Ang Inang Matapobre

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 5

Ang Inang Matapobre

Laging bukambibig ni Aling Osang na ang anak na engineer na si Monching ay


dapat lang makapag-asawa ng isang mayaman dahil may mataas itong katungkulan
sa kumpanyang pinapasukan at topnotcher pa sa board exam. Kaya gayon na
lamang ang galit at pagkabigla nito nang malaman niyang si Corazon na kapitbahay
niya ang naging kasintahan ng anak. Ayaw niya sa babaeng ito. Gagawa siya ng
paraan upang mapaglayo ang dalawa.

Kinausap ni Aling Osang ang anak, ipinakakalas kay Corazon.

“Ngunit Mama, si Corazon ay mahal ko at mahal din niya ako. Mabait siya, masipag,
magalang, at kilala n’yo ang pamilya. Isa rin siyang kapita-pitagang guro. Bakit ayaw
n’yo sa kanya?”

“Gusto ko’y mayaman ang mapangasawa mo. Kung si Corazon lang, hindi ako
makapapayag.”

“Pero, hindi mahirap sina Corazon, Mama. May lupa’t bahay sila, may tindahan at
may niyugan.”

“Pero hindi rin sila mayaman! May tindahan at niyugan nga, tatlo naman silang
magkakapatid na maghahati kung saka-sakali. Baka maging sandalan ka lang ng
pamilya niya pagdating ng araw. Higit pa kay Corazon ang babaeng hinahangad ko
para sa iyo, anak. Huwag mo sana akong bibiguin.”

Tumahimik na lang si Monching upang huwag nang humaba pa ang pagtatalo


nila ng ina. Nag-iisa siyang anak at lumaki siyang masunurin.

Mula noon, naging madalang na ang pagkikita nila ni Corazon. Tinanggap ni


Monching ang malalaking project ng kumpanya sa iba’t ibang lugar sa Visayas at
Mindanao. Si Corazon naman ay naging abala rin sa pagtuturo lalo na nang ma-
promote ito bilang Head Teacher.

Mahigit dalawang taon ang mabilis na lumipas.

Nakatanggap ng sulat si Aling Osang mula kay Monching. Ito pala ay may asawa’t
anak na sa Bacolod.

Anang isang bahagi ng sulat:


“Mama, napikot po ako ng solong anak ng boss ko. Nagpakasal po kami at ngayon
ay 3 months old na ang baby girl namin na kamukha ninyo. Napakayaman po ng
boss ko, na ama ni Lanie. Binilhan po kaming lupa at bahay na pinuno ng
mamahaling kasangkapan. May ipinagawa rin akong playhouse sa gilid ng bahay.
Sana mabigyan ko kayo ng maraming apo, Mama. Kalakip nito ang Twenty-
thousand pesos para sa pagbabakasyon n’yo ni Papa rito sa Bacolod. Aasahan ko po
kayo sa Linggo.

Excited na itiniklop ni Aling Osang ang sulat.

“Martes pa lang ngayon, hindi ko na mahihintay pa ang araw ng linggo. Sabik na


akong makita sila.”

Nang araw ring iyon ay bumiyahe ang mag-asawa mula Bohol patungong Bacolod
via Cebu. Nang sapitin nila ang tahanan ng anak, sa gate ay sinalubong sila ng
katulong at napag-alamang wala roon si Monching. Nasa Davao kasama ang Father-
in-law at sa Sabado pa ng gabi ang dating.

Miyerkules na noon kaya nag-pasiya ang mag-asawa na hintayin na lang ang anak
kaysa bumalik pa ng Bohol.

Lumabas ng pinto si Lanie, ang asawa ni Monching. Maganda ito ngunit bakit hindi
man lamang nagmano sa kanila gayong sinabi na ng maid kung sino sila. Ni hindi
nga sila nginitian, pormal itong nagsalita:

“Wala pa si Monching eh. Kung hihintayin ninyo, okey lang.”

At inutusan ang katulong na ihatid ang dalawa sa tutuluyan nito ang playhouse sa
gilid ng bahay.

Tatlong araw at tatlong gabi na sina Aling Osang sa playhouse, hinahatiran ng


pagkain ng katulong, ngunit minsan man ay hindi pa sila nakapasok sa loob ng
malaking bahay. Ni hindi na nga nila nakita o nakausap muli ang manugang na
halatang malayo ang loob pa kanila.

Sabado ng tanghali. Lumabas ng bahay si Lanie, kasama ang yaya na may


kalong na bata. Agad ay lumapit Si Aling Osang, sabik na niyakap at hinalikan ang
apo. Pagalit na nagsalita si Lanie, “Tama na, baka mangati ang bata!” Sumakay ito ng
kotse, kasama ang anak at yaya at lumabas ng gate. Ang naiwang katulong ang
nagsabing pupunta si Lanie sa bahay ng ina na di-kalayuan doon, tapos ay tutuloy
sa airport upang salubungin ang ama at si Monching.
Nakadama ng tuwa si Aling Osang. Naligo silang mag-asawa sa maliit na
banyo sa gilid ng playhouse. Nagbihis at sabik na hinintay ang pagdating ng anak.
Makapapasok na sila sa malaking bahay, ang isip ni Aling Osang. Makikita na niya
ang loob nito.

Ngunit lumalim na ang gabi ay wala pa rin si Monching, pati na si Lanie. Nakatulog
na sila sa kahihintay.

Linggo ng umaga. Nagising sina Aling Osang sa katok sa pinto. Sinabi ng maid
na maaantala raw ang uwi ni Monching sa susunod na linggo pa dahil may
panibagong project na namang sinisimulan. May iniabot na Two-thousand pesos
kay Aling Osang ang maid. Ipinabibigay raw ni Lanie para pamasahe pabalik ng
Bohol.

“Sa loob ng bapor, iniisip ni Aling Osang ang mahal na anak, Bakit parang
napakahirap yata niya itong makita? Halos tatlong taon na itong nawalay sa kanya.
Maligaya kaya ito sa piling ng maganda at mayamang asawa ngunit pangit ang
ugali? Kung si Corazon ang nakatuluyan ni Monching, ilang apo na kaya ngayon ang
sa kanya ay yumayakap at naglalambing?

Sising-sisi si Aling Osang. Siya ang naging dahilan kung kaya lumayo si
Monching at nagtrabaho sa ibang lugar. Kailan kaya sila muling magkikita? Alam
niyang hindi ito uuwi ng Bohol upang maiwasan si Corazon na hanggang ngayon ay
patuloy na nagmamahal at umaasa.

Kung hindi naging matapobre si Aling Osang, sana’y nakita niyang higit ang halaga
ng magandang ugali kaysa sa materyal na kayamanan.
Ang Mag-asawang Walang Anak

Noong unang panahon, may mag-asawang hindi biniyayaan ng Diyos ng kahit na


isang anak sa loob ng labinlimang taong pagsasama. Sila ay sina Teban at Osang.
Lahat ng paraan ay ginawa na nila ngunit wala ring nangyari. Dahil sa kabiguang ito,
ibinuhos ng mag-asawa ang kanilang panahon sa pag aalaga na lang ng maraming
hayop tulad ng aso, pusa, manok, pabo, baboy at iba pa. Bukod sa nalilibang sila sa
pag-aalaga ng hayop, sila ay kumikita din dito.

Sa lipon ng mga alaga nilang hayop, ang pusang puti ang pinaka paborito ni Osang.
Alagang-alaga ito ni Osang sa pagkain at inumin. Itinatabi pa niya ito sa pagtulog.
Parang isang anak na ang turing ni Osang sa puting pusa.

Ngunit sa kabila ng kanilang pagiging abala sa pag-aalaga ng mga hayop, hindi pa


rin sila nawawalan ng pag-asang magkaanak. Patuloy pa rin silang namamanata sa
iba’t-ibang santo sa ibat-ibang lugar.

Sa isang malayong bayan na kanilang pinuntahan ay nangako si Osang na kung siya


ay bibiyayaan ng isang anak ito ay hinding-hindi niya patatapakin sa lupa.

Ang kanilang kahilingan ay natupad. Hindi nagtagal at nagsilang si Osang ng isang


babae at ito ay pinangalanan nilang Rosario. Lumaki si Rosario sa piling ng
mapagpalang kamay nina Teban at Osang. Tulad ng kanyang pangako, hindi
pinatutuntong ni Osang ang anak sa lupa kung kaya’t si Rosario ay hindi nakalalabas
ng bahay.

Hanggang sa magdalaga na si Rosario ay hindi pa nasayad sa lupa ang mga paa


nito. Nagkasundo ang mag-asawa na ipagtapat kay Rosario ang tungkol sa kanilang
pangako. Naintindihan naman ni Rosario ang kalagayan ng mga magulang at
iginalang niya ang bilin ng mga ito.

Kahit na hindi naglalabas ng bahay si Rosario, maraming binata pa rin ang


nakabalita sa angking kagandahan ng dalaga. Dumadalaw sila at nanliligaw sa
dalaga. May isang napupusuan si Rosario, siya ay si Antonio.

Isang araw ay dumalaw si Antonio kay Rosario. Tumawag siya sa labas ng bahay.
Nagkataon naman na sa mga oras na iyon ay wala ang mga magulang ni Rosario.
Dumungaw si Rosario sa bintana.

“Puwede ba akong makatuloy, mahal kong Rosario?” ang tanong ni Antonio.


“Hindi maari, wala rito ang mga magulang ko. Kabilin-bilinan nina Tatang at Nanang
na huwag akong magpapatuloy ng tao sa loob ng bahay,” ang sagot ni Rosario.

“Kung ganoon, hindi naman siguro masama kung magkuwentu-han tayo dito sa
hardin,” mungkahi Antonio.

Sa kapipilit ni Antonio ay napapayag din niyang makausap sila ni Rosario sa may


hardin. Naisip ni Rosario na hindi naman siguro masama kung mag-usap sila sa
hardin ni Antonio. Higit sigurong magagalit ang kanyang mga magulang kung
patutuluyin niya sa loob ng bahay ang binata.

Ngunit pagtuntong na pagtuntong ni Rosario sa lupa ay biglang yumanig ang


buong kapaligiran. Umagos ang tubig na hindi malaman kung saan nanggaling.
Nilamon ng tubig ang kabahayan. Nagyakap sina Antonio at Rosario at humihingi
ng saklolo. Walang tulong na dumating.

Kinahapunan ay dumating ang mag-asawang Teban at Osang. Laking gulat nila


nang di makita ang kanilang bahay. Parang bula itong naglaho. Tanging isang ilog
ang kanilang nagisnan at sa pusod ng ilog na ito ay naroroon ang dalawang buwaya.

You might also like