Professional Documents
Culture Documents
Ang Pusa Sa Aking Durungawan
Ang Pusa Sa Aking Durungawan
Ang Pusa Sa Aking Durungawan
Tiya!
Malakas ang pagkakasabi ko. Matulog na kayo.
Biglang-biglang tumahimik ang aking Tiya. Biglang-biglang nagbangon sa
aking puso ang pangamba.
Sinugod ko ang durungawan. Madali kong inilapat ang mga dahon niyon. Pilit
kong lilimutin ang liwanag, ang pagdaloy niyon sa loob ng silid. Pilit kong lilimutin
ang anumang alaalang taglay ng dilim sa silid. Lahat ay lilimutin ko. (Si Ida, si Ida, si
Ida: lahat ay lilimutin. Ngunit, paano...?)
Muli akong humiga. Ipinikit ko ang aking mga mata, ngunit ayaw humiwalay
sa akin ang kaguluhan, lahat ay ulit at ulit na sumisilid sa aking isip. At ang
pangyayari ngayong gabi ay lalong nagpasidhi sa gulong umiinis sa akin.
Tiya!
Bakit? Gulat ang aking Tiya.
Ano ang nangyari sa kanto?
Walanghiya! Batang pinatay at itinapon sa basurahan... Kawawa! Kawawa!
Kawawa nga! Kawawa nga!
Ha? Demonyo! Demonyo!
Kawawa...ngunit sino ang kawawa? Hindi na kumibo ang aking Tiya.
Natutulog na siya. Ngunit batid kong mahirap na niyang malimot ang pangyayaring
iyon. Gaya ko rin marahil. Marahil.
Narinig ko ang kaluskos sa medya-agwa. Matitinis ang ngiyaw ng pusa. Ang
pusang iyon na kinayayamutan ng aking Tiya ay muling naroon. Lumapag iyon sa
pasamano. Kumamot sa dahon ng durungawan. Lahat ng iyon ay namamalayan ko.
Ngunit hindi ako kumilos. Natatakot akong kumilos (Gumapang sa katawan ko ang
pangambang nakapangunyapit sa puso ko, sinipsip ang aking lakas.) Natatakot akong
makita ang pusang iyon. Ngunit tumigil sa pag-iingay ang pusa. Walang pagod na
ikinakahig sa dahon ng bintana ang kanyang mga kuko. Halos ay madama ko ang
kanyang kuko sa aking laman--idiniriin, idiniriin...
Nagbalikwas ako. Hinahapo ako sa pagdinig sa ingay na iyon. Hinahapo ako
sa pagpasan sa bigat ng karimlan sa aking silid. Hinahapo ako sa pag-alaala kay Ida,
kay Ida, kay Ida.
Ano 'yan?
Iyon ang aking Tiya. Ngunit pagod na ako. Ayaw ko nang sumagot. Wala na
akong tinig. Paos na ako sa pagtugon sa napakaraming katanungang kumukurot sa
aking diwa. Paano, paano ngayon, ngayon...
At sumisidhi naman ang pagnanais ng pusa na makapasok. Patuloy sa
pagkiskis ng kanyang mga kuko sa bintana. Patuloy sa pag-iingay. Ngunit ako ang
nasasaktan.
Ano 'yan?
Narinig ko ang mga yabag ng aking Tiya, papalapit na sa aking silid.
Ano 'yan?
Ang pusa. Ang pusa sa aking durungawan. Hinahanap ang kanyang mga anak.
Hinahanap. Ang mga anak. Tiya, Tiya, Tiya, hindi na niya makikita ang mga kuting.
Pinatay ko!
Narinig ko ang mga yabag na papalayo.