DeCastroHans Repleksyong Papel

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 4

Isang paghihimay sa pulitikal na aspeto ng Wka

Giniit ni Gng. Melendrez-Cruz sa kaniyang akda na “Ang Pulitika ng Wikang


Panturo” na ang wika ay hindi lang isang sistema ng palatandaan o isang daluyan ng
isipan at damdamin. Ito ay produkto ng Lipunan at dahil dito, mayroon itong katakdaang
pang-kultura at mayroon ding katakdaang panlipunan at pangkasaysayan.Ipinapakita
nya sa atin na ang kaniyang lenteng ginagamit sa pag-suri ng relasyon ng wika sa
lipunan ay ang Maksaysayang Materyalismo (Historical Materialism) na bunga ng pag-
aaral at pagsasapraktika nina Marx, Engels, at ng mga sumunod sa kanilang mga
teoristang sosyalista. Nabanggit sa Capital vol. 1 na ang istruktura ng ekonomiya ng
isang lipunan ang siyang humuhubog sa “superstructure” na binubuo ng mga aspetong
sosyal, pulitikal, at buhay pang-intelektwal (Marx, Engels, Mandel, & Fowkes, 1990).
Implikasyon nito na ang wika ay kabilang din sa superstructure ng lipunan. Kaya
inaasahan natin na ang wika ay hinuhubog din ng pagsasaayos ng ekonomiya ng isang
lipunan. Sa teorya ng marxismo, tinatawag ang instruktura ng ekonomiya na ito bilang
“base” o “economic base”. Ang konseptong ito ay tumutukoy sa lahat ng bagay na may
kinalaman sa produksyon ng mga pangangailangan ng lipunan. Isang magandang
halimbawa ng relasyon ng wika at ng produksyon ay ang mga nabanggit na iba’t ibang
katawagan para sa “rice” sa Filipino. Mayroon tayong konsepto ng palay, bigas, at kanin
samantalang ang Ingles ay wala. Kung dito na nagtatapos ang ating suri, matatatawag
lamang itong “materyalismong bulgar” o “vulgar materialism” dahil pinakikita rito na
“linear” o “one way” lang ang relasyon ng base at ng superstructure. Subalit ang lenteng
ginamit ni Marx at pati na rin ni Gng. Melendrez-Cruz ay ang Maksaysayang
Materyalism na nakapailalim sa pilosopiya ng Dayalektikal na Materyalismo. Iginiit ni
Engels na naniniwala sila ni Marx na bagama’t ang istruktura ng produksyon ang
pangunahing humuhubog sa lipunan, particular ang superstructure nito, ang iba-ibang
mga aspetong bumubuo sa superstructure ay hinuhubog ang lipunan upang mapanatili
ang economic base nito (Engels, 1895). Litaw ito sa argumento ni Gng. Melendrez-Cruz
na ang wika ay hindi neutral sa ating lipunang ginagalawan. Bagkus ito ay may
kaayusang pinapanatili, at implikasyon nito ay mayroong “class” o pangkat ng mga tao
na pinaglilingkuran.
Sa ilalim ng isang lipunang ang economic base ay mala-kolonyal at mala-pyudal
(semi-colonial and semi-feudal) tulad ng Pilipinas, ipinakita sa atin ni Gng. Melendrez-
Cruz kung paano ginagamit ang wika upang panatilihin ang kaayusang ito. Sa usapin
ng wikang panturo, sinabi niya na tanging Ingles ang ginamit na wikang panturo sa
edukasyon (sa lahat ng antas) noong panahon ng direktang okupasyon ng mga
Amerikano. Alam natin hanggang ngayon na bagama’t hindi na tayo opisyal na isang
pagmamay-ari o terirtoryo ng Estados Unidos, alam natin na ang Ingles patuloy pa ring
ginagampanan ang tungkulin nito na pagwatak-watakin ang lipunang Pilipino at hubugin
ito sa para sa ganansya ng mga imperyalista. Ang Patakarang Bilingwal ng
administrasyong Marcos ay naglalayong gamitin ang Pilipino at Ingles sa magkaibang
mga aralin. Kung ating maaalala, ang kapanahunan ni Marcos ay ang kapanahunan ng
“Cold War” sa pagitan ng Estados Unidos at ng Unyong Sobyet. Limpak-limpak ang
salaping ibinuhos ng Estados Unidos kay Marcos upang supilin ang rebolusyonaryong
kilusang pinangungunahan ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP 1969) sa
kanayunan. Sa panahong ito’y ginagamit ng Amerika ang maka-burges na pananaw sa
Nasyonalismo upang lituhin ang masa ng iba’t ibang bansa upang hindi ito umanib sa
maka-masang nasyonalismo mula sa Marxismo-Leninismo na siyang pangunahing
ideolohiya ng mga rebolusyonaryong kilusan noong panahong iyon. Bunga nito’y ang
Patakarang Bilingwal na ikinukubli ang pagkiling sa mga maka-kanluraning polisiya ng
administrasyon sa pamamagitan ng pag-gamit ng Pilipino sa mga iilang kurso sa
eskwela. Isinasampal nila sa masa na hindi tuluyang inalis ang wikang Pilipino bilang
wikang panturo upang masabing ang administrasyong Marcos ay Makabayan o maka-
Pilipino at hindi isang sunud-sunuran sa Washington. Makikita natin dito na ang mga
administrasyong papet ng imperyalismo ay parating naiipit sa kontradiksyon ng pag-
kiling sa Ingles bilang wika raw na magdudugtong sa atin sa pandaigdigang merkado,
laban sa pag-kiling sa Filipino, na wikang makapag-papataas ng kamulatan ng
sambayanan.

Ako rin ay hinubog ng tunggaliang ito ng Ingles at Filipino. Natatandaan ko na


Araling Panlipunan at Filipino lamang ang 2 subject na itinuturo sa wikang Filipino.
Samantalang noong high-school ay Filipino na lang. Noong senior high-school ako ay
ganoon din. Nagbago lang ngayong kolehiyo sa UPD dahil ang KAS 1 ay itinuro sa
Filipino. Ang bunga tuloy nito sa akin ay bagama’t nahilig ako sa pag-aaral ng
kasaysayan at ng pulitika, ang perspektibang aking ginagamit ay maka-kanluranin. Mas
namamangha ako noon sa pag-aaral ng kasaysayan ng Europa at ng Estados Unidos
kaysa sa masaganang kasaysayan ng rebolusyon sa Pilipinas. Ito ay isang konkretong
halimbawa ng sinabi ni Gng. Melendrez-Cruz na ang Sistema ng edukasyon at ang mga
patakaran sa wikang panturo ay ginagamit upang pagmukhaing lehitimo ang kaayusan
ng lipunan. Sa ilalim ng lente ng Dayalektikong Materyalismo, Nakita rin ni Gng.
Melendrez-Cruz na kung ang wika ay may kakayahang maging instrumento ng
kolonisasyon ng isipan, ito rin ay mayroong kakayahang maging instrument ng
pagpapalaya sa isipan. Dahil sa aking oryentasyon noon pagdating sa pulitika ay maka-
kanluranin, kahit noong ako’y naging aral sa mga maka-kaliwang teorya, ang aking mga
binasang sanggunian ay puro naka-sulat sa Ingles. Kaya naman tuwing ako’y
nagbabahagi ng aking mga kaalaman sa aking mga kaibigan ay lalo lang silang nalilito
sa akin dahil puro malalalim na terninolohiya sa Ingles ang aking ginagamit tulad ng
“Dictatorship of the proletariat”, “Class struggle”, “Proletariat” at iba pa. Ngunit mula
noong ako’y sumali sa isang National Democratic Mass Organization (NDMO), ako ay
nasanay na magpaliwanag ng mga konseptong may mapagpalayang diwa sa wikang
Filipino. Gamit ang pilosopiyang, “Mula sa masa, tungo sa masa”, napagtantuan ko na
upang makatulong ako sa pagpapapataas ng kamulatang pampulitika ng aking mga
kababayan, nararapat lamang na makisalamuha ako sa kanila, at gamitin ang wikang
malapit sa kanilang puso’t isipan. Dahil lagi’t laging aalalahanin, tayo, ang masa, ang
lumilikha ng kasaysayan. At kung hindi natin matutulungan ang isa’t isa na makalaya
mula sa mapaniil na kaisipang nilikha ng lipunang mala-kolonyal at malapyudal, pare-
parehas tayong magdurusa sa mga krisis na mismong Kapitalismo ang lumilikha. Ako
ay lubos na natutuwa dahil sakto ngayong semestre ang pagkuha ko ng Fil 40 dahil
nagkaroon ako ng pagkakataong maka-tamo ng mga kaalaman mula sa mga iskolar ng
bayan na ibinuhos ang kanilang talino’t lakas sa pagsusuri ng ating wika. Sana ay
mahasa ko ang aking pag-sulat at pananalita sa wikang Filipino upang magamit ko ito
para sa mga gawaing pang-propaganda lalo na’t nalalapit na ang halalan. Hinog ang
panahong ito upang tayo’y kumilos at mag-mulat upang makibaka para sa interes
nating inaapi.
Mga karagdagang sanggunian bukod sa Ang Pulitika ng Wikang Panturo
Engels, F. (1895, October 1). Engels to J. Bloch In Königsberg. Retrieved from
marxists.org:
https://www.marxists.org/archive/marx/works/1890/letters/90_09_21.htm

Marx, K., Engels, F., Mandel, E., & Fowkes, B. (1990). Capital. Volume one : a critique
of political economy. London: Penguin in association with New Left Review.

You might also like