na naisulat
_____3. Natuklasan ni Benjamin Franklin ang kuryente na napapakinabangan na ng lahat
_____4. Gumagawa ang ating imahinasyon sa pagbabasa ng mga akdang pampanitikan
_____5. Isinigaw ng mga aktibista ang Makibaka! Huwag matakot!

Kung 5 ang iskor mo - magaling at naunawaan mo ang aralin.


Kung 4-3 – may natutunan ka sa aralin
Kung 2- 2 – siguro mas mainam na pag aralan mo ulit ito
Kung 0 – hindi mo binasang mabuti, ulitin mo ang pag- unawa sa aralin.

ARALIN 2- Filipino bilang wikang pambansa


Kalikasan, proseso ng paglinang at konsepto
KALIKASAN
Sa artikulo XVI seksyon 6 ay nagsasaad ng ganito:

Ang wikang pambansa ng pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at
pagyamanin pa sa salig sa mga umiiral na wika sa pilipinas at sa iba pang mga wika.

Unawain natin ang probisyong ito-


Una, malinaw kung ano ang itatawag na wikang pambansa ng pilipinas, ito ang Filipino.
Ikalawa , ito ay isang wikang nasa proseso pa rin ng paglilinang.
Ikatlo, may dalawang saligan ng pagpapayabong at pagpapayaman sa wikang ito. Ang una ay ang
umiiral na wikain sa ating bansa o ang mga diyalekto at ang ikalawa ay ang iba pang mga wika o mga
wikang dayuhan na nakaimpluwensya sa ating kabisnan tulad ng Ingles, Kastila, Intsik at iba pa.
Ayon naman sa resolusyon 96-1 ng komisyon ng wikang Filipino ganito ang batayang
deskripsyon.
Ang Filipino ang katutubong wika na ginagamit ng buong pilipinas bilang wika ng komunikasyon
ng mga etnikong grupo. Katulad ng iba pang wikang buhay, ang Filipino ay dumaraan sa proseso ng
paglinang sa pamamagitan ng panghihiram sa mga wika sa pilipinas at mga di- katutubong wika at
ebolusyon ng iba’t ibang saligang sosyal at para sa mga paksa ng talakayan at iskolarling pagpapahayag.
Sa deskripsyon ng KWF, sinabi na ang wikang Filipino ay buhay at dahil buhay ito ay dinamiko.
Bigyang pansin din natin ang pariralang “sa pamamagitan ng panghihiram sa mga wika sa pilipinas at
mga di- katutubong wika”. Totoo namang nanghihiram ang wika natin sa mga di- katutubong wika o mga
wikang dayuhan. Sa panghihiram ng wika ay inaari na rin natin ang salitang ating hiniram na walang
pagbabago o may pagbabago sa baybay, katulad sa mga hiram sa Ingles na kompyuter, taxi, cellphone at
marami pang iba, ang mga ito’y Filipino na rin. Gayon din ang tsuper, kudeta mula sa france, pancit,
siopao, lomi mula sa Intsik; silya, libro, sibuyas mula sa kastila. Itinuturing na ring Filipino ang mga
salitang ito.

 Proseso ng paglilinang
Samakatuwid, ang Filipino ( 1987 Constitution ) ay hindi na Pilipino ( kautusang pangkagawaran
bilang 7, kagawaran ng edukasyon ) na batay sa tagalog.

Ano nga ba ang kaibahan ng Filipino sa tagalog at sa Pilipino?


 Tagalog ang wika sa Bulacan, Batangas, Rizal, Laguna, Quezon, Cavite, Mindoro, Marinduque,
ilang bahagi ng Nueva Ecija, Puerto Princesa maging sa Metro Manila. Kung gayon, ang tagalog
ay isang wikang natural at may mga katutubong itong tagapagsalita. Isa rin itong particular na
wika na sinasalita ng isa sa mga etnolingguwistikong grupo sa bansa na tinatawag na tagalog
(Constatino, sa Bernales, et al: 2002).
 Pilipino – ito ay nagging wikng pambansa noong 1959, dahil sa kalituhang ibinunga ng pagbatay
sa wikang pambansa sa tagalog noong 1937, naging madalas ang pagtukoy sa wikang pambansa
sa tagalog. Kaya nga sa bisa ng kautusang Pangkagawaran Bldg. 59, itinakda na tuwing tutukuyin
ang wikang pambansa, ito ay tatawaging Pilipino.

Samantalang, may mga miskonsepsyon pa rin sa wikang Filipino na kailangan nating


linawin. Una, ang pangalang Filipino ng ating wikang pambansa ay hindi galing sa Ingles na
Filipino na tawag sa ating mga mamamayan ng pilipinas. Hindi rin isang akomondasyong
pampolitika ang pagbabago ng pangalan ng wikang pambansa mula sa Pilipino sa Filipino.
Kinakailangang gawin iyon upang magkaroon ng kongkretong sagisag ng modernisasyong
pinagdaan ng ating wikang pambansa, tulad ng pagdaragdag ng walong letra sa alpabeto at ang
paglinang dito salig sa umiiral na wika sa pilipinas at iba pang mga wika.

 Konsepto
Kung gayon, ang pinakaesensya ng konsepto ng wikang Pilipino ay walang iba kundi ang
pagiging pambansang lingua franca nito. Bilang isang lingua franca, ito ang nagsisilbing
pangalawang wika ng higit na nkararami sa buong bansa na ating ginagamit sa
pakikipagtalastasan sa isa’t isa lalo na sa mga syudad. Kahit pa mayroon tayong kani- kaniyang
katutubo at unang wika gaya ng Cebuano, Ilokano, Pampanggo, Tausug, Kalinga at iba pa. Dahil
nga lingua franca, at pangalawang wika, nabubuo ang barayti nito bunga ng impluwensya n
gating kani- kaniyang wika sa paggamit nito.
B. Mga Gawaing pang- unawa
Sagutan mo ngayon ang mga katanungan tungkol sa araling pinag- aralan mo.
Isulat ang letra ng wastong sagot sa iyong sagutang papel.
_____ 1. Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay
a. Filipino b. Pilipino c. Tagalog
_____ 2. Alin sa mga sumusunod na salita ang salitang hiram na inangkin na natin?
a. Puto b. siopao c. biko
_____ 3. Ang tagalog ay isang wika rin at sinasalita ng mga
a. Bikolano b. Ilokano c. Tagalog
_____ 4. Ilang letra ang idinagdag sa ating makabagong Alpabeto?
a. 8 b. 11 c. wala
_____ 5. Ano an gating pambansang lingua franca?
a. Pilipino b. Filipino c. Tagalog

Kung tama lahat ang iyong sagot, binabati kita. Mahusay ka.
Kung 4-3 naman ang nakuha mong iskor. Katamtaman ang husay mo.
Kung 2-1 naman siguro hindi mo naunawaan ang aralin
Kung wala kang nakuhang tamang sagot, pakibalikan ang aralin upang maunawaan ito.

ARALIN 3- KASAYSAYAN NG WIKANG PAMBANSA


Ang ating bansa ay isa sa mga bansang may pinakamaraming dayalekto. Sa mahigit na pitong
libong pulo mayroon tayo, higit sa apat na raang iba’t ibang diyalekto o wikain ang ginagamit. Kaya nga
napakahirap ang pakikipag- ugnayan natin sa isa’t isa. Nagkaroon tuloy tayo ng suliranin sa pagkabuklod-
buklod at pagkakaisa.
Ang mga ito ang mga pangunahing dahilan kung bakit pinagsumikapan n gating magigiting na
ninuno na magkaroon tayo ng isang wikang pambansa at kung bakit ito nilinang at patuloy pa ring
nililinang hanggang sa kasalukuyan.
Pag- aralan mo ngayon ang ilan sa mahahalagang batas, kautusan, at mga proklamasyon.

Inihanay sa tatlong (3) kolum ang mga pangyayari, batayan, dokumento at petsa ng
pagkakaganap ng kasaysayan ng wikang pambansa.

Tingnan mo at unawain ang pagkakasunod- sunod ng pangyayari sa kasaysayan ng wikang pambansa.

Petsa / Taon Batayang dokumento Pangyayari


1897 Saligang batas ng Biak-na-Bato Tagalog bilang opisyal na wika ng
mga pilipino
1901 Batas 74 ng Phil. Commission Ingles bilang wikang panturo sa
mga paaralan
1931 Panukalang batas 577 na Gamitin ang katutubong wika
nilagdaan ng kalihim ng Public bilang panturo sa mga paaralng
Instruction primary simula SY 1932- 1933
1935 Art 9, sek 3 ng 1935 konstitusyon Pagpapatibay at pagpapaunlad
ng isang wikang pambansa na
ibabatay sa isa sa mga umiiral na
wika.
Nob. 13, 1936 Batas Komonwelt Blg. 184 Pagtatatag ng surian ng wikang
pambansa
Enero 12, 1937 Seksyon 1, batas Komonwelt blg. Hinirang ni Pang. Quezon ang
184 na susog ng batas kapulungang bubuo ng surian
komonwelt 333
Nob. 9, 1937 Resolusyon ng surian ng wikang Tagalog ang gagawing saligan ng
pambansa wikang pambansa
Dis. 30, 1937 Kautusang Tagapagpaganap blg. Ipinatupad ni Pang. Quezon ang
134 paggamit ng tagalog bilang
batayan ng wikang pambansa
Abril 1, 1940 Kautusang Tagapagpaganap blg. Pagpapalimbag ng diksyunaryo
263 Taglog- Ingles at Balarila ng
wikang pambansa para magamit
sa mga paaralan sa buong
kapuluan
1940 Kautusang pangkagawaran ni Sinimulang ituro ang wikang
Jorge Bocobo, kalihim ng pambansa sa mga paaralang
pagtuturong pambayan pampubliko at pribado noong
Hunyo 19, 1940
1940 Sirkular blg. 26 na nilagdaan ni Pagtuturo ng kursong Pilipino sa
Celedonio Salvador, director ng lahat ng nasa ikaapat at
edukasyon ikalawang antas ng mataas na
paaralan ng Normal ng Pilipinas
1940 Bulitin blg. 26 Nag- uutos na ang lahat ng
pahayagang pampaaralan ay
dapat magkaroon ng isang pitak
sa wikang pambansa
Hunyo 4, 1946 Batas komonwelt blg. 570 Inihayag na ang wikang
pambansa ay isa nang wikang
opisyal sa Pilipinas
Marso 26, 1954 Proklamasyon blg. 12 ni Pang. Pagdiriwang ng lingo ng wika
Ramon Magsaysay mula sa Marso 29 hanggang
Abril 4 bilang pagbibigay
kahalagahan sa kaarawan ni
Balagtas
Set. 23, 1955 Proklamasyon blg. 186 Nilagdaan ni Pangulong Ramon
Magsaysay ang proklama blg.
186 na nagsususog sa proklama
blg. 12 serye ng 1954 na nilipat
ang panahon ng pagdiriwang ng
Linggo ng Wikang Pambansa
taon- taon simula sa ika- 13
hanggang 19 ng Agosto.
Nakapaloob sa panahong ito
saklaw ang pagdiriwang ng
kaarawan ng dating M.L. Quezon
( Aug. 19 ) na siyang kinikilalang
Ama ng Wikang Pambansa
Agosto 13, 1959 Kautusang pangkagawaran Blg. 7 Ang wikang pambansa ay
tatawaging Pilipino
Nob. 1962 Kautusang pangkagawaran na Pagsasa- Pilipino ng mga
nilagdaan ni Pang. Diosdado sertipiko at diploma ng mga
Macapagal paaralan
Oktubre 24, 1967 Kautusang tagapagpaganap blg. Pagsasa- Pilipino ng mga
96 na nilagdaan ni Pang. Marcos pangalan ng gusali, edipisyo at
tanggapan ng pamahalaan.
March 27, 1968 Memoramdum sirkular blg. 96 Paggamit ng wikang Pilipino sa
na nilagdaan ni Rafael Salas, mga opisyal na komunikasyon sa
kalihim tagapagpaganap mga transakyon pampamahalaan
Agosto 7, 1969 Memo sirkular blg. 227, Nag- uutos sa mga pinuno at
nilagdaan ni Ernesto Maceda, kawani ng pamahalaan na
kalihim ng edukasyon dumalo sa mga seminar na
idaraos kaugnay ng exec. Order
187
Agosto 17, 1970 Memo sirkular blg. 384 na Pagsasama o inclusion sa mga
nilagdaan ni Alejandro Melchor, korporasyong ari o kontrolado
kalihim tagapagpaganap ng pamahalaan sa pagsasa
Pilipino ng kanilang
kominikasyon.
Bago o pagkatapos ng Resolusyon blg. 70 ng kilusang  Paggamit ng wikang
Pebrero 25, 1970 Pilipino ng pambansang lupon sa pambansa bilang wikang
edukasyon panturo sa lahat ng
paaralang elementarya.
 Paggamit ng wikang
Pilipino bilang panturo
sa mga kursong Rizal at
Phil. History sa lahat ng
kolehiyo at unibersidad
pampubliko man o
pribado.
Marso 16, 1971 Kautusan blg. 304 ni Pang. Pagsasarili o autonomy ng surian
Marcos ng wikang pambansa
Hulyo 29, 1971 Memo sirkular blg. 488 Pagdaraos ng palatuntunan sa
pagdiriwang ng Linggo ng Wika
sa lahat ng tanggapan ng
pamahalaan.
Disyembre 1, 1972 Kautusan panlahat blg. 17 Nilagdaan ni Pang. Marcos ang
kautusang nag- uutos na
limbagin sa Pilipino at Ingles sa
mga pahayagang may malawak
na sirkulasyon bago idaos ang
plebisito
Disyembre 1972 Probisyon ng saligang batas Nag- atas ang Pangulo Ferdinand
( Art. XV, sek. 3 ) sa surian ng wikang pambansa
na ang saligang batas ay isalin sa
mga wikang sinasalita ng may
limampung libong (50,000)
mamamayan.
Hunyo 19, 1974 Kautusang pangkagawaran Nilagdaan ni kalihim Juan
blg. 25 Manuel ng Edukasyon at kultura
ang kautusang ito na
nagtatadhana ng mga
panuntunan sa pagpapatupad ng
patakaran edukasyong bilinggwal

Hulyo 21, 1978 Kautusang pang minister Blg. 22 Nilagdaan ng Ministro ng


Edukasyon at Kultura na si Juan
Manuel ang kautusan na isama
ang Pilipino sa lahat ng
kurikulum na pandalubhasaang
antas. Ang lahat ng pangmataas
na edukasyong institusyon ay
magbubukas ng 6 na yunit sa
Pilipino, maliban sa mga kursong
pagtuturo na labindalawang (12)
yunit.
Agosto 12, 1986 Proklamasyon Blg. 19 Nilagdaan ni Pang. Corazon
Aquino ang proklamasyon na
kumikilala sa wikang pambansa
na gumawa ng napakahalagang
papel sa himagsikan na
nagbunsod ng bagong
pamahalaan. Ipinahayag din niya
na taon- taon, ang panahong
Agosto 13- 19 ay Linggo ng
Wikang Pambansang Pilipino
Pebrero 2, 1987 Artikulo XIV, Seksyon 6-9 Pinagtibay ang Bagong
Konstitusyon ng pilipinas, na
nagsasaad na Sek. 6. Ang Wikang
Pambansa ng Pilipinas ay
Filipino.
1987 Kautusan bilang 52 Pinalabas ng kalihim Lourdes R.
Quisumbing ng Departamentong
Edukasyon, kultura at palakasan
ang kautusang nag- uutos sa
paggamit ng Filipino bilang
wikang panturo sa lahat ng antas
sa mga paaralan kaalinsabay ng
Ingles na nakatakda sa
patakarang edukasyong
bilinggwal.
Agosto 25, 1988 Kautusang tagapagpaganap Nilagdaan ni Pang. Corazon
Blg. 335 Aquino ang kautusan na
nagtatagubilin sa bawat
departamento,
kawanihan,tanggapan ahensya
na pamahalaan na gumawa ng
mga kinakailangang hakbang
para sa paggamit ng wikang
Filipino sa mga opisyal na
transaksyong komunikasyon at
korespondensya.
Setyembre, 1989 Kautusang pangkagawaran Pinalabas ng kalihim Lourdes
Blg. 84 Quisumbing ng Edukasyon na
nag- aatas sa lahat ng opisyal ng
DECS na isakatuparan ang
kautusang tagapagpaganap
blg.335
Marso 19, 1990 Kautusang pangkagawaran Pinalabas ng kalihim Isidro
Blg. 21 Carino ng Department of
Edukasyon ang kautusan na
nagtatagubilin na gamitin ang
Filipino sa pagbigkas ng
panunumpa ng katapatan sa
saligan batas at sa bayan natin.
1996 CHED Memoramdum Blg. 59 Ito’y nagtatadhana ng 9 na yunit
na pangngailangan sa Filipino sa
pangkalahatang edukasyon
1997, Hulyo Proklama Blg. 1041 Nilagdaan at pinalabas ni Pang.
Fidel Ramos na nagtatakda na
ang buwan ng Agosto taon- taon
ay magiging Buwan ng Wikang
Filipino.
2001 Komisyon ng Wikang Filipino Ipinalabas ang 2001 revisyon ng
Ortograpiyang Filipino at
patnubay sa Ispeling ng Wikang
Filipino.
2006 Komisyon ng Wikang Filipino Sinuspinde muna ang paggamit
ng 2001 Revisyon ng
Ortographiyang Filipino at
patnubay sa Ispeling.
2009 Komisyon ng Wikang Filipino Inilabas ang bagong Gabay sa
Ortograpiyang Filipino at
isinantabi na ang 2001 Revisyon.
2013 CHED Memoramdum 20 s. 2013 Opisyal na pinatupad ng CHED
ang bagong listahan ng mga
kurso ng General Education
Curriculum sa Kolehiyo, mula 60
yunit na kurso ay ginawa na
lamang itong 36 yunits. Dahil
dito sa pagbabagong sitwasyon
ng polisiyang pangwika ay
nakipaglaban ang TANGOL WIKA
upang mapanatili ang Filipino sa
kolehiyo. Dahil naipagpatuloy
ang pagtuturo ng Filipino sa iba’t
ibang kolehiyo at pamantasan.

Panimulang pagsusulit (PRETEST) or Formative Test


Ngayon naman ay sasagutin mo ang ilang katanungan tungkol sa aralin.

Ibigay o isulat ang hinihiling na impormasyon sa bawat bilang.


1. Ito ang ginawang wikang opisyal ng Saligang Batas ng Biak-na-bato.

2. Anong batas naman ang nagsabi sa Ingles ang gawing panturo sa bawat paaralan?

3. Ano ang panahong itinalaga ni Pang. Corazon Aquino bilang Linggo ng Wikang Pambansang
Pilipino?
4. Ano naman ang nilagdaan at ipinalabas ni Pang. Fidel Ramos na Proklama Blg. 1041

5. Anong artikulo at seksyon n gating konstitusyon ang nagsasaad na ang wikang Pambansa ng
pilipinas ay Filipino?

Tingnan natin kung wasto ang mga kasagutan mo.

Ilan ang tamang mong kasagutan? Kung


5- Mahusay ka
4-3 – katamtaman ang galing mo
2-1 – unawain mo pa ang aralin
0 – basahin at unawaing muli ang aralin
Gawaing Pagtataya (Summative Test)
Paalaala: Dapat gumawa ka ng e-mail upang malaman ko na sa iyo ang pagtataya. Ipadala mo ito sa
aking e-mail epventaep@gmail.com. Sa pamamagitan nito ay mawawasto ko ang iyong kasagutan.
Bibigyan kita ng tatlong (3) araw upang maisagawa ito. Ipapasa mo ito sa akin sa ika-apat na araw bago
sumapit ang ikatlo ng hapon dapat makuha ko na ito. Kung hindi ko ito matanggap bago ang ikatlo ng
hapon, ikokonsidera ko na itong 0 (zero). Kung ganoon wala kang marka o 0 ang marka mo sa unang
modyul.

Gawaing Pang-unawa (Summative Test)


Bumuo ng repleksyon na binubuo ng 50 salita na magbibigay kahulugan sa kahalagahan ng wika.
Paano kaya nabubuklod ng wika ang ating bansa lalo na ngayon sa panahon ng pandemya
Gamitin ang bansa natin bilang sentro ng iyong repleksyon.

Tungo sa Paglalapat
Bilang mag-aaral, paano mo mabibigyang buhay ang pagiging isang Pilipino sa paggamit ng wikang
Filipino

_____________________________________________________________________________________
_____________________________________________________________________________________
_____________________________________________________________________________________

Patotohanan kung gaano kahalaga ito.

Sa Sarili Sa Kapwa Sa Lipunan

Gawain 3: Tungo sa Pananaliksik:


Humanap ng isang maikling video na tumatagal lamang ng 5-10 minuto na nagpapakita ng tungkol sa
kahalagahan at kapangyarihan ng wika ngayong panahon ng Covid-19 sa Pilipinas.

Ipaliwanag ito sa pamamagitan ng 10-15 pangungusap na ang pokus ay ang pagiging makapangyarihan
ang wika
PAMANTAYAN SA EBALWASYON O PAGTATAYA RUBRIK

Buo Ang Kaisipang Ipinapahayag 25%


Malinaw ang pagpapaabot ng 25%
mensahe
Taglay ang kasiningan ng mga 25%
salitang ginamit
Maayos ang daloy ng kaisipan 25%
mula simula haanggang
katapusan
Kabuuan 100%

Mga Sanggunian:
Acopra J., Soriano MAL., RUIZ MJ et al (2018), Kontekstwalisadong Filipino sa Malayuning
Komunikasyon, Intramuros, Manila: Mindshapers Co., Inc.
Austero C., Mateo E., Suguran T., et al. (2014), Komunikasyon sa Akademikong Filipino. Sta. Mesa,
Manila: Rajah Publish A., ing House
Bernales R., Bernardino E., Cantillon A., et al. (2014) Wika at Komunikasyon sa Nagbabagong Panahon,
Potrero, Malabon City: Mutya Publishing House, Inc.
Bernales R., Angeles C., Balanza MA., et al. (2013) Akademikong Filipino para sa kompetetibong Pilipino.
Potrero, Malabon City: Mutya Publishing House, Inc.
Espique, F., (2018) Pagpapayaman sa kaalaman, komunikasyon at pananaliksik sa wika at kulturang
Pilipino. Quezon City. Lorimar Publishing, Inc.
Mangahis, J., Nuncio R., Javillo C., (2008) komunikasyon sa Akademikong Filipino. Quezon City:
C&E Publishing, Inc.

You might also like