Professional Documents
Culture Documents
IV. Kapwa at Ang Pagkataong Pilipino
IV. Kapwa at Ang Pagkataong Pilipino
IV. Kapwa at Ang Pagkataong Pilipino
Ayon kina Santiago at Enriquez (1976), may dalawang uri ng kapwa: Ang Hindi
Ibang Tao (HIT), o “one of us” category, o “close other”, kabilang ang
Mga magulang at kapatid
Kaibigan
Kasintahan o asawa
Mga kapamilya
At ang Ibang Tao (IT), o “outsider” cateogry, o “distant other”, kabilang ang
Mga di-kilala
Mga bagong kakilala
Mga di ka-close
Ayon kina Yacat, De Villa, Clemente, at Toledo (2009), may tatlong batayan upang
ituring na HIT ang isang tao. Ito ay ang
Lapit ng Loob
# Psychological sense of affinity
Gaan ng Loob
# Degree of positive affectivity
Pagkakatulad
# Sense of similarity
Itinuturing natin ang ating kapwa bilang Hindi Ibang Tao o Ibang Tao. Pagdating sa ating
pakikisalamuha sa kanila, may walong lebel ang antas ng pakikipag-ugnayan natin sa
ating Kapwa. May limang lebel para sa Ibang Tao at tatlong lebel para sa Hindi Ibang
Tao.
Ibang Tao
1. Pakikitungo
# Level of Civility
# Ang pinakamababang lebel ng ugnayan ng dalawang Kapwa. Marahil hindi
magkakilala o unang pagkikita ang nangyayaring pakikisalamuha sa
ganitong lebel.
2. Pakikisalamuha
# Level of Mixing
# Nangyayari sa lebel na ito ang “initial stages” ng pagkakaibigan, kung saan
inaalam ng kanyang kapwa ang mga mahahalagang impormasyon tungkol
sa nakakasalamuhang niyang Kapwa.
# Hindi pa gaanong nakikisali sa aktibidad ng grupo
3. Pakikilahok
# Level of Joining & Participating
# Matapos ang ilang araw o oras na nakakasalamuha ng tao ang grupo,
sinusubukan niya nang makilahok sa mga aktibidad na pangkaraniwang
ginagawa ng grupo.
4. Pakikibagay
# Level of Conforming
# Hindi na lamang nakikilahok ang tao sa mga aktibidad ng kaniyang grupo,
siya rin ay nakikiayon na sa mga desisyon nila.
5. Pakikisama
# Level of Adjusting
# Ayon kay Enriquez, ang pakikisama ay ang huling lebel bago tumungo ang
isang relasyon papunta sa pagiging close o Hindi Ibang Tao.
# Sa pakikisama, nakikibagay at nakikilahok na ang tao sa kaniyang grupo sa
isang mas malalim at mas madalas na paraan. Nakakaramdam na rin siya
ng pagkalapit sa kanila.
Hindi Ibang Tao
6. Pakikipagpalagayang-loob
# Level of Mutual Trust / Rapport
# Sa lebel na ito nagkakaroon ng tiwala. Panatag na rin ang tao sa kaniyang
karelasyon o grupo at wala na siyang nararamdamang hiya o pag
aalanganin.
7. Pakikisangkot
# Level of Getting Involved
# Sa malalim na lebel ng pakikisangkot, ang ginagawa at nangyayari sa isang
tao ay siya na ring nangyayari at ginagawa ng kanyang kapwa. Ang
nararamdaman at kilos ng tao ay gayang nararamdaman at kinikilos na rin
ng kaniyang Kapwa.
# Sabi ni Enriquez, isang indikasyon daw na kaya mo nang makisangkot at
palagay na ang loob mo sa isang tao ay kung kaya mo nang makipagsalo
sa sawsawan ng iyong kapwa habang kumakain.
8. Pakikiisa
# Level of Oneness and Full Trust
# Ang pinakamalalim na lebel ng pakikipagkapwa. Nakikita ito sa mga may
matagal nang pinagsamahan na mga relasyon, kung saan ang tao at ang
kaniyang kapwa ay tila iisa. Ang kaniyang mga karelasyon ay tila
extension na ng kaniyang sarili.
Lakas ng Loob
Inakala ng mga dayuhang mananakop sa Pilipinas na mahina ang loob ng mga Pilipino.
Ang pasibo at masunuring katangian ng mga Pilipino ang siyang naging daan daw ng
mga mananakop upang mas palawakin ang impluwensya nila sa mga Pilipino at ipailalim
ang Pilipinas sa kolonyal na pamumuno at impluwensya magpahanggang sa kamakailan.
Ngunit ang hina ng loob ng Pilipino upang lumaban ay nagkakaroon ng lakas kung ang
kapwa niya ay naaagrabyado at naaabuso. Makikita sa ating kasaysayan ang lakas ng
loob ng ating mga bayani upang labanan ang isang higanteng bansa nang walang pag
aalinlangan. Nakita rin natin ang mga lumaban sa diktadurya sa kabila ng pang-aabuso
sa karapatang pantao at pagpatay sa mga lumalaban sa mapang-abusong
pamamahala. Ang ating nakaraan ay puno ng kuwento ng mga bayaning naglakas loob
sa gitna ng malaking hamon.
Ang lakas ng loob, o guts, sa Ingles, ay isang damdaming nagpapaigting ng loob hindi
lamang ng isang tao, kundi pati na rin ng kanyang kapwa. Ang lakas ng loob ng isa ay
lakas ng loob ng kapwa niya.
Pakikibaka
Kapag ang pang-aabuso ay hindi tumitigil at lalo pang umiigting, hindi na lamang
magsasawalang-kibo ang Pilipino. Siya na ay maninindigan at aktibong makikilahok
upang baguhin ang nakasanayang pamamaraan na siyang naglalagay sa buhay ng mga
tao sa alanganin. Siya ay makikibaka kasama ang kapwa niya upang ipaglaban ang
pagkakapantay-pantay ng lahat.
Dala ng kaniyang kaloobang inihanda ng bahala na at pinalakas ng kapwa upang
manindigan at makilahok, ang Pilipino ay makikibaka (resistance) sa kahit anong uri ng
pang-aalipusta. Ang Rebolusyon ng 1896 at ang Himagsikang Bayan sa EDSA noong
1986 ay mga pangunahing halimbawa ng pakikibaka ng Pilipino laban sa mapang
abusong sistema. Kung susuriin ang kasaysayan, hindi sa isang araw lamang nabuo ang
pakikibaka, bagkus ito ay produkto ng pinagsama-samang galit sa mga nagdaang taon
ng pang-aabuso ng may kapangyarihan.
V. Societal values
Ang mga panlipunang pagpapahalaga o societal values ay matatagpuan sa mas malaking
konteksto ng ating lipunan at kultura. Hindi tulad ng mga nabanggit na pagpapahalaga
na nakikita lamang sa mas maliit na konteksto ng pakikisalamuha, hangad ng societal
values ang kapayapaan at kaayusan sa mas malaking lipunan. Kung babalikan, ang
kagandahang-loob ang siyang nangangasiwa ng societal values na nakabase sa
pakikipagkapwa-tao. Ang tatlong societal values ay karangalan, kalayaan, at katarungan.
Karangalan
Ang pagpapahalaga ng karangalan ay ang pagbibigay-halaga natin sa ating mga sarili at
sa ibang tao. Sa wikang Ingles, ito ay dignity. Kalapit din nitong mga konsepto ang self
worth o self-esteem, na ang ibig sabihin ay pagbibigay importansya sa identidad.
Sa isang Asyanong bansa tulad ng Pilipinas, mahalagang katangian ng pagiging tao ang
karangalan. Kung mawala ito ay tila parang tinanggalan ka ng katauhan. Ito ang
nagbibigay sa atin ng tindig at katapangan upang tayo ay maging tao, at siya ring
ibinibigay nating respeto sa katauhan ng ibang tao.
Dalawa ang puwedeng panggalingan ng karangalan. Una ay ang puri o sa wikang Ingles
ay praise. Ito ay ang panlabas na aspeto ng karangalan. Ito ay ang pagpapahalagang
ibinibigay natin sa ating sarili base sa pagkilala sa atin ng ibang tao at ang respetong
binibigay nila sa atin. Kadalasan ito nanggagaling mula sa mga tagumpay sa buhay
(accomplishments). Ngunit ang totoong panloob na aspeto ng karangalan ay ang dangal.
Ang dangal ay ang pagbibigay ng respeto sa ating sarili na walang kinalaman sa
pananaw ng iba at ng lipunan. Ito ay nanggagaling sa panloob na respetong binibigay
natin sa ating mga sarili, at pagbibigay-importansya sa kung ano ang ating
nararamdaman at naiisip. Ito ang respetong galing sa ating mga sarili. Ayon sa
sikolohistang si Carl Rogers, kahit ang dangal man ay natututuhan natin sa mga puring
ibinibigay sa atin ng ibang tao, lalo na sa mga mahahalagang tao sa ating buhay, kapag
natutunan na nating bigyang dangal ang ating sarili ay hindi na natin kailanman
kakailanganin ang mababaw na puri ng iba.
Kalayaan
Kitang-kita sa kasaysayan ng Pilipinas ang tema ng kalayaan. Ang kuwento ng ating
nakaraan ay ang tuloy-tuloy at walang tigil na pakikibaka upang makamit ang kalayaang
ipinagkait sa atin ng mga may kapangyarihan. Mula sa mga pulo-pulong rebolusyon
noong 1600s hanggang sa pagkakaisang nakamit ng Katipunero upang ipaglaban ang
kalayaan ng Pilipinas, o kahit hanggang sa pagpapatalsik ng isang diktadurya, ang
kalayaan ay pamilyar na sa kamalayang Pilipino. Nakatatak na ito sa kanyang isip.
Freedom sa Ingles, ang konsepto ng kalayaan ay may malaking pagkakatulad ngunit
may makabuluhan ding pagkakaiba sa kanluraning pagsasakonsepto nito. Ang kalayaan
ayon sa kanluraning lente ay ang pagpapahalaga na magawa ang kagustuhan. Sa
pilosopiya, lagi itong ipinapares sa responsibilidad. Ang freedom at responsibility ay hindi
maihihiwalay. Sapagkat ayon sa kanluraning pilosopya, kasama dapat ng paggawa at
pagsikap sa anumang gustong gawin ay ang pagpapaloob nito sa kung ano ang isinasaad
sa batas o sa mga sikat na moral na pagpapahalaga. Ang freedom ay may kaakibat na
responsibility.
Ito man ay akma rin sa kontekstong Pilipino, may pagkakaiba ang kalayaan natin sa
kalayaan ng kanluran. Sa Pilipino, katumbas ng kalayaan ang buhay. Hindi lamang ito
patungkol sa kung ano ang pupuwede at gugustuhin niyang gawin. Ang kalayaan ay may
kabuluhan sa ating buhay – ang ating kalayaang mabuhay. Ang kalayaan ay ang
kapasidad upang magawa ng Pilipino ang bumubuhay sa kanya. Kaya nga ang tawag
natin sa trabaho ay hanapbuhay o kabuhayan. Sapagkat sa pangkaraniwang Pilipino,
ito ang nagbibigay-buhay sa kanya at kanyang pamilya. Dito siya nakahahanap ng
kahulugan at kahagalagan. Ang kalayaan ang kanyang buhay.
Katarungan
Marahil ang societal value na pinakamahirap makamit, ang katarungan o social justice
o social equity, ay ang pagkakapantay-pantay ng lahat sa mga panlipunan at
pampulitikal na desisyon at mga pangyayaring nakaaapekto sa bawat tao sa lipunan.
Sinisigurado ng katarungan na ang lahat ng tao sa lipunan ay nakakamit ang kanilang
hinahangad nang hindi nakakaapak o nakakalamang sa iba.
Puno ang kasaysayan ng Pilipinas ng kawalan ng katarungan. Labis na napupuno rin ito
sa pagbabaluktot ng katarungan. Ngunit para kay Enriquez, ito ay isang value na hindi
dapat natin tinitigilang kamtin. Dahil kahit na mahirap itong makamit, ang katarungan ay
kinakailangan ng ating lipunan hindi lamang upang tumakbo ito nang mabisa, kundi
upang ang bawat kapwa natin ay maging malaya at kung posible man, ay nagpapalaya.
Ayon kay Enriquez, ang pagkilala ng katarungan ay hindi lamang sa pagkakapantay
pantay ng oportunidad. Ang katarungan ay dapat may pagkilala sa karapatan ng bawat
tao at kapwa. Bukod dito, may mga elementong dapat nakikita sa isang makatarungang
lipunan.
Bukod sa karapatan (human rights), nakikita rin sa katarungan ang katotohanan
(truth). Hindi tunay na makatarungan ang kahit anong desisyon o hatol kung hindi ito
nakabase sa katotohanan. Kalapit na katangian ng katotohanan ang katapatan
(honesty). Ang katotohanan ay hindi dapat nababahiran ng kasinungalingan. Ang
katarungan din ay dapat nakaangkla sa katuwiran (reason). At ang pinakanatatangi sa
lipunang Pilipino, ang katarungan ay may elemento dapat ng pagkakaisa (unity) sa ating
kapwa upang ito ay tumungo sa kapayapaan (peace). Tanging katarungang nakabatay
sa karapatan ng tao, katotohanan, katapatan, katwiran, at pagkakaisa ang
makapaglalagay sa atin sa estado ng panlipunang kapayapaan.
Ang
ugnayan ng core value, linking socio-personal value, at societal values