Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 4

LEARNING ACTIVITY SHEET

Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik


Ika-3 Kwarter (Ikalawang Semestre)

Pangalan: _________________________________________________________ Iskor: __________________

Seksyon: ____________________ Petsa: _________________

Aralin: TEKSTONG DESKRIPTIBO

Ang tekstong deskriptibo ay maihahalintulad sa isang larawang ipininta o iginuhit kung saan kapag nakita ito
ng iba ay parang nakita na rin nila ang orihinal na pinagmulan ng larawan. Subalit, sa halip na pintura o pangkulay,
mga salita ang ginagamit ng manunulat upang mabuo sa isipan ng mambabasa ang paglalarawan sa tekstong
deskriptibo.

Ito ay nagtataglay ng impormasyong may kinalaman sa limang pandama: paningin, pandinig, panlasa, pang-
amoy, at pandama. Ang paggamit ng tekstong naglalarawan ay lumilikha ang may-akda sa kaniyang mga mambabasa
ng isang madetalyeng imahinasyon na magsisilbing pundasyon niya upang paniwalaan ang katotohanan ng isang
bagay, pangyayari o ano mang nagaganap sa kaniyang pang-araw-araw na karanasan.

Ang pagsulat ng paglalarawan ay maaaring maging subhetibo o obhetibo. Masasabing subhetibo ang
paglalarawan kung ang manunulat ay maglalarawan nang napakalinaw at halos madama na ng mambabasa, subalit
ang paglalarawan ay nakabatay lamang sa kanyang mayamang imahinasyon at hindi nakabatay sa katotohanan sa
totoong buhay. Obhetibo naman ang paglalarawan kung ito’y may pinagbabatayang katotohanan. Halimbawa, kung
ang lugar na inilalarawan ng isang manunulat ay isa sa magagandang lugar sa bansa na kilala rin ng kanyang mga
mambabasa, gagamit pa rin siya ng sarili niyang salitang maglalarawan sa lugar subalit hindi siya maaaring maglagay
ng mga detalyeng hindi taglay ng kanyang paksa.

Pangunahing layunin ng isang tekstong naglalarawan ay ang makabuo ng isang malinaw na biswal, larawan,
at imahen upang mapalutang ang pagkakilanlan.

URI NG PAGLALARAWAN

Karaniwang Paglalarawan

Literal at pangkaraniwang gumagamit ng paglalarawan. Obhektibo (tiyak) ang paglalahad ng kongkretong


katangian ng mga impormasyon. Payak o simple lamang ang paggamit ng mga salita upang maibigay ang kaalaman
sa nakita, narinig, nalasahan, naamoy, at naramdaman sa paglalarawan.
Halimbawa:
Paningin – matangkad na lalaki; maganda ang mga mata; kulay berde ang halaman
Pandinig – maingay sa plasa; mahina ang iyong boses; malakas ang kaniyang sigaw
Panlasa – maasim ang sinampalukan; matamis ang tsokolate; maanghang ang Bicol Express
Pang-amoy – mabango ang nilabhan; mabaho ang basurahan; maasim ang amoy ng pawis
Pandama – mahapdi ang sugat; malamig ngayong gabi; mainit ang iyong katawan

Teknikal na Paglalarawan

Pangunahing layunin ng siyensiya ang mailarawan nang akma ang anumang dapat at kailangang malaman
tungkol sa mundo at kalawakan. Kalimitang gumagamit ang manunulat ng mga ilustrasyong teknikal na sulatin upang
makita ng mambabasa ang larawan o hitsura ng inilalarawan.
Masining na Pagpapahayag

Di-literal ang paglalarawan at ginagamitan ng matatalinghaga o idyomatikong pagpapahayag. Malayang


nagagamit ang malikhaing imahinasyon upang mabigyan ng buhay ang isang imahen o larawan. Taglay nito ang
kasiningan ng pagpapahayag ng damdamin at pananaw ng sumulat.
Halimbawa:
Paningin – kay tangkad mo, para kang poste
Pandinig – nabibingi ako sa sobrang lakas ng boses mo
Panlasa – halos mapaso ang dila ko sa anghang ng Bicol Express
Pang-amoy – masusuka na ako sa baho ng kanal sa labas
Pandama – nasunog ang balat ko sa tindi ng sikat ng araw

Basahin ang halimbawa ng Tekstong Deskriptibo.

Ang Karanasang Di Ko Malilimutan


ni: Jheru Anselmo Mendoza

Lahat tayo ay may karanasang ‘di malilimutan – karanasan sa pag- ibig, sa pakikipagkaibigan, at sa pamilya.
Kailan nga ba tayo unang umibig? Kailan ba tayo unang nasaktan? Aling alaala ang lubos na nagdulot sa atin ng sakit?
Kailan nga ba tayo naging masaya? Naaalala mo pa ba? Sa dami ng mga bagay na aking naranasan, kulang pa yata
ang isang libro para maikuwento ko nang buo ang simpleng buhay ko.

Ang aking pamilya ay malaki, pero simple lang ang aming pamumuhay. Lagi kami magkakasama noon.
Nagtatawanan at nagkukulitan kahit may problemang nararanasan, kinakaya naming ano mang unos ang dumating
dahil lagi kaming magkakasama. Sabi pa ng aking mahal na ina noon, “Ayos lang daw maghirap kami at magdildil ng
asin, basta kompleto at magkakasama kaming lahat. Nasabi niya ito dahil maaga siyang nahiwalay sa kaniyang
pamilya noon, bata pa lamang siya ay naranasan na niyang mabuhay nang mag-isa. Mahirap daw ang nag-iisa sa
buhay. Malungkot daw. Kaya para sa akin, siya ang pinakamagaling na ina sa buong mundo! Kasi maayos niya
kaming napalaki kahit nag-iisa na lamang siya ngayon. Ang aking ama naman ay isang mabait at mabuting ama.
Mahal na mahal ko siya kahit minsan napapalo niya ako dahil nakakainom ng alak.

Lumipas ang ilang taon na palaging masaya ang aking pamilya. Ngunit ang ‘di namin nalalaman ay isang
malaking problema ang parating sa aming buhay na ganap na susubok sa aming katatagan. Sampung taong gulang pa
lamang ako noon at nasa ikaaanim na baitang nang malaman ng doktor na may kanser sa atay ang aking ama.
Nagulat kami sa nalaman naming balita. Gayunpaman ay pinilit naming maging masaya para sa aming ama dahil
ayaw naming makita niyang nalulungkot kami para sa kaniya, at para kahit paano ay mabawasan ang nararanasan
niyang paghihirap at kalungkutan.

Ilang buwan na ang lumipas pero hindi namin siya maipagamot dahil sa kakulangan sa pera. Lumala nang
lumala ang sakit niya, bumagsak ang dating masigla niyang katawan, at nangayayat siya nang husto. Ika- tatlumpu
ng Hunyo 2004 noon, ito ang araw ng kaniyang pagsilang. Nagluto ang aking ina. Kaunti lang ang handa at kami lang
ang nagdiriwang ng kaarawan niya. Ang ama ko ay masaya noong araw na ‘yon kahit nararamdaman ko na parang
malungkot siya. Hindi niya pinakikita sa amin iyon. Gusto niyang maging masaya kami. Ang saya talaga ng araw na
‘yon para sa akin. Ngunit iyon na pala ang huling kaarawan ng aking ama. Tatlong araw ang lumipas, iniwan na niya
kami. Wala na siya. Namatay na ang aking ama. Napaluha na lang ako habang tinitingnan ko ang walang buhay na
katawan niya. Pero naalala ko ang sabi sa akin ng ama noon; “Anak, ‘wag kang iiiyak kapag nawala ako, ha.” Kaya
noong libing niya ay hindi na ako umiyak at tinanggap ko na lang na wala na siya; na hindi na siya mahihirapan dahil
kung saan man siya naroon ay masaya na siya sa piling ng Dakilang Ama.
MGA GAWAIN:

A. Kilalanin ang mga pahayag sa ibaba. Isulat ang titik ng tamang sagot sa patlang.

A. Paglalarawan
B. Karaniwan
C. Masining
D. Teknikal

_____1. Ito ay nagtataglay ng impormasyong may kinalaman sa limang pandama.

_____2. Di-Literal ang paglalarawan at ginagamitan ng matatalinghaga o idyomatikong pahayag.

_____3. Ang pangunahing layunin nito ay makabuo ng isang malinaw na biswal, larawan, at imahe upang
mapalutang ang pagkakilanlan nito.

_____4. Literal na gumagamit ng paglalarawan.

_____5. Pangunahing layunin ng siyensya ang mailarawan nang akma ang anumang dapat at kailangang malaman
tungkol sa mundo at kalawakan.

B. Suriin ang pahayag. Isulat ang titik ng tamang sagot sa patlang.

K – kung Karaniwang Paglalarawan


T – kung Teknikal ang Paglalarawan
M – kung Masining ang Paglalarawan

_____6. Noong nakaraang linggo niyanig ng magnitude 7.3 na lindol ang Rehiyon ng Dabaw.

_____7. Singhaba ng lubid ang pagtitimpi ko sa iyo.

_____8. Gabundok ang kanyang labahan dahil dalawang linggong hindi nakapaglaba.

_____9. Ang aking kapatid ay matangkad na lalaki gaya ng aming ama.

_____10. Kasintamis ng tsokolate ang kanyang ngiti, kaya, para akong nakalutang sa alapaap.

_____11. Maganda at malinis ang paaralan ng La Filipina National High School.

_____12. Tila isang tuod na puno na lamang ang kaniyang naging tugon sa sigaw ng isang magnanakaw.

_____13. Napinsala ang probinsya ng Batangas nang bumuga ng mapakal na usok ang bulkang Taal.

_____14. Matalino ang aming mga mag-aaral dahil mataas ang markang kanilang nakukuha.

_____15. Biglang bumulusok ang baha sa aming lugar dahil sa napakalakas na ulan dulot ng bagyong Sendong.

C. Panuto: Punan ng wastong salita ang pahayag sa ibaba at isulat ang sagot sa sagutang papel.

Ang paglalarawan ay nagtataglay ng impormasyong may kinalaman sa limang pandama: paningin,


(16)___________, panlasa, (17) ___________, at (18) ___________. Ang paggamit ng tekstong (19) ___________ ay
lumilikha ang may-akda sa kaniyang mga mambabasa ng isang madetalyeng imahinasyon na magsisilbing pundasyon
niya upang paniwalaan ang katotohanan ng isang bagay, pangyayari o ano mang nagaganap sa kaniyang pang-araw-
araw na karanasan.

Pangunahing layunin ng isang tekstong paglalarawan ay ang makabuo ng isang malinaw na biswal,
(20)___________, at imahen upang mapalutang ang pagkakilanlan.
D. Gumawa ng isang paglalarawan batay sa sumusunod na mga pangyayari. Pumili lamang ng isa at ilarawan ito
ayon sa tatlong uri ng paglalarawan.

a. Karanasan sa bahay noong panahon ng Lock Down


b. Buhay noon at buhay ngayon
c. Ilarawan ang mga karanasan sa buhay ng bagong Normal

Ang Pagmamarka ay ibabatay ng guro sa sumusunod na pamantayan:

Pamantayan sa Puntos

Gramatika/Balarila - 8pts
Nilalaman - 8pts
Wastong gamit salita - 4pts
KABUUAN - 20pts

You might also like