Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 2

Dinuguan

Jaco Tango

Pinuyat siya ng pag-iisip. Ilang araw na rin kasing walang inaabot na pera ang asawa sapagkat walang
nadedelehensya. Lumipas ang oras, maya-maya lamang magigising na ang asawa, maghahanap ng
almusal bago pumasok sa trabaho. Sumasakit ang kanyang ulo sa kaiisip. Paikot-ikot. Labas-pasok sa
kwarto.

Pinagkasya na lamang niya ang ilang takal ng bigas para makapagsaing. Bukas-sara, bukas-sara ng ref.,
sa ilang saglit, ginayat na niya nang may katamtamang laki ang laman, nang bahagya nang naluto ay
ibinuhos niya ang dugo. Saktong-sakto ang dugo. Hinulugan niya ng ilang pirasong siling haba, pagkat
iyon ang hilig ng asawa. Ilang halo, ilang kulo. Sa wakas ay tapos nang maluto ang dinuguan. Sakto sa
agahan.

Pinagsaluhan nilang mag-asawa ang mainit-init pang dinuguan, pinaghatian ang laman. Paalis na ang
asawa. Humalik. Pumasok sa kwarto gaya ng nakagawian, hahalik at magpapaalam sa anak. Subalit
wala roon ang anak.

Self-Defense
Lynell Glen Agoncillo

Naglalakad siya sa isang madilim na eskinita. Habang naglalakad ay may umakbay sa kanya. Ang lamig
ng gabi na di niya alintana ay bigla niyang naramdaman. May tumusok sa kanang tagiliran niya.
Pagkatapos ay may bumulong sa kanyang tainga, sa mababang boses, “ilabas mo selpon mo, di kita
gagalawin”. Nanginginig niyang binuksan ang shoulder bag at kinapkap ang selpon at iniabot sa lalaking
nakaitim/maitim. Pagkakuha ng lalaki ay bigla itong naglahong parang bula. Kumaripas naman siya ng
takbo papauwi. Kinabukasan ay naghanap kaagad siya ng self-defense class para matuto siyang
manakit. Bumili rin siya ng balisong para sigurado na ang kanyang kaligtasan. Ilang buwan ang
nakalipas, naglakad ulit siya dun sa eskinita kung saan siya naholdap, mag-isa at walang takot. Madilim,
pero di na siya kinakabahan dahil tiwala siya sa natutunan niya. Mga ilang sandal ng paglalakad ay may
umakbay ulit sa kanya. Walang ano-ano ay siniko niya sa mukha ang lalaki at tinadyakan sa tiyan.
Napayuko ang lalaki at agad niya itong inundayan ng saksak sa likod. Nang matumba ang lalaki ay agad
siyang kumaripas ng takbo pauwi. Sa sobrang takot ay naiwan niya pang nakatarak sa likod ng lalaki ang
balisong. Hapong-hapo siyang pumasok sa loob ng bahay. Dinatnan niyang nakaupo ang kanyang nanay
at nanonood ng tv. Nang mapansin siya ng kanyang nanay ay agad itong nagtanong,
“Nasaan si Papa mo? Bakit di mo kasama? Inabangan ka niya dun sa may eskinita ah.”

Jack Alvarez

Taong 1999. Kaga-graduate ko lang sa hayiskul. Kasagsagan ng illegal logging at illegal mining sa
ilang liblib na lugar sa Cagayan de Oro pati na sa aming baranggay. Nagsagawa kami ng isang
barikada kasama ang ilan pang kabataan. Siguro, nasa 10 kaming nanguna kabilang na ang ilang
miyembro ng SK. Hindi ko makalimutan kung paano kami tinalikuran ng aming Brgy. Kapitan nang
magkagulo at hinarass kami ng ilang loggers at laborer sa mining. Bangungot para sa akin ang mga
panahong iyon nang binantaan akong patayin ng isang lasing na trabahador. Tinulungan ako at
itinago sa kuwarto ng mag-asawang nakakitang tumatakbo ako palayo sa nakasunod sa akin na
may dalang palakol. Hindi ako nagsumbong sa Lupon o nagsampa ng kaso. Sa halip, hinarap ko
ang taong nagbanta na kung hindi ako makakatay, .45 ang bubutas sa aking sintido. Naintindihan ko
ang kaniyang poot. Na kung mahinto ang logging at mining dahil sa aming pagwewelga, mawawalan
sila ng ikabubuhay. At mas naintindihan kong may pamilya siyang binubuhay mula sa kaniyang
kinikita. Ngunit hindi siya ang aming kaaway. Kundi, ang sistema na patuloy na nagpapahirap sa
kalagayan ng lipunan

ROYALTY
Jack Alvarez

Fourth-year high school ako nang unang makatanggap ng gantimpala sa pagsusulat. Nanalo ako sa
isang essay writing contest ng Rotary Club— Cagayan de Oro. Pag-uwi ko, inabot ko kay Mama ang
puting sobre na may isang libong piso na aking premyo at sertipiko. Namasdan ko ang higpit ng
hawak ni Mama sa aking napanalunan. Kasinghigpit iyon ng pasasalamat na makakabili na kami ng
ilang kilong bigas. Kasinghigpit iyon ng patuloy naming pagsisikhay kasama ang dalawa ko pang
kapatid nang iwan kami ni Tatay.
Isang nakakabusog na hapunan ang pinagsaluhan namin. Mabangong kanin, masarap na ulam at
may softdrinks pa. Naikuwento ni Mama na noong grade one pa lang ako, tinuturuan niya akong
magsulat. Isang sulat para kay Tatay.
Ngayon, sa tuwing nagkakapera ako sa aking pagsusulat, lalo na kapag nakakatanggap ng royalty
sa nailathala kong libro, muli aking naaalala. Naaalala ko si Mama. Naaalala ko ang higpit ng
pagkakapit ko sa aking panulat. Kasinghigpit iyon sa paghihintay sa isang sulat na kailanman ay
walang kasagutan.

You might also like