TOPIC 5. Kulturang Popular Bilang Pamumuhay: Mga Pang-Araw-Araw Na Praktika NG Pakikilahok Sa Kulturang Popular

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 7

TOPIC 5.

Kulturang Popular bilang Pamumuhay:


Mga pang-araw-araw na praktika ng pakikilahok
sa Kulturang Popular (Week 11-13)

PANGKALAHATANG IDEYA
Sa paksang ito ay pag-aaralan ang mga praktikang pang-araw araw na maaaring mai-turing na
pakikilahok sa Kulturang Popular.

LAYUNIN
Sa pagtatapos ng araling ito, magagawa na ng mag-aaral ang:
1. Makilala ang manipestasyon ng kulturang popular sa mga pang-araw araw na praktika.
2. Mapaliwanag ang sa pagbubuo ng mga pangaliwang pang komunidad (mga basketball
court, videoke, beauty pageant, malls) bilang mga pook ng pakikilahok ng mamamayan
sa kulturang popular.
3. Suriin ang iba pang uri ng pang-araw araw na praktika na maaaring ituring na pook ng
pakikilahok sa kulturang popular sa isang ekspositoryong sanaysay.

MGA PILING USAPIN / GABAY NA TANONG


Para sa modyul na ito, susuriin natin ang mga sumusunod bilang mga pook ng partisipasyon ng
mamamayan sa kulturang popular:
o Basketball o Beauty Pageant
o Videoke o Shopping Malls
• Paano tumatagos sa pang-araw araw na buhay at praktika ang kulturang popular?
• Sa panlipunang pagtingin, paano nabubuo ang mga praktika sa pakikilahok sa mga pook
na nabanggit sa itaas?
• Ano ang gampanin ng mamamamayan, komunidad, mga negosyo, estado at iba pang
makapangyarihan sa produksyon ng mga nasabing pook?

TALAKAYAN
Kung magmumula sa mga naunang paksa, maaari nating matukoy na isa sa
pinakamahalagang salik sa pagpapanatili ng isang kultura para maging kulturang popular ay ang
kakayahan ng mga komoditi nito na makapagbigay-aliw at iba pang epeketong sikolohikal nito
labas sa praktikal na gamit nito. O maaaring sabihin, na ang pinaka-praktikal na gamit ng mga
komoditi ng Kulturang Popular ay magbigay-aliw. Ang aliw na ito ay di lang natatangi sa

30
pagbibigay-tuwa: may aliw na pisikal, sikolohikal, emosyonal sa iba ibang klase ng
manipestasyon.
Ang mga bagay at gawi na kinaaaliwan ay madalas nagiging bahagi ng pamumuhay. Ang
mga simpleng pag-awit, o paglalaro o pamamasyal ay ilan lamang sa mga gawing kinaaaliwan
natin na di na alintana sa atin ang pinagmulan. Nabanggit ni Rolando Tolentino (sa pagsipi ng
iskolar na si John Enrico Torralba) ang kakayahan ng kulturang popular na ipatanggap ang
realidad ng dominanteng kaayusan bilang syang realidad ng indibidwal. 27
Sa pakiwari ng iskolar na si John Fiske, hindi basta basta nasa isang panig lamang ang
kulturang popular. Ayon sa kanya, napapalagay din naman sa kulturang popular ang interes ng
mga mamamayan dahil sila rin naman ay bahagi at aktibong bumubuo nito. 28 Bagaman may
bahid ng katotohanan, maaari lamang tukuyin ang halos pantay na panig ng kontradiksyon na ito
sa isang ganap na industriyalisadong ekonomiya tulad ng isinasa-konteksto ni Fiske sa Amerika.
Sa kabilang banda, may bahid ng pesimismo ang pagbasa ni Tolentino sa kulturang popular sa
Pilipinas, dahil na rin sa malapyudal at malakolonyal na katangian ng lipunan sa Pilipinas.
Sa puntong ito lumilitaw ang katotohanan sa praktika ng pakiwari ni Tolentino. Ang
kakayahang ipatanggap ang realidad ng dominanteng kaayusan ay makikita sa pagpapalaganap
ng fantasya ng maalwal at masayang buhay sa ilalim ng kapitalismo. Tinatawag ito ni Tolentino
na gitnang-uring fantasya. O sa mas tumpak na pakiwari, gitnang-uring fetishismo. Ayon kay
Tolentino, fetishismo ito na umuugnay sa fantasya at tunay sa pamamagitan ng mga unlang at
pakana na isinusuot ng mga indibidwal na nagdadala sa kanya sa fantasya. Ang mga unlang at
pakanang ito ay ang mga komoditing nabanggit natin. Kabilang dito ang pag-gamit ng cellphone:
may panahong di naman talaga tayo nangailangan nito ngunit umangat ang kondisyon kung saan
binibigyang dahilan ang indibidwal na gawin itong pangangailangan. 29
Hindi man natin tinutukoy na pangangailangan ang mga sumusunod na gawi at kalakal –
tulad ng pag-babasketball, pagbi-videoke, panunuod at pagsali sa beauty pageant at pagliwaliw
sa mall – hindi natin maipagkakaila ang tumatagos na presensya nito sa ating pang-araw-araw
na buhay. Tumatagos ito sa puntong hindi na natin maiwasan ang maging bahagi nito.

Basketball
Magandang punto sa pagpapalaganap ng gitnang uring fantasya ang obserbasyon ng
Amerikanong iskolar na si Rafe Bartolomew tungkol sa pagkakaroon ng mga basketball court sa
halos bawat barangay:
Ang baligtad na prioridad [ng budget ng pamahalaan] ay lantad sa ating harapan. Hindi
mo maiinom ang mga fiberglass na backboard. Hindi nagagamot ng mga ring ang mga
impeksyon sa tenga. Imbes na gamot o malinis na tubig, basketball ang natanggap ng
mga tao. 30

27
Torralba, Videoke at Tiis, 94.
28
Fiske, Understanding Popular Culture, 22.
29
Tolentino, “Kahirapan at Kulturang Popular”, 84.
30
Rafe Bartolomew, Pacific Rims, 23-24.

31
Malinaw ang pagiging legasiyang kolonyal ng Basketball sa Pilipinas. Dinala ito ng mga
Amerikanong mananakop kasama ng kanilang Sistema ng edukasyon at ng Young Men’s
Christian Association (YMCA) ilang buwan pa lamang nang simulan nilang sakupin ang bayan. 31
Ngunit ang popularisasyon nito ay di mangyayari kung hindi dahil sa pag-tatatag ng National
Basketball Association (NBA) sa Amerika at ang mg aka-akibat na suporta nito sa mga kapitalista.
Ang NBA ay di lang propesyunal na liga kundi isang malaking network ng prangkisa para sa
negosyo sa katauhan ng mga kupunan ng mga manlalarong nirerepresenta ang ilang mga piling
syudad sa Amerika.
Noong 1975 ay natatag naman ang Philippine Basketball Association (PBA), ang pantapat
ng Pilipinas na propesyunal na liga ng basketball. Kaakibat ng pagtayog ng PBA ay ang pagtayog
ng telebisyon sa Pilipinas. Magkahalili ang dalawa.
Ang paglaganap ng basketball bilang kulturang popular ay nakikita hindi lamang sa
mismong basketball court. Sa isang sipi ni Bartholomew ay napansin niya ang tila naturalisadong
pagtatabi-tabi ng mga imahen ng Birheng Maria, ni Michael Jordan, at ng Mighty Morphin Power
Rangers sa mga jeep. Maging ang pagkakaroon ng mga awitin, tulad ng “Air Tsinelas” ng Legit
Misfitz tungkol sa basketball. 32
Malinaw ang tunguhin ng propesyunalisasyon ng basketball at ang pagasasa-telebisyon
nito. Pangalawa lamang ang pagpapalaganap mismo ng laro – naglalaro na ang Filipino ng
basketball bago pa ang 1975, di na ito kailangang palaganapin. Ang pangunahing tunguhin ay
ang pag-papalayog ng kasikatan ng mga brand na nirerepresenta ng mga kupunan. Di katulad
ng sa NBA, ang mga franchise ng PBA ay mga brand ng mga kalakal. Mas tapat kung tutuusin,
bilang kapitalistang tunguhin, kaysa sa pag-promote ng mga syudad.
Sa ganitong praktika ng pagpapalakad ng propesyunal na Liga, nabubuo ang mga
mitolohiya di lamang sa mga kupunan, kundi maging sa mga manlalaro na nagiging bituin na
kapareho ng kasikatan sa mga artista sa pelikula. Ang pangalang Ginebra ngayon, ay di na lang
nakakabit sa bote ng alak, kundi sa kupunang malakas na nagkampiyon ng napakaraming beses
na nagrurok ang kasikatan noong dekada 90 sa pamumuno ni Robert Jaworski bilang coach at
manlalaro.
Hindi natin pinupunto dito na ang paglalaro ng basketball ay sunusugan lamang ng access
na ito sa kulturang popular. Kundi ang praktika ng paglalaro at panunuod ng basketball, lalo sa
kontemporaryong panahon, ay hindi na maihihiwalay sa isa’t isa. Kumakawing na rin sa pagsasa-
negosyo ng basketball mula sa mga franchise ng pang-kolehiyong liga ng UAAP at NCAA na
pinagkukunan pareho ng kasikatan ng mga kasaping unibersidad para sa patuloy na pagpasok
ng mga bagong estudyante, at ng mga bagong manlalaro para sa mga propesyunal na kupunan.
At ang fantasying makasali dito sa pagitan ng pangkolehiyo at propesyunal na liga ay nakailalim
sa bawat paglalaro ng basketball, seryoso man o hindi, sa bawat kalsada at basketball court.
Sinususugan ng mismong kaayusan ng propesyunal na liga – at sa pagpapalawig, maging
sa kaayusan ng praktika ng paglalaro at panunuod ng basketball – ang dominanteng kaayusang
panlipunan. Kadalasan na tinatampok sa telebisyon ay ang liga na panglalaki, kahit na mayroong
liga na pambabae. Nakabuhos ang kapital ng mga franchise na kupunan dito. Umaakma sa
dominanteng kaayusang nakasandig sa malakolonyal at malapyudal na ugnayan ang

31
Joaquin Henson, Why Filipinos love basketball
32
Bartholomew, Pacific Rims, 10, 15.

32
pagpapakita sa media ng basketball, ayon sa kritikong si Edel Garcellano, ng ideolohikal na
kalahatan (politika ng matira-matibay, diskurso ng ating kaguluhan) at kawalaan (ang
pagsasawalang bahala sa ating katawan, ang matinding control ng estado na nanganganib
kumawala sa kanyang konsentrasyon ng kapangyarihan. Dagdag pa ni Garcellano, ang
pagkagiliw natin sa basketball ay nagiging ideolohikal na katuwiran sa ating katamaran at
pagkahilig sa karahasan. 33

Videoke
Bilang produkto ng Kulturang Popular, maaari ding tignan ang pag-awit sa
kontemporaryong panahon, o sa konteksto ng kapitalismo, bilang nakapamagitan din sa
dalawang panig ng fantasya at aliw, at ng kahirapan at karahasan.
Ayon kay Torralba, nabago ng makabagong teknolohiyang elektroniko ang praktika ng
pag-awit mula sa gawain sa pagpapanatili ng kaayusan patungo sa gawain para sa panahon ng
kasiyahan. 34 Bukod dito, ang naratibo ng pagkapanalo sa pagpapakita ng puntos matapos ng
awitin. Ikinakawing ang mga ito sa mga mitolohiya ng pagkapanalo ng ilang mga mangangawit
sa mga timpalak sa TV.
SInususugan ang mitolohiyang ito ng mga dokumentaryo tungkol sa mga mang-aawit na
nanalo tungkol sa kanilang mga training sa videoke. Kakambal ng videoke ang mga timpalak sa
TV, na pareho na nagbibigay ng fantasya ng pagkapanalo at maalwal na buhay na dulot nito.

Beauty Pageant
Kasama rin ng mitolohiya ng pagkapanalo, tulad ng sa basketball at videoke, ang mga
timpalak ng pagandahan. Ngunit, hindi tulad ng videoke at basketball, mas matindi ang
burokrasyang nakapalibot sa mga beauty pageant. Hindi ito kasing demokratiko ng pag-awit at
paglalaro ng basketball. Nakakulong sa pamantayang kolonyal ng kagandahan ang susi para
makapasok sa timpalak.
Bukod sa pamantayang kolonyal ay ang fantasying gumugulong sa pamantayang gitnang-
uri ang inaaasahan sa mga sumasali. Ang gitnang-uring fantasya na pumapantay na rin tayo sa
pandaigdigang kompetisyon hindi lang ng kapital, kalakal, maging ng katawan, kagandahan. Sa
pakiwari ni Rolando Tolentino, walag pinagkaiba ang pag-sali sa Bb. Pilipinas sa pagiging
kontraktwal na manggagawa:
Kontraktwalisasyon ang nagaganap sa Bb. Pilipinas. Kung ano ang demand sa global na
market ng beauty pageants ay ganoon na rin ang isinasakatuparan. Wala nang
mananalong punggok na Filipina, o masyado ring exotiko. Kailangan ay 5’8” at may
Caucasian features kahit pa wala ang kaputian (whiteness). Samakatuwid, pangmodelo
kahit hindi naman literal na nagmomodelo ng damit kundi ng metapisika ng kagandahan
ng Bb. Pilipinas at Miss Universe, halimbawa. 35

33
Edel Garcellano, “The PBA as MTV”, 170.
34
Torralba, 97.
35
Tolentino, Interview Portion sa Beauty Pageant

33
Nandoon din ang pagpapahalaga sa katalinuhan, ngunit kaagkop pa rin ito ng gitnang uring
fantasya.
Masyado nang mataas ang kahilingang beauty-and-brains sa isang bansang
pinagdarahop ng pambansang pamahalaan ang pondo sa edukasyon, at winawaldas sa
pangungurakot ang nalalabing pondo ng mamamayan. 36
Bilang praktikang global ay nagiging fantasya rin ito para sa mga lokal na mga komunidad
na may mga pagnanasang makaranas din sa malapitan ng piging, ilaw at panandaliang
karangyaang dulot ng mga timpalak na ganito. Tulad ng mga nananalo sa timpalak ng pag-awit
sa telebisyon, gayon din ang mitolohiyang dinudulot ng mga dokumentaryo tungkol sa mga kasali
sa mga beauty pageant: mga nangarap mula sa maliliit na pageant sa baryo, o di kaya’y
nagmomodelo sa una. Sa huli, nananatili ang pamantayang kolonyal at pyudal sa mga timpalak.

Malling
Tulad ng mga beauty pageant, nakasandal sa paglalantad ng kaaya-ayang katawan sa
pamantayang kolonyal ang mga larawang paskil sa mga bintana ng mga tindahan sa mga mall.
Literal naman ang pag-uugat ng mga mall sa aliw at karahasan. Itinayo ang mga mall sa
Hilaga ng Quezon City sa dating tinatayuan ng mga kumunidad ng mga maralitang lungsod. Mga
komunidad na kuhaan ng mga negosyo ng mga mura at madaling palitan na lakas pag-gawa. Sa
uri ng karanasang ganito rin nakasandal ang mismong pamamalakad ng mga mall: kontraktwal
at di siguradong pananatili sa trabaho, kasama ng di makataong kondisyon ng paggawa (tulad
ng pagbawal sa pag-inom ng tubig o pag-upo para sa mga sales lady habang nagtatrabaho).
Sa kabilang banda nito, ang pagbibigay sa atin ng pangkalahatang aliwan: murang
pagkain para sa wala masyadong panggastos ay halos katabi lamang ng mga mamahaling kainan
na nagbibigay fantasya sa pagiging malapit nito sa isa’t isa. Mga signature na produkto, at mga
produktong nakapangalan sa mga artista na nagbibigay fantasya ng pagiging malapit natin dito.
Mga laruang nagbibigay puwang sa sandaling katarsis ng karahasan. Mga tindahan ng aklat na
nagbebenta ng mga ideyang hindi tatabla sa mga paniniwala ng naghaharing uri. Sa panig naman
natin ay ang fantasyang makapag-iipon tayo para sa lahat ng gusto nating makuha, sa kabila ng
umiigting na krisis sa iba ibang salik ng lipunan.
Dumating ang panahon na hindi na lang mga pamilihan, pagkain at sine ang meron sa
mga mall. Naging daluyan na rin ito ng mga pribado at pampublikong serbisyo. Maaari ka nang
magpa-check up ng katawan sa mga klinika, o magpadentista. O magbayad ng buwis. O mag-
gym. O mag-apply para sa NBI Clearance o Passport. Nakahanay din sa mga ito ang tila ba mas
epektibong daloy ng mga serbisyo kaysa sa mga opisina ng gobyerno sa labas ng mga mall.
Pinupunan ng mga mall ang “aspirasyong mapabilang sa gitnang uring bansa” 37 kung saan
maayos ang lahat at abot kamay ng manggagawa ang mga nais nyang makuha.

36
Ibid
37
Tolentino, Mall…

34
Pagbabago ng Pamumuhay at Kulturang Popular sa 2020
Hindi pa man natatapos ang unang kwatro ng 2020, ay nahinto ang ating “normal” na
daloy ng buhay, na nagpahinto sa mga fantasyang kinakapitan natin para maging normal.
Nagsara ang mga mall, nahinto ang mga timpalak at shooting ng palabas.
Sa isang banda, nabawasan naman ang mga magiging kalahok ng darating na Ms.
Universe.
Nasuspinde naman ang NBA mula Marso hanggang Hunyo. Ang PBA ay hindi pa rin
nakababalik. Puro replay pa rin ang pinapalabas.
Buo pa rin naman ang mga maliliit na basketball court na binubuo ngayon ng mga
kabataan para maglibang sa kanikanilang lugar dahil hindi pa pinapayagan pa ang paglalaro sa
mga malalaking basketball court.
Hindi nagbago ang pagpapahalaga sa pakiramdam ng ginhawa at aspirasyong maka-
gitnang uri maging sa gitna ng pandemya. Lahat nga lang halos ay napaloob sa maliit na kahon
ng internet.
Kamakailan lang sa isang episode ng Daddy’s Gurl, isang palabas na komedya sa GMA
7, itinampok si Stacy (Maine Mendoza) na nagnanais maging online seller. Sa karamihan ng
gitnang uri, tila naging kapalit sa gitna ng lockdown ang online shops, sa loob man ng mga social
networking sites
Ang mga aspirasyon ng ginhawa at panandaliang aliw sa gitna ng pagkabahala sa
pandemya at irresponableng pamamahala sa krisis ay nakapalibot lang din sa access ng iilan.
Dumarating na ang punto na ang gitnang uring fantasya ay nakukulong na lamang sa gitnang uri
bilang gitnang uring kalokohan. Pagsasayaw sa tiktok para sa panandaliang kasikatan, pagtimpla
ng tila-mamahaling kape mula sa mga instant coffee.
Napilit ng lockdown na harapin natin ang mga katotohanan natin mula sa punto ng ating
mga pinanggalingang uri. Hindi na napupunan ng mga panandaliang aliw an gating mga
pangamba. Malamang naubos na rin ang ating mga pinanggagasta sa online shops. Kung
babalikan ang episode ng Daddy’s Gurl, itong kontradiksyon sa pagitan ng fantasya at pangamba
ay naikakalat na sa telebisyon maging sa mga lugar na una ay wala naman talagang pakialam
sa ganitong uri ng pamumuhay. Dumudulo ang kulturang popular sa pang-araw araw na gawi sa
pakiwari ng isang uri na hindi naman kalian man tinatanong o hinihingi ng mga uring magsasaka
o manggagawa na inaabot ng mediang pangmadla.

TAKDANG ARALIN
Sumulat ng ekspositoryong sanaysay, mamili ng paksa sa mga sumusunod (Minimum na salita:
500 words):
• Pagsusuri ng mga pook o praktikang masasabing lulan ng pakikilahok sa kulturang
popular maliban sa mga nabanggit na halimbawa
• O pagsusuri ng iba pang mga detalye sa mga halimbawang nabanggit: maaaring mga
karagdagang kaalaman tungkol sa praktika ng basketbol, videoke, pageant, malling, etc.

35
MGA MUNGKAHING BABASAHIN
Bartholomew, Rafe. Pacific Rims: Beermen Ballin' in Flip-Flops and the Philippines' Unlikely Love
Affair with Basketball. New York: New American Library, 2010.
Garcellano, Edel. "The PBA as MTV." Interventions: Essays. Manila: Polytechnic University of the
Philippines Press, 1998. 170-172.
Tolentino, Rolando. "Interview Portion sa Beauty Pageant at Katawang Kapital." 22-29 March
2008. Bulatlat. <https://www.bulatlat.com/2008/03/15/interview-portion-sa-beauty-
pageant-at-katawang-kapital/>.
—. "Mall, malling, nagmo-malling…." 23 January 2010. Pinoy Weekly.
<https://www.pinoyweekly.org/2010/01/mall-malling-nagmo-malling%E2%80%A6/>.
Torralba, John Enrico C. "Videoke at Tiis: Kulturang Popular bilang Anestisya sa Krisis." Kritikal
na Espasyo ng Kulturang Popular. Ed. Rolando Tolentino and Gary Daviles. Quezon City:
Ateneo de Manila University Press, 2015. 94-105.

36

You might also like