Professional Documents
Culture Documents
AP-8 Q1Modyul 2
AP-8 Q1Modyul 2
HEOGRAPIYANG PANTAO
Ang pag-aaral sa heograpiya ay hindi lamang sumasakop sa pisikal na
katangian ng mundo, mayroon itong sangay na tinatawag na Heograpiyang
Pantao o Human Geography.
Nakatuon ang Heograpiyang Pantao sa interaksyon ng tao sa kanyang pisikal kapaligiran (Murphy
2011). Kaya naman
pinag-aaralan dito ang distribusyon at ugnayan ng mga tao dito sa daigdig. Ang
mga halimbawang sitwasyon sa ibaba ay nagbibigay sa atin ng ideya sa
kahalagahan ng pag-aaral sa Heograpiyang Pantao
:
1. Ang relasyon ng pisikal na katangian ng mundo sa kabuhayan o
ekonomiya ng tao. Halimbawa, makikita natin ito kung paano ginagamit
ng mga tao ang likas na yaman sa daigdig para magkaroon sila ng
makukunan ng pagkain o trabaho.
2. Ang papel ng pisikal na katangian ng mundo sa kultura ng iba’t ibang
tao. Halimbawa, sa mga Isnag ng mga Apayao, mayroon silang
tradisyon na “lapat”, kapag ang isang kagubatan o lupain ay idineklarang
isang “lapat”, hindi ito pwedeng pasukin ng mga tao sa komunidad. Dahil
dito napapanatili ang likas na yaman sa lugar dahil hindi ito nagagalaw
ng mga tao. (Adriano 2015)
3. Ang papel ng pisikal na katangian ng mundo sa pulitika at pamamahala
ng mga bansa o maliliit na komunidad. Halimbawa, mahalaga ang
pagtutulungan ng mga lider ng Baguio at mga munisipyo ng Benguet
para maibalik ang dating sigla ng Ilog Balili. (Almirol 2020)
4. Ang papel ng pisikal na katangian ng mundo sa kalusugan ng mga tao.
Halimbawa, may mga virus na nakakapagdulot ng sakit sa mga tao, ang
nakukuha mula sa mga endangered animals dala ng hindi tamang
paghuli at pakikipagkalakalan sa mga ito. (Moulds 2020)
KULTURA
Ayon sa National Geographic, ang Kultura ay tumutukoy sa mga
pagkakilanlan na pinagsasaluhan ng isang pangkat ng mga tao. Sumasaklaw
ito sa kanilang lugar ng kapanganakan, relihiyon, wika, lutuin, mga pag-uugali
sa lipunan, sining, panitikan, musika at marami pang iba. Maaaring ang kultura
ay laganap sa malaking bilang ng mga tao, nauugnay sa ang kanilang mga
sarili sa mga partikular na halaga, paniniwala, at pinanggalingan. Maaari din
naman na na ito ay pagkakakilanlan ng isang maliit na bilang ng mga tao na
nakikilala sa kultura na iyon. Halimbawa, inuugnay ang pagkain ng noodles sa
mga Asyano, pero katotohanan din na iba’t ibang grupo ng Asyano ay may iba’t
ibang pamamaraan ng pagluto ng pansit na pagkakakilanlan ng isang grupo sa
Asya. Ngunit, dapat tandaan na ang halaga ng kultura ay hindi matutukoy sa
laki o liit nito. Ang isang kultura ay maaaring laganap o pinapangalagaan
lamang ng ilang tao sa isang maliit na rehiyon. Maaaring ito ay
pinanghahawakan ng iba’t ibang tao, kahit ano pa man ang kinabibilangang
bansa, estado sa lipunan, kasarian, edad sa buhay at kung anu-ano pa. Ang
kultura ay maaaring manatili o magbago sa paglipas ng panahon. At mula noon
hanggang ngayon, ang kahalagahan nito ay nagsisilbing pagkakakilanlan ng
ating sarili, ng iba’t ibang grupo ng tao at humuhubog din sa pandaigdigang
pamayanan.
LAHI o RACE
Isa sa mga batayan ng pagkakakilanlan ng mga tao ay ang konsepto ng
Lahi o Race. Ayon sa Encyclopedia Britannica, ang Lahi o Race ay konseptong
umusbong noong 17th siglo bilang pamamaraan ng pagbibigay ng
klasipikasyon ng mga grupo ng tao batay sa mga pangkaraniwang pisikal na
katangian panganatomiya ng mga tao. Ang limang kategoryang ito ay
inimbento ni Johann Blumenbach, isang German doctor, noong 1824. Hinati
niya ang sangkatauhan sa limang “varieties”: American, Malay, Ethiopian,
Mongolian at Caucasian (Takezawa Y. 2020).
Ang konsepto ng lahi o race ay may iba’t iba ring interpretasyon ng iba’t
ibang grupo ng tao. Sa United States, ilang tao ay ibinabase ang lahi sa kulay
na balat, buhok, porma ng mata atbp. Ang ilang grupo naman ay ibinabase sa
kontinenteng pinaggalingan ng isang tao tulad ng Asyano, Europeo o Aprikano.
Ang iba naman ay ibinabase ito sa wika ng ilang grupo tulad ng lahi ng mga
Arabo o batay sa relihiyon tulad ng lahi ng mga Jews. Isang epekto ng
pagpapangkat-pangkat ng mga tao batay sa lahi ay diskriminasyon dala ng
kulay ng balat o dala ng pagkakaiba ng anatomiya. Kaya naman hanggang
ngayong ika-21 siglo, ang mga siyentista ay wala pa ring napagkasunduan na
unipormeng basehan ng lahi o race. At ang mga patuloy na pagsasaliksik sa
biology, ipinapakita ng mga DNA analyses na ang sangkatauhan ay
nagpapakita ng masmalaking pagkakatulad ng mga tao kaysa sa pagkakaiba
batay sa natukoy na mga lahi (Takezawa Y. 2020).
PANGKAT ETNIKO
Isa pang pagkakakilanlan ng mga grupo ng tao ay ang kinabibilangan
nitong Pangkat Etniko. Kung ang lahi ay batay sa anatomiya ng tao, ang
pangkat etniko naman ay base sa kinabibilangang komunidad ng isang tao na
may pagkakakilanlan base sa kanilang kultura, wika, pinagmulang pamilya o
lugar ng kapanganakan (Donovan 2019). Isang pagkakakilanlan ng mga
Japanese ay ang kanilang kimono na tradisyunal nilang damit. Halimbawa dito
sa Pilipinas, mayroon tayong 110 pangkat etniko batay sa wika ng kanilang
pangkat o tinatawag din na ethno-linguistic group (UNDP 2013). Dito sa atin sa
Cordillera nariyan ang Ibaloi ng Benguet, Kankana-ey ng Mountain Province,
Isnag ng Apayao, Itneg ng Abra at marami pang iba. Maaaring nakatira na sila
sa ibang lugar ngunit patuloy pa rin nilang dala-dala ang pagkakakilanlan ng
kanilang pangkat kaakibat ng kanilang wika at tradisyon.
WIKA
Ang wika ay itinuturing na kaluluwa ng isang kultura, kaya naman isa rin
itong pagkakakilanlan ng mga grupo ng tao. Naranasan mo na ba na magawi
sa isang lugar na hindi mo alam ang kanilang wika? Ano kaya ang
mararamdaman mo kapag nakarinig ka ng lenggwahe na nauunawaan mo?
Marahil makakaramdam ka na mayroon ka palang kakilala o kasamahan dala
ng pagkakatulad niyo ng kaalaman sa wika. Kaya naman, sa buong mundo,
wika ang isang saligan ng pagkakaunawaan ng mga tao. Mayroong 7105 na
buhay na lenggwahe sa buong mundo at mayroon namang 136 na language
family – pinagmulan ng mga lenggwahe sa daigdig (DepEd BLR 2015). Ang
wika ang siyang ginagamit ng mga tao para maipasa ang kultura sa isang tao
at sa iba pa. Kasama ng pagpasa dito ang kaalaman, teknolohiya, paniniwala,
sa susunod na henerasyon na magpapatuloy sa pagkakakilanlan ng pangkat.