Filipino (Ingles na pagbigkas: /ˌfɪlɪˈpiːnoʊ/;[2] Wikang Filipino, [wɪˈkɐŋ ˌfiːliˈpiːno]), ay ang pambansang
wika ng Pilipinas. Itinalaga ang Filipino kasama ang Ingles, bilang isang opisyal na wika ng bansa.[3] Isa itong pamantayang uri ng wikang Tagalog,[4] isang pang-rehiyong wikang Austronesyo na malawak na sinasalita sa Pilipinas. Nasa 24 milyon katao o mga nasa sangkapat ng populasyon ng Pilipinas noong 2018 ang nagsasalita ng Tagalog bilang unang wika,[5] habang nasa 45 milyong katao naman ang nagsasalita ng Tagalog bilang ikalawang wika sang-ayon noong 2013.[1] Isa ang Tagalog sa185 mga wika sa Pilipinas na tinukoy sa Ethnologue.[6] Sa pagka-opisyal, binibigyan kahulugan ang Filipino ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) bilang "ang katutubong diyalektong sinasalita at sinusulat, sa Kalakhang Maynila, ang Pambansang Rehiyong Kapital, at sa mga ibang sentrong urbano ng kapuluan."[7] Noong 2000, higit sa 90% ng populasyon ang nakakapagsasalita ng Tagalog, tinatayang nasa 80% ang nakakapagsalita ng Filipino at 60% ang nakakapagsalita ng Ingles.[8] Ang Filipino, tulad ng ibang wikang Austronesyon, ay karaniwang ginagamit ang pagkakaayos na verb-subject- object o pandiwa-paksa-bagay subalit maari din gamitin ang pagkakaayos na paksa-pandiwa-bagay. Ang direksyon nito ay puno-muna (head-initial directionality). Isang aglutinatibong wika ito nguint maaring taglayin nito ang impleksyon. Hindi ito wikang tonal at maaring ituring ito bilang isang wikang tonong-punto (pitch- accent). Opisyal na hinango ang Filipino upang maging isang wikang plurisentriko, habang pinagyayaman at pinapabuti pa nito ang iba pang mga wika sa Pilipinas sang-ayon sa mandato ng Konstitusyon ng 1987.[9] Naobserbahan sa Kalakhang Cebu[10] at Kalakhang Davao[11] ang paglitaw ng mga uri (varieties) ng Filipino na may katangiang pambalarila na iba sa Tagalog. Kabilang ang mga lugar na ito at ang Kalakhang Maynila sa tatlong pinakamalaking kalakhang lugar sa Pilipinas.