Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

Ka Pete

Usual byline: Jose F. Lacaba. Full name: Jose Maria Flores Lacaba Jr. The late Jose Sr. was nicknamed Pepe, so Jr. was nicknamed Pepito, the
little Pepe. In college, Pepito's nickname got shortened to Pito, then Pit, but the last gave rise to jokes about armpits, so Pit was respelled Pete

Itong tula ay tungkol sa hindi ko nakilalang si Leonor Alay-ay at tungkol sa iba pang katulad niyang hindi nakilala sa pangalan, at hanggang
ngayon ay hindi kinikilala sa mga parangal para sa mga bayani at martir na nagbuwis ng buhay noong panahon ng batas militar. Alam kong hindi
mamasamain ni Ka Lando na siya, ang bida sa mga diyaryo noong panahong iyon, ay hindi bida sa tulang ito.

Ang Mga Walang Pangalan

Alay kay Leonor Alay-ay, drayber

Nalalaman na lamang natin

ang kanilang mga pangalan

kung sila’y wala na.

Subalit habang nabubuhay,

sila’y walang mga pangalan,

walang mukhang madaling tandaan.

Hindi sila naiimbitang

magtalumpati sa liwasan,

hindi inilalathala ng pahayagan

ang kanilang mga larawan,

at kung makasalubong mo sa daan,

kahit anong pamada ang gamit nila

ay hindi ka mapapalingon.

Sila’y walang mga pangalan,

walang mukhang madaling tandaan,

subalit sila ang nagpapatakbo

sa motor ng kilusang mapagpalaya.

Sila ang mga paang nagmartsa

sa mga kalsadang nababakuran

ng alambreng tinik,

sila ang mga bisig na nagwagayway


ng mga bandila ng pakikibaka

sa harap ng batuta at bala,

sila ang mga kamaong

nagtaas ng nagliliyab na sulo

sa madilim na gabi ng diktadura,

sila ang mga tinig na sumigaw

ng “Katarungan! Kalayaan!”

at umawit ng “Bayan Ko”

sa himig na naghihimagsik.

Sa EDSA sa isang buwan ng Pebrero,

sila ang nagdala ng mga anak

at nagbaon ng mga sanwits

at humarap sa mga tangke

nang walang armas kundi dasal,

habang nasa loob ng kampo,

nagkakanlong, ang mga opisyal

na armado ng Uzi.

Wala silang mga pangalan,

walang mukhang madaling tandaan,

itong mga karaniwang mamamayan,

pambala ng kanyon at kakaning-itik,

na matiyagang kumilos at

tahimik na nagbuklod-buklod at

magiting na lumaban

kahit kinakalambre ng nerbiyos,

kahit kumakabog ang dibdib.

Wala silang mga pangalan,


walang mukhang madaling tandaan,

subalit sila’y

naglingkod sa sambayanan

kahit hindi kinukunan ng litrato,

kahit hindi sinasabitan ng medalya,

kahit hindi hinaharap ng pangulo.

Sila’y naglingkod sa sambayanan,

walang hinahangad

na luwalhati o gantimpala

kundi kaunting kanin at ulam,

kaunting pagkakakitaan,

bubong na hindi pinapasok ng ulan,

damit na hindi gula-gulanit,

ang layang lumakad

sa kalsada tuwing gabi

nang hindi sinusutsutan ng pulis

para bulatlatin ang laman ng bag,

isang bukas na may pag-asa’t aliwalas

para sa sarili at sa mga anak,

isang buhay na marangal

kahit walang pangalan,

kahit walang mukhang madaling tandaan.

--Jose F. Lacaba

You might also like