Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 13

9

FILIPINO
KUWARTER 2 – MODYUL 3
 Naipaliliwanag ang pananaw ng may-akda tungkol sa paksa batay sa
napakinggan.
 Naipaliliwanag ang mga kaisipan, layunin, paksa, at paraan ng pagkakabuo ng
sanaysay.
 Naipaliliwanag ang mga salitang di lantad ang kahulugan batay sa konteksto
ng pangungusap.
 Nabibigyang-puna ang paraaan ng pagsasalita ng taong naninindigan sa
kanyang mga saloobin o opinyon sa isang talumpati.
K to 12 BEC CG (Competency Code F9PN-IId-47, F9PB-IId-47, F9PT-IId-47 F9PD-IId-47
Pangalan ng Mag-aaral _______________________________________________________

Baitang at Seksiyon_______________________________Petsa ________________________

Guro_____________________________________________________________________

Panitikan: Ang Kababaihan ng Taiwan, Ngayon, at


Noong Nakaraang 50 Taon

Alam mo ba na…
Ang sanaysay ay isang matalinong pagkukuro ng sumulat tungkol sa isang paksa. Ito ay
isang genre o sangay ng panitikan na nasusulat sa anyong tuluyan na maaaring tumalakay sa
anumang isyu sa kapaligiran maging tao, hayop, pook, pangyayari, bagay, at guni-guni.

IBA’T IBANG PARAAN NG PAGBUO NG SANAYSAY


1. PAGLALAHAD - ito ay naglalayong magpaliwanag, magbigay kaalaman o tumugon sa
pangangailangang pangkarunungan na may layuning pumukaw ng isipan. Ito ay
gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan upang ang pagpapahayag ay lalong maging
mabisa.
Halimbawa:
Ang ating mundo ay nangangailangan ng balanse upang mapanatili nito ang kaayusan
ng “ecosystem”. Ang “ecosystem” na ito ang nagdidikta sa kaayusan o “pagiging balanse” ng
ating kapaligiran at nagiging dahilan ng balanseng pamumuhay ng lahat ng nilalang na nakatira
dito sa ating planeta. Hindi lamang ang mga tao ang kasama sa usaping ito. Mahalaga ring
malaman na ang mga hayop at halaman na kasama nating namumuhay dito ay nangangailangan
din ng mabuting pamumuhay. Kung hindi mapananatili ang balanseng sistema nito, maaaring
magdulot ito ng mga problema hindi lamang sa ating panahon kundi pati na rin sa mga panahong
darating. Ayaw nating lahat na mangyari ito at magdusa ang lahat . Gusto nating magkaroon ng
magandang sistema ang ating mundo upang tayong lahat na nabubuhay dito ay magkaroon ng
maligaya at malinis na pamumuhay.

Sa mga basurang itinatapon ng walang kontrol sa araw-araw, dahan-dahan nating sinisira


ang ating kapaligiran lalo na ang mundong ating ginagalawan. Ngunit may panahon pa para
magbago ang ating nakasanayan. Maaari pa nating gawan ng solusyon ang lumalalang problema
sa basura lalo na sa ating lugar na kinabibilangan. Sa mga produkto na ating binibili sa araw-araw,
maaari nating simulan ang resiklo upang mapababa ang basura na likha ng mga ito. Ang mga
produktong gawa sa papel halimbawa ay maaari pang iresiklo upang mabawasan kahit kaunti ang
basurang maaari nitong malikha sa ating mundo. Kung hindi tayo kikilos sa ngayon, baka mahuli
ang lahat. Ngayon na ang panahon upang maisaayos ang problema natin sa basura at maging
maayos ang ating pamumuhay pati na rin ang pamumuhay ng mga darating na henerasyon.

1
2. PAGSASALAYSAY – nag-uugnay ng mga pangyayari at may layuning magkuwento at
sumasagot sa mga katanungang Ano, Sino, Kailan, at Paano. Isa sa mahalagang paksa sa
pagsasalaysay ng isang baguhang manunulat ay ang tungkol sa kanyang karanasan.
Pinakapayak na pagsasalaysay ang isang pangyayari sa kanyang buhay. Maaari ring
tumukoy sa ilang pangyayaring magkakaugnay. Bukod sa mga karanasan ng isang tao,
maaaring mapagkunan ding paksa ang mga nakita, nabasa, narinig at sariling naisip.
Halimbawa:
Putungan…Tradisyon o Kaugaliang di Maglalaho
Felisa P. Mercene
Sa maliit na lalawigan ng Marinduque, ang bayang aking sinilangan, nilakhan at minahal,
isang tradisyon o kaugaliang hindi ko malilimutan: Ang Putungan. Isinasagawa ang Putungan
bilang parangal sa mga mahal na panauhin, pagpapasalamat sa mga karangalang tinanggap,
paggaling sa matinding karamdaman, mga kaarawan at sa lahat ng iba pang mararangal na
okasyon.
Kaugnay ng tradisyong ito, hindi ko malilimutan ng binigyan ng parangal ang mahal
naming ina. Nagwagi siya sa pagkapangulo sa bayan ng Santa Cruz. Pinutungan, koronang
bulaklak ang inilagay sa ulo at dalawang lalaking nakabihis anghel sa magkabilang tabi ng
pinutungan na may dalang kandilang nagniningning ang lingas, hudyat na magandang
kinabukasan ng bayan.
Awit at sayaw habang nagpuputong, sabay sa pagsabog ng iba’t ibang kulay at
mahalimuyak na bulaklak, liryo, sampaguita at rosas. Masayang-masaya ang nagsisipag-alay at
ganoon din ang mga panauhin. Pagkatapos magkorona, isang dahon ng palma ang inihahandog
sa pinutungan.
3. PAGLALARAWAN – ang layon ay ipamalas sa nakikinig o nagbabasa ang hugis anyo ng
kabuuan ng isang tao, bagay, o pangyayari sa pamamagitan ng tama at angkop na mga salita.
Nararapat na ang naglalarawan ay may sapat na kaalaman sa bagay na kanyang inilalarawan.
Sa paglalarawan, malimit gumamit ng pagtutulad at halimbawa sa isang bagay na kilalang-kilala
na ng naglalarawan.
Halimbawa:
MGA ALAALA
Hango sa “Noli Me Tangere” ni Dr. Jose Rizal
Ang kalesang sinasakyan ni Ibarra ay masayang bumabagtas sa isang masayang pook sa
Maynila. Ang kagandahan ng sinag ng araw ay nakakapagpapawi sa kanyang kahapisang
nadarama. Sa pagmamasid niya sa kapaligiran, biglang bumangon sa kanyang nahihimlay na
diwa ang isang alaala. Kabilang dito ang mga kalesa at karumatang hindi tumitigil sa
pagbibiyahe, mga taong may ibat ibang uri ng kasuotan na katulad ng mga Europeo, Intsik,
Pilipino, mga babaing naglalako ng mga bungang-kahoy, mga lalaking hubad na nagpapasan,
mga ponda at restauran at pati ang mga karitong hila ng mga makupad na kalabaw. Pati ang
bilanggong patay sa ilalim ng kariton at malapit sa dalawang bilanggo rin ay kanyang naalala.
Sa patuloy na pagsusuyod ng kanyang tingin, napansin niya na walang ipinagbago ang
punong Talisay sa San Gabriel. Ang Escolta naman sa tingin din niya ay lalong pumangit. Nakita
din niya ang mga magagandang karwahe na ang mga sakay ay mga kawaning inaantok pa sa
kanilang mga pagpasok sa mga tanggapan at pagawaan, mga tsino at paring walang kibo. Sa mga
paring nakasakay sa mga karwahe, namataan niya si Pari Damaso na nakakunot-noo. Si Kapitan
Tinong noon na kasama ang asawa at dalawang anak na babae at nakasakay sa ibang karwahe ay
binati si Ibarra.

2
Napadaan din siya sa Arroceros sa bahaging kinalalagyan ng pagawaan ng tabako.
Naalala niya na minsan na siyang nahilo dahil sa masamang amoy ng tabako. Nang madaan siya
sa Hardin Butaniko saglit na napawi ang kanyang mga magagandang gunita. Pumasok sa kanyang
isip na ang hardin sa Europa ay nakakaakit at nakapag-aanyaya sa mga ito upang iyon ay malasin.
Itinuon niya ang tingin sa malayo at makita niya ang matandang Maynila na naliligid ng
makakapal at nilumot ng mga pader.
- https://tl.wikibooks.org/wiki/Noli_Me_Tangere/Kabanata_08_:_Mga
_Alaala
4. PANGANGATUWIRAN – nagbibigay ng mga sapat na katibayan o patunay upang
ang isang proposisyon ay maging kapanipaniwala sa iba.
Upang maibigay ang sapat na katuwiran maaaring pagsama-samahing gamitin
ang iba’t ibang paraan ng paglalahad gaya nga ng paglalarawan, pagsasalaysay at iba pa
upang maging mabisa at madali ang panghihikayat ng tinatalakay na paksa.
Halimbawa:
POPULASYON: WALA SA DAMI, NASA URI NG PAMUMUHAY
ni Josefa Cancio
Ang pagkain ng tatlo o apat na tao ay magkakasya rin sa lima o anim na tao. Iyan ang
paniniwala ng ilan sa ating Pilipino.
Oo, . . . nagkakasya nga, ngunit hindi sapat sa dapat nagkakaroon. Natural lamang na ang
ganitong pamilya ay maging masakitin dahil kulang sa sustansiya ang kanilang katawan.
Maraming kabataan ang mangmang, hindi mapag-aaral ng mga magulang dahil sa
pagdarahop. Saying ang mga batang may angking talino na masasadlak sa kadiliman dahil sa
dami ng kanilang pamilya.
Paano pa sila makapag-aaral, kung kulang pa sa kakainin ang kinikita ng magulang. Sa
gayong kalagayan, nananatili sila sa kahirapan. Maging ang kanilang anak at magiging anak ng
kanilang mga anak ay kapalaran nang manatili sa gayong buhay.
Ang pinapangarap ng bawat tao ay magkaroon ng mabuting buhay ang kayang anak at
ang kanyang kapuwa, ngunit ito’y hindi makakamit sa pagpaparami.
Habang dumarami ang pakainin ay lalong lumalabo ang ating magandang pangarap. Ang
Family Planning ay kailangan sa ikauunlad ng kabuhayan.

Ngayon ay maglakbay tayo sa isa pang bansa sa Silangang Asya, ang Taiwan. Karamihan
ng Taiwanese ay may mga tradisyunal na pagpapahalaga batay sa Cunfucian Ethics. Ang
paniniwala sa relihiyon ng mga Taiwanese ay ang pinaghalong Buddhismo, Taoismo, Chinese
folk religion at maging ang pagsamba sa mga ninuno. Karamihan sa mga taong naninirahan sa
bansa ay nagsasalita ng Mandarin Chinese at Taiwanese. Bagamat isang industriyalisadong bansa
ang Taiwan, hindi pa rin nakatatanggap ng pantay na karapatan ang kababaihan sa larangan ng
trabaho.
Ang araling ito ay naglalaman ng isang sanaysay na tumutukoy sa kalagayan ng mga
kababaihan sa Taiwan. Nagbago na kaya ang kalagayan ng kababaihang Taiwanese sa kanilang
lipunan? Palalawakin din natin ang iyong kaalaman tungkol sa angkop na mga pahayag sa
pagbibigay ng opinyon, matibay na paninidigan at mungkahi. May mga gawain ding inihanda na
tiyak na makatutulong sa iyong pag-unlad.
3
Paunawa: Ipabasa ang sanaysay sa isa sa mga kasama sa bahay. Makinig nang mabuti at
pagkatapos ay gawin ang unang gawain upang mataya ang husay sa pakikinig.

Ang Kababaihan ng Taiwan, Ngayon at Noong Nakaraang 50 Taon


Isinalin sa Filipino ni Sheila C. Molina
Ang bilang ng populasyon ng kababaihan sa mundo ay 51% o 2% na mataas kaysa
kalalakihan. Maaaring isipin ng ilan na ang kababaihan ay nakakukuha ng parehong pagkakataon
at karapatan gaya ng kalalakihan. Ilang kababaihan lamang sa buong mundo ang nakakakuha ng
pantay na karapatan at paggalang tulad sa kalalakihan. Ang tungkulin at kalagayan ng kababaihan
ay unti- unting nagbabago sa nakalipas na 50 taon. Ito ay makikita sa dalawang kalagayan : una
ang pagpapalit ng gampanin ng kababaihan at ang ikalawa ay ang pag-unlad ng kanilang
karapatan at kalagayan. Nakikita ito sa Taiwan.
Ang unang kalagayan noong nakalipas na 50 taon, ang babae sa Taiwan ay katulad sa
kasambahay o housekeeper. Ang tanging tungkulin nila ay tapusin ang hindi mahahalagang
gawaing-bahay na hindi natapos ng kanilang asawa. Ang mga babae ay walang karapatang
magdesisyon dahil sa kanilang mababang kalagayan sa tahanan.
Ngayon, nabago na ang tungkulin ng mga babae at ito ay lalong naging komplikado. Sa
bahay ng mga Taiwanese, sila pa rin ang may pananagutan sa mga gawaing-bahay. Ngunit sa
larangan ng trabaho, inaasahang magagawa nila kung ano ang nagagawa ng kalalakihan. Sa
madaling salita, dalawang mabibigat na tungkulin ang nakaatang sa kanilang balikat.
Ang ikalawang kalagayan ay pinatutunayan ng pagtaas ng kanilang sahod, pagkakataong
makapag-aral, at mga batas na nangangalaga sa kanila. Karamihan sa mga kompanya ay
nagbibigay ng halaga sa kakayahan ng babae at ang mga kinauukulan ay handang kumuha ng
mga babaeng may kakayahan at masuwelduhan ng mataas. Tumataas ang pagkakataon na
umangat ang babae sa isang kumpanya at nakikita na ring may mga babaing namamahala. Isa
pa, tumaas ang pagkakataon para sa mga babae pagdating sa edukasyon. Ayon sa isang
estadistika mula sa gobyerno, higit na mataas ang bilang ng mga babaing nag-aaral sa kolehiyo
kung ihahambing sa kalalakihan makalipas ang 50 taon.
At ang huling kalagayan ay ang pagbabago ng mga batas para sa pangangalaga sa
kababaihan ay nakikita na rin. Halimbawa, sa Accton Inc., isa sa nangungunang networking
hardware manufacturer sa Taiwan, ginawa nang isang taon ang maternity leave sa halip na 3
buwan lamang. Ang gobyerno ng Taiwan ay gumagawa na ng batas sa pagkakaroon ng pantay
na karapatan upang higit nilang mapangalagaan ang kababaihan.
Bilang pagwawakas, naiiba na ang gampanin ng mga babae at higit itong mapanghamon
kung ihahambing noon. Ang kanilang karapatan at kahalagahan ay binibigyan na ng
pansin. Ngunit hindi ito nangangahulugan na ang mga babae ay tumatanggap na ng pantay na
posisyon at pangangalaga sa lipunan. Mayroon pa ring mga kompanya na hindi makatarungan
ang pagtrato sa mga babaing lider nito. Marami pa ring kalalakihan ang nagbibigay ng mabigat
na tungkulin sa kanilang asawa sa tahanan. Ito ay matuwid pa rin sa kanila. Marami pa ring
dapat magbago sa kalagayan ng kababaihan sa Taiwan at malaki ang aking pag-asa na makita
ang ganap at pantay na karapatan nila sa lipunan.

4
Gawain I. SUKATIN MO, PANG-UNAWA MO
Panuto: Pagkatapos mapakinggan ang sanaysay ay sagutin ang sumusunod na mga
tanong.
1. Ano ang pananaw ng may-akda tungkol sa paksang napakinggan?
2. Ano ang pananaw ng may-akda sa paglalahad ng kalagayan ng mga kababaihan sa Taiwan
makalipas ang 50 taon?
3. Ilarawan ang mga babaing Taiwan Ngayon at Noong Nakaraang 50 taon.
4. Magbigay ng mga patunay na nagbago na ang kalagayan ng kababaihan sa Taiwan ngayon
at noong nakaraang 50 taon.
5. Sa iyong palagay, ano ang pananaw ng may-akda sa pagsasabing mas naging komplikado
ang tungkulin ng mga kababaihan ngayon?

Gawain II: PAGLINANG NG TALASALITAAN


Panuto: Ibigay ang kahulugan ng mga salitang may salungguhit batay sa pagkakagamit nito sa

sanaysay. Isulat sa papel ang sagot.

1. Maaaring isipin ng ilan na ang kababaihan ay nakakukuha ng parehong pagkakataon at


karapatan gaya ng kalalakihan.
2. Ilang kababaihan lamang sa buong mundo ang nakakukuha ng pantay na karapatan at
paggalang tulad sa kalalakihan.
3. Ngayon, nabago na ang tungkulin ng mga babae at ito ay lalong naging komplikado.
4. Sila’y karamay sa suliranin at kaagapay sa mga pangyayaring nagdudulot ng pait sa bawat
miyembro ng pamilya.
5. Gumagawa na ng batas sa pagkakaroon ng pantay na karapatan.
6. Sila pa rin ang may pananagutan sa mga gawaing-bahay.
7. Mga kompanyang hindi makatarungan ang trato sa mga babaeng lider nito.
8. Higit na mapanghamon kung ihahambing noon.
9. Ito ay matuwid pa rin sa kanila.
10. Marami pa ring dapat magbago sa kalagayan ng kababaihan sa Taiwan.

Gawain III: BASAHIN AT IPALIWANAG


Panuto: Basahing muli ang sanaysay na “Ang kababaihan ng Taiwan Ngayon at Noong
Nakaraang 50 taon” at ipaliwanag ang kaisipan, layunin, paksa at paraan ng
pagkakabuo. Isulat ang sagot sa sagutang papel. (2 puntos bawat bilang).
5
1. Ano ang paksa ng sanaysay na binasa? Ipaliwanag.
2. Ano ang layunin ng sumulat nito?
3. Ipaliwanag ang sumusunod na mga kaisipan. Sumasang-ayon ka ba o hindi?
“Ang mga babae ay walang karapatang magdesisyon dahil sa mababang kalagayan sa
lipunan.”
“Ang karapatan at kalagayan ng kababaihan ay umuunlad kung ihahambing sa 50 taon
ang nakalipas”
“Karamihan sa mga kompanya ay nagbibigay-halaga sa kakayahan kaysa kasarian.”
4. Ano ang paraang ginamit ng may-akda sa pagbuo ng sanaysay? Paglalahad,
Pagsasalaysay, Pangangatuwiran o Paglalarawan. Patunayan

Gawain IV: NAPANOOD KO IPAHAYAG KO


Panuto: Bigyang pansin ang paraan ng pagsasalita ng ating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga

napanood na SONA. Pagkatapos ay ibigay ang iyong puna tungkol sa paraan ng


kanyang pagbibigay ng mga saloobin o opinyon. Kung pwedeng makapanood sa

youtube panooring muli ang SONA ng pangulo sa link na ito.


https://www.youtube.com/watch?v=UiOAY31jAaM
1. Ano ang iyong napuna sa paraan ng pagsasalita ng Pangulo sa kanyang SONA?
Ipaliwanag ang sagot.
2. Habang ikaw ay nanonood, ano ang paraan ng Pangulo sa pagpapahayag ng kanyang
saloobin o opinyon?
3. Ano-ano ang mga binigyang diin ng pangulo sa kanyang SONA?

Pamantayan sa Pagmamarka:
5 – Nakapagbigay ng maayos na puna sa paraan ng pagsasalita at pagpapahayag ng saloobin

3 – Di-gaanong nakapagbigay ng puna sa paraan ng pagsasalita at pagpapahayag ng saloobin

2 – Kulang ang naibigay na puna sa paraan ng pagsasalita at pagpapahayag ng saloobin

Kahanga-hanga ang iyong ipinamalas na galing sa pagsagot sa mga Gawain! Natitiyak


kong handa ka na para sa Pagtataya.

6
PAGTATAYA
A. 1. Panuto: Sagutin ang hinihingi ng bawat tanong. Isulat sa papel ang sagot.

_____1. Ang sanaysay na “Kababaihan ng Taiwan, Noon, Ngayon at sa Nakaraang 50 taon” ay


tumatalakay sa ________.
a. Mahalagang isyung pangkapaligiran dahil sa nabanggit ang lugar na
pinangyarihan.
b. Kapangyarihan ng mga babae na mas nakatataas sa lipunan.
c. Pagbabago sa gampanin ng babae sa lipunan dahil sa pagkamulat sa karapatan ng
mga kababaihan.
d. Wala sa mga nabanggit.
_____2. Ang layunin ng sumulat ng teksto ay upang ____________.
a. ipagtanggol ang kababaihan
b. hikayatin ang mambabasa
c. palakasin ang loob ng kababaihan
d. pahalagahan ang kababaihan
_____3. Ang paraang ginamit ng may-akda sa pagbuo ng sanaysay ay __________.
a. Paglalahad ng mga impormasyon kasabay ang mga ebidensiyang magpapatunay
sa mga ito.
b. Pagkukwento tungkol sa mga karanasan ng mga kababaihan sa Taiwan.
c. Pagtatanggol sa mga karapatan ng mga kababaihan sa Taiwan.
d. Wala sa mga nabanggit
_____4. Ano ang ipinahihiwatig ng kaisipang , “Ang babae ay kaagapay sa pamumuhay.”
a. Ang babae ay may mahalagang papel na ginagampanan sa lipunan.
b. Ang babae ang pinagmumulan ng karahasan.
c. Ang babae ay katuwang sa mga suliranin.
d. Wala sa mga nabanggit.
_____5. Ang pangunahing kaisipan sa sanaysay na “Kababaihan ng Taiwan, Noon, Ngayon at
sa Nakaraang 50 taon” ay __________.
a. Karapatan ng mga kababaihan na dapat lamang ay kanilang tinatamasa.
b. Pagbabago o pagbibigay-diin sa karapatan ng mga kababaihan upang mabago
ang kanilang kalagayan sa lipunan.
c. Pagtamasa ng pantay na karapatan ng babae at lalaki sa Taiwan na siyang
kailangan upang magkaroon ng kaayusan ang lipunan.
d. Wala sa mga nabanggit.
7
A. 2. Panuto: Ibigay ang kahulugan ng mga salitang may salungguhit batay sa pagkakagamit
nito sa sanaysay. Isulat sa papel ang sagot.
1. hiningi ang karapatang maisatinig ang matagal nang nahimbing na pagnanasang maging
katuwang hindi lamang sa tahanan
2. kundi sa paghubog ng lipunan
3. para sa isang maunlad, matahimik at kaaya-ayang kinabukasan
4. ang babae ay katuwang sa pamumuhay
5. patuloy ang mga samahang ito sa pakikibaka upang sugpuin ang patuloy na
diskriminasyon

B. Panuto: Basahin ang teksto sa ibaba at sagutin ang sumusunod na mga tanong.

Sa ngayon ang mga kababaihan ay unti-unti na ring napahahalagahan. Hindi man ito
maituturing na ganap dahil sa patuloy na mga karahasang pantahanan na pawang mga
kababaihan ang nagiging biktima. Ang “sexual harassment” na madalas ay daing ng mga
kababaihan ay nagdaragdag sa mga suliraning pambansa.
Ang babae ay katuwang sa pamumuhay. Hindi sila katulong na tagasunod sa lahat ng
mga ipinag-uutos ng ilang nag-aastang “Panginoon”. Sila’y karamay sa suliranin at kaagapay
sa mga pangyayaring nagdudulot ng pait sa bawat miyembro ng pamilya.
Tunay na ang mga kababaihan ay hindi lamang kasama kundi kabahagi sa
pagpapaunlad ng bayan sa lahat ng panahon.

1. Ano ang pananaw ng may-akda sa paksa ng binasang teksto?


a. ipagtanggol ang kababaihan
b. hikayatin ang mambabasa
c. palakasin ang loob ng kababaihan
d. pahalagahan ang kababaihan
2-3. Ipaliwanag ang sagot sa unang tanong.
4. Ang paraang ginamit ng may-akda sa pagbuo ng sanaysay ay __________.
a. Paglalahad ng mga impormasyon kasabay ang mga ebidensiyang magpapatunay
sa mga ito.
b. Pagkukuwento tungkol sa mga karanasan ng mga kababaihan sa Taiwan.
c. Pagtatanggol sa mga karapatan ng mga kababaihan sa Taiwan.
d. Wala sa mga nabanggit

8
5. Ang mga kababaihan ay hindi lamang kasama kundi kabahagi sa pagpapaunlad ng
bayan. Ano
ang nais ipahiwatig nito?
a. Ang kababaihan ay may mahalagang papel na ginagampanan sa lipunan.
b. Ang kababaihan ang pinagmumulan ng karahasan.
c. Ang mga kababaihan ay mayroon ding kakayahan na manguna sa pagsulong para
sa ikabubuti ng lipunan.
d. Wala sa mga nabanggit.

C. Panuto: Tukuyin ang paraan ng pagkakabuo ng mga sumusunod kung ito ay


Paglalahad, Pagsasalaysay, Pangangatuwiran o Paglalarawan.(2 puntos bawat bilang)
1. Nakapanlulumo ang dagundong ng nag-aalimpuyong tubig sa mga panahong
gayon, mula sa kahinhinan ng katag-arawan ay nagiging mistulang dambuhalang
padabog na lumulundag mula sa itaas ng lagaslas at walag hunus-diling
kumakaladkad sa lahat ng bagay na maraanan nito sa ibaba, bagay na nakapagdudulot
ng pangambang gumagahis sa katiningan ng loob ng sinumang may balak tumawid.
Mula sa “Dahuyo ng Kalikasan” ni Cesar Francisco
Sagot: _______________________

2. Ang relihiyon ay isang pamamaraan sa buhay at ang mga bata ay natututo ng mga
pamamaraang iyan sa pamamagitan ng panggagaya. Malaki ang kinalaman ng
magulang sa paghubog ng kanilang mga anak dahil sa ang kanilang ipinakikita ay
mabilis natututuhan ng mga anak kaysa mga bagay na sinasabi lamang ngunit hindi
ginagawa.
Sagot: __________________________

3. Marami sa mga tao ngayon ay kinalilimutan na ang pag-aaral ng Filipino. Hindi


ko naman nilalahat pero sa nakikita ko hindi nila ito binibigyan ng halaga. Bago muna
ang lahat, kilalanin muna natin kung sino ang sumulat ng Florante at Laura at bakit
natin dapat aralin ito. Kung tatanungin ako kung samumasang-ayon ako na dapat
panatalihin ang Florante at Laura sa ikalawang taon ang sasabihin ko ay talagang
dapat pananatalihin ito. Sa aking palagay dapat panatalihing bahagi ng kurikulum ang
Florante at Laura dahil una sa lahat, makikita natin sa libro na ito ang Muslim at

9
Kristiyano ay hindi nag-aaway, at pag-binasa natin ang libro na ito, lalawak ang ating
pananaw sa Filipino.
https://slim14xs.wordpress.com/2012/02/09/pt-1-sanaysay-na-nangangatwiran/
Sagot: __________________________
4. Pinalaki tayo sa kasinungalingan. Bata pa lang tayo, sinamay na tayo sa mga
nilalang na hindi naman natin nakikita – kapre, tikbalang, manananggal, tiyanak,
multo, at mangkukulam. Mga lamang-lupa raw ang tawag dito. Nagtataka ako kung
bakit hindi isinama ang kamote, sibuyas, at luya. Mga lamang-lupa rin naman iyon.
Sagot: __________________________
5. Ang mga daan ay walang latag na bato kaya’t pagkakasunod-sunod ang mainit
na araw, ang alikabok ay nakakahilam. Kung maghapon naming umuulan, ang daan
ay nagiging lubak na mistula. Nang sandaling yaon ay nararaanan niya ang ilang
bilanggong nakatanikala at nagpipison ng mga bato. Ang mga taong yaon na
nakadamit ng bughaw ay may bilang sa likod, sa kanilang mukhang di marunong
ngumiti ay namamalas ang poot kung dumarapo ang baston ng tanod.
-MGA ALAALA “Noli Me Tangere”
Sagot: __________________________

10
SUSI SA PAGWAWASTO

Gawain I: SUKATIN MO, PANG-UNAWA MO


1. Ang pananaw ng may-akda tungkol sa paksa ng napakinggan ay pahalagahan ang
karapatan at kalagayan ng mga kababaihan.
2. Ang pananaw ng may-akda sa paglalahad ng kalagayan ng mga kababaihan sa Taiwan
makalipas ang 50 taon ay ipabatid sa kanyang mambabasa ang kanilang naging kalagayan
upang ang henerasyon ngayon ay mapahalagahan ang mga kababaihan.
3. Ang mga kababaihang Taiwan noong nakaraang 50 taon ay hindi nabigyan ng pantay na
karapatan at paggalang tulad sa kalalakihan at wala silang karapatang magdesisyon dahil
sa mababang kalagayan sa tahanan. Ngayon naman ay unti-unti na ring napahahalagahan
ang kanilang karapatan. Nabigyan na sila ng kalayaang makapag-aral at makapagtrabaho
kasabay ng mga kalalakihan.
4. Maliwanag na naipahayag ang kalagayan ng mga kababaihang Taiwanese noong nakaraang
50 taon sa sanaysay ngunit sa pagdaan ng panahon unti-unting nabago ang kanilang
kalagayan na lalong naging komplikado, sa tahanan sila pa rin ang may pananagutan sa
mga gawaing bahay. Ngunit sa larangan ng trabaho, inaasahang magagawa nila kung ano
ang magagawa ng kalalakihan. Tumaas na rin ang kanilang sahod, nagkaroon ng
pagkakataong makapag-aral at nabigyan na rin sila ng halaga. Sa madaling sabi, naiiba na
ang gampanin ng mga kababaihang Taiwanese ngayon at naging higit itong
mapanghamon kung ihahambing noon.
5. -
Gawain II: PAGLINANG NG TALASALITAAN
1. oportunidad
2. tumutukoy sa kapangyarihan o kalayaan ng isang tao
3. mahirap, masalimuot, hindi madaling ipaliwanag
4. kasama o katulong sa paggawa ng isang bagay
5. patas
6. responsibilidad, tungkulin o obligasyon.
7. di-pantay
8. nanunubok
9. marangal
10. katayuan
Gawain III: BASAHIN AT IPALIWANAG
1. Pagbabago sa gampanin ng babae sa lipunan dahil sa pagkamulat sa karapatan ng mga
kababaihan.
2. Hikayatin ang mga mambabasa na pahalagahan ang karapatan ng mga kababaihan.
3. Ang bahaging ito ay nakabatay sa sariling pagpapasya ng guro sa pagbibigay ng marka
4. Paglalahad ng mga impormasyon kasabay ang mga ebidensiyang magpapatunay sa mga
ito.
Gawain IV: NAPANOOD KO, IPAHAYAG KO!
Mamarkahan ng guro batay sa nailahad na pamantayan.
SANGGUNIAN:
Peralta, Romulo N. et.al, 2014, Panitikang Asyano 9 Modyul ng Mag-aaral sa Filipino, 5th
Floor Mabini Building, DepEd Complex Meralco Avenue, Pasig City, 1600: Vibal Group, Inc.
Cabaysa, William Gonzales et.al, 2009, Sining ng Pakikipagtalastasan Pangkolehiyo
Binagong Edisyon, Quad Alpha Centrum Bldg. 125 Pioneer Street Mandaluyong City 1550:
Echanics Press
11
SUSI SA PAGWAWASTO PARA LAMANG SA GURO
PAGTATAYA
A. 1.
1. C
2. D
3. A
4. A
5. B

A. 2.
6. maipahayag
7. pagpapaunlad
8. maasenso
9. kaagapay
10. pakikipagsapalaran

B.
1. D
2. Ang bahaging ito ay nakabatay sa sariling pagpapasya ng guro sa pagbibigay ng
marka
3. Ang bahaging ito ay nakabatay sa sariling pagpapasya ng guro sa pagbibigay ng
marka
4. A
5. C
C.
1. Paglalarawan
2. Paglalahad
3. Pangangatuwiran
4. Pagsasalaysay
5. Paglalarawan

12

You might also like