Kabanata 1 Sa Kubyerta

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 3

Kabanata 1: Sa Kubyerta

(talata bilang 1-70)


1 Isang umaga sa buwan ng Disyembre, ang bapor na Tabo ay naglalakbay sa Ilog Pasig papunta sa Laguna. Ang bapor na ito ay tinatawag na Tabo dahil ito ay
may pagkakahawig sa isang tabo.
2 Ang sasakyang ito ay daong ng pamahalaan at nasa ilalim ng pamamahala ng mga Reverendos at Ilustrisimos.
3 Ang sasakyang ito ay inihahambing sa isang naghahari-harian na ibig mag-utos nang pabulyaw. Binabalaan ng bapor na ito ang lahat ng masalubong, kung
minsan ay parang ibig lansagin ang mga salambawa, mga kagamitan sa pangingisdang hindi gaanong matatag kung kumilos ay tila mga kalansay ng mga higante
na yumuyukod sa isang pagong noong hindi pa nagdidilubyo. Kung minsan naman, ang pagsunod sa animo'y landas na ibinubukas ng ilog sa punong kawayan.
Ang bapor ay naglalayag nang lubos na kasiyahan hanggang ito ay sumadsad sa isang mababaw na putik na inaakala ng sinumang manlalakbay.
4 Sa ilalim ng kubyerta ay matatagpuan ang mga Indio, mga Íntsik mestiso; Sa itaas, na nalililiman ng habong, ay matatagpuan manlalakbay na nangakaupo sa
magiginhawang silya, ang nakasuot-Europeo, mga prayle, mga opisyal at kawani ng na tinitingnan ang mga tanawin habang nagtatabako.
5 Ang kapitan ay isang taong nagtataglay ng anyong may kabaitan. Noong kanyang kabataan, nakapaglakbay na siya sa malawak sakay ng isang matuling
sasakyang pandagat. Dahil minsan ang nadaraanan ng bapor ay maputik, maya-maya'y inihihinto ng kapitan ang bapor. Ang kapitan ay inihalintulad sa isang
beterano na matapos mamatnubay sa mga tao sa mapanganib na mga paghahamok ay naging tagapag-alaga na lamang sa kanyang pagtanda ng isang batang
lalaking sumpungin, hindi masunurin at tamad.
pabulyaw- pasigaw
linsagin- wasakin
paghahamok- paglalaban
6 Si Donya Victorina, na isang nerbiyosang babae, ay ang tanging ginang na nakaupo sa pangkat ng mga kalalakihan. Pinupuna niya ang mga bangka at mga
balsa ng niyog, sa mga indiong namamangka at sa mga labandera at nayayamot sa mga nagsisipagligo dahil sa kasayahan at kaligayahan ng mga ito.
7 Si Don Custodio na hindi marunong mapagod ay nakatutulog nang mahimbing at nasisiyahan sa lahat ng kanyang ipinahahayag. Naroon din ang kanonigong
si Padre Irene na nagbibigay-ningning sa mga pari dahil sa kanyang panlabas na kaanyuan. Naroon din ang isang napakayamang si Simoun na nagsabing siya
ay sanggunian at tagapagbigay-sigla sa lahat ng gawain ng kanyang kamahalan.
8 Ang kainitan ng ulo ni Donya Victorina ay lalong lumalala sa bawat pagsigaw ng kapitan ng "BABOR! ESTRIBOR!” sabay ng mabilis na pagbunot sa
kanilang mahabang tikin upang isaksak sa kaliwa o kanang pampangin sa tulong ng malałakas nilang mga paa at balikat at nang maiwasan ang pagbangga ng
katawan ng bapor sa panig na iyon.
bapor- kaliwang tagiliran ng bapor
estribor- kanang tagiliran ng bapor
tikin-mahabang kawayan para sa pagpapalakad ng bangka
timonel- tagagabay sa barko
9 "Ngunit, kapitan, bakit ang iyong mga hangal na timonel ay gumagawi sa dakong iyon?” ang tanong ng ginang na lubhang nayayamot.
10 "Sapagkat doon po napakababaw, Ginang,” ang mabąnayad na sagot ng kapitan na kasabay ang mabagal na pagkindat ng mata. Kinagawian na ng kapitan
ang ganitong simpleng pag-uugali na parang nagsasabi sa mga salitang namumutawi sa kanyang mga labi nang "Marahan, marahang-marahan!”
11. "Kaunting tulin ng makina, aba kaunting tulin ng makina!” ang tutol na parinig ni Donya Victorina. "Bakit hindi buong tulin?”
12. "Pagkat maglalagos po tayo sa palayang iyan, Ginang,” ang sagot ng hindi nababahalang kapitan na ininguso ang bukirin, kasabay ng magkasunod na
pagkindat nang banayad.
13. Kilalang-kilala sa kapuluan si Donya Victorina dahil sa kanyang kasagwaan at walang taros na paghingi sa lahat ng kanyang naisin. Siya ang nagsilbing
tagapangasiwa kay Paulita Gomez, isang napakaganda at mayamang dalagang naulila sa ama't ina. Matanda na si Donya Victorina nang makapag-asawa kay
Don Tiburcio. Sa tagal ng panahon ng kanilang pagsasama ay laging siya ang nasusunod. Talagang napakatiyaga at napakabait ni Don Tiburcio hanggang sa
hindi
na siya nakatiis ay nahambalos niya si Donya Victorina ng kanyang baston. Nang manumbalik ang kanyang hinahon ay nag-ala-Ulises itong tumakas.
14 Nang sandaling iyon, dahil sa paliku-likong agos ng ilog, ay napag-usapan nila ang pagtuwid nito at gaya ng dapat mahintay, ang mga gawain ng Obras del
Puerto.
15 Si Ben Zayb, ang manunulat na mukhang prayle, ay nakipagtalo sa isang batang pari na si Padre Camorra na mukha namang artilyero. Kapwa sila malakas
magsalita, kumumpas ng kamay, pumadyak, tumukoy sa mga nivel, sa mga baklad ng isda, sa ilog ng San Mateo, sa mga indio at sa iba't ibang mga bagay na
ikinasiya ng nagsisipakinig sa kanila.
nivel-kasangkapan para maging maayos o pantay ang isang bagay
16 Ang payat namang Pransiskano na nakaunawa sa ngiti ng Dominiko ay nakisabat upang mamagitan sa pagtatalo.
17 “Nalalaman mo ba kung sino ang pantas sa mga agham, Ben Zayb?” ang sabi ng Pransiskano sa tinig na parang nanggagaling sa yungib. Ito ay hindi halos
kumikilos sa kanyang upuan at halos hindi kinukumpas ang kanyang mga yayat na kamay. “Naririyan sa lalawigan ang Puente del Capricho na ginawa ng isa
naming kapatid at hindi natapos sapagkat ang mga taong pantas sa agham, sa panawagan ng kanilang teorya, ang namintas sa tulay na ito at diurnano'y hindi
matatag at may kahinaan. Ngunit tingnan ninyo at ang tulay na iyan ay nakikipaglaban sa lahat ng mga baha at lindol."
pantas-henyo
18 "Iyan, putris! Iyan nga ang talagang sasabihin ko!" ang naibulalas ng paring mukhang artilyero na napasuntok nang makailan sa silyang kawayan." Iyan ang
Puente del Capricho at mga taong pantas sa mga agham; iyan ang ibig kong sabihin, Padre Salvi, putris!"
19 Si Ben Zayb ay hindi makakibo at halos napapangiti, marahil ay dahil walang malamang sagot, gayong siya ang tanging may ulong nag-iisip sa Pilipinas.
20 Ang prayleng payat at nangangalirang na si Padre Salvi, wari'y nasisiyahan sa gayong pagpipitagan, ay nagpatuloy sa gitna ng katahimikan: "Hindi, ang ibig
sabihin nito ay wala kang gaanong katwiran na gaya ni Padre Camorra, sapagkat ang sama ay nasa lawa."
21 "Mangyari ay wala ni isa mang maayos na lawa sa lupaing ito," sabad ni Donya Victorina na namuhi at nagtangka na namang manlusob na muli upang
pumasok sa kuta.
22 Nagkatinginan at kinilabutan ang mga nakukubkob, ngunit pumatlang ang mag-aalahas na si Simoun na kasimbilis ng isang heneral. "Ang lunas ay
napakadali," ang sabi niya sa isang hindi pangkaraniwang tinig, magkahalong Ingles at Latin-Amerikano, "at sa katotohanan ay hindi ko malaman kung bakit
wala ni sinumang nakaisip nito."
23 Lahat ay napabaling sa kanya upang makinig na mabuti, pati ang Dominiko. Ang mag-aalahas ay isang lalaking mataas, matipuno at may kayumangging
balat. Nakasuot siya ng damit-lngles at nakabastipol na parang salakot na timsim. Ang nakatatawag-pansin sa kanya ay ang mahahaba at mapuputing buhok, na
nagpapatingkad sa kanyang maitim at madalang na balbas, bagay na nagpapakilala ng kanyang pagkamestiso. Parati siyang gumagamit ng malalaking salamin
na may kristal na matingkad na bughaw, na lubos na tumatakip sa kanyang mga mata at bahagi ng pisngi at nagbibigay-anyong bulag o may sakit sa mata.
napabaling- napalingon
napabastipol- subrero
24 "Ang lunas ay napakadali," ang ulit niya, "at walang magugugol na anuman."
25 Nag-ibayo ang pagmamatyag. Sinasabi sa mga lipunan sa Maynila na ang lalaking ito ang siyang nakapangyayari sa Heneral at ang lahat ay nagpapalagay
na ang lunas ay malapit nang maisagawa. Pati na si Don Custodio ay napalingon.
pagmamatyag-pagmamasid
26 "Humukay ng isang tuwid na kanal buhat sa bunganga ng ilog hanggang sa labasan at paraanin sa Maynila; alalaong baga'y magbukas ng isang bagong
ilog sa pamamagitan ng paggawa ng kanal at sarhan ang dating Ilog Pasig."
27 Ang panukalang ito ay nakalito sa halos lahat ng naroroon na hirati sa mga lunas na nagpapauntol lamang ng sakit.
panukala-mungkahi
28 "Isang panukalang yankee!" ang puna ni Ben Zayb na nais mabigyang-lugod si Simoun. Ang mag-aalahas ay lumagi nang mahabang panahon sa Amerika
del Norte.
29. Ang lahat ng nagpapalagay na katakataka ang panukala ay napatango na lamang ng kanilang ulo. "Ipagpaumanhin mo, Ginoong Simoun, ang iginagalang
kong kaibigan, kung aking sabihing ito ay napakaraming kuwalta ang magugugol at marahil ay mapipilitan tayong sumira ng mga kabayanan." Ito ang naging
pagtutol ni Don Custodio sa panukala ni Simoun.
30 "Kung gayon, sumira!" ang ganting tugon ni Simoun.
31 "At ang salaping ibabayad sa mga manggagawa?"
32 "Huwag silang bayaran! Gamitin ang bilanggo at bihag.. ."
33 "Aba! Hindi makasasapat, Ginoong Simoun!"
34 "Puwes, kung hindi sasapat, ang buong bayan, ang mga matatanda, ang mga kabataan, at ang mga bata ay pagawain ng tatlo, apat, o limang buwan ukol sa
pamahalaan. Bukod dito, ay pilitin ang bawat isa sa kanilang magdala ng pagkain at kagamitan na kakailanganin."
35 Nasisindak na lumingon si Don Custodio upang tingnan kung may kalapit na Indio na maaaring makarinig sa kanilang pinag-uusapan. Sa kabutihang-palad
ang nangaroon ay magsasaka at dalawang timonel na waring abalang-abala gawa ng paliko-likong ilog.
36 "Ngunit, Ginoong Simoun…”
37. "Huwag ninyong lokohin ang inyong sarili, Don Custodio,” ang patuloy na walang sigla ni Simoun. "Sa ganyang paraan lamang maisasakatuparan ang
malalaking gawain sa munting gugol. Ang mga matatanda, mga kabataan, at mga bata ang gumagawa - naghahakot, tumatapyas, at nagpapasan ng bato, at
ito'y sa ilalim ng pamamatnugot ng latiko ng pamahalaan. Ang paggawa ng piramide ng Ehipto, ang Koliseo ng Roma at ang lawa ng Moeris ay natapos at
ngayon ay ating hinahangaan ang mga naisagawang panukala, naglakbay tayo sa Ehipto at sa Roma, pinupuri natin ang mga faraon at ang angkan ni
Antonina... Huwag ninyong lokohin ang inyong sarili; ang mga patay ay namamalaging mga patay at tanging ang malakas ang siya lamang binibigyang
matuwid ng panahong darating."
tumatapyas-humiwa ng palihis
38 "Ngunit, Ginoong Simoun, ang ganyang mga paraan ay maaaring magbunga ng mga kaguluhan," ang puna ni Don Custodio.
39 "Mga kaguluhan, ha! ha! Nag-alsa na ba kahit minsan ang bayang Ehipto? Nag-alsa na ba ang mga bilanggong Hudyo laban sa banal na si Tito? Tao kayo,
akala ko ay lalo kayong nakauunawa ng kasaysayan!"
40 "Maliwanag na ang Simoun na yaon ay labis na mapagpanggap o dili kaya ay walang pitagan nang ipamukha kay Don Custodio na siya ay walang alam sa
kasaysayan. Hindi siya nakapagpigil nang sabihin niyang, "Ngunit ang iyong kaharap ay hindi mga Ehipto o mga Hudyo," pahayag ni Don Custodio.
41 "At ang lupaing ito ay hindi miminsang naghimagsik," ang dugtong ng Dominiko na may pagkakimi. "Sa mga panahong ang mga tagarito ay pinipilit na
maghakot ng malalaking kahoy upang gawing mga daong, kung hindi dahil sa mga pari..."
pagkakimi-pagkamahiyain
42 "Ang mga panahong yaon ay malayo na," ang tugon ni Simoun. "Ang mga pulong ito ay hindi na muling maghihimagsik, bigyan man sila ng lalong
maraming gawain at patawan man sila ng lalong mataas na buwis."
43 "Hindi ba at pinupuri ninyo, Padre Salvi," ang daing niya. "Ang bahay at pagamutan sa Los Banos na ngayo'y kinaroroon ng kanyang kamahalan?"
44 "Puwes, hindi ba sinabi ninyo sa akin na ang dalawang gusaling iyon ay itinayo sa pamamagitan ng pagpilit sa mga taong taga ibang bayan na gumawa
roon sa ilalim ng latiko ng isang uldog?”
uldog-karaniwang tao na kapatid sa pananampalataya ng mga pari
45 "Hinding-hindi," ang sabi ni Simoun. "Ang nasabi ay nasabi na. At kayo, Padre Sibyla, ay huwag nang magsalita ng Latin at ng mga kabalbalan. Ano ang
kabuluhan ninyong mga prayle kung ang bayan ay maaaring maghimagsik?" Hindi pinansin ni Simoun ang mga pagtutol at siya'y nanaog sa isang maliit na
hagdan patungo sa kubyerta.
46 Namutla si Padre Sibyla, hindi niya akalain na pagsasabihan siyang nagsasalita ng kabalbalan. Pati na rin si Don Custodio. Hindi siya kailanman nakatagpo
ng gayong kalaban.
47 "Isang mulatong Amerikano!" naibulalas niya nang paungol.
mulato- anak ng isang Amerikanong puti at isang negro
48 "Indiong Ingles!" ang puna ni Ben Zayb sa mahinang tinig.
49. "Siya ay Amerikano ang sabi ko sa inyo, na kung itong aking mabatid," tugon ni Don Custodio. "Iyan ay nasabi sa akin ng Kamahalan. Upang makaganti
ng utang na loob ay pinaparito siya para mabigyan ng pagkakataon na madagdagan ang kanyang kayamanan sa pamamagitan ng pagtitinda ng brilyanteng...
huwad. Ano ang malay natin! At siya ay isang taong napakawalang utang na loob na matapos na makuha ang kuwalta ng mga Indio ay ibig pang... “Hu!”
huwad-hindi totoo
50 Walang sinuman ang nakapangahas na makisali sa gayong mga pasaring. Si Don Custodio, kung kanyang maiibigan, ay maaaring makipaghidwa sa
kanyang kamahalan ngunit si Ben Zayb, ni si Padre Irene, ni si Padre Salvi at ni ang hinamak na si Padre Sibyla ay kulang ang tiwala sa bait ng iba.
pasaring-parinig
51 "Ang totoo ay sapagkat ang ginoong ito, palibhasa'y isang Amerikano, ay tiyak na nagpapalagay na tayo'y tumutukoy sa mga Indio sa Amerika... At
talakayin ang bagay na ito sa isang bapor pa naman! Pilitin at gipitin ang mga tao!... At iyan ang nagpayo na magpapadala ng ekspedisyon sa Carolinas at ng
kampanya sa Mindanao na siyang magbibingit sa atin sa karumal-dumal na karukhaan... At siya ang nagkusang tumulong sa pamamahala sa pagyari ng
crucero (sasakyang pandigma), at sinabi ko, ano ang malay ng isang magaalahas, kahit anong yaman at bihasa niya sa mga pagyari ng mga sasakyang dagat?"
52 Sinabi ito ni Don Custodio na may pagpaparinig kay Ben Zayb. Si Padre Irene ay ngumiti na lamang nang patago.
53 "Sinasabi ko sa inyo," ang patuloy ni Don Custodio. "Ang lahat ng sama rito ay hindi nagmumula sa hindi pagsangguni sa mga
ginoong naninirahan sa lupaing ito nang mahabang panahon. Isang panukala na pinalamutian ng mapalabok na mga salita at lalung-lalo na ng isang malaking
gugulin, ng isang guguling may mga halagang napakalaki ay nakasisilaw at tinatanggap kaagad... dahil dito...!"
pinalamutian-dinekurasyunan
54 "Kaipala ay ganyan nga, ganyan nga marahil," ang sa palagay ni Ben Zayb ay dapat niyang isagot gawa ng kanyang pagkamamamahayag na kailangang
makaalam ng lahat.
55 "Tingnan ninyo, bago simulan ang mga gawain sa daungan ay nagharap ako ng isang panukalang orihinal, walang rangya, kapaki-pakinabang, matipid at
maisasagawa upang linisin ang mahabang gulud-guluran ng buhangin sa Laguna (barra de la Laguna), at hindi ito tinatanggap o pinagtibay sapagkat wala nito
sa lawa!"
walang rangya-walang ayos
56 “At maaari bang malaman kung ano iyan?”
57 “Aba!” ang naibulalas ng isa’t isa samantalang nagsisilapit at sumisiksik upang makinig. Ang mga panukala ni Don Custodio ay tanyag na katulad ng mga
siyentipiko ng mga medikong Lucas.
medikong Lucas-ito ang tawag sa mga albularyo noong panahon ng Kastila
58 Halos hindi ibig ipaalam ni Don Custodio ang panukalang ito sapagkat nagdamdam siya gawa ng hindi niya pagkakaroon ng mga kasang-ayon sa kanyang
mga pasaring laban kay Simoun. "Kapag walang panganib ay ibig ba ninyo akong magsalita? At kapag mayroon naman ay bakit hindi kayo kumikibo?"
59 Matapos ang pag-ubo ni Don Custodio ay tinanong niya si Ben Zayb. "Nakakita na ba kayo ng mga pato?"
60 "Sa palagay ko... nakabaril kami ng mga iyan sa lawa," ang alanganing sagot ni Ben Zayb.
61 "Hindi, hindi ako tumutukoy sa mga patong bundok; tumutukoy ako sa mga maaamo, yaong inaalagaan sa Pateros at sa Pasig. At nalalaman ba ninyo kung
ano ang kanilang kinakain?"
62 Hindi ito nalalaman ni Ben Zayb, ang tanging ulong nag-iisip, hindi siya naggugugol ng panahon sa ganitong hanapbuhay.
63 "Mga susong maliliit!" ang ulit ni Don Custodio na iginalaw ang hintuturo. "At alam ba ninyo kung saan kinukuha ang mga susong maliliit na iyan?"'
64 Ito'y hindi rin nalalaman ng ulong nag-iisip.
65 "Puwes, kung ang mga taong itinira ninyo sa lupaing kasinluwat ng sa akin, ay malalaman ninyong ang mga susong maliliit na ito ay kinukuha sa
mahabang gulud-guluran ng buhanging nabanggit na. Doon ay sagana at kahalo ng buhangin ang mga susong ito."
66 "At iyong panukala?" ang tanong ni Ben Zayb.
67 "Iyan ang tutukuyin ko. Pipilitin kong ang lahat ng bayang magkakanugnog at kalapit ng mahabang gulud-guluran na mabuhangin ay mangag-alaga ng
pato at makikita ninyo kung papaanong ang mga hayop na ito, sa kanilang sarili lamang, ay mapapalalim ang gulud-gulurang ito sa pamamagitan ng
panginginain ng susong maliliit... Ganyang-ganyan... ganyang-ganyan nga!"
68 Si Don Custodio ay nagbukas ng dalawang bisig at nalulugod na nagmasid sa pagkagitla ng mga nakikinig.
69 "Mapahihintulutan ba ninyo akong sumulat ng isang lathalain ukol sa bagay na iyan?" ang tanong ni Ben Zayb. "Sa lupang ito ay hindi nakapag-iisip ng
gaano..
70 "Ngunit Don Custodio," ang paismid na sabi ni Doña Victorina. . "Kung ang Iahat ay gugugol ng panahon sa pag-aalaga ng mga pato ay mananagana ang
mga balot. Uh, nakasusuklam! Mabuti pa'y matabunan na ang mahabang gulud-guluran ng buhangin!"

Pagpapatibay ng Aralin

1. Si _____________ ay hindi marunong mapagod ay natutulog nang mahimbing at nasisiyahan sa lahat ng kanyang ipinahahayag.
2. Ang kanonigong si _____________ ay nagbigay ningning sa mga pari dahil sa kanyang panlabas na kaanyuan.
3. Hindi sang-ayon si Donya Victorina sa mungkahi ni Don Custodio dahil siya ay nandidiri sa _____________.
4. Si _____________ ay nag-ala-Ulises na tumakas matapos hambalusin si Donya Victorina
5. Bukod sa pangalang bapor Tabo ito ay tinatawag ding _____________ ng pamahalaan
6. Ang panukalang yankee ay tumutukoy sa isang mag-aalahas na si _____________.
7. Si Simoun ay tinatawag ding _____________.
8. Si Donya Victorina ay nagsisilbing tagapangasiwa kay _____________ na napakaganda at napakayamang dalaga.
9. Ang _____________ ay inihalintulad na lamang sa isang beterano na nag-aalaga na lamang ng isang batang sumpungin.
10. Ang tinutukoy na paring mukhang artilyero ay si ____________.

You might also like