Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 5

Edukasyon sa Pagpapakatao 10

Aralin 3:

(pahina 37-47)

SIMULAN NATIN
"Iyan ang dikta ng aking konsiyensiya, kaya ko ginawa iyon." Narinig mo na ba ito? O
nasambit mo na ba ang mga katagang ito? Sa sitwasyong ito, ang konsiyensiya ang sinusunod ng tao
sa kaniyang pagkilos. Tama man o mali ang ginawang kilos, ito ay idinikta ng konsiyensiya.
Napag-aralan mong humuhusga ang konsiyensiya kung tama o mali ang iniisip at ginagawa.
Paano nagiging tama ang paghusga? Ito ay depende sa kakayahan ng iyong konsiyensiya kung ito
ay nahubog sa tama at mabuti upang gabayan kang magpasiya at kumilos nang tama. Ngunit kapag
ito ay nahubog sa masama, may malaki kang problema sa pagsunod sa tama. Kaya marami ang uri
ng konsiyensiya at maaaring tama o mali ang ididikta nito.
Subukan munang sagutin ang mga tanong na ito: Ano ang ibig sabihin ng dikta ng
konsiyensiya? Saan galing ang pagdikta? Ano ang batayan ng idinidikta?
BUKSAN ANG SARILI SA PAGKATUTO
Kahulugan, Kalikasan, Katangian, at Kahalagahan ng Konsiyensiya

Mga Pangunahing Konsepto ng Konsiyensiya


Naaalala mo pa ba ang sumusunod na mga pangunahing kaalaman na natalakay sa
mga aralin tungkol sa konsiyensiya sa ikalawang markahan ng ikapitong baitang?
1. Ang konsiyensiya ay bahagi ng ating espiritwal na kalikasan. Ito ang kakayahan ng isip sa paglapat
ng kaalaman sa paghusga ng tama at mali. Kaya, ang konsiyensiya ay ang paglalapat ng ating
kaalaman tungkol sa mabuti at masama sa ating ginagawa o maaaring gawin. Kaugnay nito,
kinakailangan ang sumusunod:
• Kailangang may pag-unawa kung ano ang mabuti at masamang gawa.
• Kailangang maunawaan kung ano ang Batas Moral o Batas Kalikasan.
• Kailangan ng tao na ilapat ang kaniyang kaalaman sa kaniyang gawain.
• Kailangang malaya ang tao sa kaniyang gawa ayon sa kaniyang nalalaman tungkol sa
kalikasan.
2. Ayon kay Sto. Tomas Aquinas, may tatlong paraan ang ating konsiyensiya kung paano ilalapat ang
kaalaman sa paghusga ng tama o mali.
• Ang konsiyensiya ay nagpapatunay kung mayroon kang ginawa o hindi ginawa.
• Ang konsiyensiya ay naghuhusga kung mayroon kang dapat o hindi dapat ginawa.
• Ang konsiyensiya ay naghuhusga kung mabuti o masama ang ginawa.
3. Dalawa ang uri ng konsiyensiya: tama at mali
• Tama ang konsiyensiya kapag ito ay naghuhusga ng pasiya o kilos batay sa tamang
panuntunan at naaayon sa Batas Moral.
• Mali ang konsiyensiya kapag ito ay nagpapasiya nang taliwas sa mga prinsipyo ng Batas
Moral.
Ang maling konsiyensiya ay maaaring nagkakaiba sa sumusunod na mga paraan:
a. tuliro o may duda
b. maluwag
c. manhid o mapag-walang bahala
d. ipokrito
Sa araling ito, mapalalalim mo ang iyong pag-unawa sa kahalagahan ng paghubog sa
konsiyensiya at sa mga prinsipyo nito upang magabayan ka nang lubos sa paggawa ng tama at
mabuti. Masasagot mo ang pangunahing tanong na:

Bakit mahalagang makapagnilay sa mga maling pasiyang ginawa at paano


nakagagawa ng mga hakbang upang gawin itong tama?

Mga Prinsipyong Gumagabay sa Paghubog ng Konsiyensiya


Ang konsiyensiya ay isang makapangyarihan at kamangha-manghang kakayahang
tinataglay lamang ng tao. Ang sumusunod ay mga prinsipyong gumagabay sa tao sa kaniyang
tamang paghusga at pagiging mapanagutan sa kaniyang mga kilos. Ang mga ito ay batay sa
kalikasang mag-isip at sa batas ng kalikasan.
1. Lahat ng tao ay may pananagutang hubugin ang kaniyang konsiyensiya.
Ang paghubog ng konsiyensiya ay nangangahulugan ng pagtuturo at pagsasanay nito.
Ginagawa ito sa pamamagitan ng pag-aaral at pagsasapuso ng mga turo ng Batas Moral." Ang
konsiyensiya ang kakayahan ng isip sa paglapat ng kaalaman sa paghusga ng tama at mali. Kaya
mahalaga na ang isip ay pinauunlad upang magkaroon ng batayang mabuti at tama ang paghusga
ng konsiyensiya. Kung kaya't kailangan din na paunlarin at hubugin ang konsiyensiya upang mahusay
ang paghusga sa isang kilos kung ito ay mabuti o masama.
Ang seryosong pag-aaral tungkol sa Batas Moral ang pinakamabuting paraan sa paghubog
ng konsiyensiya ng isang kabataan. Kaya ang asignaturang Edukasyon sa Pagpapakatao (ESP) ay
ginawang bahagi ng kurikulum dahil layunin ng edukasyon na bigyan ng moral na batayan ang pag-
unlad ng mga mag-aaral sa kanilang espiritwal na potensiyal. Sa asignaturang ito, binibigyan ang
mga mag-aaral ng mga pagkakataong umunawa kung bakit mahalaga ang Batas Moral sa
paggabay ng mabuting pag-unlad ng pagkatao. Kapag mayaman ang kaalaman tungkol sa Batas
Moral, may higit na kasanayan sa paghusga ng mabuti at pag-iwas sa masama.
Kaya, mabuting sikaping maging matiyaga sa pag-unawa sa mga konseptong may kinalaman
sa pagpapayaman ng kaalaman. Kailangang pag-aralang mabuti ang mga kaalaman tungkol sa
pagsasagawa ng mga kilos kaugnay sa moral na pamumuhay.
Ang pagsasabuhay ng mga mabubuting asal o gawain ay isa pang bahagi ng paghubog ng
konsiyensiya. Ang pagsasanay na ito ay hindi lamang nagtuturo sa paggawa ng mabuti bagkus
nagsasanay sa kilos-loob na magnasang gumawa ng mabuti. Mahalaga rin ang kakayahan sa
pagninilay para sa paghubog ng mabuting konsiyensiya. Ito ay isang kakayahang nagdudulot ng
masusi at payapang pag-iisip tungkol sa mga bagay-bagay at pangyayari. Mabuting pagnilayan
ang kahalagan at kabutihang ginawa sa bawat araw. Ito ba ay tama at mabuti? Ano ang moral na
batayan nito? Anong kabutihan ang naidulot nito sa aking pagkatao? Ano ang naidulot nito sa aking
kapwa?
Isa pang paraan ng paghubog ng konsiyensiya ay ang paghingi ng pananaw mula sa ibang
tao. Ito ay dapat ginagawa lalo na ng mga nakatatandang nakararanas ng pag-aalinlangan sa
isang hindi malinaw na pasiya o aksiyon dahil ito ay hindi matibay na naaayon sa Batas Moral. Ito
ay upang magkaroon ng ibang opinyon at mapalalim ang iyong pag unawa sa mga bagay-bagay.
Mabuting makinig sa mga sinasabi ng mga magulang, guro, at mga pari o pastor o nakatatandang
kapatid.

2. Bawat tao ay may pananagutang sumunod nang tapat sa husga ng kaniyang konsiyensiya.
Ang mga tao ay dapat sumunod sa anumang idikta ng kanilang konsiyensiya na tama at
mabuti. Ang anumang pasiyang nagawa ay ipinagpapalagay na napag-isipan nang mabuti at
naibatay sa katotohanan. Kaya pagkatapos itong pagnilayan, nakapagpapasiya ang tao nang
mabuti. Ang mabuting pasiya ay resulta ng pagninilay at ayon sa moral na batayan, ang Batas Moral.
Maaari ding magkamali ang pagpapasiya dahil sa ilang salik, tulad na lamang ng limitadong
kaalaman, impluwensiya ng ibang tao, at iba pa.
Sa katunayan, may mga taong nagsasabing, "Nagawa ko iyon dahil sinunod ko lamang ang
aking konsiyensiya. Ngunit ito ay maaaring nakalilito dahil ang konsiyensiya ng taong ito ay maaaring
naibatay sa maling kasanayan. Ang dapat tiyakin ay kung Batas Moral ba ang batayan ng
konsiyensiya. Ang isang konsiyensiyang nahubog nang mabuti ay hindi maaaring tumaliwas sa Batas
Moral na nalinang sa kaniya ayon sa aral at gabay ng kaniyang pamilya, paaralan, simbahan, at
pananampalataya. Kaya, kapag ang iyong konsiyensiya ay nahubog nang mabuti, at ikaw ay
maingat at malinaw na nag-iisip batay sa mga totoong prinsipyong moral, dapat mong sundin ang
paghuhusga ng iyong konsiyensiya tungkol sa moralidad ng isang kilos.
3. Hindi mismo ang konsiyensiya ang tumutukoy ng tama o masama kundi ang Diyos.
Ang Diyos na maylalang ang tumutukoy ng tama at mabuti. Ito ang Kaniyang mga utos na
nakasaad sa Likas na Batas Moral na nasa Banal na Kasulatan. Ang mga batas na ito ay batayan ng
paghusga ng konsiyensiya. Ang tao ang siyang umuunawa ng mga ito sa pamamagitan ng kaniyang
isip namarubdob na nag-aaral sa mga nakasaad tungkol sa mabuti at masama. Ito ang mga batayan
ng tao sa kaniyang pagpapasiya. Samakatwid, ang konsiyensiya ay naghuhusga kung ang mga
pasiya at kilos ay mabuti o masama ayon sa mga pamantayan ng Batas Moral.
Kaya, binibigyang-diin ang kahalagahan ng pag-iwas sa maling paghuhusga. Ang maling
paghuhusga ay nangyayari sa kadahilanang hindi matibay ang pagkahubog ng Batas Moral ng isang
tao. Nangyayari ito sa sumusunod na mga dahilan:
• kawalan ng maingat at malinaw na paghubog sa isip ng mga prinsipyong moral
• hindi lubos na pag-unawa sa dikta ng konsiyensiya
• ang masamang dulot ng paulit-ulit na pagkakasala o masamang gawi at ugali
• pagsunod sa masamang halimbawa mula sa iba
• hindi pagsunod sa mga turo ng simbahan, pananampalataya, o relihiyon
• pagka-ignorante sa mga turo ng Banal na Kasulatan
• pag-iwas sa kawanggawa

4. Ang mabuting layunin ay hindi kailanman maituturing na mabuti kung ginawa gamit ang
masamang paraan.
Maraming mabubuting layunin ang tao. Ngunit dapat ang mga paraan sa pagkamit ng mga
layuning ito ay mabuti rin. Anumang layunin, kapag ginawa ito sa masamang paraan ay hindi
nagiging mabuti. Halimbawa, ang pagtulong sa kapwa gaya ng pagbibigay ng donasyon ay mabuti.
Ngunit, kapag ang donasyong ito ay galing sa masamang paraan, hindi nagiging mabuti ang
ginawang pagtulong sa kapwa.
Ang konsiyensiya ay likas na kakayahan ng isip na maghusga at gawin ang tatlong bagay:
• Ito ay palaging nagpapaalala sa atin na gumawa ng mabuti at iwasan ang masama. Lahat
ng paraang masama kahit mabuti ang layunin ay dapat iwasan.
• Ito ay gumagawa ng paghusga kung alin ang mabuti at masama sa mga pagpipilian sa isang
tiyak na sitwasyon. Hinuhusgahang mali ang buong gawa kahit mabuti ang layunin ngunit
masama ang paraan.
• Ito ay nagsisilbing saksi sa anumang ginawang mabuti o ginawang masama. Ang konsiyensiya
ay hindi kailanman maitatatwa ang maling paraan sa pagkamit ng isang mabuting layunin.
Kaya hindi nito maaaring husgahan na mabuti ang gawaing nagmula sa masamang paraan.

Paglalagom ng mga Natutuhan


• Ang konsiyensiyang nahubog batay sa Likas na Batas Moral ay nagsisilbing gabay sa tamang
pagpapasiya at pagkilos.
• Mahalaga na napagninilayan ang mga maling pasiyang ginawa at nakagagawa ng mga
hakbang upang itama ang mga ito.
• Ang sumusunod ay mga prinsipyong gumagabay sa tao sa kaniyang tamang paghusga at
pagiging mapanagutan sa kaniyang mga kilos:
-Lahat ng tao ay may pananagutang hubugin ang kaniyang konsiyensiya.
-Bawat tao ay may pananagutang sumunod nang tapat sa husga ng kaniyang konsiyensiya.
-Hindi mismo ang konsiyensiya ang tumutukoy ng tama o masama kundi ang Diyos.
-Ang mabuting layunin ay hindi kailanman maituturing na mabuti kung ginawa gamit ang
masamang paraan.
Para sa Aktibidad sumangguni sa Genyo.

You might also like