Professional Documents
Culture Documents
Papel NG Hiraya-Roxas
Papel NG Hiraya-Roxas
Kamay sa isang gilid ng ulo. Nakapikit. Tinatahak ang isip at naghahanap ng sagot. Pilit
pinipiga ang mga huling inaral. Papel at lapis—kung saan nakataya ang mga mithiin. Mga
mithiing bubuo ng kinabukasan. Sa paglipas ng panahon, ating mapagtatanto na tayo ay hindi na
mga musmos… tayo ay tumatanda na at nadadagdagan ang pasaning responsibilidad.
Tiyakin ang iyong mga kalakasan at kahinaan. Tasahin ang saklaw ng pagsusulit at
hati-hatiin ang mga asignatura batay sa iyong kalakasan at kahinaan. Maglaan ng oras at punyagi
sa mga asignaturang hindi mo gaanong kapa ngunit huwag kaligtaan ang mga asignaturang tiyak
mo na.
Gumamit ng mga makabuluhang aklat. Hindi mo kailangang basahin ang iyong mga
aklat noong unang baiting. Mayroong mga aklat na mas bago at mas buod ang mga aralin,
mapapadali nito ang iyong pag-aaral. Huwag ding kalimutan aralin ang iyong mga tala noon.
Ilagay sa tamang kondisyon ang sarili. Bago magsagot para sa pagsusulit, tiyaking
handa ang katawan, mapa-pisikal, mental, at emosyonal. Sabihin sa sarili na “Kaya ko ‘to!”
araw-araw upang mapagaan ang iyong karamdaman.
Matapos sagutan ang pagsusulit, huwag mo itong alalahanin nang lubos. Iwasang
pagtuunan ng pansin ang mga negatibong kaisipan. Matiyagang hintayin ang resulta, ilang oras,
araw, linggo, at buwan pa ang lilipas. Atin lamang tandaan na ginawa natin ang lahat ng
makakaya. Magsisilbi tayong kabataang may kusang-palo.
Lumilipas ang panahon, umiinog ang mundo, ating mapagtatanto na bumibigat na ang
responsibilidad na inaaatang sa atin. Ang tanging tumatakbo sa isip ay makapag-aral at
makapagtrabaho ngunit ating itaga sa bato na i-ayon natin sa ating kakayahan at silakbo ng
damdamin ang mga desisyong gagawin. Ang desisyon sa kasalukuyan ay lubhang makaaapekto
sa kinabukasan. Ikaw, ako, tayo, ay puno ng hiraya. Hiraya—mga mithiing nais makamtan. At sa
papel na sasagutan ay nakasalalay ang hiraya—ang papel ng hiraya.