KLARA3

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 6

KLARA: Ikatlo

Klara.
Natigil ako sa aking ginagawa dahil sa ingay na nanggagaling sa labas. Siguro ay dumating na
yung bago kong makakasama rito sa apartment na tinutuluyan ko.
Pinasadahan ko ang tingin ko sa malaking salamin na nasa likod ng pintuan. Sinuklay ko ang ko
buhok gamit ang aking mga daliri at saka inayos nang kaunti ang suot kong damit at pajama.
Nang makuntento ako sa aking itsura ay saka ako lumabas sa ng aking kwarto.
Ginawa ko iyon upang pagbuksan ng pinto ang kung sino mang nasa labas dahil naalala kong
ini-lock ko nga pala iyon pagkapasok ko kanina.
“Oh, Klara. Nandyan ka pala,” bati ni Auntie Lace pagkabukas ko ng pinto.
Pinindot ko ang switch na nasa tabi ng pintuan kaya’t nagliwanang sa kanilang kinatatayuan.
Di ko na hinintay magsalita muli si Auntie Lace at tumalikod na ako upang umalis sa kanilang
harapan dahil sa panonood sa akin ng nasa likod niyang babae.
Mukhang tama ang hinala kong ito na ang gagamit ng kwarto na katapat ng sa akin. May dala
kasi siyang maleta, travel bag at isang malaking stuffed toy na aso.
“Pakisamahan mo na lang iyong si Klara ha. Talagang hindi siya malapit sa mga tao eh.
Magsasalita lang siya pag may itatanong o kailangan,” dinig kong wika ni Auntie Lace. Papasok
na ako sa aking kwarto ngunit naabot pa rin noon ang aking pandinig.
‘Kung wala naman akong kailangan ay bakit pa ako magsasalita?’
***
Ilang araw na rin ang lumipas simula nung dumating siya dito pero hindi pa namin alam ang
kahit na ano tungkol sa isa’t isa bukod sa aming mga pangalan. Maging ang edad niya ay hindi
ko magawang itanong.
Kada madadaanan ako ni Iaris- yan ang pakilala niya sa akin, ay parang nanunuri ang kanyang
mga mata.
Kung babatiin niya ako ay may ngiti naman sa kanyang mukha ngunit ang kanyang mga mata
ay waring mas malalim pa doon ang sinasabi. Dahil doon, kahit ilang lingo na kaming
magkasama sa bahay ay hindi ko maiwasan na tango lamang o pilit na ngiti ang isagot sa
kanya.
Hindi naman na bago sa akin ang ganitong pakiramdam. Yung tipong ine-examine ng mga
nakapaligid sa akin ang sunod kong gagawin- kung sasang-ayon ba ako o hindi sa kanila.
***
“Itong mga nakasaulat na ito sa board ang magiging groupmates nyo for our presentation next
meeting. Make sure that everyone will contribute at huwag pabuhat lang,” matinding paalala ng
aming professor habang inaayos ang white board marker sa kanyang pouch.
Sinuri kong maigi ang mga pangalan ng magiging groupmates ko. Pinigil ko ang buntong
hiningang gustong lumabas mula sa akin.
‘Cruz, Merry’
‘Reyes, Tanya’
‘Tomas, Ping’
Hindi ko sila palaging nakakasama kahit pa si Merry at Tanya ay blockmates ko. Si Ping naman
ay umulit sa klaseng ito at ahead siya sa amin ng isang taon.
“Kelangan ngayon pa lang ay may mapili na kayong leader para makapag-usap na rin kayo
kung ano ang magiging hatian ninyo sa gawain,” wika ng aming professor habang inaayos ang
kaniyang salamin na napakataas ng grado at saka hinila ang kanyang blouse na inamo’y
puputok na.
“Si Klara na ang leader namin, Ma’am!!!”
Napangiwi ako sa aking narinig pero binawi ko agad yun at tumingin sa pinanggalingan ng
sigaw nang may pilit na ngiti. Nahuli ng paningin ko ang ngising-ngisi na si Ping. Ang itsura niya
ay itsura ng estudyanteng nakakuha ng uno sa exam kahit hindi nag-aral.
Gusto kong ihilamos sa mukha ang mga kamay ko dahil sa inis. Kilala siya bilang isang pabuhat
at gusto ng marka kahit walang inaambag.
Dahan-dahang ibinaling ko ang aking paningin kay Prof. Dolores na hindi ko maintindihan ang
tingin kay Ping.
“Siguraduhin mong may ambag ka Mr. Tomas! Tandaan mong ganyan ang ikinabagsak mo sa
subject kong ito,” may halong pagbabanta sa boses ni Prof. Dolores habang sinasabi niya iyon.
Napayuko tuloy si Ping dahil sa sinabi ng aming professor at dahil na rin sa panunukso ng mga
katabi niya.
Tumighim nang malakas si Dr. Dolores na naging dahilan upang magbalik sa kanya ang
atensyon naming lahat.
“Huwag niyong kalimutan ang bilin ko. This is a group presentation and a member’s
irresponsibility will make the whole group suffer.”
Marami ang lumukot ang mukha dahil sa sinabi niyang iyon bago tuluyang magpaalam sa klase.
Kumekendeng pa siyang lumabas ng classroom at maarteng binati ang Dean namin nang
maabutan niya itong naglalakad sa tapat ng lecture room.
“Klara!!”
Kilala ko ang boses na iyon at hindi ako nagkamali sa aking hinala.
Palapit na ngayon sa upuan ko ang kaklase kong parang laging rumarampa kung maglakad.
Matunog din ang tunog ng sapatos niyang may bakal ata sa ilalim.
“I’m so thankful na ikaw ang kagrupo ko,” pa-slang niya pang sabi habang pasosyal na umuupo
sa katabing upuan ko.
“Oo Tanya, ako rin,” wala sa loob sa ngumiti ako sa kanya at patuloy lang sa pagbabalik ng
notebook ko sa aking bag.
“Yes, I know right. Hindi ka magsisisi,” dagdag niya pa at batid sa boses niya ang confidence na
meron siya.
“A-ah. K-Klara, ngayon pa lang din nagpapasalamat na ako sa’yo,” nauutal na wika ni Merry na
nakatayo ngayon sa unahan ko.
Maalon ang hanggang kili-kili niyang buhok at may salamin din siyang kasing kapal ng kay Prof.
Dolores. Kahit pautal-utal si Merry ay alam kong marunong din siya sa klase. Hindi siya mahilig
sumagot sa recitations pero madalas siyang highest sa exams.
“Bakit naman?” nakakunot ang noo kong tanong sa kanya.
Dahil sa ekspresyon kong yoon ay naging parang batang iiyak ang kaniyang itsura at tumingin
nalang sa sahig.
“Dahil alam naming di mo kami pababayaan sa group presentation na ito!” proud na proud
namang sabat ni Ping. Hindi ko napigilang mapangiwi dahil sa kanyang sinabi.
‘Group presentation nga eh.’
Ngunit dahil sa sinabi niyang yon ay naging masigla ang mukha ni Merry at tumatango-tango pa
ito sa aking sa harapan. Maging si Tanya ay ganon din ang naging reaksyon.
“Group presentation yun. ‘Tayong lahat’ ang kailangan gumawa para doon,” sagot ko naman sa
kanila.
“Aba syempre naman!” sagot ni Ping na humalakhak pa.
‘Sana nga ay maasahan kita lalo pa’t ganito rin ang dahilan kung bakit ka repeater ngayon sa
klase na ito.’
Maya-maya pa’y may mga pumasok nang ibang estudyante sa loob ng lecture room. Mukhang
may panibago nang gagamit nito. Kaya naman niyaya ko silang sa lilim na lang mga puno sa
tabi ng field kami mag-usap.
Dahil ibinigay na rin naman ang topic at ang mga dapat naming i-cover sa presentation ,
nakapaghati-hati na kami ng gawain. At tulad nga ng sabi ni Ping kanina, ako ang
napagkasunduan nilang maging leader ng grupo. Oo, hindi nila ako hinayaang tumanggi kaya’t
wala na rin akong nagawa.
Para mas maging maayos ang pakikitungo ko sa kanila ay pilit akong tumatawa kapag may
sinasabi silang nakakatawa. Kapag kasi hindi ay sinasabihan nila ako ng ‘kill joy’ o kaya naman
ay walang sense of humor.
Para sa grade, ginawa ko yon.
Pagkaalis nila nang matapos ang meeting ay nag-ayos na ako ng mga gamit sa bag ko.
Ramdam kong may papalapit sa akin ngunit hindi ako nag-abalang magtaas ng tingin.
Wala namang lumalapit sa akin dito. ‘Di bale na lang kung may kailangan kaming pag-usapan
para sa klase.
“Hi Klara!”
Dahan-dahan akong tumingala para tingnan kung sino iyon.
‘Si Iaris.’
Tiningnan ko siya sa kaniyang mga mata at naghintay kung ano ang sunod niyang sasabihin.
Ngunit nagsalubong nang bahagya ang kanyang kilay na tila pinapakiramdaman din kung ano
ang sunod kong gagawin.
Napakatipikal noon para sa akin kaya hindi na ako nagulat.
“Iaris, ano yon?”
Dahan-dahan akong tumayo mula sa pagkakaupo at pinagpapagan ang aking pwetan at ganon
na rin ang aking bag dahil sa mga maliliit na damong kumapit doon
“Ahhh, gusto mo bang sumabay maglunch sakin?” tanong niya sa akin habang bahagya siyang
napapitlag.
Nababahala ako sa kanyang mga reaksyon kaya napatingin ako sa gitna ng field kung saan
maraming estudyante na ang naglalakad palabas ng campus. Lunch time na nga pala.
“Salamat sa pag-aayaya pero hindi na,” bahagyang nakangiting tugon ko sa kanya. “May
gagawin pa kasi ako.”
May quiz ako sa sunod kong klase kaya mas gusto ko munang mapag-isa para mas makapag-
isip ako nang maayos. Hindi na rin naman siya nag-usisa kung ano ang gagawin ko.
Sana lang ay hindi maging iba ang dating ng aking sagot.
Nginitian niya ako na sinuklian ko naman ng isang tango at nagpaalam na sa kanya.
“Sige, ingat ka,” sabi ko sa kanya.
Tumalikod na ako at naglakad papunta sa canteen.
Iaris.
Matapos magpaalam sa akin ni Klara ay nanatili pa akong nakatayo don sa loob ng sampung
segundo. Hindi ko alam kung bakit ganoon na lang ang naging reaksyon ng aking utak gayong
nagpaalam lang naman naman siya sa akin.
Siguro ay dahil inaasahan kong sasabay siya sa akin.
Sa ilang beses na nakita ko si Klara dito sa campus ay ngayon ko lang din siya nakitang may
kasama at tumatawa. Palagi siyang nag-iisa at hindi nakikipag-usap sa ibang tao.
Muling tumunog ang aking tiyan kaya napahawak ako don. Luminga-linga pa ako sa paligid
dahil maraming estudyante dito at baka may nakarinig sa pag-aalburoto ng mga alaga ko.
Hehe.
Matindi ang sikat ng araw kaya dali-dali ako sa paglabas hanggang sa makarating ako sa
paborito kong kainan na hindi kalayuan sa school. Patiad akong naghanap ng bakanteng
mauupuan.
Hindi naman karamihan ang mga customers pero may mga nakapila sa counter na nasa
mismong pagpasok ng pintuan kaya medyo harang nila ang loob.
Umupo na ako sa isang mesa na pangdalawahan. Iniligay ko ang bag ko sa kasalungat kong
upuan at saka naupo. Malawak ang kainan na ito at air-conditioned din ang loob. Kitang-kita
mula sa kinauupuan ko ang mga tao at sasakyang dumadaan sa labas dahil gawa sa bubog
ang unahan ng kainan na ito.
Hinintay kong maging dalawa na lang ang nakapila bago ako pumunta sa counter bago
umorder. Modern ang style ng kainan pero ang mga isine-serve nila ay mga putaheng Pinoy at
pasok din sa budget ng mga estudyante ang presyo.
“Onyx!” gulat kong tawag sa kakilala na kababalik lang sa counter galing sa maliit na butas ng
kusina.
“Iaris!” ganti niyang bati sa akin na kita ang mapuputi niyang ngipin at ang mala-anghel niyang
ngiti.
“Antagal nating hindi nagkita. Hanggang ngayon ay tumutulong ka pa rin pala dito.”
“Kailangan kasi ako ngayon dito at nag-eenjoy naman ako. Anong oorderin mo?” tanong niya sa
akin kaya napatingin ako sa kanilang menu na nakakapit sa ibabaw ng counter.
“Hmm. Isang serving ng sinigang na baboy at isa’t kalahating serving ng kanin,” wika ko sa
kanya at saka inabot ang aking bayad.
Nakangiti naman niya itong tinanggap at saka binigyan ako ng sukli.
“Antayin mo na lang don ang order mo. Ako mismo ang magdadala,” wika niya at saka may
iniabot na papel sa isang tauhan na nasa kusina.
Matapos ang limang minuto ay papalapit na siya sa aking upuan at dala-dala sa isang tray na
itim ang mga inorder ko. Meron ding softdrinks na kasama.
“Mukhang gutom ka na ah,” pabirong wika niya sa akin habang ibinababa ang mga orders ko.
“Oo eh. Kanina pa ngang tumutunog ang tiyan ko e. Hahaha!” pabirong wika ko din at saka
inayos sa aking harapan ang aking pananghalian.
Amoy pa lang ng sinigang na baboy ay nangangasim na ako. Hindi ko alam kung sapat na ba
yung inorder kong kanin.
Dahil na rin sa gutom ay nagmamadali akong sumubo ng kanin sabaw higop ng sabaw.
Napapangiti pa ako habang ngumunguya dahil sa sarap ng sinigang. Hindi ako nagsisising dito
pa ako pumunta para kumain.
Ang kainang ito ay pagmamay-ari ng kaibigan ni Mommy at kaya ko kilala si Onyx ay dahil anak
siya ng mga ito. Madalas akong isama dito noong bata pa ako at si Onyx ang kalaro ko.
“Hahahahaha!” natigilan ako sa kanyang pagtawa. Akala ko pa naman sy nakaalis na siya sa
harapan ko. “Hindi pa rin nagbabago ang ugali mo pag gutom at gutom ka at nabigyan ng
pagkain,” dagdag pa niya.
Inubos ko muna ang laban ng aking bibig bago nagsalita.
“Sira! Hahahaha. Eh kanina pa talaga akong gutom,” kunwari’y naiinis kong sagot sa kanya.
“Saka tingnan mo yung oras oh, lampas ala-una na.” dagdag ko pa.
“Sige na. Enjoy your food. Pag may kailangan ka ay tawagan mo lang ako,” huling wika niya at
saka bumalik sa counter.
Ipinagpatuloy ko lang ang pagkain ko at umorder din ng isa pang serving ng kanin. Babayaran
ko sana iyon ngunit libre na daw sabi ni Onyx at hindi na ako tumanggi.
Biyaya yon eh! Haha.
Nakipagkwentuhan pa siya sa akin ng ilang minuto bago ako tuluyang umalis. Pagdating ko sa
apartment ay pasalampak akong humiga sa kama at mabilis na nakaidlip.
Pero dinalaw ako hanggang sa panaginip ng pag-uusap namin ni Klara.

You might also like