• Ang ikalawang nobela ni Dr. Jose Rizal na El Filibusterismo, ang sikwel o
karugtong ng Noli Me Tangere, ay sinimulan niyang isulat sa kaniyang tinubuang Calamba noong Oktubre, 1887, sa kaparehong taon kung kailan natapos ang manuskripto at maipalimbag ang kaniyang unang nobela. Makalipas ang halos isang taon, 1888, nirebisa ni Dr. Rizal sa London ang halos lahat ng naisulat na niya sa ikalawang nobela. Gayunman, may mangilan-ilang sanggunian ang nagsasabing nasimulan niyang isulat ito sa London habang tinatapos pa niya ang pagsusulat ng Noli Me Tangere. Kung pagbabatayan naman ang talambuhay ni Dr. Rizal, tumataliwas ang pahayag na ito dahil hindi man lámang nabanggit ang London sa mga bayang pinuntahan ni Dr. Rizal hábang sinusulat pa niya ang kaniyang unang nobela. Ayon sa aklat na “Rizal’s Life, Works, and Writings” ni G. Gregorio F. Zaide, sinimulang isulat ni Dr. Rizal ang unang mga kabanata ng Noli Me Tangere sa Madrid, Espanya noong 1884; ipinagpatuloy niya ito sa Paris, Pransiya; maging sa Wilhelmsfeld, Alemanya sa mga buwang Abril–Hunyo; at tinapos sa Berlin, Alemanya sa hulíng mga buwan ng 1886 at ipinalimbag sa Berliner Buchcdrukrei Actien Gesselchaft noong 29 Marso 1887 sa halagang Php300 para sa 2,000 kopya. Samantalà, ipinagpatuloy naman niya ang pagsusulat ng El Filibusterismo sa Paris, Madrid, at Biarritz, Pransiya. Mapapansing iba-ibang lugar ang napuntahan ni Dr. Rizal hábang sinusulat pa niya ang kaniyang mga nobela. Para sa Noli Me Tangere, ang mga dahilan ay may kinalaman sa kaniyang pamamasyal sa iba’t ibang bansa at sa kaniyang propesyon. Samantalà, mula sa Biarritz, Pransiya kung saan niya tinapos ang pagsusulat ng ikalawang nobela ay lumipat naman siya sa Ghent, Belgium dahil sa dalawang bagay: (1) makaiwas kay Suzanne Jacoby na kaniyang sinisinta nang mga oras na iyon, at (2) higit na mababà ang halaga ng palimbagan sa nasabing lugar. Bakit niya iniiwasan si Suzanne Jacoby sa mga sandaling iyon kung tunay niya itong sinisinta? Sa kabila ng silakbo ng pagmamahal, kinailangan niyang pigilin ang kaniyang damdamin para kay Suzanne Jacoby alang-alang sa maalab niyang pag-ibig sa Filipinas. Isinakripisyo ni Dr. Rizal ang kaniyang nararamdaman sa isang babae―ang kaniyang personal na pangangailangan―dahil higit na kailangan siya ng kaniyang mga kababayang patuloy na nagtitiis sa panlalapastangan ng mga Espanyol. Dahil na rin sa nagsilbing aral para sa kaniya ang masaklap na mga karanasan sa pagpalalathala ng Noli, nanirahan siya sa masikip na kuwarto ng kaniyang kaibigang si Jose Alejandrino para lámang maipalimbag ang kaniyang El Filibusterismo sa F. Meyer-Van Loo Press, No. 66 Viaanderen Street, Ghent, Belgium. Ayon sa isa sa mga anekdota ni Jose Alejandrino para kay Dr. Rizal, labis-labis ang pagtitipid na ginawa nito para lámang maging matagumpay ang pagpapalimbag ng El Filibusterismo. Ayon kay G. Alejandrino, sang-ayon sa aklat muli na “Rizal’s Life, Works, and Writings” ni G. Gregorio F. Zaide, ang tinutuluyan nilang apartment ay may sariling canteen pero sa halip na kumain doon, dahil sa mas mapapamahal sila, ay bumili na lámang si Rizal ng isang latang biskuwit at ilang kape para sa mga almusal nilang dalawa sa loob ng isang buwan. Ang ginawa pa ni Dr. Rizal, hinati niya nang pantay para sa kanilang dalawa ang mga biskuwit. Si G. Alejandrino, dahil sa hindi nakasusunod sa kaniyang rasyon o kung ilang biskuwit lámang ang kaniyang kailangang kainin sa isang araw ay halos maubos na ang kaniyang mga biskuwit sa loob lámang ng kalahating buwan. Samantalà, si Dr. Rizal ay nagawa mismong tipirin ang sarili sa pagkain para lámang maipalimbag ang kaniyang nobela. Subalit sa hindi magandang palad, tulad sa mga nangyari sa kaniya hábang ipinapalathala ang unang nobela, muli na namang kinapos sa salapi si Dr. Rizal. Naubos na ang perang nakuha mulâ sa pagsangla niya sa kaniyang mga alahas. [Hindi lámang nabanggit kung may kinita siya mulâ sa mga pinagbilhan ng kaniyang unang nobela.] Muli na naman siyang humingi ng tulong sa kaniyang mga kaibigan ngunit natalagan bago dumating kaya noong 6 Agosto 1891 ay itinigil ang paglilimbag sa nobela na noo’y nasa ika-112 pahina na. Hindi nagtagal, tulad muli sa mga nangyari hábang ipinapalimbag ang Noli, ay dumating ang salaping kailangan ni Dr. Rizal mulâ sa isa sa kaniyang mga kaibigan na si Valentin Ventura na noo’y nása Paris. Sa tulong ng sugo ng Diyos, ang ikalawang nobela ni Dr. Rizal ay natapos sa pagpapalimbag noong 18 Setyembre 1891. • Ang El Filibusterismo ay binigyan ng iba’t ibang saling-pamagat. Sa wikang Ingles, ito ay isinalin bilang “The Filibustering”. May salin din ito sa wikang Ingles na ang pamagat ay “The Reign of Greed” na tinumbasan naman sa wikang Tagalog ng “Ang Paghahari ng Kasakiman”. Sa ibang aklat sa wikang Ingles, ito ay “The Subversive” na ang salin naman sa wikang Filipino ay “Ang Subersibo”. Anuman ang pamagat, ang salitang filibusterismo ay nanggaling sa salitang Kastila na “filibustero” na hiniram naman sa salitang Pranses na “flibustier” na tumutukoy sa sumusunod na mga kahulugan: pirata (pirate), isang taong mangingikil ng buwis o pag-aari ng iba (plunderer), at isang táong may kinalaman sa rebolusyon o pumupunta pa sa ibang bayan para suportahan ang isang pag-aaklas (freebooter). Ayon mismo kay Dr. Jose Rizal, na mababasa rin sa ginawang introduksiyon ng kaibigan niyang si Ferdinand Blumentritt para sa kaniyang ikalawang nobela, ang “filibustero” ay nangangahulugang “mapanganib na táong (makabayan) mamamatay kahit na anong oras”. Ito ang kontekstuwal na pagpapakahulugan ng mga Espanyol at ilang Filipino noon na nakaaalam ng salitang ito. Unang pagkakataon na narinig ito ni Dr. Rizal ay noong binitay ang tatlong paring martir dahil sa pagkakadawit sa Cavite Munity. Labis-labis na pagkabalisa ang idinulot ng salitang ito sa mga Pilipino maging sa mga nakapag-aral dahil ito ay parang parusang bigla na lámang ipapataw ng mga Espanyol sa sinumang Pilipinong nais nilang mamatay. Dahil dito, ipinagbawal mismo ni Francisco Mercado, ama ni Dr. Rizal, ang pagbanggit ng mapanganib na salitang ito, maging ng mga salitang “Cavite” at “Burgos” (isa sa tatlong paring martir na kaibigan ng kapatid ni Dr. Rizal na si Paciano), dahilan para kakaunti lámang ang nakaaalam ng salitang ito. • Labing-isang taóng gulang pa lámang noon si Dr. Rizal nang masaksihan niya ang kalunos-lunos na pagbitay sa tatlong paring martir, ang GOMBURZA, na sina Mariano Gomez de los Angeles, Jose Apolonio Burgos y Garcia, at Jacinto Zamora y del Rosario. Marami ang nalungkot at marami ang nagalit dahil pinatay ang tatlong paring inosente na dinawit lámang sa Cavite Mutiny. Ang Cavite Mutiny ay ang pag- aaklas noon sa Cavite ng tinatayang 200 pinagsama-samang manggagawang Pilipino dahil sa sapilitang paggawa o polo y servicio at pagkakaltas ng buwis ng mga Espanyol. Gayunman, ang pag-aaklas na ito ay hindi naging matagumpay dahil lahat ng nagsipag-aklas ay hinuli, pinarusahan at pinatay. Sinuman ang sumubok na sumuporta at tumulong sa pag-aaklas ay parehong kapalaran ang sinasapit. Dahil sa maraming Espanyol, lalong-lalo na ang mga prayle, ang galit at naiinggit sa GOMBURZA, idinawit nila ang tatlong pari bilang mga filibustero. Sila ay binitay sa pamamagitan ng garote sa Bagumbayan (ngayon ay Luneta Park) noong 17 Pebrero 1872. Ang karumal-dumal na pangyayaring iyon, kahit maraming taon na ang lumipas, ay kumintal sa isipan at bumiyak sa puso ni Dr. Rizal kayâ ang GOMBURZA ang kaniyang pinag-alayan ng pagsusulat ng nobelang El Filibusterismo. Gayumpaman, nang isulat ni Dr. Rizal ang dedikasyon sa nobela ay nagkaroon ng kaunting pagkakamali ang bayani. Sa kaniyang orihinal na sipi, naisulat niya na binitay ang GOMBURZA noong 22 Pebrero 1872 at hindi 17 Pebrero 1872 na siyang talâng pangkasaysayan. Maging sa pagsasáma ng edad ng tatlong paring martir ay nagkaroon ng dalumat: si Mariano Gomez na namatay sa edad na 72 ay nailahad ni Dr. Rizal ng 85 taóng gulang; si Jose Burgos, ayon sa bayani ay namatay sa edad na 30 pero ayon naman sa mga historyador ay 35 taóng gulang; at si Jacinto Zamora naman ay namatay sa edad na 36 pero ayon kay Dr. Rizal ay 35 taóng gulang. • Tulad sa nabanggit sa unang bahagi ng tekstong ito: nirebisa ni Dr. Rizal sa London ang halos lahat ng naisulat na niya sa ikalawang nobela noong 1888. Ito ay may kinalaman mismo sa kaniyang naging mga inspirasyon sa pagsusulat; ngunit naiiba sa mga inspirasyon ng ibang manunulat: ang kaniyang masasakit na karanasan sa totoong búhay dahilan para maging mabigat ang mga emosyon at mga pangyayaring mayroon sa El Filibusterismo. Ang mga ito ay ang mga sumusunod: (1) ang pagmamalupit ng mga paring Dominiko sa mga magsasaka ng Calamba at sa kaniyang pamilya―matutunghayan sa Kabanata 4; (2) ang pagkamatay ng dalawang Filipino sa Madrid na sina Felicisimo Gonzales at ang kaibigan niyang si Jose Maria Panganiban; (3) ang away nilang dalawa ni [Heneral] Antonio Luna dahil sa isang babae, si Nelly Bousted; (4) ang tunggalian sa pagitan nila ni Marcelo H. del Pilar sa pamumuno ng samahán ng mga Kastila at mga Filipino sa Espanya―mababása sa unang mga bahagi ng nobela ukol sa pagpapatayo ng Akademya ng wikang Kastila; at (5) ang pagpapakasal ng kaniyang kasintahang si Leonor Rivera sa isang inhinyerong Ingles na si Henry C. Kipping―matutunghayan sa hulíng mga bahagi ng nobela, sa kabanata kung saan nagpakasal si Paulita Gomez kay Juanito Pelaez. • Tulad sa Noli Me Tangere, ang ilang tauhan sa nobelang ito ay hinango mismo ni Dr. Rizal sa tunay na buhay: (1) ang ginagalang na paring Pilipino na si Padre Florentino ay walang iba kundi si Padre Leoncio Lopez na malapit na kaibigang pari ni Dr. Rizal; si Isagani ay si Vicente Ilustre na isang makata; si Paulita Gomez ay si Leonor Rivera, ang pinsan ni Dr. Rizal na naging kasintahan niya, si Leonor Rivera din si Maria Clara sa Noli Me Tangere, mapapansin na magkaiba ang mga katangian nina Maria Clara at Paulita Gomez pero pareho lamang hinalaw sa iisang tao; si Simoun, ang pangunahing tauhan, ay walang iba kundi si Simon Bolivar, ang tagapagpalaya ng Katimugang Amerika mulâ sa pananakop ng Espanya; si Padre Salvi ay si Padre Antonio Piernavieja; si Donya Victorina ay si Donya Agustina Medel; at si Kapitan Tiago ay si Kapitan Hilario Sunico. • Para sa inyo, alin nga ba ang superyor o mas nakaaangat: ang Noli Me Tangere ba o ang El Filibusterismo? Sa bagay na ito, nahati ang mga opinyon ng mga kaibigan ni Dr. Jose Rizal. Para kina Ferdinand Blumentritt, Graciano Lopez-Jaena, Dr. Rafael Palma (kapatid ni Jose Palma na siyang nagsatitik ng “Lupang Hinirang”), at marami pang iba, ang higit na nakaaangat ay ang El Filibusterismo. Para naman kina Marcelo H. del Pilar, Wenceslao Retana (hindi siya kaibigan ni Dr. Rizal, sa katunayan ay isa siya sa mga Espanyol na bumatikos sa Noli Me Tangere at nakaaway mismo ng bayani pero nang mamatay si Dr. Rizal ay doon siya labis na humanga rito at siya ang kauna-unahang gumawa ng talambuhay ng bayani), at maging kay Dr. Jose Rizal, ang superyor ay ang Noli Me Tangere. Sang-ayon mismo kay Dr. Rizal, siya ay nakaramdam ng tabang (grain of salt) o tampo sa mga nagsabing mas nakaaangat ang kaniyang ikalawang nobela. Bakit niya, kung gayon, sinulat ang Fili na may mabibigat at masasakit na tema kung lalabas lámang ang kaniyang pagkaromantiko at pagkamaginoo gaya kay Crisostomo Ibarra ng Noli? Ang kaniyang dahilan ay gisingin ang kaniyang mga kababayan ngunit hindî niya nais na mag-aklas ang mga ito gaya ng mga katipunero; kayâ nga pinatay niya ang karakter ni Simoun dahil para kay Dr. Rizal, walang magandang dulot ang paggamit ng dahas. Sa kabila ng kaniya- kaniyang opinyon, dumating naman ang pinakamagandang reaksiyon mulâ sa isa sa mga kaibigan ng bayani, si Mariano Ponce: “It is, indeed, excellent. I can say nothing of your book, but this: it is really marvelous like all the brilliant productions of your pen. It is a true TWIN of the Noli.”