Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

Miraples, Vanessa B.

BSED ENG 2101

Pagsulat ng Editoryal

Pait ng kasalukuyan

Nakababahala ang usaping pag-aangkat ng asukal ng Pilipinas sa ibang bansa na isinusulong ng


Sugar Regulatory Administration (SRA) ngayong kasagsagan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Kataka-
taka ang plano nilang ito gayong panahon ng tag-ani at hindi naman sagad sa pagkaubos ang sariling
suplay ng bansa.

Kamakailan ay umugong ang balita na plano ng SRA na umangkat ng 300, 000 tonelada ng asukal
sa bisa ng Sugar Order No. 04 bilang tugon sa umanong kakulangan ng suplay ng asukal at nang
mapababa ang pagtaas-presyo nito. Umani ito ng pagtutol mula sa mga mambabatas matapos mapag-
alamang ilegal at walang bisa ang panukala dahil hindi naman ito ikinunsulta sa at nilagdaan ni
Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Manuel Lamata, Presidente ng United Sugars Producers Federation (UNIFED), simula
na ng panahon ng pag-aani ng tubo sa bansa kung kaya’t walang problema sa suplay nito tulad ng ulat
ng SRA. Aniya, mas dapat pagtuunan ng pansin ang mataas na presyo ng asukal sa merkado na masakit
sa bulsa ng karaniwang pamilyang Pilipino. Tunay na hindi makatuwiran ang agad na pagpapasiyang
mag-angkat ng asukal gayong tambak ang suplay nito at ang ilan ay nabubulok na lamang sa mga
imbakan.

Kaugnay nito, lubhang masasagasaan ang mga lokal na magsasaka at mga asukarera na lugi na
nga sa ₱45 kada kilo, halos kalhati ng ₱100 kada kilo na bentahan sa merkado, ay hindi pa sila
makatitikim ng katas ng sarili nilang tanim. Tila mas hihilahin pa pababa ng planong pag-aangkat na ito
ang mga naghihikahos na magsasaka sa halip na tulungang makaahon sa lumalagapak na sektor ng
agrikultura ng bansa.

Isa pa, sa desisyong ito ng SRA ay maiuugnay ang posibleng korapsyon na sa tinagal-tagal ng
panahon ay hindi na naalis sa sistema ng gobyerno. Kaduda-duda ang agad nilang paglalabas ng
kautusan tungkol sa pag-aangkat nang hindi pa ito napag-aaralan ni PBBM maging nalalagdaan upang
maging epektibo. Malinaw ang anggulong may motibo sa pagmamadaling ito na maaaring upang
matugunan ang sarili lamang nilang interes sa halip na ang sa nakakarami.

Sa kabilang dako, ipinahayag ni PBBM ang posibleng pagkilala sa plano ng pag-aangkat ng asukal
kung hindi sasapat ang suplay ng bansa ayon sa isinasagawang imbestigasyon ng pamahalaan.
Gayunpaman, nawa ay masusing pag-aralan ito ng mga eksperto nang sa gayon ay hindi maipit ang mga
lalong naghihirap na lokal na magsasaka.

Mainam na suriing mabuti ng pamahalaan ang isyu sa suplay ng asukal kasabay ng pagsilip sa
buong usapin ng krisis sa agrikultura. Marapat lamang na mas palawigin ng gobyerno ang pagtulong sa
mga magsasaka sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga programa upang mas mapaganda ang kanilang
pagtatanim at pagbibigay ng mga subsidiya upang masuportahan sila sa mga kinakailangang gamot at
kagamitan. Nawa ay mabigyang tuon ito nang hindi mauwi sa pait ang tamis nang sanang pag-unlad ng
mga magsasaka sa kasalukuyang panahon na tila bagyong hinahagupit ng iba’t ibang problema ang
bansa.

You might also like