Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 1

Kung hindi nakabalik sa Espanya ang ekspedisyong Magallanes-Elcano, walang maisusulat sa kasaysayan

ng unang sirkumnabigasyon sa daigdig. Kung hindi dahil sa primaryang batis na ito ni Pigafetta, kakaunti
lamang ang ating makukuhang kaalaman sa maraming kontribusyon ni Magallanes sa heograpiya,
paglalayag, kasaysayan, at iba pang kaugnay na larang. Una, utang ng daigdig sa ekspedisyong
Magallanes-Elcano na ang paniniwalang “ang mundo ay patag at may kumukulong tubig sa Equador” ay
isang mito lamang pala. Pinatunayan ng ekspedisyong ito na ang mundo ay bilog at walang kumukulong
tubig sa Equador. Pangalawa, kinumpleto ng ekspedisyong ito ang kauna-unahang pag-ikot sa mundo ng
tao sa kasaysayan ng paglalayag. Pangatlo, napatunayan ni Magallanes ang pamarali niya sa Hari ng
Espanya na mararating ang Silangan sa pamamagitan ng paglalayag na pakanluran. Pang-apat, nabigyan
ng kaalaman ang mga Europeo na sa kabilang bahagi ng kontinenteng Amerika, may isang malawak na
karagatan, ang Karagatang Pasipiko. Dahil sa mga bagong lupain at teritoryong natuklasan ng
ekspedisyong Magallanes-Elcano, nabago ang umiiral na mapang Europeo ng daigdig noong dantaon 16.
Samakatuwid, pinalawak ng ekspedisyong ito ang kaalaman sa heograpiya, at ukol sa Pilipinas, itinuro
nito sa susunod pang mga ekspedisyon ang daan patungo sa kapuluan. Maging ang historyograpiyang
Pilipino ay nabiyayaan din ng talâng ito ni Pigafetta sapagkat ito’y naglalaman ng detalyadong
impormasyon tungkol sa kalagayan ng mga tao sa isla ng Kabisayaan noong dantaon 16. Nagsasalaysay
ito ng mga prominenteng lider at ng kanilang nasasakupan, ng kanilang mga gawaing pangkabuhayan,
kultural at panlipunang praktis, kasama na ang sistema ng kanilang relihiyon at mga paniniwala. Sa
katunayan, ang mga manunulat ng teksbuk sa Pilipinas ay ginagamit ang talâng ito ni Pigafetta bilang
batis ng impormasyong pangkasaysayan sa pagsisimula ng Katolisismo/Kristiyanismo sa Pilipinas. Ang
mga talâ ugnay sa Unang Misa sa bansa, ang pagkahikayat sa Katolisismo ni Rajah Humabon at ng
kaniyang maybahay (kasama na ang 800 katutubo), at ang kuwento ng imahe ng Santo Niño ay pawang
hinango sa akdang ito ni Pigafetta. Maliban dito, marami pang naitala si Pigafetta hinggil sa naging
reaksiyon ng mga katutubong Pilipino sa kanilang unang pagtatagpo sa mga Europeo. May mga
Pilipinong madaling nakipagkaibigan sa mga Europeo. Ang mga ito’y nakipagpalitan ng produkto at ang
mga lider nito ay nakipagsanduguan kay Magallanes. Nangako rin silang magpailalim sa kapangyarihan
ng Hari ng Espanya at magbayad dito ng buwis. Subalit hindi lahat ay naging kaibigan at nagpailalim sa
mga Europeo. Si Lapulapu, ang pinakaprominenteng karakter na Pilipino sa talâ at kauna-unahang
Pilipinong lider na humamon sa kapangyarihan ng Espanya at nagtagumpay sa kauna-unahang
pagtatangka ng mga dayuhang Europeo na sakupin ang Pilipinas.

You might also like