Saba Oy Pilingon Rapud Kay Ka Na Website

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 28

Linguistic Landscape sa Tatlong

Malalaking Lungsod sa Pilipinas:


Isang Panimulang Pagsusuri
John Venson P. Villareal
Jomar G. Adaya
Mayluck A. Malaga
Roan Jessa A. Dino

Abstrak

Ang papel na ito ay nakatuon sa linguistic landscape ng tatlong


pangunahing lungsod sa Pilipinas – Lungsod ng Maynila sa Luzon,
Lungsod ng Cebu sa Visayas, at Lungsod ng Davao sa Mindanao. Ang
mga lungsod na ito ay mga sentro ng komersiyo sa pinakamalalaking
isla ng bansa, at ang naging tahanan ng iba’t ibang etnolingwistikong
pangkat. Ang implementasyon at paglaganap ng Ingles at Filipino bilang
pambansang wikang gagamitin sa mga fangsyonal na domeyn ng lipunan
ay nagpabago sa linguistic landscape ng mga lungsod na ito. Ang mga ito ay
nagkaroon ng interaksyon at nakipagtagisan sa rehiyunal na lingua
franca, na siyang lumikha ng mga barayti (Rubrico 2012). Sinuri sa papel
ang mga interaksyon at tagisan na ito sa pamamagitan ng pagsipat sa
mga sayn na ginagamit sa mga pampublikong espasyo. Ang mga datos
ay kinalap sa pamamagitan ng isinagawang fieldwork mula Mayo
hanggang Nobyembre 2018 sa mga parke, palengke, gusaling panlungsod,
at pangunahing kalsada. Ang mga larawan ng iba’t ibang sayn sa mga
lugar na ito ay kinunan at sinuri ayon sa mga baryabol o mga yunit.
Ipinakikita dito na ang mga prebilihiyadong pangkat tulad ng mga
Chinese community sa Lungsod ng Maynila at Lungod ng Davao ay
maaaring makalikha at magmanipula ng sayns gamit ang kanilang wika

82 Saliksik Kultura Volume 1 issue 1 (July 2021)


na malaya sa lokal at pambansang mga polisiyang pangwika. Ang
pagkilala nina Cenoz & Gorter (2006) sa pagitan ng top-down at bottom-up
na mga sany ay nagpapaliwanag kung bakit ang di-opisyal at di-
pribilihiyadong mga wika ang malaganap na ginagamit para sa mga
babala, impormasyon, at mga direksyon. Sa huli, pinatutunayan
sa pag-aaral na habang ang linguistic landscape ay hinuhubog ng
mga pambansang polisiyang pangwika (Bouris-Landry 2002), ang
mga gampanin ng di-opisyal, minorya, at prebilihiyadong mga
komunidad ay kailangang bigyang konsiderasyon lalo na sa pag-igting
ng migrasyon ng mga tao mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Sa
kabilang banda, natuklasan sa pag-aaral na ito na malaki ang
ginagampanan ng interaksyon ng mga wika na natunghayan sa mga sayn
sa pampublikong espasyo sa pagbuo ng imahen ng mga pangunahing
lungsod at ng Pilipinas sa kabuuan.

Panimula
Ang pag-aaral ng linguistic landscape ay isang relatibong pag- unlad
kamakailan lamang, bagaman noon pa man ay sinisipat bilang bahagi
ng physical landscape ng isang teritoryo, Mula rito'y natuklasan ang
gamit ng mga sayn–isang kongkretong manipestasyon ng kayamanang
pangwika at kultural ng isang rehiyon (Landry at Bourhis 27). Ang
maimpluwensyang pag-aaral nila Landry at Bourhis ang nagbigay-
kahulugan at nagbukas ng maraming pintuan sa pag-aaral ng linguistic
landscape na kasalukuyang tinatahak pa rin ng mga mananaliksik
(Cenoz at Gorter 55). Ipinakita nila Landry at Bourhis ang symbolic
function ng mga palatandaang pangwika, kung saan ang pagbabago sa
wika ng mga sayn ay nagpapahiwatig ng pagbabago sa teritoryo. Ang
mga palatandaan ng teritoryo ay nagpapakita na ang isang partikular na
wika ay magagamit para sa komunikasyon at kapangyarihang maaaring
maiugnay sa wika dahil sa mga gamit nito.
Sa ilang mga estado, kasama ang patakarang pangwika sa mga
patakaran ng kanilang lugar partikular ang wikang gagamitin sa mga
palatandaan. Ang paggamit ng iba’t ibang mga wika sa mga palatandaan
Saliksik Kultura Volume 1 Issue 1 (July 2021) 83
ay tanda ng multilingual na mga bansa o rehiyon na maaaring maging
simboliko sa kahalagahang panlipunan. Kaya’t kung ang estado ang
nagtutulak ng patakarang pangwika, makakaapekto ito sa mga komersyal
na palatandaan at iba pa. Ang isang tanyag na halimbawa ay ang “Bill 101”
sa Quebec mula sa pag-aaral nina Bourhis at Landry (Cenoz at Gorter 58).
Sa Bill na ito, kailangan sa wikang Pranses gawin ang mga patalastas o
komersyal sa publiko. Kahit katanggap-tanggap ang Ingles, dapat wikang
Pranses ang binibigyan ng priyoridad sa Quebec. Ang isa pang halimbawa ay
sa Catalonia kung saan may legal na obligasyon na ipakita ang pagkakaroon
ng wikang Catalan sa lahat ng pampubliko at pribadong mga palatandaan.
Isang produktibo at makabuluhang pag-aaral ang linguistic landscape sa
Pilipinas bilang isang bansang multilingual na tahanan ng mahigit sa
180 mga wika. Bukod sa makikita sa mga sayn ang paggamit ng iba’t
ibang wikang Pilipino, maipapakita rin sa linguistic landscape ang
daynamiks ng Filipino bilang wikang pambansa, Ingles bilang wika ng
globalisasyon, at mga wikang taal sa Pilipinas. Bunga nito, sasagutin sa
pananaliksik na ito ang mga sumusunod na tanong:
1. Ano ang linguistic landscape ng Lungsod ng Maynila, Cebu at
Davao?

2. Paanong ang linguistic landscape ay nakatutulong sa pag-iimahen


ng Lungsod ng Maynila, Cebu at Davao?

3. Anong imahen ng Pilipinas sa larang ng wika ang maaaring


maitampok pagkatapos masuri ang linguistic landscape sa Lungsod
ng Maynila, Cebu at Davao bilang panimulang pag-aaral?

Layunin ng pag-aaral na ito na masuri ang linguistic landscape ng


Lungsod ng Maynila, Cebu at Davao na maaaring panimulang tungtungan
sa pagsipat sa imahen ng Pilipinas sa larang ng wika na maitatampok sa
mga kumperensiya sa labas ng bansa. Sa panimula, nabanggit ni Huebner
na ang Japan, China, Hong Kong, Cambodia at Malaysia pa lamang ang
may pag-aaral tungkol sa linguistic landscape (3). Ang pananaliksik na ito

84 Saliksik Kultura Volume 1 issue 1 (July 2021)


ang tutugon upang makasali na ang Pilipinas sa mga bansang may pag-aaral
hinggil sa linguistic landscape. Isa itong ambag ng Pilipinas upang lalo pang
sumigla ang pag-aaral na ganito sa kontinenteng Asya.

Teoretikal na Sanligan

Sa pagsusuri ng mga datos sa linguistic landscape ay sinundan ang


pag-aaral nila Jasone Cenoz at Durk Gorter, sa kanilang paghahambing ng
linguistic landscape ng shopping street sa Basque Country at sa Friesland,
The Netherlands. Ang paghahambing na ito ay nakabatay sa pagtingin
sa sociolinguistic situation ng dalawang nasabing lugar. Sinundan din
sa pagsusuri ang kalitatibong dulog nila Leeman at Modan na
binigyang- pansin ang kakulangan ng metodo ng linguistic landscape sa
pagsusuri ng mga sayn at malalimang pagsusuri sa mga datos mula sa
mga pwersa at disiplina tulad ng urban studies at cultural geography.
Ipinakita ni Cenoz at Gorter ang interaksyon ng mga wikang
opisyal at ang wikang taal sa lugar, Dutch sa The Netherlands at Spanish
naman sa Basque Country. Bukod pa rito, sa dalawang nasabing lugar rin ay
makikita ang paggamit ng Ingles sa pagtuturo sa primarya at sekondaryang
edukasyon. Kahit na mabilis na kumakalat ang Ingles sa dalawang lugar at
maging sa iba’t ibang bansa sa Europa, mas lutang pa rin ang paggamit ng
Spanish at Dutch doon.
Ang ganitong sociolinguistic situation ay maaaring tingnan bilang
salik sa pagbuo ng linguistic landscape ng isang lugar. Ayon kay Cenoz at
Gorter, ang linguistic landscape ay produkto ng ispesipikong sitwasyon na
nakatutulong upang unawain at alamin ang sitwasyong pangwika ng isang
komunidad (67). Halimbawa, ang wika ng nakararaming mamamayan ay
higit na magagamit sa mga sayn at mga pangalan ng lugar, samantalang ang
wikang minorya naman ay hindi ganoon kadalas na magagamit para sa mga
ganitong sayn. Bukod pa rito, ang wika sa mga sayn ay nakatutulong upang
buuin ang persepsyon ng mga mamamayan hinggil sa isang wika. Ang
isang wikang ginagamit sa mga sayn ay mahihinuha ng mga mamamayan

Saliksik Kultura Volume 1 Issue 1 (July 2021) 85


bilang mas kapaki-pakinabang na wika at ituturing na nakahihigit kaysa
iba. Sa pamamagitan nito ay nagkakaroon ng impluwensya ang linguistic
landscape sa mismong paggamit ng wika.
Sa pagususri rin naipakita ang dominanteng wika mula sa
pagbibilang ng mga sayns at ng mga wikang ginagamit rito. Ang wikang
dominante, sa ganitong pagtanaw, ay ang wikang pinakanagagamit sa mga
sayn. Sa kaso ng dalawang lugar na sinuri nila Cenoz at Gorter ay naiulat
ang lakas ng Spanish at Dutch kumpara sa Basque at Frisian – mga wikang
taal sa lugar na sinuri.
Akma ang naging pagsusuri nila Cenoz at Gorter sa Pilipinas, sa
antas na ang mga wikang Pilipino ay mayroong pakikipagtunggali sa mga
opisyal na wika gaya ng Ingles at Filipino. Sa kanilang pamamaraan ay
maipapakita sa mga sayns kung paano at saan nagagamit ng mga
mamamayan ang mga wika.
Para naman kina Leeman at Modan, ang quantitative na dulog sa
linguistic landscape ay nasasaklaw ang bilang at gamit ng mga wika,
ngunit hindi nabibigyang-diin ang dahilan sa paggamit ng mga wikang ito.
Sinusulong nila ang paggamit ng mga perspektiba mula sa urban studies at
cultural geography upang higit na madalumat ang linguistic landscape ng
isang lugar. Sa ganitong paraan, higit na nabigyang daan ang paggamit sa
qualitative na pagsusuri – ang dulog na gagamitin din sa pag-aaral na ito
(334).

Ang Lungsod ng Davao, Cebu, at Maynila

Sa pagsusuri ng linguistic landscape sa Pilipinas, pinili ang mga


malalaking lungsod mula sa tatlong malalaking isla ng bansa – Maynila
sa Luzon, Cebu sa Visayas, at Davao sa Mindanao. Mahalaga ang mga
nasabing lungsod dahil sentro ang mga ito ng kalakalan at mabilis ang pag-
unlad ng mga ito. Bunga ng pag-unlad na ito ay ang pagtaas ng bilang ng
mga mamamayang lumilipat dito upang mamuhay. Makikita sa ibaba ang

86 Saliksik Kultura Volume 1 issue 1 (July 2021)


bilang ng mga mamamayan sa dalawang lungsod at ang kanilang etnisidad
sang-ayon sa sensus.

Table 1 Bilang ng Populasyon ayon sa Etnisidad, Kasarian sa Davao City, 2000

Ethnicity Both Sexes Male Female

Cebuano 381,546 191,814 189,732


Bisaya / Binisaya 362,825 179,229 183,596
Davaweño 89,800 43,401 46,399
Boholano 75,721 38,821 36,900
Hiligaynon / Ilonggo 42,431 20,910 21,521
Others 183,308 93,209 90,099
Other Foreign Ethnicity 4,185 2,329 1,856
Not Reported 5,199 2,435 2,764
Total 1,145,01557 2,148 572,867

(mula sa www.davaocity.gov.ph)

Table 2 Bilang ng Populasyon ayon sa Etnisidad, Kasarian sa Cebu City, 2000

Ethnicity Both Sexes Male Female

Cebu 2,367,918 1,191,115 1,176,803


Cebuano 2,309,096 1,162,195 1,146,901
Bisaya/Binisaya 22,207 10,933 11,274
Kankanai/Kankaney/ 5,384 2,691 2,693
Kankanaey
Boholano 3,468 1,488 1,980
Tagalog 3,361 1,760 1,601
Hiligaynon, Ilonggo 3,057 1,472 1,585
Bikol/Bicol 1,534 795 739
Waray 1,247 612 635
Others 13,564 6,651 6,913
Not Reported 6,247 3,130 3,117

Nagtala naman ang Maynila ng higit sa 1.78 na milyong populasyon


sang-ayon sa 2016 na sensus (World Population Review). Kaiba sa naunang
pagbibigay ng populasyon, ang datos sa Maynila ay hindi kinakitaan ng
bilang ng iba’t ibang etnisidad, ngunit hindi nangangahulugan ito ng

Saliksik Kultura Volume 1 Issue 1 (July 2021) 87


kawalan ng dibersidad ng lugar. Sa katunayan, sa Maynila makikita ang
pinakamatandang Chinatown na kakikitaan ng yamang pangwika dahil sa
paggamit ng wikang Chinese, Filipino at Ingles.
Ang paglaki ng bilang ng populasyon ay inaasahang makaaapekto sa
linguistic landscape ng isang lugar. Sa kabila nito’y masisipat din ang
interaksyon ng pagkakaroon ng polisiya hinggil sa wikang pambansa, at
mga wikang lokal.

Ang Linguistic Landscape sa Tatlong Pangunahing Lungsod

Sa bahaging ito ipakikita ang pagsusuri sa mga datos na nakalap


mula sa tatlong malalaking lungsod sa Pilipinas. Ipinaliwanag sa bahaging
ito kung bakit at paano ginagamit ng mga mamamayan ang wika sa mga
sayns at ang interaksyong nagaganap sa mga wikang makikita sa sayns. Muli,
ang interaksyon ng mga wika ay bunga ng polisiya sa wikang pambansa,
wikang internasyunal, at taal na wika ng isang lugar.

Linguistic Landscape sa Davao

Marami ang makikitang gamit ng wikang Filipino, Ingles, at


Chinese sa nasabing pook. Halimbawa, sa ilang mga kalye sa Davao ay
makikita ang paggamit ng wikang Chinese na may 12 mga sayns sa China
Town (Fig. 1 at 2), ang paggamit ng Ingles sa ilang pangalan ng mga
tindahan (Fig. 3), at ang paggamit ng Filipino sa mga adbertisment (Fig.
4). Binigyang-pansin sa bahaging ito ng papel ang mga sayn na may gamit
na Chinese at susundan ng mga sayn na ginamitan ng Cebuano.

Fig. 1. at 2. Pangalan ng Kalye na mayroong salin sa Chinese

88 Saliksik Kultura Volume 1 issue 1 (July 2021)


Fig. 3: Pangalan ng Tindahan gamit ang Ingles

Fig. 4: Adbertisment gamit ang Filipino

Sa pagsisipat sa estruktura ng mga sayn gamit ang sukat, kulay, posisyon


at font, mapapansin pa rin na primarya sa sayn ang pinanggalingang
wika. Halimbawa, sa Fig. 1 at 2 ay mapapansin ang pagkakapareho sa
kulay ng orihinal at salin na pangalan ng kalsada. Ngunit ang pagka-bold
ng font ng orihinal, at ang posisyon nito sa sayn na laging nasa itaas, ay
nangangahulugang mas binibigyang-pansin pa rin ang orihinal kaysa sa
salin nito sa Chinese kahit nasa China Town na makikita sa lahat ng datos.
May ilan namang sayn partikular na sa mga tindahan ang may salin
sa Chinese mula sa Ingles na pangalan nito gaya ng makikita sa Fig. 5.

Fig. 5: Pangalan ng tindahan at salin sa Chinese

Saliksik Kultura Volume 1 Issue 1 (July 2021) 89


Makikita sa halimbawa ang paggamit ng pula para sa pangalan na
ginamitan ng Ingles, samantalang itim naman ang gamit sa salin nito sa
Chinese. Sa sukat ay mas makapal ang orihinal kaysa sa salin. Huli, ang
bilang na dagdag ng impormasyon gaya ng address at mga numero ay
nakasulat sa orihinal. Nangangahulugan lamang ang ganitong klase ng
format para sa sayn na mas binibigyang-diin pa rin ang paggamit ng orihinal,
at nakatutulong ang paggamit ng salin sa Chinese para sa pagpapakita ng
buhay na wikang ito sa lugar.
Akma ang pagsusuri sa Fig. 5 sa iba pang sayn sa nakalap na datos.
Halimbawa, sa Fig. 6 makikita ang matingkad na pagkakaiba sa sukat at
posisyon ng orihinal na pangalan at ang salin nito sa Chinese.

Fig. 6: Hercules at ang salin nito sa Chinese

Sa Fig. 6 naman mapapansin na bagama’t nasa itaas ang pangalan sa


Chinese ay hindi ito ganoon kapansin dahil sa sukat at kulay. Mas
matingkad pa rin ang paggamit ng orihinal dito.

Fig. 7: Isa pang store na may sulat na Chinese

90 Saliksik Kultura Volume 1 issue 1 (July 2021)


Mapapansin din sa Fig. 7 na mas maraming impormasyon ang
nasusulat gamit ang orihinal na teksto kaysa sa Chinese.
Makikita naman sa Fig. 8 ang paggamit ng Cebuano, ngunit
kapansin-pansin ang paggamit ng salitang Ingles dito. Ang sayn na ito
ay mula sa isang kalye, at walang tanda na ito ay produksyon mula sa
pamahalaan.

Fig. 8: Sayn na may gamit ng Cebuano

Narito naman ang mga sayn na mula sa pamahalaang lungsod:

Fig. 9 Fig. 10

Saliksik Kultura Volume 1 Issue 1 (July 2021) 91


Fig. 11 Fig. 12

Sa mga ipinakita na karatula na makikita sa parke at kalsada,


madalas na may katapat na salin sa wikang Ingles ang mga paskil na nasa
Cebuano. Nagbibigay ng babala at impormasyon ang laman ng mga
nasabing sayn.

Ang Linguistic Landscape sa Cebu

Sa paggamit ng mga wika sa functional domains, nakita ang Ingles,


Cebuano, at Filipino sa mga datos. Ang mga sayn na ginamit ang wikang
Cebuano ay para sa pagbibigay impormasyon, pagpapaalala, at pagbabawal.
Ginagamit naman ang Ingles bilang pantulong at medium sa mga sayn na
may internasyunal (o unibersal) na gamit. Ang mga sayn naman sa Filipino
ay mayroong pambansang gamit o may mga mensaheng makikita sa iba’t
ibang opisina sa iba’t ibang panig ng bansa.

Fig. 13: Pagpapaalala mula sa Pamahalaang Lokal

Fig. 14: Pagpapaalala


mula sa Isang Simbahan

92 Saliksik Kultura Volume 1 issue 1 (July 2021)


Fig. 15: Sayn mula sa Isang Kalye

Hindi opisyal na sayn ang makikita sa Fig. 15, at makikita ang paggamit ng
Cebuano sa pagbabawal sa sayn na ito.

Fig. 16: Mga Sayn mula sa Parke

Ang mga sayn na makikita sa Fig. 16 ay may unibersal na gamit na


makikita sa iba’t ibang pamayanan sa loob at labas ng Pilipinas. Nagmula
ang mga sayn na ito sa isang management ng parke, at nagbabawal sa ilang
gawain o bagay sa nasabing parke.

Fig. 17: Sayn mula sa Komisyon sa Cebu

Saliksik Kultura Volume 1 Issue 1 (July 2021) 93


Opisyal din ang sayn sa Fig. 17 na mula sa City Hall at mayroon ding
mensaheng katulad ng sayn sa Fig. 16. Ingles naman ang sayn na
makikita sa mga sayn sa Fig. 18, na pawang mga generic sayns o mga sayn
na makikita sa iba’t ibang lugar.

Fig. 18: Ingles na wika sa sayn

Filipino naman ang gamit sa sayn sa Fig. 19-21 mula sa opisina at


ahensya ng pamahalaang lokal. Ang mensahe nito ay makikita sa iba’t ibang
opisina ng gobyerno sa iba’t ibang panig ng bansa.

Fig. 19: Karatulang panggobyerno


na matatagpuan sa mga Opisina
ng Pamahalaang Lokal

Fig 20 at 21:
Karatulang
panggobyerno na
matatagpuan sa
mga Opisina ng
Pamahalaang Lokal

94 Saliksik Kultura Volume 1 issue 1 (July 2021)


Makikita sa mga establisyimento o tindahan na ang karaniwang
makikitang sayn ay pinaghalong wikang Ingles at Filipino. Kadalasan na
sa mga lokal o maliliit na tindahan (tingnan ang Fig. 24 at Fig. 25) ang
paggamit ng wikang Cebuano at Ingles para sa mga hiram na salitang
walang panumbas sa wikang Cebuano. May pagkakataon naman na purong
Cebuano lamang ang wika na ginamit (tingnan ang Fig. 23). Ang paggamit
ng wika sa mga sayn na pangtindahan at matatagpuan sa iba’t ibang
establisyimento ay makikitang naaayon sa target awdyens na babasa ng
mensahe ng naturang sayn. Ang target awdyens ay ang mga mamamayang
lokal ng lungsod kaya mapapansing nakasulat ang mga nasabing sayn sa
wikang Cebuano.

Fig. 22: Karatula ng isang sabon at karatula ng isang brand ng alcohol

Fig. 23: Karatula ng isang Fig. 24: Sayn na makikita


tindahan na nag-aalok ng sa tindahan ng relo sa palengke
diskuwento sa pagpiprint

Saliksik Kultura Volume 1 Issue 1 (July 2021) 95


Fig. 25: Mula sa isang
sikat na sanglaan

Linguistic Landscape sa Lungsod ng Maynila

Sa pagsusuri sa linguistic landscape ng Maynila, iba ang ginawang


dulog bunga ng higit na marami at malawak na naunang pag-aaral hinggil
dito gaya ng Nibalvos (2017), Monje (2017), at Jazul at Bernardo (2018).
Ang pag-aaral ni Nibalvos ay sumaklaw sa limang lugar sa Maynila (Taft
Avenue, Rizal Park, Chinatown, Recto Avenue, at Intramuros) (93). Kay
Monje ay nakatuon sa wika ng protesta sa Maynila noong panahon ng
pagtutol sa pagkakalibing kay dating Pangulong Marcos sa Libingan ng
mga Bayani (14). Nakatuon naman ang pag-aaral ni Jazul at Bernardo sa
Manila Chinatown.
Bukod pa sa mga sayn na nakita ng mga mananaliksik sa
Chinatown ay nakakuha rin ng datos sa ilang pampublikong lugar sa
Maynila gaya ng Intramuros, kung saan marami ang nakitang sayn na
may kinalaman sa araw ng selebrasyon. Ang mga ganitong sayn, bagama’t
nakabatay sa panahon (gaya ng pasko at pista), ay nararapat sipatin dahil
bahagi ito ng linguistic landscape ng lugar.
Bago talakayin ang pagsusuri ay bahagyang babanggitin ang mga
pagsusuri na esensyal sa pag-unawa ng linguistic landscape sa Lungsod ng
Maynila.
1. Napansin ni Nibalvos na ang wikang Ingles ang pinakagamit na
wika sa Maynila. Makikita ito sa lahat ng uri ng sign gaya

96 Saliksik Kultura Volume 1 issue 1 (July 2021)


ng pagbibigay ng impormasyon, pagtitinda, babala, pangalan,
panggunita at iba pa. Ang paggamit ng "top-down" sign ang
mas malaganap sa mga datos na nakalap ni Nibalvos. Ayon
kay Nibalvos, ang mga sign na ito ay "ginagamit sa
pagpapakalat ng impormasyon ng mga pribadong grupo o
indibidwal" at malaki ang kaugnayan sa negosyo o ekonomiya
(109).
2. Ipinakita naman sa pagsusuri nila Jazul at Bernardo na ang
Ingles at Chinese ang pinakaginagamit na wika sa Chinatown, sa
Binondo, Manila. Limitado lamang ang paggamit ng Filipino sa
mga sayn partikular na rito ang pagbibigay ng babala. Ang Ingles
naman ay pinakaginagamit sa lahat ng uri ng sayn na may iba’t
ibang gamit gaya ng pag-uutos, pag-adbertays, at pagpapaalala.
Ang malawakang gamit ng Ingles sa Chinatown ay maaaring hindi
lamang bunga ng pagpapalago o pagpapadaloy ng negosyo sa
nasabing lugar. Bunga rin ito ng ilang pagbabago sa mga polisiyang
pangwika na nakakaapekto sa kahusayan ng mga Filipino-Chinese
sa paggamit ng Ingles (94).

Sa katulad na pagsusuri sa Chinatown sa Washington DC, inihain nina


Leeman at Modan ang balangkas ng pagsusuri sa linguistic landscape kung
saan sisipatin rin ang historikal, kontekstwal, at spatial na dimension ng
paggamit ng wika. Nakaangkla ang balangkas na ito sa pagtingin na ang
pampublikong espasyo ay kaugnay ng pulitika, at tunggalian sa kapangyarihan.
Ang linguistic landscape, ayon sa kanila, ay higit na mas mapapalawak pa kung
gagamitin ang mga balangkas mula sa urban studies at cultural geography.
Hindi ipakikita sa bahaging ito ang mga naging pagbabago sa espasyo ng
Intramuros at Chinatown, ngunit susundin ang pagsipat sa linguistic landscape
bilang produkto ng panahon at konteksto. Halimbawa, sa Maynila (o maging
sa buong Pilipinas) talamak ang paggamit ng mga sayn (tulad ng pagbati) mula
sa politiko na may kinalaman sa mga okasyon. Sa Fig. 26 makikita ang pagbati
ng isang politiko para sa pista. Sa Fig. 34 naman makikita ang pagbati ng iba
pang politiko para sa araw ng pasko.

Saliksik Kultura Volume 1 Issue 1 (July 2021) 97


Fig. 26: Pagbati para sa Araw ng Pista

Fig. 27: Pagbati para sa Kapaskuhan

Sa mga datos na nabanggit, makikita ang paggamit ng wikang


Ingles (Fig. 26) at Filipino (Fig. 27). Ngunit sa Fig. 26 makikita rin ang
iba pang mensahe na nasa wikang Filipino, gaya ng pagpapahiwatig ng
pinagmulan o source ng mensahe (pagbati mula kay). Sa Fig. 27 naman ay
hindi kakikitaan ng alinmang iba pang wika.
Bahagi ng linguistic landscape ng Maynila (o maging ng kahit
anong lugar sa Pilipinas) ang ganitong mga sayn. Naisasama lamang ang
mga ganitong sayn sa pagsusuri sa pamamagitan ng pagbibilang ng mga
sign o frequency, at tipolohiya ng mga sayn. Hindi pa nasusuri ito sa
kalitatibong pamamaraan, tulad ng ibinahagi ni Leeman at Modan (334).
Malayo pa man ang panahon ng kampanya, nagiging kapansin-
pansin na rin ang paggamit ng mga paskil upang bumati ang mga politiko.
Ang ganitong kalakaran ay bahagi upang maramdaman ng mga
mamamayan ang "political presence" ng mga kandidato o ng mga taong
nasa pwesto. Dahil dito, mahalaga ang paggamit ng wika upang
maiparamdam sa mga mamamayan ang kanilang presensya.

98 Saliksik Kultura Volume 1 issue 1 (July 2021)


Ang paggamit ng Ingles at Filipino sa pagbati gaya ng mga paskil sa
Fig. 26 at Fig. 27 ay maipapaliwanag gamit na rin ang lente ng pagsusuri sa
mga sayn sa pag-aaral nila Jazul at Bernardo. Hindi itinuturing na
banyagang wika ang Ingles, kundi isa na rin sa mga wika sa Pilipinas – ang
Philippine Ingles. Sa pag-aaral ni Borlongan (2009) ipinakita na niya na ang
mga estudyante ay may pagkiling sa paggamit ng Ingles sa komunikasyon,
bagaman kinikilala pa rin ng mga kalahok sa kanyang pag-aaral ang Tagalog
bilang wikang pagkakakilanlan.
Ang Filipino naman sa nabanggit na paskil ay ginagamit bilang
wika ng mga tagapagsalita sa nasabing lugar. Samakatuwid, ang Ingles at
Filipino sa mga sayn sa mga pagbati ay bahagi ng ethnolinguistic vitality ng
nasabing lugar. Dagdadg pa rito, ang ethnolinguistic vitality ng Chinese
ay naipakita sa paggamit nito para sa Chinese New Year. Ang Chinese
New Year, kahit itinakda bilang isang holiday, ay selebrasyon para sa mga
Chinese. Dito makikita na sa pagkakaroon ng political presence ng mga
politiko, ang ethnolinguistic vitality ay isa sa isinasaalang-alang. Sa ibang
salita, dahil mga Chinese at nasa Chinatown ang selebrasyon, ang wikang
gagamitin ay Chinese din. Ito nga ang makikita sa Fig. 28.

Fig. 28: Pagbati ng mga Politiko para sa Chinese New Year

Naging tuon ng mga naunang pag-aaral ang linguistic landscape sa


Chinatown at kabuuan ng Maynila. Sa bahaging ito ng papel ay may
piling mga datos na nagpapakita ng linguistic landscape sa Manila City
Hall. Ang City Hall ay ang sentro ng kapangyarihan ng isang lungsod.

Saliksik Kultura Volume 1 Issue 1 (July 2021) 99


Ang mga pangunahing transaksyon gaya ng rehistro sa pampubliko at
pampribadong gawain ay ginagawa rito. Ang mga batas o ordinansa ay
ipinapasa dito. Dito rin matatagpuan ang mga opisina ng mga pinuno ng
lungsod. Sa pagpapakita ng linguistic landscape ng City Hall ay maipapakita
rin ang tunggalian sa kapangyarihan ng dalawang wika, partikular na ang
Ingles at Filipino. Nabanggit na sa unang bahagi ng pagsusuri sa linguistic
landscape sa Maynila na Ingles ang ginagamit sa negosyo, kung hindi
man sa karamihan ng mga sayn. Maipapakita sa linguistic landscape at sa
pagsusuri rito kung aling mga sayn ang ginamitan ng wikang Filipino.
Ilan sa mga napansing mga sayn ay nakasulat sa Ingles:

Fig. 29: Pagbabawal


na Nakasulat sa Ingles

Fig. 30 Fig. 31

100 Saliksik Kultura Volume 1 issue 1 (July 2021)


Fig. 32 Fig. 33

Ang mga sayn na ito ay mga generic signs o mga sayn na makikita
saan mang panig ng Pilipinas. Ang mga batas sa trapiko, kapaligiran at
iba pa ay mga batas na pamilyar sa lahat ng mamamayan – batas na dapat
sundin at ipinatutupad sa lahat ng lungsod at bayan – kung kaya’t ang
pagsasalin nito sa lokal na wika ay hindi na kinakailangan. Kung gayon,
ang mga sayn na ito ay nagpapakita rin ng malawak na paggamit ng mga
wika. Dahil Ingles ang makikita rito nangangahulugang ang wikang ito ay
may malawakang gamit rin sa iba’t ibang panig ng bansa (gaya ng makikita
sa ibang lungsod sa ibaba).

Ang mga sumusunod naman na mga sayn ay nakasulat sa Filipino o


ginamitan ng Filipino at Ingles. Ang mga ito ay mga sayn na ispesipikong
naglalahad ng impormasyon, pagbati, paalala o pagbabawal. Ang mga sayn
na ito ay mula sa mismong lokal na pamahalaan. Ang mga sayn, bagama’t
ang tema at mensahe ay katulad ng mga mensahe sa Fig. 29-33 ay kaiba sa
mga ito dahil sa paglalaman ng ispesipikong mga impormasyon o mensahe.
Halimbawa, sa Fig. 34 na isang batas trapiko, ang mensaheng "kung
ayaw maabala" ay isang paunawa na hindi makikita sa ibang sayn sa datos
sa ibang lungsod. Ispesipiko ang mga mensaheng ito ay naglalayon na
makarating sa karamihan ng mga mamamayan..

Saliksik Kultura Volume 1 Issue 1 (July 2021) 101


Fig. 34

Sa Filipino naman nakasulat ang sayn sa Fig. 35. Pagpapaalala ang


mensaheng nais ipabatid ng sayn na ito, ngunit kumpara sa ibang paalala,
may kasamang larawan at makulay ang disenyo ng nasabing sayn. Ang
bahaging Ingles lamang rito ay ang linyang Smoke-Free City of Manila,
Clean Habit, Clean Air, Clean City at Source: LTFRB MC 2001-004.
Ang naunang dalawa ay mga slogan o tema ng kampanya na mula sa
pamahalaan, at ang huli naman ay paglalahad lamang ng pinagmulan ng
sayn. Sa ganitong disensyo ng sayn masasabing ang slogan ay nakabatay
sa Ingles (na opisyal na wika ng komunikasyon ng pamahalaang lokal at
Pambansa), ngunit ang mensahe’y dapat maihahatid sa mamamayan kaya’t
wikang Filipino ang ginamit rito.

Fig. 35

102 Saliksik Kultura Volume 1 issue 1 (July 2021)


Magkatulad ng disenyo ang sayn sa Fig. 35 at 36. Ang opisyal na
heading ay nasa Ingles: Republic of the Philippines, City of Manila at ang
posisyon ng taong lumagda ay nasa Ingles rin: City Mayor. Ang mga ito ay
tinatawag na source ng sayn. Ang proyektong pinatutungkulan ng mensahe
ay nasa Ingles rin: Renovaton/Extension of the office of the mayor. Ngunit ang
pagpapaunawa sa halaga ng proyekto ay nasa Filipino na may malaking font.
Dalawa ang masasabing fangsyon ng sayn sa Fig. 36, pagpapaalam ng
proyekto ng gobyerno, at pagpapabatid kung para saan ang proyektong ito.
Dahil sa laki ng font at kulay nito, mas lantad sa sayn na nagnanais ang
source na maipabatid sa mga mamamayan ang halaga ng proyekto; sa
ganitong paraan din nakatutulong ang wikang Filipino bilang wika ng higit
sa nakararaming mamamayan.

Fig. 36

Ang mga pagbati naman ay nakasulat din sa wikang Filipino. Gaya


ng pagbabatid sa halaga ng proyekto, at pagpapaalala ng mga batas,
Filipino rin ang wikang ginamit upang makaabot sa mga mamamayan.

Fig. 37: Sayn ng Pagbati

Saliksik Kultura Volume 1 Issue 1 (July 2021) 103


Fig. 38

Fig. 39

Bagaman lantad ang paggamit ng Ingles sa mga sayn kagaya ng


tuklas nila Nibalvos, at Jazul at Bernardo, kakikitaan pa rin ng paggamit
ng Filipino sa mga sayn. Ang mga sayn na ito ay kadalasang mula sa
pamahalaang lokal, at may kinalaman sa batas o ordinansa ng lungsod.
Layunin ng ganitong mga sayn na ipakita ang batas, at ang kahalagahan sa
pagsunod dito (kaya’t may paunawang ‘kung ayaw maabala sa isang sayn).
Gayundin, sa mga pagbati ay Filipino ang ginagamit ng mga politiko o ng
mga pinuno ng lungsod. Sa kabuuan ang paggamit ng Ingles ay nakabatay
sa source o pinanggalingan ng mensahe, ngunit sa paghahatid ng mensahe
sa mga mamamayan, ginagamit ang Filipino bilang wika ng mg sayn.

104 Saliksik Kultura Volume 1 issue 1 (July 2021)


Kongklusyon

Ipinakita sa papel na ito ang linguistic landscape ng tatlong


pangunahin at malalaking lungsod sa Pilipinas. Batay sa nakalap na datos,
makikita ang interaksyon ng iba’t ibang wika na partikular sa lugar na
pinagkuhanan ng datos. Ang mga wikang nakita sa datos ay 1) Ingles,
2) Filipino, 3) Chinese, at 4) Cebuano. May partikular na gamit ang
bawat wikang nakita sa mga sayns. Ang Ingles, bilang wika ng global na
merkado at internasyunalisasyon, ay makikita sa mga sayn sa adbertisment,
pangalan ng mga tindahan, at iba pang may kinalaman sa pagtitinda ng
produkto o serbisyo. Bukod pa rito, ang pagiging opisyal na wika ng Ingles
sa Pilipinas at ang lakas nito bilang internasyunal na wika ay nagtulak
upang magamit ito sa mga sayn na may generic na gamit, o mga sayn na
makikita sa loob at labas ng Pilipinas (gaya ng pagbabawal sa pagtawid kung
saan-saan, paninigarilyo, at iba pa). Nagiging pantulong na wika rin ito sa
pagpapaunawa o pagbabawal.
Sa kaso naman ng Filipino ay makikita rin ito sa mga generic na
sayn. Kaiba sa Ingles, ang mga generic na sayn na ito ay makikita lamang
sa loob ng bansa, kagaya ng panawagan o paalala sa mga dapat gawin na
nagmumula sa pamahalaan mismo. Sa Maynila, nakita ang paggamit ng
Filipino sa mga sayn sa mga pagbati bilang bahagi ng pagpaparamdam ng
mga politico sa kanilang presensya. Samakatuwid, ang Filipino ay ginagamit
upang makipag-ugnayan sa mga awdyens na Filipino.
Ang Chinese naman ay ginagamit partikular lamang sa Chinatown.
Ang mga pangalan ng kalye, pangalan ng tindahan o iba pang
establishment ay nakasulat sa wikang Chinese, ngunit may pantulong na
Ingles at Filipino. Masasabing ang identidad ng mga Chinese ay nakatatak
sa kanilang wika kasabay ng kanilang pagbuo ng sariling komunidad na
malayo sa kanilang pinagmulan. Ang kanilang paggamit ng Chinese ay
bahagi na rin ng pagtarget nila sa mga posibleng Chinese na mamimili.
Ang wikang Cebuano naman ay ginagamit sa mga bottom-up at top-
down sayns sa mga lugar na taal ang wikang Cebuano. Ang gamit ng

Saliksik Kultura Volume 1 Issue 1 (July 2021) 105


Cebuano sa mga sayn na ito ay kadalasang pagbababawal at pagpapaalala.
Ang koneksyong naitatatag gamit ang wikang taal gaya ng Cebuano ay higit
na malakas sa pagpapaala at pagbababala, kung ihahambing sa wikang hindi
taal gaya ng Filipino at Ingles. Naipakita rin sa paggamit ng Cebuano sa
mga sayn na lakas nito bilang isa sa mga pangunahing wika sa Pilipinas,
nangangahulugang kapaki-pakinabang ang Cebuano sa mga functional
domains sa mga lugar na taal ito.
Sa mga lungsod na pinagkuhanan ng datos ay pawang mga
pangunahing wika lamang ang nakitang ginamit sa mga sayn, sa kabila
ng pagkakaroon ng maraming wikang makikita roon. Sa paglipat ng mga
mamamayan ng lugar upang mamuhay ay nagkakaroon ng pagbabago sa
wikang kanilang ginamit, bukod pa sa mga polisiyang pampahalaan na
nakaaapekto sa buhay ng wika.
Nakatutulong ang linguistic landscape sa paglikha ng imahen ng
lungsod sa pamamagitan ng paggamit sa wika bilang instrumento sa
pampublikong ugnayan. Ang pagpapalakas din ng identidad ng mga
mamamayan ay naisasakatuparan sa pamamagitan ng paggamit ng wika
sa mga importanteng domain ng lipunan gaya ng pamahalaan, simbahan,
paaralan, at komersiyo. Isa ito sa mga dahilan kung bakit mahalaga ang
paggamit ng wika sa iba’t ibang mahalagang domain ng lipunan sa
pagbuhay ng wika. Tumutugon ang paggamit ng wika ukol sa
pangangailangan ng publiko na matutunghayan sa mga paskil, signages at
karatulang panggobyerno at pribado. Dahil ang mga lungsod ay kilala at
dinarayo ng mga turista mula sa iba’t ibang panig ng mundo kapansin-
pansin ang mayoryang paggamit ng wikang Ingles sa mga paskil, kartula,
signages pangkomerisyo man o panggobyerno na makikita sa iba’t ibang
pampublikong espasyo ng lungsod. Sa kabila nito malaki ang pagpapahalaga
ng mga lokal na ahensiyang panggobyerno sa kanilang wika na makikita sa
paggamit nito sa pagbibigay impormasyon, babala sa mamamayan at iba
pang mahahalagang pabatid sa publiko.
Ang pagsusuring ito ay panimulang pagtingin sa imahen ng
Pilipinas bilang isang multilingual na bansa, na mayroong malakas na

106 Saliksik Kultura Volume 1 issue 1 (July 2021)


polisiyang pangwika gamit ang linguistic landscape. Inaasahang masuri ang
iba pang lungsod sa Pilipinas upang makita ang daynamiks ng iba’t ibang
wika roon, katulad ng Baguio City, Naga City, Tacloban City, at iba pa.
Ang mga lungsod na ito ay hugpungan ng mga mamamayan dahil sentro
ito ng ekonomiya at politika – mga motibasyon sa paggalaw at paglipat ng
populasyon sa anumang bansa.

Mga Sanggunian

Backhaus, Peter. “Multilingualism in Tokyo: A Look into the Linguistic


Landscape.” Linguistic landscape: A new approach to
multilingualism, edited by Durk Gorter, Multilingual Matters,
2006, pp. 52-66.
Blommaert, Jan, at Ico Maly. “Ethnographic Linguistic Landscape Analysis
and Social
Change: A Case Study.” Tilburg Papers in Culture Studies. Tiburg University,
2014.
Cenoz, Jasone, at Durk Gorter. “Linguistic Landscape and Minority
Languages.” International Journal of Multilingualism, vol. 3, no.1,
2006, pp. 67-80.
Cenoz, Jasone, at Durk Gorter. “Language Economy and Linguistic
Landscape.” Linguistic Landscape: Expanding the Scenery, inedit
nina Elana Shohamy at Durk Gorter. Routledge, 2009, pp. 55- 69.
“Central Visayas Records 6.9 Million Tourist Arrivals.” Daily Tribune, 10
Hun 2018, www.tribune.net.ph/index.php/2018/06/10/central-
visayas-records-6-9-million-tourist-arrivals-cebu-city-is-top-
travel-hub/. Naakses 15 Enero 2018.
Davao City Government. Household Population, by Ethnicity, by Sex,
Davao City. 2000, www.davaocity.gov.ph/davao/demography.
aspx. Naakses 10 Okt 2017.

Saliksik Kultura Volume 1 Issue 1 (July 2021) 107


Gorter, Durk, editor. Linguistic Landscape: A New Approach to
Multilingualism. Multilingual Matters, 2006.
Huebner, Thom. “Bangkok’s Linguistic Landscapes: Environmental Print,
Codemixing, and Language Change.” Linguistic Landscape: A New
Approach to Multilingualism, inedit ni Durk Gorter, Multilingual
Matters, 2006, pp. 31-51.
Huebner, Thom. “Linguistic Landscpae: History, Trajectory and
Pedagogy.” Manusya: Journal of Humanities, Special Issue, vol. 22,
2016, pp. 1-11.
Jazul, Eena Maxine, and Alejandro Bernardo. “A Look into the Linguistic
Landscape of Manila Chinatown: The Role of Language and
Language Ideologies.” 22nd Sociolinguistics Symposium (SS22),
2018, University of Auckland, New Zealand, Conference
Presentation.
Lavilles, Gervasio L. Cebu’s 4 Cities & 49 Municipalities. Mely Press, 1965.
Leeman, Jennifer, at Gabriella Modan. “Commodified Language
in Chinatown: A Contextualized Approach to Linguistic Landscape.”
Journal of Sociolinguistics, vol. 13, no. 3, 2009, pp. 332–362.

Magno, Joseleanor M. (2017). “Linguistic Landscape in Cebu City Higher


Education Offering
Communication Programs.” Asia Pacific Journal of Multidisciplinary
Research, vol. 5, no.1, 2017, pp. 94-103, www.apjmr.com.
Accessed 6 Nov. 2017.
Monje, Jennifer. “Hindi Bayani/Not a Hero: The Linguistic Landscape of
Protest in Manila.” Inclusion, vol. 5, no. 4, 2017, pp. 14-28.
Morelos, Allan T. “English Loanwords in the Modern Cebuano Language:
An Index of Cultural Change.” Philippine Quarterly of Culture and
Society, vol. 26, no. 3/4, 1998, pp. 324-336, www.jstor.org/
stable/29792425. Naakses 6 Nob 2017.
Nibalvos, Ian Mark P. “Pag-aaral sa tanawing pangwika ng Maynila.”
Scientia: The International Journal of the Liberal Arts, vol. 6, no. 2,
2017, pp. 93-113.

108 Saliksik Kultura Volume 1 issue 1 (July 2021)


Philippine Statistics Authority. Census Population, 2015.
Philippine Statistics Authority. Census Population, 2002.
Rubrico, Jessie. “Indigenization of Filipino: The Case of the Davao City
Variety.” Language Links, 2012, www.languagelinks.org/
onlinepapers/Indigenization-of-Filipino.pdf. Naakses 13 Peb 2018.
Simons, Gary, at Charles D. Fennig, mga editor. Ethnologue: Languages of
the World, Twenty-First Edition. Dallas, Texas, SIL International,
2018, www.ethnologue.com. Naakses 14 Nob 2017.
Silva, Victor Anthony. “Tourism, IT-BPM to Continue to Drive Cebu’s
Economy.” Cebu Daily News, 4 Jan. 2018, www.cebudailynews.
inquirer.net/159389/tourism-bpm-continue-drive-cebus-
economy. Naakses 13 Peb 2018.
Van Mensel, Luk, et al. “Linguistic Landscapes.” The Oxford handbook of
language and society, inedit ni O. Garcia, M. Spotti, and N. Flores,
Oxford Press, 2016, pp. 423-450.
World Population Review. 2016.

Saliksik Kultura Volume 1 Issue 1 (July 2021) 109

You might also like