O mga bulaklak na hasik sa landas niyong manlalakbay,
At doon, sa silong ng maaliwalas na langit na bughaw, Sa mga mahal ko'y di nagpapabaya't laging nagbabantay, Inyong ibalita itong pananalig na sa puso'y taglay Ng abang lagalag na di lumilimot sa nilisang bayan.
Pumaroon kayo, inyong ibalitang madilim-dilim pa,
Kung kayo, sa bati ng bukang-liwayway, ay bumubukad na, Sa pampang ng Neckar na lubhang malamig ay naroon siya, At sa inyong tabi'y inyong namamasid na parang estatuwa, Ang Tagsibol doong hindi nagbabago'y binubulay niya.
At ibalita rin na nang minsang siya'y naglalakad-lakad
Sa pampang ng Neckar ay pinupol kayo sa gilid ng landas, Doon sa ang tanod ay ang mga guhong bakas ng lumipas, Na nalililiman ng maraming punong doo'y naggugubat.
Ibalita ninyo kung paanong kayo'y marahang pinupol,
Pinakaingatang huwag masisira ang sariwang dahon, At sa kanyang aklat ay ipinaloob at doon kinuyom, Aklat ay luma na, datapuwa't kayo'y naroon pa ngayon.