Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 9

TEKSTONG EKSPOSITORI

Layunin:
a.) Natutukoy ang mga tekstong ekspositori.
b.) Nalalaman ang iba’t ibang hulwaran ng mga organisasyon ng teksto.
c.) Nagagamit ang iba’t ibang hulwaran sa pagbasa ng teksto

Tekstong Ekspositori
Ang tekstong ekspositori ay bunga ng pagpapahayag na ang layunin ay gumawa ng malinaw, sapat at walang
kinikilingang pagpapaliwanag sa ano mang bagay na nasasaklaw ang isip ng tao.
Sinasaklaw ng tekstong ekspositori ang pinakamalaking bahagi ng binabasa at sinusulat ng tao.

Katangian ng Tekstong Ekspositori


a. Obhetibo ang pagtalakay sa paksa.
b. Sapat na mga kaalamang ilalahad;
c. Malilinaw ang pagkakahanay sa mga ideya; at
d. Analitiko ang pagsusuri ng mga kaisipan at datos.

Hulwaran ng mga Organisasyon ng Teksto


1. Depenisyon
- Pagbibigay sa kahulugan ng salita sa pamamagitan ng iba't-ibang pananaw o maaring sa pagbibigay ng mga
kasingkahulugan.
- Isang uri ng diskursong ekspositori na pinakamadalas gamitin. Maaring maibigay ang kahulugan ng isang bagay o salita
sa tulong ng ibang salitang kasingkahulugan nito.
Halimbawa:
Itim = pagdadalamhati
Pula = katapangan
Luha = kasayahan o kalungkutan

- Maaari ring magbigay-kahulugan sa isang salita tulad ng: pagbibigay ng pangkat nito at ang ipinagkaiba nito sa mga
kasamahan sa pangkat na kinabibilangan, maaari ring sundan ito ng mga halimbawa.
Halimbawa:
Ano ang paglalahad ?

Ang paglalahad ay isang anyo ng pagpapahayag, pasalita man o pasulat, na nagpapaliwanag. Ilang uri ng
paglalahad ay tala, balita, pitak, editorial, panuto
at sanaysay.

- Sa pagbibigay ng depinisyon, tinatalakay din ang isang bagay o paksa, kasama ang mga pagkakatulad o pagkakaiba nito
sa ibang bagay.

Maaaring ito ay pormal o di-pormal


1. Pormal o Maanyo – kapapansinin ng tatlong bahagi.
a. salita o katawan (term)
b. pangkat na kinabibilangan o kaurian (genre)
c. kaibahan (difference)
Halimbawa:
Ang kasal (salita) ay isang sakramentong (kaurian) nagbubuklod sa dalawang pusong nagmamahalan.
(kaibahan)
2. Di-pormal o Malaya – nagbibigay kahulugan sa paggamit ng mga salitang nakapukaw ng damdamin at hindi
tuwirang sumusnod sa kaayusan ng pangungusap sa pormal na pamaraan.
Halimbawa:
Ang kasal ay bunga ng pagmamahalan ng dalawang pusong umiibig sa isa’t isa na dumaan sa maraming
oras ng pagliligawan bilang pangako ng lalaki sa babae.

May dalawang dimensyon ang depinisyon:


1. Denotasyon
2. Konotasyon

2. Enumerasyon o Paglilista
- Pag-aayos ng detalye ayon sa pagkakasunud-sunod, mula simula hanggang huli.
- Ang hulwarang ito ay maaring maglahad ng mga halimbawa na nabibilang sa isang uri o klasipikasyon.
Halimbawa:
Mga hakbang sa Pagbasa ayon kay Gray
1.Rekognisyon
2.Komprehensyon
3.Reaksyon
4.Aplikasyon
- Sa mga ibinibigay na pagsusulit sa klase lalo na kung ito ay objektiv, madalas na gamitin ang pag-iisa-isa kapag hakbang
o proseso ang aytem.
- Tiyakin kung dapat na magkakasunod ayon sa inilalahad na aytem o maaari naming hindi magkakasunod kung hindi
naman ito isang proseso.

3. Pagsusunod-sunod
- Nagpapakita ito ng serye ng mga pangyayari na maaring humantong sa isang kongklusyon o pagkakasunod-sunod ng
mga pangyayari.
- Sa hulwarang ito ng mga organisasyon ng teksto, nabibigyan ng pagtataya o ebalwasyon ng isang mambabasa kung
alam niya kung papaano pagsusunudsunurin ang mahahalagang pangyayari sa isang kwento

May tatlong uri ng pagsusunod-sunod na hulwaran ng teksto


1.Sekwensyal
2.Kronolohikal
3.Prosedyural

a. Sekwensyal
- ang mga serye ng mga pangyayari na patungo sa kongklusyon o ang sekwens ng mga pangyayari na may kaugnayan sa
partikular na pangyayari gaya ng sa kwento nobela, talambuhay, dula, balita, atbp.
- karaniwang ginagamitan ito ng mga salitang una, pangalawa, pangatlo, susunod atbp.

Halimbawa: Maikling Kwento, “Ang Kalupi” ni Benjamin Pascual

Tunghayan ang story ladder na ilalahad, sekwensyal ang pagkakasunodsunod ng mga pangyayari sa nasabing maikling
kwento.

Mapapansin na sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari ay mahahalagang aksyon lamang ng pinagsusunod-


sunod. Kailangang magkakaugnay ang bawat pangyayari upang malinaw na masundan ito ng isang mambabasa.

b. Kronolohikal
a. inaayos ng manunulat sa kronolohikal na kaayusan ang materyales, inililista niya ang hakbang o pangyayari
ayon sa pagkakapangyari ng kasaysayan, kwento o iba pa.
b. payak na halimbawa nito ang kasaysayan ng isang bansa o mahahalagang pangyayari sa mundo
c. Karaniwang ito ay may petsa gaya ng tiyak na araw at taon upang malaman kung kalian nangyari ang
kasaysayan.
Halimbawa:
Talaan ng mga naging Pangulo ng Plipinas
1.Emilio Aguinaldo1898 - 1901
2. Manuel L. Quezon1935 - 1944
3. Jose P. Laurel1943 - 1945
4. Sergio Osmeña1944 - 1946
5.Manuel Roxas 1946 - 1948
6. Elpidio Quirino1948 - 1953
7. Ramon Magsaysay1953 - 1957
8. Carlos P. Garcia 1957 - 1961
9. Diosdado Macapagal 1961 – 1965
10. Ferdinand E. Marcos 1965 - 1973, 1973-1981,at 1981 - 1986
11. Corazon C. Aquino 1986 - 1992
12. Fidel V. Ramos 1992 - 1998
13. Joseph Ejercito Estrada 1998 - 2001
14. Gloria Macapagal Arroyo 2001 - 2004, at 2004 - 2010
15. Benigno Aquino III 2010 - 2016,
16. Rodrigo Duterte 2016 – 2022
17. Ferdinand Marcos Jr. 2022 – kasalukuyan
c. Prosedyural
d. Kapag nagpapaliwanag ng isang proseso ang manunulat, ang hakbang ay kailangang ayusin din.
e. Maaring ito ay kung paano gawin ang isang bagay, pagluluto at pagsunod sa direksyon.
Halimbawa

Pagluto ng Sinigang na Baboy


Sangkap;
f. 1 kilo laman ng baboy
g. 1 tasa suka (paumbong)
h. ½ kutsarita asukal
i. 4 piraso mais (buo lamang)
j. 1 tali talong
k. 1 tali kangkong, pinutol sa 2" ang haba
l. 1 tali okra
m. 1 tali sigarilyas, pinutol sa 1" ang haba
n. 1/4 na baboy na ;laman
Paraan ng pagluto:
1. Pakuluin ang karne.
2. Pakuluan sa aparteng kalderong may kaunting tubig,ilagay ang nahiwa na kamatis at sampalok.
3. Kapag lumambot na ang karne ay ilagay ang buong gabi.
4. Kapag malambot na ang gabi ay isabay ang sitaw, kangkong, sigarilyas at okra.
5. Haluin at ilagay ang nilagang kamatis sa pinggan at hiwain ng naayon sa laki at ihulog sa sabaw ng sinigang.
6. Haluin ang sampalok at ligisin ito sa pinaglagaang tubig at salain bago itimpla sa sabaw ng sinigang.
7. Isama ang asin ayon sa alat at asim.

Malinaw na inilahad sa bawat hakbang ang proseso na dapat gawin nang sunod-sunod. Kailangang sundin ang
bawat hakbang upang maayos na maisagawa ang bagay na gagawin.

4. Paghahambing at Pagkokontrast
- Sa paghahambing, ipinapaliwanag ng manunulat ang pagkakatulad sa pagitan ng dalawa o higit pang ideya, tao, lugar,
pangyayar, bagay at iba pa. Samantalang sa pagkokontrast, ipinapaliwanag naman ang pagkakaiba.

Halimbawa: Ang lumang bersyon ng Panatang Makabayan at ang Bagong Bersyon ng Panatang Makabayan.

Sa binasang dalawang teksto, maaring makabuo ng paghahambing at pagkokontrast kahit simple lamang.
Maaaring sa paghahambing at pagkokontrast ay payak lamang na impresyon ng bumabasa ang inilalahad.
Sa hulwarang ito, maaaring gumamit ng mga graphic organizer tulad ng mga sumusunod.
5. Problema at Solusyon
- Paglalahad ito ng mga suliranin at paglalapat ng kaukulang solusyon.
- Sa pagbasa ng mga akdang pampanitikan, umiikot ang kwento sa tinatawag na tungkulin o suliranin patungo sa
resolusyon o kakalasan kung saan binibigyan ng kalutasan ang naging problema sa kwento.
Halimbawa:
Problema sa pera, kailangan nating magsumikap at magtrabaho ng maayos. Kung walang trabaho,kailangan
maghanap. Maraming paraan kung gugustuhin lang natin tulad ng paghahanap sa Dyaryo at humingi ng tulong
sa mga kakilala.

6. Sanhi at Bunga
- Nagpapakita ito ng mga kadahilanan ng isang bagay o pangyayari at ang kaugnay na epekto nito.
- Ang sanhi ay isang ideya o pangyayari na maaaring humantong sa isang bunga.
Halimbawa:
Narinig mo ang sirena ng isang ambulansya.
Ano ang maaaring bunga ng sirenang ito.

Isang bagay na maaaring mangyari ay ikagulat at ikabahala mo ang sirenang narinig. Maaaring natakot ka rin. Kaya ang
naging bunga ng sirena sa iyo ay nagulat, nabahala, at natakot ka.
I. Basahin ang kwentong “ANG HULING ITINERARYO NG PULU-PULONG UTAK
NI PROPESOR BALISUNGSONG” ni Pat V. Villafuerte at gawin ang kasunod na
mga gawain pagkatapos na ito’y Mabasa.

Ang Huling Itineraryo ng Pulo-pulong Utak ni Propesor Balisungsong


Ni Pat V. Villafuerte

Ang kwentong ito ay nagwagi ng Ikatlong Gantimpala sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature sa Maikling-
kwento noong 1984

Tama ka, Propesor Balisungsong. Isang pagpapatiwakal ang maging propesor sa panahong ito. Hindi lamang
mga istudyanteng pulpol ang nakabangga mo. Pati administrasyon ng unibersidad. Pati nang sosyedad. Pati na ang
mundong di mo mayakap-yakap. Maraming ulit ka na ring nakatanggap ng sulat-pagbabanta mula sa ilang mga
istudyanteng inilagpak. Iyong mga graduating students na ining-complete mo, tiyak isinusuka pati ang kaluluwa at
kaluluwa ng tumbong mo. At ngayon pati ba naman ang presidente ng unibersidad ay kinalaban mo. Paano, kahapon
nang uminit ang issue tungkol sa peso devaluation, umakyat din ang init ng kukote mo. Sumugod ka agad sa opisina ng
administrador mo. Nagbalitaktakan kayo. Kesyong di makabubuhay ang sweldong tinatanggap mo. Pero ano ang sagot
ng boss mo? Sa pulong ng Board of Trustees sa isang buwan ay isasama sa agenda ang kahilingan mo. Ngunit hindi
natuloy ang meeting. Nasa States di umano ang chairman ng board. Pero abot na sa leeg mo ang halaga ng bilihin.
Kaya, ipinasya mong tumawag ng emergency meeting. Pinulong mo ang mga gurong sa palaga'y mo'y panig sa'yo.
May nagmungkahing mag-mass leave kayo. Pero tumutol si Propesora Etnesba. Ubos na raw ang service credits niya.
Di primerang absentera kasi ang dambuhala. Nag-second the motion naman si Dr. Diarfa, baka raw matanggal kayong
lahat sa pagtuturo kapag natuloy ang mass leave.

Nakabinbin pa naman daw ang kanyang three-step promotion. Personal ang rason. Pag natuloy ang mass
leave, mababale-wala nga naman ang ilang token appreciation na palihim niyang ipinadadala sa opisina ng VIP. Hindi
kataka-taka. Nang nag mass leave kayo noong nakaraang taon, hindi siya sumama. Kesyo okey naman ang kanyang
sinasahod. Kaya pala, dalawang linggo pagkatapos, lumabas ang kanyang "lundagkangarong promotion." Naisahan ka,
Propesor Balisungsong.

Nagbotohan. Resulta? Sit down strike ang naging pasya. Kung kailan, wala pang katiyakan. Walang petsang
itinakda. Ha! Ha! Ha! Hindi ko lubusang maisip. Ang unibersidad ng gobyerno, lalaban sa gobyerno? Malaking
kahangalan 'yon, magiting na propesor. Hindi ko alam kung nagpapakabayani ka o ibig mong maikapit sa iyong
pangalan ang salitang repormista. Wala nang lugar na mapagtataguan ng monumento mo, Prop. Ang mga bakanteng
lote'y nabili na ng mga may-ari ng subdibisyon at memorial plan. Taasan ang sweldo. Iyon ang konseptong nais mong
buuin. Pero baka nalilimutan mo, Prop. Hindi ka nagtatrabaho sa Budget Ministy, sa IMF o sa World Bank. Wala kang
alam sa kaban ng bayan. At hindi ikaw ang presidente ng faculty association. Binabay pas mo si Dr. Ilar, board member
ka lang ng asosasyon, Prop. At saka nga pala, chairman ng Grievance Committee. (Amen!)

Nauunawaan kita, Propesor Balisungsong. Tao ka lang, Marunong ka ring magutom. Bumabaho ka rin.
Kailangan mo ring bumili ng toothpaste at deodorant. Makapagtuturo ka nga ba kung umaalingasaw ka. Pero may
alam ka, Prop. Iyong isang department head ninyo amoy pusali ang Iyong isang department head ninyo amoy pusali
ang ilalim ng braso. Pati yata tawas, e sumusuko. At pag nagsalita pati si Eric Banes ay masusuka sa amoy ng
nabubulok na cavities. Pero graduate ng Harvard. Naitanong mo minsan sa sarili mo, "Bakit di ba itinuturo sa Harvard
ang good grooming at personal hygiene?"

Pero ang problema mo, Prop. Kung sabagay, sino bang tao ang dimamumrublema sa pera? Namamasahe ka
rin. Naninigarilyo. Nagkakape. Paminsanminsa'y nanonood ka din ng sine. Sa Makati, Sa Cubao. Kung minsan pa nga'y
sa isang second-run theater sa Quiapo. Pero katulad namin, biktima ka rin ng peso devaluation. Kaya minor lang muna
ang bisyo, mas kailangan kasi ng anak mo ang gatas na pinagtutubuan ni Beho. Pasalamat ka nga't nakatira ka sa
biyenan mo. Ambisyoso ka kasi. Department Head ka na kasi sa iskwelahang pinagtuturuan mo, lumipat ka pa sa
unibersidad na pinagtapusan mo. Kesyo mas mataas ang sweldo. Mas may pangalan. Kapag may nagtanong nga
naman, "Saan ka ngayon?" Panggulat nga namang banggitin 'yong state university na pinagtuturuan mo. Pero
ngayon? Ha! Ha! Ha! Ginugutom ka ng honor at prestige na sinasabi mo. Paano mo masasabi sa mga kaibigan mo na
impyerno't hindi langit ang unibersidad na napasukan mo? Pagtatawanan ka nila. Sisisihin. Lilibakin. At iyon ang ayaw
mong mangyari. Kasi,naguugat pa rin sa utak at dibdib mo ang sinasabi mong pride. Kaya isa lang ang tinitiyak ko sa
iyo: Iyong pride na 'yon ang lalagot sa hininga mo. Ingat!

Tik-ti-la-ok! Umaga na, Propesor Balisungsong. Oras na upang magbangon ka't mag-jogging! Huwag mo nang
kainggitan ang mga sosyal na magdiya-jogging sa CCP Complex. Walang sagabal sa pagpunta nila roon. Nakakotse sila.
May baong sandwiches at juice. Kaya ikaw, sa likod ka na lang mag-jog. May hangin ka ring masisinghot. Hindi lamang
kasinsariwa ng hanging masasagap mo sa Roxas Boulevard. Pag napagod ka, lumagok ka na lang ng kape. Magong
juice, maging kape, sa sikmura rin 'yon tutuloy. Iiihi mo rin 'yon pagkatapos. Pagkapahinga mo'y maligo ka. Mahal ang
sabon ngayon kaya't konting tipid. Pagbutihan mo na lang ang paghihilod. Sabi nga, huwag na di madaanan. Konting
deodorant, konting pulbos, ayos! Sa mesa, ang maggu-good morning sa iyo'y isang pritong gigi (galunggong) at pulang
kamatis. "Na naman?" tanong mo kay Misis. "Bakit may ibinigay ka ba?" balik na tanong ng mahal mong asawa.

Napahiya ka sa asawa mo. At, lalong napahiya ka sa sarili mo. Dati kasi, maylongganisa't tosino, sausage o
pritong pata na nakahain sa mesa. May saging at papaya pa. A, tapos ang maliligayang sandali ng pag-aalmusal mo.
Propesor Balisungsong. Tapos na. Pero parang litanyang di matapus-tapos ang makahulugang tingin sa iyo, Propesor
Balisungsong na limang araw na lamang ay susuweldo ka na. Ha! Ha! Ha! Nakakatawang nakakainis ka, Prop. Sa
unibersidad ay napakatapang mo. Terror, sabi nga ng mga estudyante mo. Pero pag nasa bahay ka pala, tingin lang ng
biyenan mo, pinangingilagan mo. Pero hindi mo naman magawang umalis. Di kaya ng sweldo mo ang panghulog sa
subdibisyong itinatayo sa Biñan. Minsan kasi binalak mong kumuha ng lote sa Novaliches. Pumasok sa isip mo ang
pag-ibig fund. Nag-apply ka kaso nareject ang application form mo. Natuklasan kasi na bukod sa downpayment na
ibibigay
mo, di sasapat sa sinasahod mo ang halaga ng buwanang paghuhulog mo. At sino naman ang taong mauutangan mo
sa panahong ito? Utang na loob man, hindi na rin nauutang ngayon, mabunying propesor. Naitanong mo tuloy sa chief
ng Personnel Division, para ano pa ang pag-ibig? Ay, ewan.
"Ikaw kasi, e. Sinabi ko na sa iyo noon pa na pagturuin mo ako, sabi ng asawa mo. "Para ligawan ka nanaman
ng co-teachers mo?" tanong mo. Sa panahongg ito, wala nang selos-selos pa, Propesor Balisungsong. Maging praktikal
ka na ngayon. Bakit di ka tumulad kay Dr. Topi, yong head ng Department of Psychology? Malaki nang kita
pinagtatrabaho pa ang asawa bilang chief ng kalapit-unibersidad. Dahil para sa kanya ang pag-aasawa'y pagtutulungan
sa kabuhayan. k sa selos. Nilalamon ang utak mo. Para bang ang misis mo ang pinakamagandang babae na nilikha ng
Diyos. Tipong tuksuhin, sabi nga.

Pero ibang nagyari, may nakapagbalitang si Mrs. Topi at ang bise-presidente ng unibersidad.,. Iyon ang ayaw
mong mangyari, Prop. Ang masuong ng ipot sa ulo. Pero alam mong iba'ng misis mo sa misis ni Dr. Topi. Kung may
tiwala ka rin sa asawa mo, bakit di mo subuking ihanap siya ng trabaho? Kung sabagay labingwalong taon ang tanda
mo kay Misis. Istudyante mo siya noon sa Philosophy, remember? Nang minsang magkasabay kayong managhalian sa
canteen ay napag-usapan ninyo ang tungkol sa paksang man-woman relationship. Noon mo natuklasang mag-iisang
buwan nang nagbalak ang naging misis mo at ang dati niyang boyfriend. Umentra ka. Dahil may lihim kang pagtatangi
sa estudyante mo at may crush siya sa iyo, kayo ang nagkatuluyan. Okey ang reception sa Hilton. Pagkatapos,
nagpatuloy siya sa pag-aaral. Nakatapos naman. Pero linti k sa selos. Nilalamon ang utak mo. Para bang ang misis mo
ang pinakamagandang babae na nilikha ng Diyos. Tipong tuksuhin, sabi nga.
"Dito ka na lang sa bahay," huling pasya mo. BRUM! POT! POT! BRUM! Marami ang nag-aabang ng jeep sa
Blumentritt. Tiyak na matatagalan ka na naman sa kahihintay. Huwag mong sabihing sasabit ka. Ang prestige, Prop
ang prestige. Alam mo, mas maswerte ang drayber kaysa sa'yo. Dumudumi nga ang damit. Pawisan. Marumi'ng kuko.
Di maka-ingles. Pero kumikita ng mahigit sa isandaang piso sang araw. Piso na yata ang pamasahe ngayon. Saka, alipin
pa niya ang ibang drayber ng sasakyan. Siya ang hari ng kalsada. Alipin pa niya ang manibela. Ang preno. Hawak niya
pa ang buhay ng mga pasaherong tulad mo. Pero ikaw? Malinis nga ang damit mo. Maporma. Mabango. Iginagalang.
Hinahangaan. Kinatatakutan. Ngunit mababa ang sahod. Alipin ka pa ng oras. Ng sistema. Ng intriga. At ng lahat-lahat
na. Ang dahilan. Ibang may hawak sa manibela ng buhay mo. Iba'ng nagpapaikot ng gulong. Iba'ng nagsasalin ng
premium. Di ba't Philosophy ang tinuturo mo? Bakit wala ka yatang pilosopiya sa buhag mo? Memoryado mo pa
naman ang depinisyon ng philosophy. It is defined as the search for truth and wisdom. It's concerned with
investigating and trying to understand the principle of human nature, behavior and reality? Sa nakalantad na
realidad?
May bakante sa dyip. Upps! Sa wakas, nakasakay ka rin. Bakit ang tao, pagsakay sa dyip parang T.V. set?
Pinapanood. Pati ng pag-upo mo sinusundan ng tingin. Ganyan lang kaliit ang daigdig mo, Prop. Sinliit ng loob ng dyip.
Masikip. Mainit. Tingnan mo ang mga pasahero, Prop. Galing! Sa iba't ibang lugar. Di kayo magkakakilala, pero alam
mo kung sino ang istudyante. Ang prooesyonal. Ang di natatapos. Ang istambay. Alam mo rin kung sino ang manang.
(na kadalasa'y nakasuot ng Lourdes o Nazareno tuwing Biyernes) mah hawak na rosaryo at bubulong-bulong. Alam mo
rin ang bookworm (kuno). Mula nang makaupo hanggang sa malapit nang bumaba ay nagbabasa ng isang latest
edition ng pocketbook. Iba't ibang tinig ang maririnig mo. Iba't ibang "alimuom".

May nagbabalita. May pumupula. May nasisiyahan. May naghihinanakit. A, ganyan ang damdaming
namamayani sa iyong munting daigdig, Prop. Sarisari. Salisalimuot. Talagang tibay lang ng loob ang kailangan. "Barya
lang," paalala ng drayber. "Lang?" naitanong mo sa'yong sarili. Naisip mo kasi, mahalaga ang barya sa panahong ito.
Kung maari nga lamang ay ayaw mong mabaryahan ang limang piso mo. At ano nga ba naman ang mabibili ng barya?
Dalawang stork lang o dalawang stick ng Marlboro na inilalako ng batang umakyattumalon sa dyip na sinasakyan mo.
May batang umakyat sa dyip. "Tempo! People's Journal! Daily Express! Napatingin ka sa headline ng pang-
umagang pahayagan: Magic Ten Runs Dollar Syndicate. Nagsisiklab ang kalooban mo. Naalala mo bigla ang disiotso na
palit ng dolyar. Ang otso singkwentang halaga ng isang baretang sabon panlaba. Ang presyo ng baboy, ng gatas, ng
itlog, ng mantika, ng , . Saka mo naisip ang misis mo. Si misis na laging gulo ang isip sa pagba-budget. Nagpuputok ang
butse mo. Parang sinisilaban ang buo mong katawan. Mahabang pu. , . ang kumawala sa bibig mo. A, gapos ka ng
walang hanggang pagkayamot.
Nasa tapat ka na ng unibersidad. Tapos na ang nakababagot na oras na inilagi mo sa dyip. Ginising ka ng mga
hiyawan. Sa labas, naroon ang mga istudyante. Nagpoprotesta. Hindi dahil sa mababang sahod na tinanggap mo. At
hindi rin dahil sa pagtaas ng presyo ng tuition fee nila noong nakaraang semester. Kundi dahil sa anila'y mababang uri
ng panitikan na pinangangalandakan ng mga magasing BABAENG TIKTIK, AT SAKDAL. Nangakatambak ang mga
magasin. Sinusunog. Nagliparan ang mga alipato. Nang makita mo si Dr. Gobil, matandang dalagang "pasimuno" ng
kilusan ay lihim kang napangiti. Naibulong mo tuloy sa iyong sarili, alin ang mas mahalay, ang magasing smut o ang
taong gumagawa ng lihim na kahalayan. Dahil kilala mo si Dr. Gobil. Nagtapos lang ng Ph. D. sa Boston bilang skolar,
tumaas na ang ere sa katawan. Kesyo siya ang pinakamatalino. Siya ang may pinakamaraming award. lokal at
internasyonal. Siya lang ang tagapagtanggol ng mga estudyanteng naaapi. Siya ang martir. Ang banal. A, kung
maibubulgar mo lang na may kinakasama siyang t-bird ding tulad niya sa inuupahan niyang apartment. Na siyang
nakatulong nang malaki para
makapagpatayo siya ng isang negosyo sa Bicol. Pero di mo magawang ibulgar. Takot kang masabit. At malakas ang t-
bird na 'yon sa isang minister.

"Pwe!" nasabi mo, sabay alis. Parang naririnig mo tuloy ang madalas banggitin ni Dr. Gobil kapag siya'y
nakikipag-usap: Praise the Lord! Tulo'y tuloy ka sa Men's faculty room. Twenty minutes pa kasi ang nalalabing minuto
para sa klase mo. Nakita mo si Prop. Cainam, ang playboy ng unibersidad. Ngingisi-ngisi habang nagmamakaawa sa
kanyang harapan ang isang bata't magandang estudyante. "O, pa'no na 'yan Arawirap?" tanong ni Propesor Cainam
"Lagpak ka uli sa second final exam ko" "Gagawa na lang ako ng special project, Sir. Kung gusto ninyo ire-research ko
ang mga nagwaging lahok sa Palanca at sa CCP for this year. Di po ba sabi ninyo, hindi pa kumpleto ang mga koleksyon
ninyo? O kung ibig ninyo'y magdo-donate na lang ako ng libro. Please help me, Sir. Ako lang ang inaasahan ng parent
ko," pakiusap ng istudyante.
Isang calling card ang iniabot niya sa istudyante. "Tawagan mo ko mamayang gabi sa bahay. Sa phone natin
pag-uusapan ang lahat. Time ko na for my second class," sabi ni Propesor Cainam. Lumabas ka ng Men's Faculty
Room. Si Propesor Atilab ang sagsabi sa 'yong may meeting sa Conference Room mamayang alas-onse ng tanghali.
"Tungkol saan?" tanong mo. "Sa salary hike," sagot ni Propesor Atilab. Lihim kang napangiti. Agad sumaisip mo ang
karagdagang salaping mapapasakamay mo pag nagkataon. Ibibigay mo 'yon ng buong-buo kay Misis. Kay Misis na
hindi mo kariringgan ng pagtutol dahil alam mong makukulta na ang kanyang isip sa pagbabudget. Kay Misis na
tanging humahanga sa iyong kakayahan. Kay Misis na lagi mong tagakubli ng iyong kahinaan. Kay Misis . , . Kay Misis . ,
. Pasado alas onse na nang magkaroon ng quorum. Relaks na relaks ka sa pagkakaupo. "Our welfare up to now is
overlooked and taken for granted. Somebody should start listening to our demands. We're fed up with promises," ito
ang pahayag ni Dr. Ilar. Bilib na bilib ka kay Dr. Ilab. Mahusay magsalita. Matapang. Matatag. U.P. Graduate at
magtatapos ng law sa Ateneo. At hindi marunong maglangis. Hindi tulad ng iba na parang linta kung kumapit.
Nag-suggest ka. Automatic wage adjustment sa tuwing may pagtaas ng oil prices at peso devaluation. Ang
adjustment, sabi mo pa ay dapat naaayon sa inflation level at economic price index. Okey ang mga suggestions mo,
pero ano bang alam mo sa economics, Prop? Narinig mo ang bulong ni Propesor Paloksi. Ipagpalatuloy daw niya ang
kanyang Ph. D. Sa U.S.T. para maragdagan ang kanyang sahod. Napangiti ka. Kasi, alam mong sa bawat units ng pag-
aaral ay units din ang ibabawas sa extra teaching load. Naibulong mo, bakit ganoon, bakit kailangan bawasan ang
isang teaching load gayong tuwing Sabado lang naman ang turo sa Graduate School, at hindi maaapektuhan ang turo
sa unibersidad? Sa ibang unibersidad nga, kahit ilang extra teaching load ay pinapayagan, hanggang kaya ng may
katawan. Bakit dito sa amin, hindi? Ay, ewan.

"Mass sick leave," mungkahi ni Propesor Tikas. Nagbotohan. Panalo. Ilang araw? Isang linggo pumasok ka
nanaman sa gulo, Prop. "Kailan!" tanong mo. "Simula bukas," sagot ni Propesor Ilad. "Biyernes bukas at pay day. Next
week na lang," mungkahi mo. Tumutol ang marami. Sa susunod na linggo na lang daw. May affair kasi sa susunod na
linggo. Pasisinayaan ang bagong ipinagawang Administrative building. Walk-out? "Magandang ideya," bulong mo.
Isang magandang balak ang nabuo sa isip mo.
ALAS-OTSO ng umaga ang nakalagay sa oras ng pagbabasbas sa bagong gusali. Maliwanag na nakalimbag
'yon sa program na nakuha mo sa 'yong pigeon hole. At bukas pa 'yon, Prop. Ewan ko ba kung bakit gabing-gabi'y
nariyan ka pa sa Men's Faculty Room. Tapos na kanina pa ang evening class mo. At nag-uwian nang lahat ng
istudyante. Sarado na rin ang main gate ng unibersidad. Kinuha mo sa iyong steel cabinet ang lata ng pinturang
ginamit mo noon sa paggawa ng placard, pati na ang thinner at brutsa. Ikinandado mong mabuti ang pintuan ng
Men's Faculty Room. Nang buong ingat. Sa bagong gusali ka nagtuloy. Kanina'y pumasyal kayo roon ng iba mong
istudyante. Nagsama ka pa ng ilang dyanitor upang magdala roon ng sound system at ilang upuan. Ikaw kasi ang
naatasan sa tungkuling iyon. At tandang-tanda mo na hindi mo ni-lock ang pinto. Ikaw ang huling lumabas sa bagong
gusali. Ngayo'y babalik ka roon. Dala ang mga kagamitang kinuha mo sa steel cabinet. Maingat kang nakapasok sa
lobby. Dinukot mo sa 'yong bulsa ang maliit na flashlight. Ipinatong mo 'yon sa ibabaw ng rostrum. Tinitigan mo ang
makinis na makinis na dingding. Nagsimula kang magsulat. Naisip ang mga istudyanteng isinama mo kanina. Ang mga
istudyanteng nais mong ipahamak dahil suklam na suklam ka sa kanila. A, sila . , . sila lamang ang maaring gumawa
noon. Sukat . , . sulat . , . at sulat pa! A, may apo palang propesyonal si Bandalismo.
Bukas, pag-uusapan ang malaking isyung ikaw mismo ang may likha. Bukas, isang pangyayaring magpapabago
sa kasaysayan ng unibersidad. Sa harap ng mga panauhin mula sa Ministry. Sa harap ng mga dayuhang panauhin.
Bukas . , . Bukas . , .
Nabunggo mo ang lata ng pintura. Tong! Plok! Plotokok! Plong! "Sino 'yan? Sino 'yan? May tao ba riyan?"
kilala mo ang tinig. Hindi ka kumibo. At huli na upang kunin ang flashlight. Unti-unting bumubukas ang pinto. Isang
paraan na lamang ang naiisip mo. Dinampot ang lata. Ipinukol sa mukha ng nagbukas ng pinto. Ngunit naging mabilis
ang kanyang kamay. At bago ka nakapagsalita sunod-sunod na putok ang iyong narinig. Bukas ang isinulat mo ay
laman ng pang-umagang pahayagan. Bukas, ang pulo-pulong utak mo'y kasabay na mabebendisyunan. Bukas . , .
Bukas.

1. Sa pamamagitan ng Story Ladder, ilahad ang SEKWENSYAL na pagkakasunod-sunod na nangyari sa tekstong binasa.

2. Pumili ng dalawang pares ng professor na tinukoy sa tekstong binasa. Sa pamamagitan ng Venn Diagram,
paghambingin sila.

Pares 1. Prop. ________ vs. Prop. _______

Pares 2. Prop. ________ vs. Prop. _______


3. Itala sa tsart ang mga problemang tinukoy sa teksto: Magbigay ng sariling solusyon kaugnay ng mga tinukoy na
problema.

PROBLEMA MUNGKAHING SOLUSYON

4. Ibigay ang sanhi at bunga ng mga sumusunod na sitwasyon:


a. Sanhi ng mass leave ng mga guro at ano ang mga maaaring ibunga nito.
b. Sanhi ng ambisyong makapagturo sa ibang bansa. At ano ang maaaring ibunga nito.
c. Sanhi ng putok na narinig ni Prop. Balisungsong at ano ang maaaring ibunga nito.

Hanapin sa hanay B ang hinihingi sa hanay A. Isulat ang titik ng tamang sagot.

A B
_________1. Depenisyon A. Nagpapakita ito ng mga kadahilanan ng isang bagay o
pangyayari.
_________2. Enumerasyon o Paglilista B. Inililista ang hakbang o pangyayari ayon sa
pangyayari ng kasaysayan, kwento o iba pa.
_________3. Pagsusunod-sunod C. Naglalahad ng mga halimbawa na nabibilang sa isang
uri o klasipikasyon.
_________4. Sekwensyal D. Ipinapaliwanag ng manunulat ang pagkakatulad sa
pagitan ng dalawa o higit pang ideya, iba pa.
_________5. Kronolohikal Na Kaayusan E. Pagsusuri ng kung papaano matutukoy ang
pangunahing ideya
_________6. Prosedyural F. Sekwens ng mga pangyayari na may kaugnayan sa
partikular na pangyayari.
_________7. Paghahambing G. Pagbibigay sa kahulugan ng salita sa pamamagitan ng
iba't- ibang pananaw
_________8. Problema at Solusyon H. Nagpapaliwanag ng isang proseso at hakbang.
_________9. Sanhi at Bunga I. Ipinapaliwanag naman ang pagkakaiba ng dalawa o
higit pang ideya, iba pa.
_________10. Pagkokontrast J. Paglalahad ito ng mga suliranin at paglalapat ng
kaukulang solusyon.
K.Mga serye ng mga pangyayari na patungo sa
kongklusyon.

You might also like